Halos mapunit ang aking labi sa malawak na ngiting hindi mapuknat habang tinitingnan ko si Mama at Tito Papa sa harapan ng Mayor. Kumakalabog man ang aking dibdib sa kaba ay nagawa ko iyong itago sa kanilang presensya. Nanatiling blangkong tahimik si Kuya Geron hanggang sa matapos na ang kanilang kasal.
“Binabati ko po kayo Mama, Tito Papa!” bulalas ko na hindi na maitago pa ang saya sa mukha, “Masaya po ako na ngayon ay isa na po tayong pamilya! Mayroon na akong bagong Papa at may libre pang bagong kapatid na kasama.”
Hindi pa rin mapalis ang aking ngiti sa labi. Marahan akong pumalakpak, walang pakialam sa mga tao sa paligid na kami ay sinusulyapan. Nasa loob na kami ng mamahaling restaurant na bahagyang sikat sa aming maliit na bayan.
“Masaya ka ba talaga?” si Mama na nakangiti lang din sa aking harapan, “Halata nga anak.”
Paulit-ulit akong tumango sa kanya. Lalo pang lumawak ang kanyang ngiti sa aming harapan.
“O siya, pumili na tayo ng gustong kainin.” anitong itinaas ang isang kamay upang kunin ang atensyon ng kawani ng kainan na nasa malayo naming banda. “Excuse me.”
Ibinaling ko ang aking paningin sa listahan ng mga pagkain na nasa aking kandungan. Ang galing talaga ni Mama mag-english, sana ay ako rin magaling at mahusay para naman malaya na akong makipag-usap kay Geron.
“Anong gusto mong kainin Miura?” tanong ni Tito Papa na ikina-angat ng aking paningin, ngumiti ako sa kanya ng mas malawak pa. Sinuklian niya iyon sabay baling sa anak niya. “How about you Geron, do you want anything?”
Tapos na ang kanilang kasal nila ni Mama. At ang sabi nilang dalawa ay hindi na namin kinailangan pang maghanda ng marami, para sa kanilang dalawa ay sapat na iyong ganito sa amin. Kaming dalawa ni Geron ang tumayong saksi sa naging kasal nila, bagay na wala namang naging problema pa dahil kapwa namayapa na ang kanilang dating mga asawa.
“Mama, gusto ko po nito.” turo ko sa larawan ng fried chicken na may kasamang kanin, “Tapos ito pa po,” turo ko sa pastang puti.
“O sige anak, sapat na ba iyon sa'yo?”
“What if good for four person nalang ang kunin natin Melinda?” suhestiyon ni Tito Papa dito, “Hindi rin naman pipili itong anak kong pihikan.”
Agad na sumang-ayon si Mama sa kagustuhan nito, hindi na ako tumutol pa dahil kahit anong pagkain ay kaya ko namang kainin ito. Kahit hindi ko iyon kilala, basta hindi nakakamatay.
Pinagmasdan ko silang dalawa na abalang namimili ng aming mga pagkain sa listahan. Hindi maitago ang saya sa kanilang kumikislap na mga mata. Gamit ang gilid ng aking mata ay sinulyapan ko si Geron na nakaupo sa aking tabi, nanatili ang kanyang paningin sa plato niya sa harap na wala pang laman na pagkain. Ibinalik ko ang aking paningin kay Mama at kay Tito Papa na nagsimula ng magsabi ng mga pagkain na gusto nilang kunin sa waiter dito.
Pinagsalikop ko ang aking dalawang palad at itinukod ang dalawang braso sa lamesa. Idinikit ko ang aking mukha sa likod ng palad habang matamang nakatingin sa kanila. Mukhang hindi nagkamali si Mama ng kanyang naging desisyon dito, masaya na siya ngayon.
“Mama, masaya ka po ngayon?” mga salitang kusang lumabas sa aking madaldal na bibig.
Naagaw ko ang kanilang atensyon na dalawa na saktong tapos na sa kanilang pagpili ng mga pagkaing kakainin namin. Nag-angat siya sa akin ng paningin, tumango bago malawak na ngumiti. Makikita ang sayang iyon sa kakaibang kislap ng kanyang mga mata.
