Prologue
Nine years ago…
“MAUUNA na ako, kuya!” paalam ni Lynn sa kapatid na si Mikael. Nasa balkonahe ito ng bahay nila kasama ang mga kabarkada. Nagkukwentuhan ang mga ito samantalang siya naman ay papunta sa eskwelahan.
“Sabado ngayon ah? Ba’t ka pupunta ng school?” usisa ng kapatid.
Tumikhim muna siya upang masiguradong hindi siya pipiyok. Her brother knows her too well at kapag nahimigan nitong hindi siya nagsasabi ng totoo ay siguradong hindi siya papayagang umalis ng bahay. “K-kasi Kuya, intramurals namin ngayon kaya pupunta po ako,” rason niya na siyang totoo naman. Pero alam niyang hindi lang talaga iyon ang pakay niya sa eskwelahan. Hindi siya basta mae-excite sa ordinaryong intramurals lang.
Naningkit ang mata ni Mikael. “Siguraduhin mong intramurals ninyo talaga ha? ‘Di porke’t graduate na kami sa Maryknoll ay ‘di ka na namin babantayan.”
“Ang OA mo kuya. Ang bait ko kaya! Sige na, baka ma-late ako,” sagot niya sabay tago sa kanyang likuran ang hawak na folder.
Mabuti nalang at hindi na nag-usisa pa ang kapatid. Tumango na ito hudyat ng pagpayag nito na umalis na siya.
Pero bago mabuksan ang tarangkahan ay tinawag siya ng isa sa mga kaibigan ng kapatid na nasa balkonahe rin.
“Lynn!”
Shocks! It was Hyun.
She took a deep breath before turning around. Pagkalingon siya sa lalaki ay binati siya ng nakakunot-noong mukha nito.
“Hyun! Salamat rito, ha! Babawi ako sa’yo, promise!” sabay taas ni Lynn sa folder na may lamang papel na puno ng math problems. Earlier, she asked Hyun to double check all her answers there. Ayaw niyang may mali siyang sagot kaya naman ang pinakamagaling sa math na kaibigan ng kapatid siya nagpatulong.
Inayos ni Hyun ang suot na eyeglasses at saka naglakad papalapit sa kanya. “Tama naman lahat ng sagot mo d’yan. At saka magaling ka naman talaga sa math. Bakit mo nga ba pina-check sa akin?”
Pinilit niyang hindi ngumisi. Ayaw niyang maghinala ang kaibigan ng kapatid na kaibigan na rin niya. “Nawala kasi ang math notebook ko kaya di ako sure sa sagot. Tsaka ayokong may maling answer. Gusto ko perfect ang score ko dito.”
Kunot noo siyang tinitigan ni Hyun. “Eh mas mahirap pa nga ang mga tinuturo ko sa’yo kaysa d’yan. Teka... bakit ba pakiramdam ko may ‘di ka sinasabi, ha?”
Shocks! Umaandar na naman ang pagka-curious nito.
“M-magpapa-check lang ng sagot sa math, may sekreto na. Grabe naman.”
Hindi pa rin inaalis ni Hyun ang tingin sa kanya. Mas naningkit pa ang dati nang singkit na mga mata ng half Pinoy-half Korean. “Teka, naglagay ka ba ng makeup? Ang pula naman ng labi mo.”
“Ano? Nagmi-makeup na si bunso?” singit ni Top na isa rin sa mga kaibigan ng Kuya Mikael niya. Narinig pala nito ang pag-uusap nila ni Hyun.
Mabilis siyang umatras mula sa mga ito. “H-hindi ah! Ganito na talaga ang lips ko. Kissable.”
Akala ba niya sira ang mata ni Hyun? Bakit pati lipstick niya ay nakikita nito?
“Ah! Dahil ‘yan sa pork liempo na ulam kanina ano?” si Pierre iyon, isa pa sa kaibigan ng kapatid.
Hindi nga siya naglunch dahil nagda-diet siya tumango na rin siya para lang matigil ang mga ito. Baka mag-usisa pa. Naku! Mahirap na. “Masarap eh. Naparami ang kain ko.”
Lumapit na rin ang kanyang kuya sabay hawak sa magkabilang pisngi niya saka pinisil ang mga iyon. “Ang siba talaga ng bunso natin. Ayaw mag-diet o.”
“Huwag ka munang mag-diet, Lynn. Wala kaming tabachingching na bunso,” ayon kay Top na nakikipisil na rin sa pisngi niya.
Hindi rin nagpahuli si Pierre. “Sana may kapatid din akong kasing cute ni bunso.”
Gusto niyang matawa. Cute raw siya. Oh well. At least may mga tao pa ring hindi siya hinuhusgahan sa pagiging mataba niya. Ang madalas kasi niyang naririnig mula sa ibang mga schoolmates ay ang walang humpay na panlalait.
Yes, she’s fat. Isang matabang teenager. But who cares? Hindi siya iyong tipong aloof dahil sa body figure. The people around her made sure na iparamdam sa kanya ang kanyang tunay na halaga. Her family, her friends and that person na pupuntahan niya ngayon.
