Pasimple kong pinagmasdang muli si Geron na nakatingin lang sa malayong kawalan. Ang kanyang mga matang kakulay ng mapusyaw at hilaw na putik ay may taglay ng umaapaw na kalungkutan. Hindi ito kakulay ng sa kanyang ama bagkus ay kakulay ito ng aking mga mata. Malamlam ito, punong-puno ng emosyon na ang iba ay hindi ko mahulaan. Sa loob ng kanyang mga mata at puso ito ay nagtatago.
Ang malungkot at malamlam na pares ng mga matang iyon ay nakatunghay lang sa labas ng aming tahanan. Pinapanood nito ang humihina ng patak ng ulan sa gitna ng nag-aagaw na dilim at liwanag ng takipsilim sa paligid.
“Miura, inumin mo na ang iyong salabat at iyan ay lalamig na.” kapagdaka ay pukaw sa akin ni Mama, “Alam mong hindi na iyan masarap kapag kasinglamig na ng yelo sa refrigerator.”
Mabilis akong lumingon sa kanya at pilit na ngumiti, kumurap-kurap din ako. Hindi ko mapigilan na hindi mahawa sa aking Kuya.
“Opo Mama,” tugon kong nahihiyang agad na binuhat ang aking tasa, tiningnan kong muli si Geron at inalok na ulit kahit na alam kong hindi niya naman ako papansinin. ”Bro let's drink.”
Walang imik na ininom ko na ang aking salabat habang panaka-naka ang pagsulyap sa kanya. At kasabay ng pagka-ubos nito sa aking tasa ay ang paglamig naman ng salabat na nasa tasa ng aking bagong nakakatandang kapatid. Gusto ko siyang makilala, maintindihan ang pinaghuhugutan niya ng blangkong emosyon. Gusto ko siyang maka-close na parang tunay kaming magkapatid na iisa lang ang dugo.
“Kapag natikman mo ang salabat, sigurado akong magugustuhan mo ang kanyang lasa.” sambit ko pa na sa aking tasa nakatingin, “Lalo na kung mayroon siyang honey Kuya Geron.”
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Tito Papa sa aking tinuran, ganundin ang aking ina.
“Ayaw niya ng salabat Miura, pero tingnan natin kapag natikman niya ang salabat niyo dito.” si Tito Papa na sumusulyap sa kanyang anak. “Geron, inaalok ka ng bago mong kapatid oh?”
Kagaya kanina ay hindi niya pa rin ito pinansin. Maliit akong ngumiti, nahihiya ako para sa dito.
“Hayaan mo muna siya Alfred,” saway ni Mama sa kanya, “Hayaan mong mag-settle sa lugar.”
Tumango lang si Tito Papa sa kanya. Gustuhin ko mang magtanong pa kung bakit hindi siya nagsasalita ay hindi ko na iyon isinatinig pa. Hahayaan ko sila ang magbukas nito sa akin.
“O siya, magpahinga na kayo.” si Mama pagkatapos ng aming hapunan, “Pagod kayo sa inyong naging biyahe papunta dito. Nasa silid na rin ni Geron ang kanyang mga gamit.”
“Salamat Melinda.”
“Walang anuman Alfred, maaga rin tayo bukas.”
Nakangiti at nasisiyahan ko silang nilingon na dalawa habang naghuhugas ako ng aming mga pinagkainang kagamitan. Hindi ko maikakaila ang sayang makikita sa mga mata ni Mama. Kumikislap iyon na parang mga bituin sa madilim na langit sa labis na saya.
“O sige, good night Miura.” lingon nito sa akin.
“G-Good night po, Tito Papa.”
Walang imik at mabilis tumalikod sa amin si Geron na alam kong tutunguhin niya na ang ibinigay sa kanyang silid. Sinundan ko ng tingin ang kanyang lumalayo ng likod sa amin.
Kuya, bakit nagkaganyan ka?
Para kang yelo sa lamig ng iyong pakikitungo.
Kuya, may masakit ka bang iniinda?
Handa akong makinig sa'yo, kapatid mo ako.
“Miura?” bahagyang untag sa akin ni Mama.
Hindi ko namalayan na naluluha na pala ako. Lumunok ako ng laway at maliit na ngumiti.
“Po?”
“Ganyan mo ba siya kagustong iyong maging kapatid?” tanong niya na hinaplos ako sa ulo.
Marahan akong tumango, hindi ko alam kung bakit agad na bumibigat ang pakiramdam ko ngayon. Dapat nga ay maging masaya ako subalit kabaligtaran ang nararamdaman ko.
“Gusto ko po siyang maging tunay na kapatid.”