“Oo Miura, masaya ngayon ang Mama.”
“Bumabati po ulit ako sa inyong dalawa ni Tito Papa, Mama.” ulit ko sa aking pagbati kanina.
Pagak silang tumawang dalawa, namumula na.
“Maraming salamat Miura,” si Tito Papa.
Ngumiti lang ako tumango, tinanggal ang pagkakasandal ng aking mukha sa kamay.
“Wala pong anuman Tito Papa,” tugon ko na bumaling sa aking tahimik pa rin na katabi, “Bro, you should congratulate them now.”
Tiningnan niya lang ulit ako ng malamig at hindi pinansin. Gusto ko pa sanang magsalita at pagsabihan siya kaso dumating na ang pagkain namin na inihahain ng mga waiters.
Ayaw niya ba talagang bumati?
Miura kumalma ka, hindi siya nagsasalita!
Pagpasensyahan mo nalang muna, unawain mo siya dahil kagay ng sinabi mo kahapon na ikaw iyong dapat na umiintindi sa kanya.
“Miura kumain ka na at pagkatapos nito ay magpapakuha tayong apat ng litrato.” si Mama nang mapuna niya ang paninitig ko sa katabi.
Malalim akong humugot ng hininga bago dinampot ang aking kutsara na nasa plato.
“Opo Mama, kakain na.” sagot kong binalingan na ang mga pagkaing nasa aking harapan.
Bahagya akong napangiwi nang mahagip ng aking paningin na kumuha si Geron ng mga pagkain sa harapan na napakaunti lamang.
Pihikan nga siya, kagaya ng sabi ni Tito Papa.
Walang imik na nilantakan ko ang fried chicken at pasta na aking pinakagusto sa mga pagkain. Inihuli ko ang aking ice cream upang gawing panghimagas sa labis na busog na aking tiyan.
“Maraming salamat po sa ice cream, Mama.” dila ko sa maliit na kutsarang panandok doon.
“You’re welcome anak, gusto mo pa ba ng halo-halo o kahit ano?” masuyong tanong nito.
Umiling ako sa kanya, para sa akin ito ay sapat na. Ayokong magkaroon ng sipon kapag sobra.
“Ayos na po ito Mama, baka po si Kuya Geron gusto niya ng halo-halo o iba pang dessert.” tugon kong nilingon na ito na nakatingin rin pala sa may aking banda. Ngumiti ako sa kanya, “Do you want anything Kuya Geron?”
Nag-iwas siya ng tingin nang hindi pa rin sinasagot ang aking katanungan sa kanya. Sinundan ko iyon ng aking mga mata, humantong ito sa kanyang plato na mayroon pang mga tirang pagkain na hindi niya inubos.
Kaunti na nga lang, hindi pa niya inubos kainin.
Papayat siya niyan, tapos agad na manghihina.
Kumalma ka muli Miura, may dinaramdam siya at iyon ang kailangan mong alamin kung ano o bakit ganun ang lalim ng dinadaanan nito.
“If you still want to eat something Geron, Miura please don't be hesitate to tell us.” si Tito Papa.
“Wala na po akong gustong kainin pa, Tito Papa.” maagap na tugon ko dito, “Busog na po.”
Mahina lang itong tumawa na bumaling na kay Mama upang mayroong mga bagay na sabihin. Ipinagpatuloy ko ang pagkain sa aking ice cream na nasa mababasaging baso. Nang matapos ay muli kong sinulyapan si Geron. Nasa labas na naman ng restaurant nakatutok ang kanyang mga mata, may malalim na iniisip at animo mayroon siyang ibang nakikita doon.
“Siya nga pala Miura anak,” agaw ng pansin sa akin ni Mama, nakangiting agad ko siyang nilingon. “Mamaya ay aalis kami ng iyong Tito Papa patungong Germany, bakasyon at aasikasuhin ang iba nilang negosyo doon.”
Tumango ako sa kanya, Linggo lang naman siguro ang itatagal ng bakasyon nilang dalawa.
“Mananatili kami doon hanggang sa sumapit ang inyong graduation o bago ito dumating.”
Agad na napawi ang aking masayang ngiti.
