“ISUSORPRESA ko sana si Hyun kasi birthday niya. Pero ako pala ang masusorpresa! Finally, nameet na kita. You’re the mystery girl he’s been in love with all these years!”
Halos masamid si Lynn sa iniinom na kape nang marinig ang sinabi ni Tita Camille. Bakas sa mukha nito ang tuwa habang nakatunghay sa kanya.
“M-mystery girl po?” Napatingin siya kay Hyun. Parang wala itong naririnig dahil nagpatuloy lang ito sa pagkain ng omelette na niluto ng ina. Ang totoo ay masarap naman talaga ang agahang hinanda ni Tita Camille kaso hindi siya halos makakain dahil sa kaba. Samantalang si Hyun naman ay parang bata na ini-enjoy ang pagkain.
“Hay naku, hija. Alam mo naman itong si Hyun. ‘Di masyadong makwento. Kaya pala tinanggihan ‘yong ipapakilala ko sa kanyang anak na dalaga ng isang director ng kompanya sa Korea. ‘Yon pala ay may girlfriend na siya.”
Sa pagkakaalam niya ay may isang English Tutorial Center ang mama ni Hyun sa Korea. Malamang ay isa sa mga kliyente nito ang sinasabi ng ginang.
“Busy lang po yata siya kaya hindi niya nasasabi sa inyo,” pagtatakip niya kunwari kay Hyun.
“Malamang nga. Workaholic kasi itong anak kong ito. Teka, ilang buwan o taon na ba kayo?”
Muli siyang napalingon kay Hyun. Hindi nila kasi pinag-usapan ang tungkol doon kaya hindi niya alam kung ano ang isasagot. Pero mukhang ‘di pa rin ito nakikinig sa usapan nila ni Tita Camille kaya naman wala siyang choice kung hindi kunin ang atensyon nito.
Napaubo si Hyun matapos niyang sipain ito sa paa. Nang tumingin na sa kanya ay pinandilatan agad niya ito.
“Si Tita, nagtatanong. Ilang buwan na ba raw tayo? Ilan na nga ba?”
“Oh…Ilang buwan?” Sinulyapan ni Hyun ang nanay nito na hindi pa rin nagbabago ang mukha. Mukha pa rin itong excited. “F-four. Four months na kami ni Lynn, Ma.”
Mas lumuwang pa ang ngiti ng ginang. “Talaga? Ikaw talaga anak! Hindi ka naman nagsasabi sa akin. Kung hindi pa ako nagpunta ay hindi ko pa malalaman.”
Humihigop siya ng kape pero ang kanyang mga mata ay nakaabang sa sasabihin ni Hyun. Ano kaya ang irarason nito sa ina?
“Pasensya na po. Hindi ko lang po nabanggit. Naghahanap lang ako ng tamang tiyempo. I know how you wanted a Korean woman for me to marry.”
Ay! Ganoon pala talaga ang issue. Siguro hindi gusto ni Hyun na koreana ang mapapangasawa nito? Hindi naman niya ito masisisi. Sa Pilipinas na ito lumaki. Kaya naman mas makakasundo niya talaga ang isang Pinay. May pagka-playboy nga lang.
“Naku! Hindi naman sa ganoon. Ang gusto ko lang ay magsettle down ka na. Kaya dapat next time, isama mo na si Lynn sa Seoul at nang maipasyal ko siya. Magba-bonding kami.” Kumbinse ni Tita Camille sa anak. Pero alam naman niyang hindi mangyayari iyon dahil bago pa man ito makasakay ng eroplano pabalik ng Korea ay ‘break’na sila ng anak nito.
“I will, Ma. Kaso hindi pa namin mapa-promise kung kailan. Pareho kasi kaming busy ng babes ko.”
Siya naman ang naubo sa gulat. Lumabas pa yata ang kape sa ilong niya.
BABES?! Iyon pa talaga ang tawagan nila? Ayaw na ayaw pa naman niya ng term na iyon dahil naaalala niya ang kanyang kabataan at kung ganoo siya kataba noon. Baboy kaya si Babes sa Pig in the City!
“Are you okay, Babes?” alo sa kanya ni Hyun. Mabilis siya nitong inabutan ng tissue.
Inabot niya ang tissue at nagpunas ng ilong. “Okay lang ako… babes.” Diniinan talaga niya ang pagbigkas ng ‘babes’ para malaman nitong hindi siya kumportable sa endearment kuno nila.
Mukhang na-gets naman iyon ni Hyun dahil mukhang guilty ang pagkakangiti nito. Kumuha na lang ito ng karagdagang tissue at tinulungan siya sa pagpupunas ng pisngi niya.
“Ang sweet naman!” tili ni Tita Camille.
Pareho silang napalingon sa ginang at nahuli nila itong nakatunghay sa kanila. Mukha pa itong kinikilig sa gesture ng anak nito sa kanya.
“Bagay talaga kayong dalawa. Alam niyo, kailangan talagang maglaan kayo ng oras sa isa’t isa. I-enjoy niyo ang mga moment na magkasama kayo. Hindi pwede iyong dahil busy pareho ay hindi na nagkikita.” Hinawakan ng ginang ang kamay niya. “Why not you two come home with me sa Mapayapa? So that you two can spend time together. Parang weekend getaway.”
Nagkatinginan sila ni Hyun. Para bang nag-uusap sila sa mata kung paano sasagutin ang sinabi ng ginang.
“Uhm, Ma… I think, we can’t. Busy kasi kami pareho ni Lynn,” sagot ni Hyun.
Tahimik siyang sumasang-ayon kay Hyun. Mahirap nang magpunta sa Mapayapa at baka matunugan pa ng mga magulang niya na may ‘boyfriend’ siya. Naku, gulo iyon!