“Sige anak,” sambit niyang huminga pa ng malalim, bago ngumiti sa akin. “Pero kailangan mo siyang hintayin na magbukas ng pintuan para sa'yo. Hindi mo siya kagaya Miura at iba ang pananaw niya sa mga pananaw mo dito. Maaaring tutol siya sa kasal namin ng kanyang ama at ikaw ay pumapayag naman na ako ay mag-asawa pa. Unawain mo sana siya Miura.”
Paulit-ulit akong tumango, habang naaaantig ang aking damdamin sa kanyang mga sinabi.
“Opo Mama, uunawain ko po si Kuya Geron.”
Masuyo niya akong hinalikan sa tuktok ng aking ulo. Kapagdaka ay niyakap ng mahigpit at marahan niyang tinapik-tapik ang likod.
“Sige na, magpahinga ka na Miura.” sambit niya sa humihinang tinig, “Ako na ang magtatapos niyang ginagawa mo, lumalalim na ang gabi.”
“Ako na po dito Mama, ikaw po ang dapat na magpahinga na.” ngiti kong agad naging masigla, “Masayang araw po dapat bukas.”
Mahina siyang humagikhik sa aking tinuran.
“Sige, sabi mo eh.” pagsuko niya sa akin, “Pero pagkatapos mo dito ay dapat na matulog na.”
“Opo Mama, good night po.”
“Sige, good night aming Miura.” tugon nitong humakbang na palayo sa akin, “Mahal kita.”
“Mahal din po kita, Mama.” tugon kong naiiyak.
Hindi ko alam kung bakit ganun ang aking nararamdaman. Siguro ay sa labis na saya. Pagkatapos maghugas ay nagpasya na rin akong tumungo sa aking silid. Bago pumasok dito ay nilingon ko ang katapat na pintuan nito. Kung saan inuukopa ng aking bagong kapatid.
“Good night, Kuya Geron.” ngiti ko sa kawalan.
Naging mabilis ang pagdaan ng nasabing gabi, ni hindi ako nagising sa gitna nito at ng aking pagtulog na madalas kong ginagawa. Siguro ay dahil masaya ako at kinakabahan ngayon sa mangyayaring kasal ni Mama sa ibang lalaki.
“Magandang umaga po!” malakas na pagbati ko sa kanila sa aking pagpasok sa pintuan ng aming kusina, “Maayos po ba ang tulog niyo?”
Naabutan ko silang tatlo na nasa hapag na at hinihintay ang nalang ang aking pagdating. Bihis na bihis na rin sila ng kanilang susuotin.
“Magandang umaga rin Miura.” si Tito Papa.
“Kumusta ang tulog mo anak?”
“Ayos lang po Mama, mahimbing po ito.” kwento ko na nauupo na sa aking upuan.
“Mabuti kung ganun.” abot ni Mama sa akin ng kutsara at tinidor, “Kumain na tayong apat.”
“Good morning Kuya Geron,” matamis na ngiti at baling ko sa kanya na nakaupo sa aking tabi, “Mahimbing din ba ang tulog mo kagabi?”
Hindi niya pa rin ako pinansin, tiningnan niya lang ako kagaya ng ginawa niya kahapon.
“Let's eat?” turo ko sa mga pagkaing nakahain.
Ngumiti ako sa kanya nang tumitig pa siya sa aking mukha. Nang tumalim ang mga tingin na iyon ay mabilis ako ditong nagbawi at umiwas. Hindi ko kayang tagalan ang mga matang iyon.
“Miura...” si Tito Papa.
Mabilis akong nag-angat ng aking paningin. Sinalubong ako ng nakangiti niyang mukha.
“Bakit po Tito Papa?”
Muli ay pilit pa siyang ngumiti sa akin.
“Pasensiya ka na ha, kung ganyang lamig ang pakikitungo sa'yo ng Kuya Geron mo.” sambit niyang nag-aalangan, maliit akong ngumiti sa kanya at bahagyang umiling. “Magsimula sa araw na iniwan kami ng kanyang ina ay naging ganyan na siya.” malungkot itong umiling-iling, “Hindi na siya muling nagsalita pa.”
Bahagyang akong napanganga at hindi agad makapaniwala sa kanyang mga sinabi, halos mabitawan ko pa ang kutsarang aking hawak. Mabilis na sumulyap ako sa aking katabi na si Geron na nagsisimula ng tahimik na kumain.
“Miura anak...” si Mama, hindi ko siya pinansin.
Kung kahapon na unang araw nila dito ay labis ang irita ko kapag pag-uusapan ang namayapa niyang asawa ngayon naman ito ay kakaiba na. Agad nilukob ng labis na kalungkutan ang aking buong katauhan. Naaawa ako sa kanya, alam ko ang pakiramdam ng mawalan ng isang taong sa iyo ay mahalaga. Siguro ay mahal na mahal niya ang Mama niya kaya mas pinili niyang huwag nalang magsalita pa.
