Pagdating namin ng tahanan ay nandoon na si Tita Belith at ang aking pinsang si Senda, bagong dating pa lang at naghihintay sa amin. Agad silang nagyakap nang mahigpit ni Mama, ako naman ay patakbong nagtungo kay Senda.
“Senda!” bulalas kong yumakap na rin dito.
Malapit kaming dalawa sa isa't-isa lalo na at da-dalawa lang kaming magpinsan sa angkan ng aking namayapang ama. Paminsan-minsan lang din kaming kung magkita, kapag may mga pagkakataon. At nanatili pa rin kaming malapit sa bawat isa, kahit na walang komunikasyon.
“Miura, kumusta ka?!” balik-tanong niya na ginantihan niya na rin ako nang mga yakap. “Parang pumayat ka noong huli tayong magkita, mapili ka pa rin ba sa pagkain?”
Pagak akong tumawa sa tinuran niya. Kung dugo ang pagbabasehan ay panganay siya sa akin, kung edad naman ay ilang buwan lang.
“Ayos lang naman ako, masaya ako na dito ka na mag-aaral.” kalas ko sa kanya ng yakap, hindi maitago ang saya sa aming mga mata. “Ikaw? Kumusta ka na? Tumangkad ka pa.”
Siya naman ang malakas na tumawa sa aking huling sinabi. Binuksan na ni Mama ang aming pintuan ng bahay at nauna na silang pumasok sa loob nito. Naiwan kami ni Senda na hindi matapos ang ngiti sa aming labing giniginaw.
“At alam mo ang sekreto diyan.” pabirong akbay niya sa akin, “Tumalon sa bagong taon.”
Bumunghalit na ako ng tawa, na-miss ko ang mga usapan naming ganitong dalawa noon. Sinabayan niya ako sa pagtawa, natigil lang iyon nang pamartsang lagpasan kami ni Geron. Nasa bulsa ng suot na pantalon ang kanyang dalawang kamay, walang kahit na anong emosyon ang makikita sa mukha niya. Agad na hinubad ang suot nitong sapatos.
“Sino iyon?” tanong ni Senda nang pumasok ito sa loob ng aming bahay, kasunod si Tito Papa.
“Aah, anak ng bagong asawa ni Mama.” wala sa sarili kong tugon, nakatitig pa rin sa pintuan na pinasukan ni Geron. “Hindi naman siguro kaila sa inyo ni Tita Belith na may isang anak iyong naging pangalawang asawa ni Mama.”
Mabilis itong umiling, nagtataka pa rin.
“Alam namin ni Mama na mag-aasawa siya ulit, pero hindi namin alam na may anak din ito.”
Hindi ako nagsalita sa tinuran niya sa akin.
“At ang akala namin ni Mama ay ikaw lang iyong sasamahan namin sa bahay na ito.” dagdag pa nitong halatang nagulat nga dito.
Mahina akong tumawa habang hinihila siyang maupo sa aking tabi sa pinakahuling baitang ng aming hagdan. Sinimulan kong hubarin ang aking suot na bota na agad niya itong ginaya.
“Hindi naman na alagain pa si Kuya Geron, Senda.” pilit na ngiti ko sa kanya, medyo nasaktan ako sa sinabi niya na parang dagdag pagod pa kay Tita Belith si Geron, “Kaklase rin natin siya sa paaralan at matanda siya sa atin ng dalawang taon.” tumawa ako ng bahagya siyang umirap sa akin, “Sinasabi ko lang sa'yo.”
“Tumigil siya sa pag-aaral?” tanong niyang hindi pinansin ang huling sinabi ko, tumayo na ito. Agad akong tumango sa kanya. “Bakit?”
Umiling ako, kahit na alam ko ang rason ayoko pa rin na sabihin iyon sa kanya. Baka isipin ni Geron na ang daldal kong kapatid sa kanya.
“Hindi ko rin alam,” hinga ko nang malalim, “Kita mo naman na parang ayaw niya sa akin.”
Tumalikod na kami at humakbang papasok sa loob ng aming tahanan. Naabutan namin si Mama, Tito Papa at Tita Belith na naka-upo sa aming sofa at umiinom ng luyang tsa-a. May masinsinan sila ditong pinag-uusapan. Wala si Geron, paniguradong nasa silid na ito agad.
