Chapter 7

3869 Words
Nang sumapit ang alas-singko ng hapon ay ako na ang nagkusang lumabas ng aking silid. May namumugtong mga mata at namumula ang aking ilong. Inihahanda na ni Tito Papa at Mama ang mga bagaheng kanilang dadalhin sa pag-alis. Inilalabas na niya iyon sa may gate, dumating na rin ang tricycle na kanilang sasakyan patungo sa paradahan ng mga bus. Nakita kong tahimik na nakaupo sa puno ng aming hagdan si Geron, mataman silang pinagmamasdan sa kanilang ginagawa. Saglit itong nagbaling ng tingin sa akin nang tahimik akong maupo sa kanyang tabi. Hindi ko siya pinansin ni kahit saglit na lingunin. Itinaas ko ang aking dalawang binti at niyakap iyon, walang imik na ipinatong ko dito aking baba sabay buntong-hininga nang malalim. Paalis na talaga sila patungong bakasyon. Nang tinanggal niya ang tingin sa akin ay muli akong malalim na humugot ng aking hininga. Hindi ko na mapigilan ang sarili na malungkot. “Geron, don’t make it difficult and tough for Miurasel the days that will passed by while we are gone.” nakangiti at may pakiusap na baling ni Tito Papa sa kanya, “Give her words some interest and approve her if she wanted to have breakfast, lunch, and dinner with you. You are her older brother now, you need to take good care of her too as she did to you. Did you understand what I am telling you, Geron?” Kagaya ng kanyang nakasanayan na, hindi ito sumagot. Hindi rin ito tumango bilang kanyang pagsang-ayon sa mga sinasabi ng ama. “Alfred, hindi naman na alagain si Miura.” mahinang pagtawa ni Mama na inaayos ang suot na makapal na abuhing jacket, nakangiting nilingon siya ni Tito. “Alam kong magkakasundo iyan silang dalawa kaya huwag ka ng mag-alala pa, kaya na ni Miura ang mga sarili nila.” nakangiting bumaling ito sa may aming banda, “Hindi ba anak?” Napipilitan akong marahang tumango, maliit na ngumiti bago magtaas ng paningin sa kanilang dalawa. Ilang saglit pa ay umahon ako sa aking pagkaka-upo. Maingay na nag-inat ng mga braso upang ikubli ang aking lungkot na agaran nang namumuo at nagiging mga luha. “Oo naman po Mama,” pinasigla ko ang aking tinig na nagsimula ng bumaba ng hagdan. “Ako na po ang bahala kay Kuya Geron, Tito Papa, parati po kaming magbabaon ng pagkain na dalawa para sa aming tanghalian sa paaralan.” Agad na sinuot ko ang aking bota at mabagal na humakbang palapit sa kanila na patapos na sa ginagawa. Inilululan na ng driver ng tricycle ang kanilang mga maleta sa bubungan nito. “Tignan mo Alfred, kaya na iyan ng mga bata at isa pa ay nandito naman si Ate Belith, hindi niya iyan sila pababayaang magutom dito.” Kumurap-kurap ako at pa-simpleng suminghot. Nilingon ko si Geron na nananatiling tahimik na nagmamasid pa rin sa aming magulang. “Mag-iingat po kayo palagi doon Mama, tumawag lang po kayo dito kapag nami-miss niyo kaming dalawa.” nakangiti kong turan na nagawa nang makalapit sa kanilang dalawa, masuyo kong niyakap sa kanyang beywang si Mama. Binalingan niya ako at inayos ang bahagya kong nagulong buhok. “Iyon nga lang po ay hindi niyo makakausap si Kuya Geron, babalitaan ko pa rin naman po kayo ng tungkol sa mga nangyayari sa aming dalawa dito.” “Sige, ikaw na ang bahala sa kapatid mo ha?” ulit pa ni Mama na tila ba ako ang matanda sa aming dalawa ni Geron, “Sa loob ng inyong paaralan ay alalayan mo rin siya dahil bago pa lang siya dito sa bayan natin, Miura.” paulit-ulit akong tumango, “Sigurado akong nakakaintindi siya ng tagalog kung kaya huwag mo nang paduguin ang ulo mo sa kaka-aral ng english.” Mahinang