“Pwede mo siyang kausapin nang kausapin.” dagdag pa ni Mama, mabilis kong ibinaling ang aking paningin sa aking pagkain. Ikinurap ko pa ang aking mga matang agad nanunubig na, nauunawaan ko na ang mga asta niya ngayon. “Malay mo anak bukas, makalawa o sa mga susunod pang araw ay muli niyang piliin ang magsalita ulit para makausap siya natin.”
Bahagya akong suminghot, napipilitan na ‘ring tumango. Pinilit ko ang aking sarili na ngumiti, kahit nagbabadya na ang aking mga luha sa mata. Itinaas ko ang aking hawak na kutsara.
“Makakaasa po kayo sa akin Mama at Tito Papa, ako na po ang bahala kay Kuya Geron.” usal ko na ang tunog ay parang isang pangako, “Palagi ko siyang kakausapin, ku-kuwentuhan kahit na ang kapalit noon ay mga tingin lang.”
“Maraming salamat Miura.” nakangiti nitong saad na bahagya pang tumingin kay Mama.
“Wala pong anuman Tito Papa.”
“O siya ituloy na natin ang pagkain at kailangan na maaga tayong pumunta sa City Hall ni Mayor para sa aming kasal ngayon.” sambit ni Mama na bahagya na ‘ring naluluha-luha.
“Okay po, Mama!” sambit kong kumain na.
Masaya ako para sa kanya, buong buhay niya ay ako lang ang kanyang palaging inaalala. Panahon na ngayon para siya naman ang maging masaya at alam kong sa piling ng aking bagong ama ay matatagpuan niya ang kasiyahang agad na binawi noon sa kanya ng tadhana, noong nawala sa amin si Papa.
“Geron magbihis ka ng mas maayos na damit,” utos ni Tito Papa dito at saka tumingin sa akin, nakapantalon ito at t-shirt na pareho ng kupas. “Pagkatapos ng aming kasal ay kakain tayo ng tanghalian sa labas, kakain din tayo ng paborito niyong ice cream at magpapakuha tayong apat ng ating unang family picture.”
Kagaya sa akin ay hindi ito sumagot, saglit lang itong tumitig sa ama at muling nag-iwas.
“Alfred...” saway agad sa kanya ni Mama, pilit itong ngumiti. “Kahit dito nalang tayo kum---”
“Hindi Melinda, hayaan mong sa labas tayo kumain at magpapakuha tayo ng litrato.” agad na putol nito sa kanya, “Ito ang ating bagong simula bilang isa na tayong buong pamilya.”
Nakatayo lang ako sa gilid, pinagmamasdan ang reaksyon ng mukha ni Geron sa sinabi nito. Wala ditong nagbago, blangko pa rin iyon.
“O sige Alfred, ikaw na nga ang bahala.” natatawang pagsang-ayon dito ni Mama, “Huwag mo nalang pilitin na magpalit pa ng damit si Geron, mayroon naman tayong suot jacket at hindi na iyon nila mapapansin pa.”
“Siya nga po Mama,” pagsang-ayon ko ditong dinampot na sa sofa ang aking susuoting jacket, “Magkatulad pa kaming dalawa ni Kuya Geron ng susuoting jacket, na kulay itim.”
Bahagyang natawa si Mama sa akin, naiiling.
“O siya at iba pa rin ang klima sa bayang ito.”
“Oo nga Melinda,” pagak na pagtawa ni Tito Papa sabay lingon kay Mama, “Pakiramdam ko ay hindi kami umalis ng bansang kinagisnan.” pumanaog na silang dalawa ng aming hagdan, habang masayang nakaakbay siya kay Mama. “Ang kaibahan lang ng dalawang lugar ay wala ditong mga niyebe at sa halip ay mga putik.”
“Masasanay rin naman kayong dalawa dito Alfred,” natatawang sambit sa kanya ni Mama, “Masarap ditong tumira kung saan ay sariwa ang lahat, maging ang halimuyak ng hangin.”
Kagat-labi akong umiling habang tinitingnan silang dalawa na nagsusuot na ng kanilang mga sapin sa paa. Masaya sila, alam kong hindi nila pagsisisihan ang naging desisyon nilang ito. Nilingon ko si Geron na kagaya kong nakatingin lang din sa aming mga magulang.
At sana ay makatanggap mo na rin iyon Kuya.
Binawi ko ang tingin at binalingan ko na ang aking paboritong balot sa aking kamay at ang may kakapalang balabal sa aking leeg, kagaya ng sinabi ni Mama ay para kaming naninirahan sa Alaska sa sobrang lamig dito, iyon nga lang ay wala ditong yelo sa labas kung hindi putik.