“Miura...” mahinang bulong niya sa akin.
“Bakit?” tanong kong pabulong din.
“Iyong anak ng bagong asawa ni Tita Melinda, hindi ba iyon magpapagupit bago pumasok?”
Natigilan ako, medyo mahaba nga ang buhok nito na halos tumabon na sa kanyang mga mata. Hindi mahaba na kagaya ng babae, para itong gupit na shaggy na hanggang balikat. Maruming tingnan kung tutuusin, pero ayokong mag-suhestyon ng mga dapat niyang gawin habang nandito siya. Ayokong gawin iyon dahil baka isipin niya nakikialam na ako.
“Wala akong alam.” kibit-balikat ko sa kanya, “Kapag naging malapit na kami, baka sabihan ko na rin siya na gawin nito ang bagay na iyon.”
“Mas malinis siyang tingnan kapag ganun.”
Tumango ako bilang pagsang-ayon, tama naman si Senda doon. Subalit sa asta ni Geron, ayokong maging paulit-ulit muli sa kanya tapos sa bandang huli ay hindi niya rin papansinin. Bago pa ako makasagot sa sinabi niya ay nakangiti nang lumingon na sa amin si Mama.
“Ano pang ginagawa niyong dalawa diyan?” tanong nito, “May tasa kayo ng tsa-a dito.”
Nakangiti kami ni Senda at magkahawak ng kamay na lumapit sa kanilang kinaroroonan. Naupo ako sa tabi ni Mama si Senda naman ay nananatiling nakatayo sa gilid ni Tita Belith.
“Senda, bumati ka sa bago nating kapamilya.” mabilis na utos niya sa kanyang anak.
“Hello po...” nahihiyang agad na yukod nito sa may banda ni Tito Papa, “Ako po si Rosenda o Senda, ang nag-iisang pinsan ni Miura. Nice to meet you po at welcome po sa pamilya Tito.”
Ngumiti lang si Tito Papa at ngumiti sa kanya. Binuhat ko ang tasa ng aking tsa-a at tahimik na sumimsim na dito. Naupo na sa tabi ni Tita Belith si Senda, saglit siyang sumulyap sa akin. Maliit na ngumiti bago niya tuluyang binuhat ang kanyang tasa ng tsa-a. Tumango lang ako, muling humigop sa tasa na aking tangan.
Tahimik lang kaming nakinig ni Senda sa patuloy na usapan ni Mama at ng kanyang ina.
“Pasensiya na talaga sa abala Ate Belith, wala akong maisip na maaaring pag-iwanan pa sa dalawang bata habang nasa ibang bansa kami maliban sa'yo.” patuloy ni Mama dito, “Huwag kang mag-alala kagaya ng sinabi ko ay weekly akong magpapasok ng pera sa bank account mo para sa mga gastusin niyo araw-araw.”
Paulit-ulit na tumango si Tita Belith sa kanya.
“Huwag ka ng mag-alala sa kanila Melinda, ako na ang bahala sa dalawang mga bata.”
Bahagyang umangat ang gilid ng aking labi, natatawa ako dahil iniisip nilang bata pa kami.
“Babawi ako sa inyong dalawa ni Senda Ate Belith sa aming pagbabalik kaya sana ay huwag mong pababayaan si Miura at Geron dito, alam mo na kung minsan ay pasaway itong si Miura sa kabila ng edad niya.” si Mama na bahagyang sumulyap sa akin, ngumuso ako. “Ikaw na rin sana ang bahalang magluto ng pagkain nilang dalawa, baka masunog ang ating kusina kapag hinayaan mong si Miura ang gumawa ng mga bagay na iyon.”
Humagikhik nang mahina si Senda sa tinuran ni Mama, sinamaan ko siya ng aking tingin.
“Tungkol naman sa mga labahin, pwede niyo iyong ipalaba Ate Belith.” patuloy na saad ni Mama, tumatango lang sa kanya si Tita Belith. “Magdadagdag ako ng pera na pambayad doon, alam ni Miura ang laundry shop dito.”