Napasimangot si Tita Camille. “Naku… ang pagiging busy, palagi ‘yan. Minsan lang naman akong umuwi. Pagbigyan niyo na ako. Samahan niyo ako sa Mapayapa.”
Sinulyapan siya ni Hyun. Para itong naghihintay ng kanyang sagot.
Na-stress tuloy siya bigla. Paano ba niya ito sasagutin?
“Hindi ba’t may reunion kayo ng mga kaklase mo? Tamang-tama lang din para makauwi naman tayo ng Mapayapa.” Out of the blue na suhestiyon ni Hyun.
Naisip rin naman niya iyon. Pero hindi kasi kasama sa plano nila ang mamalagi sa Mapayapa nang ilang araw. Kung uuwi man lang sila ay para sa reunion lang.
“Sige na, hija. Para naman makasama ko rin kayo nang matagal. May aasikasuhin kasi akong mga papeles doon sa atin kaya hindi ako dito sa Manila magsi-stay.”
Napakagat-labi siya sa pakiusap ng ginang. Mukhang wala na talaga siyang choice kung hindi ang pumayag. Ayaw niya namang makitang malungkot ito dahil sa hindi niya ito mapagbigyan.
“Okay po, Tita. Sasamahan ka namin ni Hyun sa Mapayapa.”
Agad lumiwanag ang mukha ng ginang. “Thank you, Lynn! I really appreciate it.”
Nakatunghay sa kanya si Hyun at saka ngumiti. Mukhang thankful ito sa extra service na ipo-provide niya para sa pagpapanggap nilang dalawa. Di bale na nga. At least mapapasaya niya si Tita Camille.
“Wala po iyon. Anything po para sa inyo, Tita.”
“Tita? Ah yes, Tita. Tita muna ako for now… Pero sana malapit ko na marinig na ‘Mama’ naman ang itawag mo sa akin.” Pagkatapos ay bahagya itong tumawa na para bang nakikiliti.
M-mama? Mama Camille?
Shems! Iniisip pa lang ay parang may kuryenteng dumadaloy na sa kanyang batok. Ngayon tuloy ay nagdududa siya kung tama ang desisyon niyang makipagkasundo kay Hyun.
"PAPAYAG kang maging pretend girlfriend ni Hyun? Okay ka lang? Ano na lang ang sasabihin ng kuya mo?”
Napabuntong hininga na lang si Lynn habang nakikinig sa sermon ng kaibigan niyang si Rea. Nag-uusap sila via skype habang naghihintay ito ng connecting flight patungong France. Inutusan nito ang asawa na bumili ng maiinom para lang magkaroon ito ng pagkakataon na tawagan siya. Siya naman ay kakauwi lang galing sa bahay ni Hyun at inaayos ang mga dadalhin niyang gamit pauwi ng Mapayapa.
Naalala na rin niya ang nangyari kagabi.
Dahil naparami ang inom niya ay nagdesisyon siyang magpalipas ng gabi sa bahay ni Hyun. Pero imbes sa guestroom ay sa kwarto siya ni Hyun pumasok. Blame it on her imperfect vision and drunken state kaya mali ang pinasukang kwarto.
Ang kwento naman ni Hyun ay medyo lasing raw ito at hindi na napansing may tao sa higaan. Kaya naman pala ganoon na rin lang ang gulat nito nang makita siya sa kama.
“I have no choice, Rea. Nangyari na ang deal. Kailangan kong tumupad. And besides, pareho naming kailangan ang isa’t isa. Ayaw niya sa mga blind dates na sinet-up sa kanya. Ako naman, kailangan ko ng makakasama sa reunion. Kaya naman tama lang ang deal naming ito,” pagpapaliwanag niya sa kaibigan.
“Are you sure na gagawin mo talaga ‘to? Naiintindihan ko naman ang mga reasons ninyo pero wala na ba talagang atrasan iyan? Baka mapasama pa kayo pagkatapos.”
Naiintindihan naman niya ang pag-aalala ni Rea. Pero sa tingin niya ay tama lang talaga ang desisyon nila ni Hyun.
“Mag-iingat naman kami. At saka kung makikita mo lang ang hitsura ng mommy ni Hyun, talagang napakasaya niya, Rea. Ayoko ko siyang ma-disappoint. Isa pa, ano na lang ang iisipin niya kung makita niya ako sa kama si Hyun nang ganoon ang ayos? I don’t want her to think I’m that kind of girl. Dahil hindi talaga.”
Narinig niya nag pagbuntong hininga ng kaibigan. “Wala na nga tayong magagawa. Nandyan na ‘yan. But please naman mag-ingat ka na sa susunod. Pumapasok ka sa kwarto nang may kwarto. Mabuti na lang at mabait si Hyun at ‘di ka na-ano.”
“Anong na-ano?”
“Na ano… na… napahamak!” Pagkatapos ay tumawa si Rea.
“Heh! Alam ko ang ibig mong sabihin! Don’t worry hindi na mauulit iyon.” Ipinangako na niya sa mag-iingat na talaga siya. Una at huling beses na iyong mangyayari sa kanya.
Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin si Rea dahil parating na ang Kuya Mikael niya. Pero bago niya pinutol ang tawag ay binilin niya sa kaibigan na huwag na huwag ipaalam sa kapatid ang deal nila ni Hyun. Ayaw niyang ma-distract ang kuya at mag-alala pa. Klaro din naman sa kanya ang goal kung bakit siya pumayag. Iyon ay ang ipakita sa mga dating kaklase na naabot niya ang lahat ng pangarap sa buhay—magandang trabaho, masayang disposisyon, healthy na katawan, at higit sa lahat ay isang mabuting magiging katuwang sa buhay. At si Hyun ang magiging susi para mangyari ang gusto niya.