“Tama na nga ‘yan. Sige kayo! Pag ako tinopak at magdesisyong magdiet wala na kayong chubby na bunso,” biro niya sa kapatid at mga kaibigan.
Tumigil naman ang ito at tumatawang tinantanan siya.
Paalis na siya nang lumapit sa kanya si Hyun. “Iba talaga ang pakiramdam ko eh. You’re up to something.”
Napailing siya dahil hindi pa rin pala ito tapos sa pagdududa sa kanya. “Wala nga. Sige na at baka ma-late pa ako.”
Akma na siyang aalis nang muli siyang tinawag ng binata.
“Oy! Tabachingching!”
She rolled her eyes. “Bakit na naman?”
“Mag-ingat ka, este mag-ingat sila sa’yo!”
“Heh! Kulang na lang sabihin mo may dala kang kawayan at mansanas para sa akin.”
Tumawa si Hyun. “Basta kapag nagkaproblema ka, takbo ka lang rito, ha? Kami nang bahala.”
“OA ka masyado. Wala akong gagawing ikakapahamak ko.”
“Oo na. Basta siguraduhin mong hindi nakakatunaw ng taba ‘yang plano mo, ha?”
Napangiti na lang siya sa kakulitan ni Hyun pati na rin ng lahat ng kabarkada ng kuya niya. Pero kahit na laging magulo ay maasahan pa rin ang mga iyon sa oras na kailangan niya ng kaibigan.
“ARAY! Ano ba taba? Ang sikip na rito nagsusumiksik ka pa!” reklamo ng babaeng estudyante na nasa harapan ni Lynn. Pilit kasi niyang tinatawid ang kumpol ng mga tao makalapit lang sa basketball court kung saan nagaganap ang isang laro.
Humingi siya ng paumanhin at itinuloy ang effort na makalapit sa court. Di baleng matawag na taba, makita niya lang ang pakay.
Matapos ang ilang segundong pakikipagdigma sa mga laiterang schoolmates ay narating na niya sa wakas ang basketball court. At kahit medyo hinihingal ay napangiti pa rin siya dahil sa wakas nakita na niya ang hinahangaan.
Tama si Hyun. May plano nga siya. At ang plano niya ay ang makita si Terrence.
Si Terrence—ang kanyang kaklase and at the same time captain ng high school basketball varsity team.
Crush na crush niya si Terrence simula pa noong unang taon nila sa high school. Hindi lang naman kasi ito gwapo, napakabait din. Kahit lahat na ay tinatawag siyang ‘taba’, ni minsan ay hindi niya narinig iyon mula sa binata. Kaya naman lalong nagustuhan niya ito. In fact, close sila ni Terrence dahil seatmates din sila sa klase. At confident siyang sabihin na isa siya sa mga kaibigan nitong babae.
Napayakap si Lynn sa hawak na folder. Nandoon kasi assignment ni Terrence sa Math subject na ginawa niya. Iyon ang kaparehong papel na pina-check niya kay Hyun.
Madalas busy si Terrence sa pagpa-practice ng basketball kaya nahihirapan na ito sa pagtapos ng mga requirements nila sa klase. Pansin niya iyon kaya naman tuwing hinihiling nito sa kanya na siya na muna ang gumawa ng assignment, report o project ay agad siyang pumapayag. Naisip niyang bukod sa nakakatulong siya ay mas mapapalapit pa rito. Masarap para sa kanyang pakiramdam ang kailanganin siya nito. Nagpatuloy si Lynn sa panonood nang mapalingon sa direksyon niya si Terrence. Lakas loob na kumaway siya rito. Kaya naman halos himatayin na siya nang ngumit ito sa kanya. Para siyang isang yelo sa ilalim ng araw. Natutunaw siya!
Sigurado. Mas ngingiti pa si Terrence kapag ibinigay na niya ang assignment nitong natapos niya. Ginalingan kaya niya iyon.
Nasa kalagitnaan siya ng panonood nang biglang may nagsalita sa kanyang tabi.
“Kung alam lang niya, ginagamit lang siya ni Terrence. Duh! Kung hindi lang siya marunong sa math ay hinding-hindi makikipagkaibigan sa kanya ang isang gwapo na tulad ni Terrence.”
Napalingon siya sa direksyon ng boses at agad niyang nakita si Rhiza—ang babaeng pati langaw ay madudulas sa sobrang shiny ng long hair nito. Kaklase nila ang babae at sa pagkakaalam niya ay may gusto rin kay Terrence.
Alam naman niyang masakit sa mata ang kanyang hitsura. Malaki ang braso, tiyan at legs niya. Idagdag pa ang malulusog niyang pisngi. Pero wala siyang planong patulan sina Rhiza. Sinanay na niya ang sarili sa pagpaparinig ng mga tulad nitong bully. Isa lang naman ang ginagawa niya kapag nagsisimula na siyang awayin ng mga tulad ni Rhiza. Iyon ay ang umiwas.