“Trust me Melinda,” pag e-english ni Tita Belith na bahagyang sumulyap kay Tito Papa. “Ako na ang bahala sa kanilang dalawa, hindi ko sila pababayaan habang wala pa kayo sa bansa.”
Ibinaba ko sa lamesita ang aking tasa ng tsa-a, natigilan ako nang mapansin kong may tasa pa ng tsa-a sa katabi ng tasa ni Tito Papa. Hindi ko na isasatinig pa kung kanino iyon, alam ko na ang sagot doon na iyon ay para kay Geron.
“Ate Belith kunin niyong mag-ina ang kwartong katabi ng kwarto mismo ni Miura at Geron, iyon ang kwartong aking inilaan para sa inyo.”
Sumulyap ako sa pasilyo na patungo sa aming mga kwarto, humantong iyon sa dahon ng pintuan ng silid na inuukopa mismo ni Geron.
Kuya, ayaw mo ba ng ginger tea?
Kuya, ayaw mo bang makipag-usap sa amin?
Kuya, sana maging maayos ka na upang matanggap mo na isang pamilya na tayo.
“Naku, huwag ka ng mag-alala Melinda, alam na alam na namin ni Senda ang silid na iyon.”
Iwinaksi ko ang mga katanungan at kuryusidad kay Geron na bumabalot na sa aking isipan. Muli kong binuhat ang tasa ng aking tsa-a, pinagtuonan ko na iyon ng aking pansin.
“Maraming salamat Ate Belith,” sensirong wika ni Mama, “Kung wala paano pa ako aalis dito?”
Mahinang tumawa si Tita Belith sa kanya.
“Pamilya tayo Melinda kaya sino pa ba ang titingin sa aking pamangkin na si Miura at sa aking bagong pamangkin habang wala kayo?” magiliw nitong tanong, “Malamang ay ako iyon dahil ako lang naman ang nag-iisa niyong kamag-anak na malapit sa lugar na ito.”
“Iyon na nga Ate Belith, kaya salamat talaga.”
Kung saan pa napunta ang usapan nila, sa bandang huli ay nakisali pa si Tito Papa dito. Nang maubos na ang tsa-a ay marahan nang tumayo ako, tahimik na nag-inat ng mga braso.
“Mama, magpapalit lang po ako saglit ng aking suot na damit.” paalam ko sa kanya.
Mabilis iyong ikinatayo ni Senda mula sa kanyang inuupuang bangko nang marinig ito.
“O sige Miura magpahinga ka na rin muna,” nakangiting lingon sa akin ni Mama, “Mamaya ay tatawagin nalang kita kapag aalis na kami.”
“Sige po Mama,” sumulyap ako kay Tito Papa, tumango lang rin ito sa akin nang nakangiti.
“Mama, gusto ko na rin pong magpalit ng aking damit na suot at magpahinga.” baling ni Senda sa kanyang gulat na ina, “Sasabay na po ako kay Miura patungo sa ating magiging kwarto.”
Napakurap-kurap si Tita Belith sa kanya sa hindi ko malamang dahilan, hilaw na ngumiti.
“O sige Senda, mabuti pa nga ay mauna ka ng magpahinga ka sa silid.” tugon nito sa kanya.
Saglit akong natigilan, bakit siya sasama?
“Halika na Miura!” kapagdaka ay hila niya sa akin papasok ng pasilyong patungo sa aming mga kwarto, natitigilan pa rin ako sa kanya. “Doon na ako mag-aaral sa school mo,” maya-maya ay saad niya pa kahit alam ko na ito. Naglalakad na kaming dalawa palayo ng sala, “Hindi ba at marami doong gwapo?”
Agad na natigilan ako sa aking paghakbang. Nilingon siya na may nanliliit na mga mata.
“Gwapo?” tumango siya sa akin na mahinang ikinatawa ko, “Sino sa kanila ang gwapo?”
“Hay naku!” agad na pag-irap niya sa akin, “Hanggang ngayon ba Miura ay inosente ka?” umiling ako sa kanya, alam ko na ang pinupunto ng babaeng ito. “Ang ibig kong sabihin ay iyong mga lalaking may magandang mga itsura, balita ko pa doon nag-aaral si Vins.”