tumawa si Tito Papa, ganundin si Mama lalo pa at nanliit ang aking mga mata. “Mama!” nguso kong sigaw bilang protesta. “Tama ang iyong ina Miura,” pagsingit sa amin ni Tito Papa, “Marunong at nakakaintindi rin si Geron ng Tagalog kung kaya pwede mo siyang kausapin sa lenguwaheng ito anumang oras. Nawala man pansamantala ang kanyang tinig, hindi naman siya lubusang naging bingi at bulag para hindi niya na maunawaan at marinig ang iyong mga sinasabi sa kanya.” “Kahit na po, Tito Papa.” pag-iling ko upang pagtakpan ang aking kahihiyan dito, “Mas maganda na malinaw niya pa rin sa English.” Mahina silang nagtawanan ni Mama sa aking tinuran. Ilang sandali pa ay pinuntahan niya si Geron at bahagyang niyakap, nanatili lang na nakatingin kami ni Mama sa kanilang dalawa. May mga bilin pa ito sa aking kapatid na ang iba ay hindi ko na naintindihan pa, dahil nakatingin pa rin ako sa mukha ni Geron na wala pa ‘ring kahit na katiting na emosyon. “Mag-iingat po kayo Mama at Tito Papa!” wika kong muli habang inihahatid sila sa tricycle na nasa labas ng aming tarangkahan ng bahay. “Kayo rin dito anak ha, kapag may problema ka ay tawagan mo lang kami sa telepono.” “Opo Mama, magsaya po kayong dalawa doon ni Tito Papa at huwag niyo po kaming isipin.” Unti-unting nilukob ng labis na lungkot ang aking katauhan nang sumakay na sila dito. “I love you aking Miura,” nakangiting sambit ni Mama na muling bumaba ng tricycle, mahigpit niya akong muling niyakap. “Huwag kang iiyak.” Ngumuso ako, naluluha na sa mga sinabi niya. ”Mahal din po kita Mama.” singhot ko. “O siya, aalis na kami anak.” haplos nito sa aking isang pisngi dahilan upang humikbi ako, “Sabi ko huwag kang iiyak eh.” “Pinapaiyak mo ako Mama.” patuloy kong hikbi. Mahina siyang tumawa, pero bakas rin ang lungkot doon. Ikinukubli niya lang ito sa akin. “Sige na anak...” kalas nito ng yakap sa akin, “Aalis na talaga kami ng Tito Papa, ha?” “O-Opo...” may bikig sa aking lalamunan. Pinanood ko silang sumakay na ng ayos sa tricycle. Binuhay ng driver ang makina nito. “Geron, mag-iingat kayo dito ni Miura ha?!” si Tito Papa na kumaway pa sa kanyang pwesto. Nilingon ko siya pero kagaya kanina ay tumingin lang ito at hindi man lang nagbitaw ng kahit isang salita para sa kanilang dalawa. “Ba-bye po Mama at Tito Papa.” kaway ko nang tuluyan nang umandar ang tricycle at unti-unti nang lumayo sa aming tahanan, “Magsaya po kayong dalawa doon ni Mama!” patuloy kong sigaw ng bahaw habang tinanaw ang tricycle kung saan sila nakalulan na unti-unti nang lumiliit at nawawala sa aking mga paningin. “Mama, Tito Papa, mag-iingat po kayong dalawa at maging malusog sa bawat araw na dadaan na hindi namin kayo kasama at nakikita, sana po ay maging masaya kayong dalawa sa inyong pupuntahang bakasyon.” bulong ko na patuloy na umaagos pa rin ang masaganang luha ng agad ay aking pangungulila, “Huwag po kayong mag-alala sa aming dalawa ni Kuya Geron dahil ako na po ang bahala sa kanya, sisiguraduhin kong magiging maayos po kaming dalawa dito hanggang sa araw ng inyong pagbabalik dito.” Tuluyan na akong humikbi, pinahid sa manggas ng aking suot na damit ang aking mukha. Tumalikod na ako sa harapan ng mahabang kalsada, at humakbang nang muli papasok ng aming tahanan. Malapit na ang takipsilim, nag-aagawan na ang mga kulay kahel, abo at puting mga ulap sa kalawakan nang dahil sa nalalapit na paglubog ng araw. Mabini ang ihip ng malamig na hangin pero sa aking pakiramdam ay matabang at malungkot ito. Siguro ay dahil ito sa aking