“Mama kakasimula palang po ng pasukan,” agad na apela ko dito, ang tagal-tagal noon.
Sinulyapan ko si Geron na wala pa ‘ring reaksyon, sigurado akong narinig niya iyon.
“At isa pa ay paano po kaming dalawa ni Kuya Geron?” nguso kong sinulyapan si Tito Papa, “Sino rin po ang hahawak pansamantala sa negosyong ipinundar niyong dalawa ni Papa?”
Ngayon palang siya malalayo sa akin, at hindi rin ako sanay pa sa mga bagay na iyon. Hindi ako sanay na gigising ng wala siya sa bahay. Kasama ko siya tuwing Sabado at Linggo, at kapag hindi ko na siya kasama sa mga araw na iyon ay paniguradong labis ang lungkot ko.
“Huwag kang mag-alala Miura, darating ang iyong Tita Belith at kasama niya ang iyong pinsan na si Senda.” saad nito na hindi ko ikinasaya kahit gusto ko rin siyang makita, “At sa paaralan mo na siya mag-aaral ngayong pasukan. Siya ang bahala sa inyong dalawa.”
Ngumuso ako, nagbabadya na ang mga luha kong kumawala sa aking mga mata. Pakiramdam ko ay aabandonahin niya rin ako, kagaya ng pag-abandona sa akin ni Papa noon.
“Pero Mama...” tumigil ako nang bahagyang gumaralgal ang aking tinig at lumingon sa akin si Tito Papa at Geron, “Hindi pa rin po ako sanay na wala ka sa aking tabi Mama.”
“Mabilis lang naman ang mga araw,” alo niya sa aking napipintong pag-iyak, “Hindi mo namamalayan na pauwi na kami agad dito.”
Hindi ako sumagot sa kanya, ayos lang naman na magbakasyon silang dalawa ni Tito Papa. Subalit iyong halos o isang taon silang mawawala ang hindi ko pa rin matanggap.
“Kasama mo naman ang Kuya Geron mo,” si Tito Papa nang mapansin ang pananahimik ko, “Sasamahan ka niyan, basta kausapin mo lang.”
Sasamahan?
Kausapin?
E hindi niya nga ako pinapansin, para akong nakikipag-usap sa patay na bato na walang kaluluwa o muwang dito sa ating mundo.
Paano ako magiging masaya doon?
Mas maganda pa yatang hayop nalang na aso o pusa ang bilhin at iwanan sa akin ni Mama.
Hindi pa rin ako nagsalita, ngayon pa lang ay parang may nakabara ng bikig sa lalamunan ko. At anumang oras ay hahagulhol na ng iyak.
“Mabait naman ang Tita Belith mo hindi ba?” si Mama na pilit kinukuha ang atensyon ko, “At isa pa ay kasama niya si Senda, makakausap mo siya at makakasama bukod sa Kuya Geron.”
Napagtuloy ako sa aking pananahimik.
“At sigurado akong aalagaan niya kayong dalawa nang mabuti, magpapadala rin kami ng pera sa account niya sa bangko.” patuloy pa ni Mama, mabilis akong napatungo, nahihikbi na nang dahil dito. “Iyon ang panggastos niyo kada linggo, hindi na kayo magugutom pa.”
Malalim akong humugot ng hininga.
Kapag ba humadlang ako susundin nila?
Syempre hindi, naka-plano na iyon dati pa.
“Miura, huwag kang magiging pasaway sa Tita Belith ha?” dugtong pa nito, “Matanda na iyon.”
Napipilitan na akong tumango sa kanya nang hindi nakatingin, wala na akong magagawa pa. Siguro ay panahon na rin para magliwaliw siya, halos buong buhay niya ay nakakulong na dito. Panahon na para palayain niya ang kanyang sarili mula sa maliit na bayang ito. Panahon na.
“Sige po.” mahina kong pabulong na tugon.
“Siya nga pala Miura ang Kuya Geron mo ay papasok na rin sa iyong paaralan,” singit ni Tito Papa na siyang dahilan upang magtaas ako ng aking paningin, “Ipinalista ko na siya bilang bagong lipat na mag-aaral na kaklase mo.”