“Si Vins na magaling sa boxing?” tanong ko na hindi sinagot ang kanyang unang tanong sa akin.
“Oo siya nga iyon Miura,” nasisiyahan niya ng wika na may paghampas pa sa aking braso. “Mayaman ang pamilya nila na may-ari ng ibang mga school na nasa iba't-ibang bayan.”
Tumango-tango ako, hindi interesado sa kung gaano kayaman ng buong pamilya ni Vins.
“Ilang buwan lang naman siyang pumasok doon Senda apat yata o lima, lumipat na rin siya agad sa Aurora na nasa kabilang bayan lang kasama ang buo niyang pamilya.” agad napawi ang kanyang masiglang mga ngiti, “Ngunit madalas siyang pumunta sa school lalo na kung may mga magsasanay para sa boxing, siya iyong tagapagsanay na nila.”
“Talaga?”
“Oo, ina-anunsyo naman sa paaralan kapag pupunta siya doon.” lalo pa siyang nasiyahan, “Isang beses sa isang buwan o dalawa Senda.”
“At least may pagkakataon pa na makilala ko siya at makilala niya rin ako, Miura.” wika niyang hinawi pa ang maikling buhok, “Halika na! Kailangan na nating magpahinga upang bukas ay mukha tayong sariwang dalawa.”
Malakas akong tumawa sa sinabi niya.
“Tingin mo magiging sariwa pa ako bukas?” mapagbiro kong tanong, “Paalis na mamaya si Mama patungo sa ibang bansa at iwan ako.”
Nilingon niya ako nanunukso ang mga mata.
“E ano naman? Nandito naman ako kasama mo at iyong bagong kapatid mo.” nguso niya.
“Kahit na--”
Tinakpan niya ng daliri ang aking labi.
“Mabilis lang ang mga araw na lilipas Miura, oo paalis pa lang sila ngayong araw pero hindi mo mamamalayan na bukas agad pauwi na sila.”
Pilit kahit peke akong ngumiti sa kanya.
“Kaya mo iyan, malaki ka na.”
“Ngayon pa lang ito mangyayari, Senda.” pabigat ko sa kanyang paghila sa akin.
“At paulit-ulit itong mangyayari dahil may bagong asawa na si Tita Melinda, dapat ay handa ka doon noong tanggapin at payagan mo siya na gawin ang bagay na iyon.”
Suminghot-singhot ako.
“Kasalanan mo rin iyan, dapat ipinagdamot mo nalang si Tita Melinda kahit kanino habang panahon.” lingon niya sa aking natatawa, “Pumayag ka, ayan magdusa ka na malungkot.”
“Senda...”
“Ano?!” tanong niya na malakas na sa pagtawa sa akin, “Para ka diyang siraulo, umayos ka nga Miurasel!” kunwa'y singhal niya pa sa akin.
“Rosenda...” pahaba ko pa ng aking nguso.
“Para kang tanga diyan!” halakhak niya pa rin.
“Gusto kong sumama sa kanila Senda.”
“Sige sumama ka, iwan mo kapatid mo dito.”
Natahimik ako, nga pala si Geron ay iwan din.
“Papalit na ako ng damit Miura, bihis ka na rin.” anitong pumasok na sa magiging silid nila.
Naiwan ako doong nakatanga sa dahon ng pintuan ni Geron, gusto ko siyang katukin at kausapin. Gusto ko ‘ring malaman ang mga pakiramdam niya ngayon na maiiwan kami ng aming mga magulang sa pangangala ng iba. Gusto kong magdamayan kaming dalawa, subalit gustuhin ko man iyon ay alam ko na imposibleng mangyari dahil ayaw niya sa akin.
Ilang sandali pa akong tumunganga doon bago nagdesisyon na pumasok na sa loob ng silid. Agad kong inilagay sa picture frame piraso ng aming ipinakuhang litrato namin kanina. Ipinatong ko iyon sa ibabaw ng aking maliit na lamesa na malapit sa aking katamtamang kama. Nakangiti kong pinasadahan ito ng tingin, isa-isang sinisiyasat ang mga mukha naming nakangiti sa larawan. Agad akong napaismid nang makita ang itsura ni Geron.