nararamdaman. “Kuya Geron, sandali lang!” malakas na sigaw ko na nagmamadali na ang mga hakbang papasok, nang makita siyang agad na tumayo at pumasok sa loob ng aming bahay. “Saan ka na ba pupunta?” Hindi pa kami kumakain ng hapunan, maaga pa kaya kung matutulog siya ay hindi pwede. “Matutulog ka na ba?” hirapan akong humakbang dahil sa mga putik na nakadikit sa aking dalawang talampakan, “Maaga pa Kuya Geron, kakain muna tayo ng hapunan bago tayo tuluyang matulog at magpahinga.” Halos matumba ako at madapa sa hagdan sa aking pagmamadali na matanggal ang suot na bota. Mahigpit kong hinawakan ang braso niya. “Kuya Geron, kinakausap naman kita.” Tinapunan niya ako ng isang nagliliyab na mga tingin. Agad akong natakot doon kung kaya ay mabilis kong kinalas ang aking pagkakahawak nang mahigpit sa kanyang braso. “S-Sorry...” tila asong bahag ang buntot na saad ko, “Gusto ko lang naman na sabay tayong kumain ng hapunan ngayong nakaalis na si Mama at Tito Papa, sumabay tayo kina Senda.” Walang imik at lingon-lingon na nilayasan niya ako. Malakas na padarag na isinarado niya ang pintuan ng kanyang silid. Sa gulat ko ay muntik na akong matumba, kung hindi lang ako agad na napahawak sa main door ng aming tahanan. “Grabe, dinadabugan niya ba ako?” iiling-iling na tanong ko sa kawalan na habol ang hinga, “Kakasabi lang ni Tito Papa na maging mabuti siya sa akin, tapos ngayon ay ano itong ipinapakita niyang ugali sa akin?” Mabilis na umikot ang aking mga mata sa kawalan, umayos ako ng tayo at humalukipkip. Masama kong tiningnan ang malayong dahon na pintuan ng silid na kanya nang inuukopa. “Bahala ka nga riyan, hindi naman ako ang magugutom mamaya kung hindi ikaw.” nguso ko na kumikibot-kibot pa ang bibig, “Tingnan ko lang, ikaw iyong papayat at hindi naman ako. Ikaw iyong hindi makakatulog nang dahil sa walang laman ang iyong tiyan. Mananaginip ka ng masasama dahil gutom kang natulog.” Pamartsa akong humakbang patungo sa aming kusina, kanina bago umalis sina Mama ay nakita kong nagluluto na doon si Tita Belith ng aming magiging hapunan ngayon. Siguro ay nakahanda na ito, nandoon na rin si Senda eh. “Oh, nasaan ang kapatid mo Miura?” agad na tanong ni Tita sa akin pagpasok ko ng kusina. Tuloy-tuloy akong tumungo sa lalagyan ng aming mga plato, walang imik na naglabas na ng mga ito at marahang dinala sa aming mesa. “Nasa kwarto na po niya Tita.” sagot ko. “Hindi ba iyon kakain ngayon ng hapunan?” nagkibit-balikat ako dahil hindi ko rin alam, “Tiyak na magugutom iyon sa hatinggabi.” “Oo nga Miura, magugutom iyon mamaya.” sabat ni Senda na nagsasandok na ng kanin, “Ikaw ang mapapagalitan ni Tita Melinda.” “Inaya ko naman siya.” giit kong sagot sa sinabi ni Senda, tinanggap ko ang bandehado ng kanin na inaabot niya sa akin. “Tinalikuran niya ako at pumasok na sa kanyang kwarto.” “Baka naman busog pa siya.” pagbawi ni Senda dahil nakita niyang sumasama ang timpla ko. “Magugutom pa rin iyon Miura, dahil mahaba ang gabi ngayon keysa sa araw.” si Tita Belith. “Mamaya nalang po siguro siya kakain, Tita.” tugon kong agad naupo na sa aking pwesto. Naupo na rin sila sa lamesa at nagsimula na kaming tahimik kumain. Busog pa siya siguro. “O sige, sabihin mo diyan sa kapatid mo na kapag kumain mamaya ay hugasan niya na rin iyong mga platong pagkakainan niya.” ani Tita sa akin, medyo masama ang dating noon sa akin pero hindi ko nalang siya pinansin. Baka tinuturuan niya lang kami na maging masipag, “Dahil wala tayong katulong sa bahay na ito.” Marahan akong tumango sa