Humugot ako ng malalim na buntong-hininga at tiningnan na siya na abalang hinahalo ng hawak na kutsara ang natirang ice cream sa kanyang baso. Natuon ang atensyon nito doon.
“Kaklase ko po Tito Papa?” paglilinaw ko.
Tumango ito bago nahihiyang ngumiti sa akin.
“Mula ng mamatay ang kanyang ina ay tumigil na siyang mag-aral at iyon ay dalawang taon na ang nakakaraan.” deretsong tugon nito na nakatingin sa aking mga mata, “Ikaw na sana ang bahalang umintindi sa kanya Miura.”
Dalawang taon?
Dalawang taon palang namamatay ang asawa niya at heto siya pinakasalan na agad si Mama.
Nakabangon na ba siya agad? Ganun kabilis?
Kaya siguro galit sa kanya si Kuya Geron, at piniling huwag nalang magsalita dahil walang nakikinig sa kanya. Sa ngayon dapat ay sila munang dalawa ang nagdadamayang. Hindi muna siya dapat agad nag-asawa ng panibago. Nang dahil dito bahagya ko ng nauunawaan ang pinagdadaanan ni Kuya Geron na sakit.
“Maaasahan ba kita sa bagay na iyon, Hija?” untag niya sa akin nang hindi ako sumagot.
Kagat-labi kong muling nilingon si Geron, nakatingin na sa akin ang kanyang mga mata. Hindi ito nagbago, matalim pa rin ang mga ito. Mabilis akong ngumiti habang nakatitig pa rin sa kanya, nakita kong agad na kumunot ang kanyang noo nang dahil sa aking pagngiti dito.
“Huwag po kayong mag-alala sa kanya Tito Papa,” tugon ko na sa kanya pa rin nakatingin, “Ako na po ang bahala kay Kuya Geron, habang nasa bakasyon po kayong dalawa ni Mama.”
“Responsableng bata iyan si Miura, Alfred.” singit ni Mama sa aming usapan, “Huwag kang mag-alala, gagawin niyan ang lahat ng tama.”
“Kung ganun, settled na ang lahat.” anitong mahinang tumawa, “Geron, don't constantly give your sister a headache because of your silly actions and behavior. Listen to her when she instructs you to do something.” lintanya nito sa lenguwahe nila, ni hindi pa rin siya nito pinansin kahit na tingnan man lang ng saglitan. “Do you understand what I mean?”
“Huwag ka ng mag-alala Alfred,” masuyong haplos ni Mama sa likod ni Tito Papa, “Si Miura na ang bahala sa kanya, hindi ba anak Miura?”
Mabilis akong tumango sa kanya, nakangiti na.
“See? Siya na ang bahala sa anak mong lalaki.”
“Huwag po kayong mag-alala sa kanya, Tito Papa.” sambit ko para maging panatag siya, “Palagi ko pong sasamahan si Kuya Geron.”
Pareho silang tumango sa akin, nakangiti na rin. Nabawasan na ang pag-aalala sa mukha.
“At palagi kong isasama sa mga lakad ko.”
“Miura, huwag namang masyadong gala ha?” si Mama na mahinang tumatawa sa akin.
“Opo, Mama.”
Sa ilang buwan na pagkawala ni Mama at Tito Papa dito, sana pagbalik nila ay nagawa nang muling magsalita ni Geron na kagaya ng dati. Sisikapin ko at pipilitin kong mag-aral ng mas marami pang ingles kung kinakailangan para palagi ko siyang makausap kahit walang sagot.
Gagawin ko ang lahat ng iyon para sa kanya, para sa aking nag-iisang kapatid. Kahit na hindi niya naman ako gustong kausapin pabalik.
“Maupo na po kayo Ma'am and Sir doon sa unahan,” utos ng photographer sa aming apat, nasa studio na kami kung saan magpapakuha ng litrato. “Ikaw hija ay tumayo ka sa likod ng inyong ina,” nakangiting turo niya sa akin, “At ikaw naman hijo ay doon ka sa likod ng inyong ama,” turo niya naman kay Geron, “Ngumiti kayo para mas maganda ang kalabasan nito.”
Excited ay nakangiti kong nilingon si Geron.