Akma na siyang lilipat ng pwesto nang magparinig muli ang kaklase. “If I know, ise-seduce niya si Terrence para maging boyfriend niya. Ew! Sino ba naman ang papatol sa isang elepante?” Pagkatapos ay humalakhak ito. Nagsitawanan din ang mga nakarinig sa paligid as if isang nakakatawang joke ang insultong iyon.
Kaya naman ay hindi niya mapigilang tapunan ng masamang tingin si Rhiza. Sumusobra na kasi ito. Okay na sa kanya ang tawaging elepante, baboy o hippopotamus. Sanay na siya roon. Ang hindi niya matanggap ay ang tawagin siya nitong malandi.
“Ayokong makipag-away Rhiza. Kaya tumigil ka na,” saway niya sa babae. Pilit niyang pinapanatili ang kalmadong boses.
Pero imbes na pakinggan ay tinaasan lang siya ng kilay ni Rhiza. “Bakit? Totoo naman diba?” Nakikipagkaibigan kunwari kay Terrence, eh alam ko naman na may crush ka sa kanya. Kaya for sure ginagawa mo na ang lahat para akitin siya. FYI taba, hindi ka niya magugustuhan!”
Nagulat siya sa narinig. Wala siya kailan mang sinabihan tungkol sa pagkakaroon niya ng crush para kay Terrence. Paano kaya nito nalaman ang sikreto niya?
“O ano? Nagtataka ka paano ko nalaman?” nakangising anas ni Rhiza. Bahagya pa itong lumapit sa kanya at pagkatapos ay bumulong. “Ang dami kayang ‘I love you, Terrence’sa likod ng notebook mo. Haha! Buking ka na girl. At humanda ka dahil sasabihin ko kay Terrence ang totoo. Tingnan lang natin kung gugustuhin ka pa niyang kaibiganin.”
Parang tambol ang kanyang dibdib sa lakas ng pagkabog niyon. Wala sa mukha ni Rhiza ang pagbibiro. Para bang siguradong sigurado ito sa gagawin.
Kaya pala nawawala ang notebook niya sa math. Ito pala ang kumuha!
“Ibalik mo ang notebook ko,” pakiusap niya kay Rhiza. Nanggigigil man siya rito ay hindi niya man lang magawang magtaas ng boses. Ayaw niyang mag-eskandalo. Mapapahiya siya sa maraming tao na nasa paligid nila.
Pero hindi nasindak si Rhiza. Namaywang pa ito at ngumisi. “At kung ayoko? Dadaganan mo ‘ko?”
Nabubwisit man ay kinimkim pa rin niya ang inis. Siya ang malulugi kung papatulan niya si Rhiza.
Huminga siya nang malalim bago pinakiusapan muli ang kaklase. “Please, Rhiza. Wala naman akong ginagawang masama sa’yo. Ibalik mo na sa akin ang notebook ko.”
Pero matigas talaga si Rhiza. Umiling lang ito at saka ngumisi.
“Tamang-tama, tapos na ang laro nina Terrence.” Pagkasabi ay naglakad ito patungo sa court. “Terrence! Look what I found.”
Namilog ang kanyang mga mata. May nilabas kasi si Rhiza mula sa bag nito.
Ang notebook niya!
Inaabot na ni Rhiza ang kwaderno kay Terrence kaya naman patakbo niyang hinabol iyon. Pero bago pa man siya makalapit ay nawalan siya ng balanse.
Damn being fat!
Natagpuan na lang niya ang sarili na nakadapa sa sementadong basketball court.
Hindi agad makatayo si Lynn mula sa pagkakatumba. It comes with her being 200 pounds weight. Tuloy ay nagtawanan ang mga tao sa kanyang paligid. Nakakahiya, totoo. Pero kahit ramdam niya ang pag-iinit ng pisngi dahil sa pangungutya ng mga tao ay mas nag-aalala siya sa notebook.
Nag-angat siya ng mukha at doon niya nalaman na huli na talaga siya. Nasa mga kamay na ni Terrence ang kwaderno at nakabuklat na iyon.
Parang slow motion na tumingin si Terrence sa kanya. Nanalangin siya na sana’y hindi na nito bibigyang pansin ang nabasa sa notebook. Na sana’y ipagtanggol siya nito o ‘di kaya ay tumulong na makatayo siya. Pero wala siyang nababasang awa sa hitsura nito. Ang nakita lang niya ay isinauli nito ang notebook kay Rhiza at agad nang tumalikod.
Parang sinaksak ang puso niya habang nakikitang papalayo si Terrence. Hindi ba’t magkaibigan sila? Ni hindi man lang siya nito tinulungan. After all that she’s done for him ay ganoon na lang ang isusukli nito sa kanya?
Tama nga si Hyun. Sana nag-ingat siya. Sana hindi na lang niya pinairal ang crush crush na ‘yon.
Napahiya man ay pinilit pa rin ni Lynn na tumayo at ayusin ang sarili. Pero isinusumpa niya, iyon ang huling araw na pagtatawanan siya sa eskwelahang iyon.