sa kanya. “Sasabihin ko po sa kanya Tita Belith, kahit hindi naman siya nagsasalita.” medyo pa-pilosopo kong tugon sa kanya. “Hindi siya nagsasalita?” interesadong tanong agad sa akin ni Senda, “Pipi ba siya Miura?” “Anong pipi Senda?” tanong kong kumuha na ng isa sa ulam na ginisang ampalaya. “Iyong mga taong hindi nagsasalita simula ng ipanganak sila, kasama na doon ang pagiging bingi ng mga taong may kasong ganoon.” “Hindi siya bingi Senda, may dahilan lang daw kaya mas pinili niyang huwag na magsalita.” “Aah...” tango niya sa akin, “Pansamantala.” Tumango-tango ako at nagsimula ng kumain. “At itong mga pinagkainan natin ikaw na rin ang bahalang maghugas at magligpit Miura.” saglit akong natigilan sa sinabi ni Tita Belith, maano bang tulong-tulong kami sa mga ito. Bakit akong mag-isa lang ang gagawa noon? “Ako ay pagod at nilalamig na, at ito namang si Senda ay pagod din sa naging biyahe namin.” Ilang oras lang naman ang biyahe nila, dalawa, tatlo o apat na oras lang naman iyon. Hilaw at payak akong ngumiti sa kanya, tumango na rin. “Sige po Tita Belith, ako na po ang bahala sa mga hugasan natin ngayong gabi.” agad na sumilay ang kakaibang ngiti sa kanyang labi, “Hindi naman po ako pagod sa kasal ni Mama.” Sarkastiko iyon, pero hindi niya naintindihan. “Mabuti kung ganon, Miura.” Hindi na ako sumagot pa, nagpatuloy kami sa pagkain. Panaka-naka ang pagtatanong ni Senda sa akin ng mga bagay-bagay. Noong bata pa siya ay madalas silang pumupunta dito, lalo na noong nabubuhay pa si Papa. “Kaibigan mo pa rin ba si Eriza hanggang sa ngayon Miura?” usisa niya sa akin. Tumango ako at nilunok ang kinakain. “Oo, wala naman sa aming nagbago.” “Sana makahanap din ako ng mga bagong kaibigan sa paaralan na iyon.” aniyang pinagsalikop ang dalawa niyang mga palad. “Ayaw mo sa aming dalawa ni Eriza?” mahina akong tumawa sa kanya, “Inis sa kanya ang aking matalik na kaibigan kahit noon pa.” “Hindi naman sa ganun Miura, ang ibig kong sabihin ay gusto ko rin ng matatawag na matalik na kaibigan kagaya niyo ni Eriza.” “Aah, pwede mo iyong gawin kay Arlo.” sambit ko na ang tinutukoy ay ang class president. “Iyong payat na iyon?” malakas itong tumawa, “No thank's, iba nalang please...” Tumawa na rin ako sa inaasal niya. “At isa pa ay...” saglit siyang natigilan nang mapansin na tapos ng kumain si Tita Belith, pabalik-balik nalang ang tingin nito sa amin. “Mama, bakit ganyan ka kung makatingin?” Mabilis kong ibinaling ang paningin sa plato. “Bilisan mo ng kumain nang makapahinga ka na, maaga pa ang klase niyong dalawa bukas.” sa halip ay sambit nito sabay tayo sa upuan, “Miura, iligpit mo ng maayos ang ating kusina.” Tumango ako bilang pagtalima sa utos nito. “Susunod na po ako sa'yo Mama,” tugon ni Senda dito, nang tumalikod ito ay tiningnan niya ako ng may pakiusap. “Pagpasensiyahan mo na si Mama Miura ha, alam mo naman ang isang iyon patanda nang patanda na ngayon.” “Walang problema sa akin iyon Senda, kaya ko namang maghugas ng mga pinagkainan natin.” tugon ko na ngumiti pa sa kanya, ang liit ng bagay na ito at isa pa ay normal na gawain ito ng mga anak na babae. “Madalas ko rin itong gawin kapag pagod si Mama noon. At isa pa ay wala na rin naman akong gagawin pagkatapos nito, matutulog nalang din naman ako.” “Hindi ka magtatampo niyan kay Mama ah, baka mamaya ay magalit ka sa kanya.” Pagak akong tumawa, magagalit agad? “Naku hindi,” natatawang iling ko sa kanya, “Hindi ako ganong klase ng tao, hindi ako nagdidilig at nag-aalaga ng sama ng loob.” “O sige