“Kung marunong ka lang sanang ngumiti Kuya Geron,” turo ko ng hintuturo sa kanyang mukha, “Mas magiging maganda sana ang kuha natin.”
Lalo pa akong napasimangot nang makita ko ang mga titig niya sa larawan na walang buhay. Matalim din iyon na parang ang buong mundo ay kanyang pasan at kaaway ang mga tao.
“Magiging magkaibigan kaya tayo?” tanong ko na pabagsak na nahiga sa aking kama, “Kailan ang araw na iyon? Darating pa kaya ito Kuya?”
Malalim akong humugot ng hininga, isang araw ay naniniwala pa rin akong ngingiti siya at muling pipilitin niya ulit na makapagsalita.
“Darating iyon, darating ang araw na iyon.”
Pagkatapos magpalit ng aking suot na damit ay bumalik ako sa harapan ng aking lamesa, malapit sa kama. Inilabas ko ang English na talasalitaan, paulit-ulit kong binasa doon ang iba pang mga banyagang salita. Ang iba ay isinulat ko pa sa aking blangkong notebook.
“Kapag sasabihin ko sa kanyang hindi pwede at huwag niyang gagawin iyon ay no Kuya Geron, please don't do that ang aking dapat na sasabihin.” bigkas ko na binilugan ko pa ang mga salitang iyon, “At kapag tatanungin ko siya kung saan siya pupunta ay where are you going, Kuya? I mean brother ang sasabihin.”
Nagpatuloy ako sa pagbabasa, ang ibang English pa doon ay malalim at para sa akin ay mahirap intindihin ang mga kahulugan nito.
“Gagaling din ako at huhusay sa pag e-english,” mahinang bulong ko sa aking patang sarili, “Magsisikap akong matuto ng language na ito.”
Ilang mga salita pa ang aking isinaulo at paulit-ulit na binasa upang huwag agad na makalimutan. Sinaulo ko rin ang tawag sa ibang kasangkapan sa loob ng aming bahay. Ultimong kutsara, tinidor at baso na ginagamit namin sa pang araw-araw na pamumuhay.
“Siguro naman ay maiintindihan niya na ako sa mga pinagsasabi ko sa kanya.” pagsasatinig ko na muling humiga ng kama, “Kahit na kaunti.”
Naburo ang aking paningin sa aming kisame, agad na lumipat iyon sa kamay ng orasan na hindi na mapigilan sa patuloy na paghakbang.
“Magiging ayos lang kami habang wala sila,” kumbinsi kong muli sa aking sarili, “Nandiyan naman si Tita Belith at Senda, hindi naman kami mag-iisa sa bahay na ito ni Kuya Geron.”
Unti-unting namasa ang bawat sulok ng aking mga mata. Kahit anong kumbinsi sa aking sarili ay nalulungkot pa rin ako nang sobra. Hindi ako sanay na malayo kay Mama, hindi ako sanay na nasa malayo siya kahit na pwede naman kaming mag-usap gamit ang telepono.
“Mama...” singhot ko na agad nagkabikig ang lalamunan, “Bumalik po kayo agad ha?”
Tuluyan na akong impit na umiyak, hinila ko ang aking isang unan at itinakip iyon sa aking buong mukha. Gusto kong ampatin nito ang aking mga luha na kagaya ng ginagawa niya sa mga luha ko ng pangungulila sa presensya ng aking yumaong tunay na ama. Gusto kong damayan niya rin ako, iparamdam sa akin na sa silid na ito ay kasama ko siya at hindi lang akong mag-isa. Unti-unti nang nagkaroon ng malakas na tunog ang aking mga hikbi.
“Saglit lang naman kayo doon hindi ba?” tanong kong umiiyak pa rin, “Sandali lang.”
Ganun siguro talaga lalo pa at ngayon ko lang mararanasan na mapahiwalay ng matagal sa kanya. Palagi ko siyang kasama sa lahat ng mga araw ng buwan, minsan man ay hindi kami magkita ngunit alam ko na pagsapit ng gabi ay mayayakap ko siya bago ako matulog.