Agad akong napabaling kay Geron na agad at nagmamadaling bumaba ng aming hagdanan. Manipis lang na sapatos ang kanyang sout kaya paniguradong giginawin siya mamaya.
“Bro!” malakas kong sigaw sabay talon na rin sa aming hagdan, “Hintayin mo ako Kuya!”
Nakita ko kung paano magulat sa amin sina Mama na hindi agad nakapagsalita sa amin.
“Miura madapa ka!” sigaw sa akin ni Mama gamit ang nag-aalala niyang tinig.
Walang pagdadalawang-isip na hinabol ko si Geron, labis-labis akong nag-aalala sa kanya. Alam ko naman na tutol siya pero bakit naman kailangan niyang tumakbo papalayo sa amin?
“Kuya Geron wait!” patuloy kong sigaw, agad nanginig ang aking labi sa lamig ng hampas ng hangin. “Hindi mo alam kung saang city hall tayo patungo, Kuya Geron teka lang naman!”
Bumangon ang inis sa aking dibdib, dagdagan pa ng malamig na panahon sa umagang iyon. Pilit kong hinihila sa maputik na parang ang aking suot na bota, hindi alintana ang bagay na baka ako madapa sa aking ginagawa ngayon.
“Geron, wait!” habol na rin sa kanya ni Tito Papa, “Stop! We will go there by car!” bulalas nito na hinawakan siya sa kanyang braso.
Binilisan ko ang aking pagtakbo patungo sa kanila at nakihawak na rin sa isa niyang braso. Nilingon niya ako at tiningnan niya muli ng masama. Masama ang titig na iwinaksi niya ang aking isang kamay na nakahawak sa kanya. Ganundin ang ginawa niya kay Tito Papa at pamartsa ng bumalik sa malayong kinaroroonan sa amin ni Mama. Walang imik at ni isang salitang sumakay siya ng sasakyan.
“Pasensiya ka na Miura.” hingi agad sa akin ni Tito Papa ng paumanhin, “May sumpong na naman ang batang iyon ngayong umaga.”
Tumango ako at maliit na ngumiti. Bahagya akong natawa sa sinabi niyang may sumpong.
“Naiintindihan ko po iyon Tito Papa,” iling kong bahagyang nahihiya rin sa kanya, pakiramdam ko ay naging sobra rin ang naging reaksyon ko. “Huwag po kayong mag-alala sa kanya at magiging maayos rin po ang lahat Tito Papa.”
Maliit akong muling ngumiti sa kanya at bahagyang tinanggal ang mga hibla ng buhok na dumikit sa aking mukha at leeg nang dahil sa aking lumabas na nanlalagkit na pawis.
“Kaybuti mo talagang bata,” masayang ngiti nito sa akin, “Isang araw ay gusto kong maging kagaya mo rin si Geron kahit na mas matanda pa siya sa'yo ng halos dalawang taon.”
“Dalawampu na po ba ang edad ni Kuya Geron?” tanong ko na ikinatango niya sa akin.
“Halika na Hija at hinihintay na tayo nilang dalawa,” pag-aaya niyang tumalikod na sa akin at nauna ng humakbang, “Ang pasaway talaga.”
Malawak akong ngumiting sumunod sa kanya.
“Huwag po kayong mag-alala sa kanya Tito Papa, simula ngayon ay ako na po ang bahala kay Kuya Geron.” hindi mapawi ang aking ngiti, “Tuturuan ko po siya na maging masunurin.”
Tumigil siya sa paghakbang at nilingon ako. Sinuklian ko ng mas matamis na ngiti ang ngiti niya sa akin. Hindi masama na naging step-father ko siya, mabuti rin siyang tao.
“Maraming salamat ulit Miura,” aniang ipinagpatuloy na ang kanyang paglalakad.
“Wala pong anuman Tito Papa!” sigaw ko na tumatalon-talong sumunod pa sa kanya.
Ang mga bakas niya putik ay pasimple kong inapakan. Ang masasabi ko ay mas malaki pa rin ang mga bakas niya kumpara kay Geron kahapon. Higit itong malaki na may maliit na mga agwat at pagitan sa bawat isa.
“Miura bilisan mo!” malakas na sigaw na sa akin ni Mama na tinangay lang ng hangin.
Mabilis ko siyang tiningnan sa kanyang banda. Itinaas ko ang kamay at nginitian pa siya kahit na hindi niya naman iyon malinaw na makikita.
“Nandiyan na po ako Mama!” sagot kong hindi nawala ang malawak na ngiti sa aking nanunuyo subalit napakasayang labi.