sinabi mo iyan ah, tapos na rin akong kumain.” nakangiting tayo nito sa upuan niya, “Pagkatapos mong maghugas ay magpahinga ka na rin, maaga pa ang pasok natin bukas.” tumango ako sa kanya, “Sa mga susunod na araw ay tutulungan na kita sa pagliligpit dito.” “Sige.” nakangiti kong pagtango sa kanya. Marahan niya akong tinapik sa balikat bago tuluyang tumalikod at lumabas na ng kusina. “Hindi naman malungkot kumain ng mag-isa.” alo ko sa aking sarili na patuloy pa sa pagkain. Hindi naman talaga malungkot iyon, pero iba ang kaso sa akin ng gabing ito. Nami-miss ko na agad si Mama na kasabay kumain, hindi pa pala ako sanay na wala siya sa aking paningin. “Bakit ba ako nalulungkot?” buntong-hininga ko pagkatapos kong ubusin ang tubig sa baso, “Saglit lang naman silang mawawala dito eh.” Mabagal kong iniligpit ang mga pinagkainan namin, umaasa akong lalabas ng kanyang kwarto si Geron at maghahanap ng kanyang pagkain. Ako na ang mag-aasikaso sa kanya, baka kasi hindi niya pa iyon alam at ako na rin ang bahalabg magligpit ng pinagkainan niya. “Sana, bago umuwi sila ay nagsasalita na siya.” wala sa sarili kong sambit na panay ang sulyap sa pintuan ng pintuan, baka sakaling dumaan. Ngunit bigo ako, nasa huling plato na ang aking binabanlawan ay hindi man lang siya lumabas ng kanyang kwarto. Hindi rin siya kumuha man lang ng kanyang tubig na maiinom sa sandaling mauhaw siya sa loob ng silid. Nang matapos sa aking ginagawa ay nagpasya na akong katukin siya doon at baka nahihiyang lumabas, kumain o magpakita. “Kuya Geron? Bro?” mahinang katok ko sa kanyang pintuan, “Lumabas ka na diyan at kumain ka na. Hindi ka ba gutom?” ulit kong katok sa pintuan, “You need to eat something, sasakit ang iyong tiyan kapag walang laman.” Wala akong sagot na narinig, idinikit ko ang aking tainga sa dahon ng pintuan ng silid. “Kuya Geron?” muli kong pagkatok dito, “Nasa loob ka naman ng silid na ito hindi ba?” Nanatiling wala akong narinig na sagot dito. “Kuya Geron?” paulit-ulit ko pang katok dito. Sinubukan kong pihitin ang seradura nito, naka-lock iyon kaya hindi ko ito mabuksan. “Please, get out of there.” pagpupumilit ko pa rin sa English kahit alam kong nakakaintindi ito ng Tagalog, “Please, have your dinner Kuya...” “Miura?” Mabilis akong napapitlag nang magsalita si Tita Belith sa aking tabi, hindi ko namalayan ang paglabas nito mula sa kanilang kwarto. “Bakit po Tita Belith?” Tiningnan niya ako nang mataman sa mata. “Hayaan mo siya kung ayaw niyang kumain at baka siya ay busog pa.” turo niya sa pintuan ng silid ni Geron, “Lalabas din iyan kung sakaling nagugutom, ang mabuti pa ay magpahinga ka na at maaga pa ang pasok sa paaralan bukas.” Alumpihit akong tumango sa kanya, parang hindi yata ako makakatulog nang dahil dito. “Sige po, Tita Belith.” Tinalikuran niya na rin ako nang tumango ako at humakbang palayo sa naturang silid na iyon. Nakapasok na si Tita sa silid nila ni Senda. Pagkatapos ng ilang hakbang ay lumingon akong sa kanyang silid. Kung nakakaramdam siya ng hiya sa amin ay paniguradong hindi siya kakain lalo at wala dito ang kanyang ama. “Bro, when you feel hungry or thirsty just go to the kitchen of our house. We left some food for you there, your dishes were covered on the dining table and the rice is in the pot.” patuloy ko, “Kung gusto mo naman ng kasama ay katukin mo lang ako sa aking silid, lalabas ako at hahainan kita ng mga pagkain mo, Kuya.” Muli akong bumuntong-hininga nang walang sagot na nakuha. Tuluyan na akong tumalikod at pumasok sa aking