“Let's go brother.” pag-aaya ko sa kanya, hindi niya ako tiningnan sa halip ay matulin siyang naglakad patungo sa likuran ni Tito Papa.
Wala akong nagawa kung hindi ang pumunta na rin sa aking pwesto na nasa kanyang tabi.
“Ngumiti po kayo.”
Narinig ko ang mahinang paghagikhik ni Mama at Tito Papa, kung kaya't ngumiti na rin ako.
“Hijo, ngumiti ka naman.” utos na nito kay Geron, “Masasayang lang nito ang larawan.”
Tiningnan ko siya at nakita kong hindi man lang nagbago ang kanyang itsura simula pa noong dumating sila dito sa aming bayan.
”Bro, ngumiti ka naman daw.” bulong ko habang ipinapakita sa kanya ang dapat niyang gawin na ngiti, “Kuya Geron ganito you..saglit lang po Kuya.” senyas ko sa kukuha ng litrato.
Dinukot ko ang aking maliit na libro sa bulsa at hinanap dito kung ano ang ingles ng kailangan.
“Kuya Geron, you need to smile.” bulong ko na bahagyang sumandal pa sa kanya, “Smile.”
Hindi pa rin nagbago ang reaksyon nito dito.
Saglit na lumingon sa akin si Mama, naiilang.
“Miura, huwag mong pilitin kung ayaw niya.”
“Pero Mama--”
“Ayos lang hija, hayaan mo lang siya kung ayaw niyang ngumiti.” saad na ni Tito Papa.
Bahagya ako doong nalungkot, sa inaasta niya ay para bang wala siyang pakialam sa anak. Hindi ko nakita sa kanyang mga mata ang pagmamahal dito, kaya rin siguro ito ganito.
“O sige po,” nguso ko na bahagyang napahiya, ang arte naman at ang damot niya. Pwede naman siyang ngumiti kahit na peke lang bilang kanyang pakikisama, pwede naman iyon kahit na hindi ito tunay na ngiti. “Ayos na po Kuya, kunan mo na po kami ng litrato ngayon.”
“Okay sige, ngiti na po tayo mga Ma'am at Sir.”
Mabilis kong hinablot ang kanyang isang braso na nasa kanyang tagiliran. Pilit niyang binawi ito pero hindi ko iyon binitiwan, sa halip ay mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak dito.
Hahawak lang ako sa braso mo, Kuya Geron. Huwag kang madamot, kapatid mo na ako.
Naramdaman ko ang kanyang ginawang paglingon ngunit hindi ko siya pinansin pa.
“Ito na po isa, dalawa, tatlo...smile!”
Sa pagkislap ng camera sa amin ay mabilis kong inihilig ang aking ulo sa isang balikat niya. Wala na siya doong nagawa pa dahil ang pagkuha ng litrato sa aming apat ay tapos na.
“Maraming salamat po,” nakangiting yukod ng photograper sa amin, “Pakihintay nalang po sandali at ang litrato niyo ay agad makukuha.”
Naglibot-libot ako sa loob ng studio habang si Mama, Tito Papa at Geron ay nakaupo lang. Lumapit ako sa photograper at inuusisa ang aming mga larawan na sinasalin sa papel.
“May malaking size po kayong ginawa?” tanong ko habang sinusulyapan ito.
“Mayroon Hija, kagaya ng hiling ng mga magulang niyo sa akin.”
“May kasama na po ba iyong frame?” ikot ko sa may gilid niyang banda.
“Mayroon na, package ang kinuha niyo.”
“Ah ganun po ba Kuya?” ngumiti ako nang tumango siya sa akin, “Pwede po bang makiusap na gawan niyo kami ng apat na kapwa parehong wallet ang size?”
Sinulyapan niya ako, malawak ang ngiti.
“Sige, masusunod ang iyong nais Hija.”
“Hala, maraming salamat po Kuya!” bulalas ko na pinagsalikop pa ang dalawang palad, “Babayaran nalang po namin iyong extra.”
Lalo pang lumawak ang ngiti ko nang marahan siyang tumango sa akin bago siya ngumiti.
Galing!
Para sa aming wallet ang apat na larawang iyon na sa aking ipinapagawa na sa kanya.