silid. Walang imik akong naupo sa aking kama at marahang tinitigan ang litrato nga aming pamilya. Humantong iyon sa larawan naming dalawa ni Vins, ang lalaking tinutukoy ni Senda sa akin kanina. Kuha iyon kamakailan lang nang bumisita ito. “Hi Vins...” dampot ko sa picture frame, “Kailan ka kaya ulit bibisita sa school namin?” Maliit na kumurba sa ngiti ang aking labi habang pinagmamasdan ko ito, hindi kaila sa akin na mayroon siya sa aking paghanga. Gusto ko rin naman siya noon pa, kaya lang ang sabi sa akin at kabilinan noon ni Mama ay huwag akong magmadali sa aking mga desisyon sa buhay. Bata pa rin naman ako. “Hindi na ako makapaghintay na muli kang makita, sana ay nasa maayos ka lang Vins.” Binitawan ko ang picture frame namin at muling bumaling sa larawan naming pamilya. “Goodnight, Mama.” nakangiting haplos ko sa kanyang nakangiting mukha, “Goodnight Tito Papa, goodnight Kuya Geron.” Lumalim pa ang aking paghinga nang magawi ang aking mata sa isa pang picture frame kung saan ay bata pa ako doon, nakasuot ng pangbatang panlangoy. Pareho kaming yakap ni Papa ni Mama sa kanyang mga bisig. Kapwa kami nakangiti, ang larawang iyon ay masaya. “Goodnight na po, Papa...” humina ang tinig ko. Pagkaraan ng ilang sandali ay nahiga na ako sa aking kama upang matulog na. Sanay na ako sa lungkot na lumulukob sa akin tuwing gabi, iba lang sa gabing ito na mas malungkot. “Goodight aking prinsesa, Miura.” pikit kong panggagaya sa malalim na tinig ni Papa. Malakas akong tumawa sa aking kalokohan. Umayos na ako ng higa sa aking kama, mahaba ang naging araw na ito para sa akin at kailangan ko na ‘ring magpahinga para bukas. Mababaw palang ang aking tulog ay nakarinig na ako agad ng isang malakas na pagkalabog at pagbagsak ng dahon ng pintuan. Hindi ko alam kung kina Tita Belith iyon o kay Geron. Mabilis akong bumangon na agad na bumalik sa paghiga, baka pusa lang iyon na hindi ko na kailangan pang pag-aksayahan ng aking oras. Paano kung si Geron? Nang marinig ulit iyon na kasabay ng malakas na pagsigaw ni Tita Belith ay mabilis na akong bumangon at napatayo sa aking kama. Iisa lang ang naiisip ko, maaaring si Geron iyon. “Tita Belith ano pong meron?” tanong ko pagkabukas ng pintuan ng aking silid. Agad nanlaki ang aking mga mata nang makita si Geron doon, nasa labas ng pintuan ng silid. Hawak niya ang tiyan at namimilipit sa sakit. “Kuya Geron, may masakit ba sa'yo?” mabilis na paglapit ko at salat sa pinapawis na noo. “Gutom ka ba kaya ka ganyan? Magsalita ka!” Mabilis ko siyang hinawakan sa braso na agad niyang iwinaksi. Pilit siyang tumatayo sa kanyang mga paa gamit ang isa pang kamay. “Kuya Geron, ano bang nangyari sa'yo?” “Ayan ang sinasabi ko!” malakas na sigaw ni Tita Belith na labis na ikinagulat ko, “Hindi siya naghapunan malamang humahapdi ang tiyan.” Agad na gumapang ang takot sa akin nang maintindihan ang ibig sabihin ni Tita Belith. “Malalim na ang gabi Miura at may mga natutulog na pero iyan nangi-istorbo pa!” Hindi ko na gusto ang tabas ng dila nito. Sa halip na sabihan niya kami ng dapat na gawin ay heto siya, sinisisi pa kami na pansarili niya. “Pasensiya na po Tita Belith...” paulit-ulit kong hingi nang paumanhin sa kanya. Muli kong ibinalik ang tingin kay Geron, bakas sa mukha niya na mayroon siyang iniinda dito. “Kuya Geron, masakit ba ang tiyan mo?” Sinubukan kong muli siyang hawakan, ngunit agad niya iyong pinalo nang tangkain ko siyang muli sanang hawakan at saglit na alalayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD