Life has some bitter lessons which we can only learn while suffering through pain. When we face something which we don't wish to accept it tears us apart.
Mabilis kong hinubad ang aking suot na bota, nangingiti akong inilagay iyon sa gilid ng aming kahoy na hagdan. Pagkatapos mag-inat ay masaya akong tumakbo palabas ng aming bubungan. Mahinang bumabagsak ang maliliit na patak ng ulan. Patuloy itong humalik sa aking balat nangingilabot na balat.
"Miura, umaambon!" saway sa akin ni Mama na nahuli ako sa aking ginawang pagtakas, "Magkakasipon ka."
"Hindi po 'yan Mama!" sigaw kong mabilis na tumakbo at napaikot-ikot sa harapan ng aming tahanan, "Malakas ang resistensya ko Mama, tingnan mo." taas ko at pakita ko ng aking maliit na braso. "Takot sa akin ang sipon at ubo."
"Miurasel!"
Nakangiti akong kumaway sa kanya. Hindi pinapakinggan ang mga sinasabi niya habang itinuturo ako at ang ulan.
"Isa! Hindi ka babalik dito?!"
Malakas akong humalakhak na agad nilamon nang lumalakas ng ambon.
"Kapag ikaw ay sinipon, hindi kita aalagaan. Naririnig mo ako Miura?" turo niya sa aking banda ng hawak na kahoy na sandok, "Mana ka talaga sa pinagmanahan mo."
Mahina akong bumungisngis. Lalo pang lumakas ang ulan at patuloy ako nitong binasa. Tumigil ako sandali sa pagtakbo at ini-unat ko ang mga braso. Umikot-ikot ako habang mahinang tumatawa. Pinunasan ko ng basang kamay ang aking mukha. Saglit na tumingala sa madilim na langit na patuloy sa kanyang tahimik na pagluha.
"Miura?!" muling sigaw ng aking ina na nasa baba na ng hagdan, may dalang payong. "Tama na 'yan at baka magkasakit ka na!"
"Teka lang po Mama!" ganting sigaw ko sa kanya, "Limang minuto pa."
"Hay naku kang bata ka!" anitong bakas na sa boses ang inis, "Huwag kang dadaing sa akin kapag may masakit!"
"Pasensiya na po Mama, ilang minuto nalang po."
Nakita kong binitawan niya ang payong. May isinisenyas siya sa akin bago muling pumasok sa aming tahanan. Muli akong tumakbo sa aming harapan. Hinawakan ko ang mga talutot ng bulaklak na halos malunod na sa ulan. Tumakbo ako sa likod bahay namin nang hindi namamalayan ni Mama. Tinalon ko ang sanga ng sampalok at kapagdaka ay malakas na sumigaw.
"Ang saya talagang maligo sa ulan!" bulalas ko na paulit-ulit na tinatalon ang sanga ng sampalok na hutok sa bunga at tubig ulan, "Sana nandito si Papa para hindi ako mag-isa ngayon."
"Miurasel?!"
"Po?"
"Ano hindi ka pa titigil?"
Isang talon pa ang aking ginawa bago sumagot sa kanyang pagtawag.
"Nandiyan na po Mama!"
"Bilisan mo at baka magkasipon ka na."
Tumuloy ako sa gilid ng bahay namin kung saan may mga timbang nilalagyan ng iniipon naming tubig. Kinuha ko ang tabo sa lalagyan nito at tuluyan nang nagbuhos upang magbanlaw ng hindi tubig ulan.
"Wooh!" sigaw ko na tumatalon kada magbubuhos ng tubig, "Ang saya! Ang sarap talagang maligo sa ulan!"
Masasaya ang mga alaalang iniwan sa akin ni Papa tuwing tag-ulan. Simula June ng taon ay tag-ulan na dito hanggang sa kalaghatian ng February. At tuwing umuulan ay magkasama kaming naliligo at masayang nagtatampisaw sa bawat patak nito.
Aapakan ko ang malalaking mga bakas sa maputik na daan. Aalalayan niya akong abutin ang mga sanga ng sampaloc upang aking hilahin. Maingay akong sasakay ako sa likod niya habang mabilis siyang tumatakbo sa ilalim ng malakas na patak ng ulan. Ganun ang bonding naming dalawa ng aking maagang lumisang ama.
Pagkatapos maligo ay magkatabi kaming mauupo sa puno ng hagdan. Hawak ang baso ng gatas na tinimpla ni Mama, habang pinapanood ang ulan na unti-unti nang humuhupa at tumitila. Bata pa ako noon nang biglaang pumanaw ang aking ama sa kanyang mahimbing na pagtulog. Ang sabi nila ay binangungot ito.
Pinagsisisihan ko ang araw at gabing 'yon ng aming buhay. Ang araw na huling beses ko siyang nayakap. Ang araw na huling beses ko na siyang nakasamang maligo sa ulan. Ang huling araw niya sa aming tabi ni Mama. Naligo pa kaming dalawa sa malakas na buhos ng ulan. Sumisigaw pa kami kasabay ng malakas na kulog. Ang mga halakhak niya ng araw na iyon ay kakaiba. Sobra niyang saya!
"Miura, paano kapag hindi mo na makakasamang maligo sa ulan si Papa?"
Bahagyang nangunot ang aking noo. Kakatapos lang naming magbanlaw ng aming mga katawan. Nababalot pa ng malagkit na putik ang mga paa naming dalawa. Nakaupo kami sa unang baitang ng hagdan, tinutuyo ang aming buhok sa tuwalyang binigay ni Mama.
"Aalis ka po ba Papa?" inosente kong lingon at tanong sa kanya, "Saan ka pupunta? Bakit hindi na kita makakasamang maligo sa ulan?"
Umangat ang kanyang kamay at inilagay niya iyon sa aking ulo. Maliit siyang ngumiti at umiling-iling.
"Hindi iyon ang ibig kong sabaihin anak."
"E ano po ang ibig niyong sabihin?" lumungkot ang aking mga mata.
"Paano nalang kapag hindi mo na nga ako makakasamang maligo sa ulan?"
Ngumuso ako, nakatitig sa bakuran naming tinigilan nang halikan ng ulan.
"Kapag hindi na po kita makakasamang maligo Papa, syempre malulungkot po ako. Mawawalan na ako ng ganang tumakbo-takbo o kahit ang maligo ulit dito."
Naramdaman kong kinabig niya ako sa balikat upang lumapit sa kanya.
"Huwag kang mawalan ng gana anak," aniyang hinaplos ang aking buhok na nakabalot pa sa tuwalya. "Maligo ka pa rin, ang isipin mo ay kasama pa rin ako. Iyon nga lang ay hindi mo na ako nakikita o kailanman ay mayayakap."
Mahina akong sumingkot at kapagdaka ay humikbi.
"Saan ka po ba talaga pupunta Papa?" namasa ang bawat sulok ng aking mga mata, "Hindi mo naman kami iiwanan di ba? Hindi mo kami iiwanan ni Mama?"
Mahigpit niya akong niyakap at hindi siya sumagot sa aking katanungan.
"Oo na po Papa," tango ko, "Hindi ko po 'yan makakalimutan at lagi mo rin pong tatandaan na mahal na mahal ka rin namin ni Mama, Papa."
"Honey, bakit mo pinapaiyak si Miura?" si Mama na naupo na sa aming tabi at sumali sa aming usapan, "Naku, matampuhin pa naman 'yang bata."
Sampung taon ako ng mga oras na iyon. Bata, musmos at walang alam sa mga nangyayari. Ngunit ang aking pakiramdam noon ay labis na kakaiba. Walong taon na ang nakakalipas magmula sa masalimuot na gabing 'yon.
"Sa tabi niyo ako matutulog Mama," wika kong yakap ang aking unan sa bukanang pintuan ng kanilang silid. "Yayakap ako kay Papa."
Narinig ko ang pagtawa nilang dalawa. Umiiling habang nakatingin sa isa't-isa.
"Bumalik ka na sa kwarto mo Miura," si Mama na sumenyas pa, "Alam ko naman na bukas ay maliligo ulit kayo sa ulan. Sige na, matulog ka na."
"Pero gusto ko pong matulog sa tabi niyo Mama," nguso kong malapit ng umiyak. "Papa, gusto kitang katabi."
"Hay naku Miurasel," si Mama na tapos nang magpalit ng mga punda ng unan. "Malaki ka na at hindi mo na kailangan ng kasama sa iyong pagtulog."
"Mama!"
Tumayo si Papa at mabilis na binuhat ako sa kanyang mga bisig.
"Halika, sasamahan kita sa iyong silid hanggang sa makatulog ka."
Isinipa ko ang aking mga paa. Pilit akong kumakawala sa pagkakabuhat niya.
"Ayaw, gusto ko pong matulog sa tabi mo Papa."
"Malaki ka na, kaya mo na ang matulog nang mag-isa."
"Papa.."
Kung nahulaan ko lang sana na iyon na pala ang huling sandali na makakasama namin siya. Ipinilit ko sanang matulog sa kanilang silid. Nang sa ganun ay magising ko siya, habang nakikipaglaban siya sa bingit ng kanyang kamatayan. Kung alam ko lang sana. Kung nahulaan ko lang sana na mangyayari 'yon nang gabing iyon, gumawa pa ako ng paraan.
"Miurasel?"
Mabilis kong pinunasan ang aking mukha na bahagyang nabasa ng luha. Kahit pa hindi naman ito mahahalata.
"Po?"
"Ilalagay ko sa puno ng hagdan ang tuwalya at baso ng gatas mo."
"Salamat Mama."
Sa mga taong lumipas ay ipinagpatuloy ko pa rin ang aking paliligo sa ulan. Kahit wala na si Papa, kahit mag-isa nalang ako palagi at walang kasama. Lumuluha ako kagaya ng kalangitan tuwing mag-isa akong nagtatampisaw dito. Hindi ko iyon magawang itago, lalo na sa unang tatlong taon na wala siya at hindi ko na makita pa. Tanging mga alaala naming dalawa sa tag-ulan. Ang mga iyon ang aking naging kakampi at karamay hanggang ngayon.
Unti-unting napalitan ng saya ang aking labis na kalungkutan noon. Inisip ko nalang na kasama ko si Papa, hindi ko lang siya nakikita gaya ng sinabi niya. Hindi ko kinalimutan ang laki ng mga bakas niya sa maputik na daan. Hindi ko kinalimutan ang tunog ng kanyang mga halakhak. Ang lambing ng kanyang tinig. At ang labis na pagmamahal niya sa amin. Nagawa kong baligtarin ang aking kalungkutan patungo sa kasiyahan tuwing bumabagsak ang malakas na ulan.
"Nami-miss mo ba ang Papa?"
Marahan akong tumango habang sumisimsim sa baso ng maligamgam na gatas na tinimpla niya. Naupo siya sa aking tabi at huminga ng malalim.
"Nami-miss ko na rin siya Miura," aniyang humina ang tinig. "Kung may daan lang sana patungo sa langit at kung pwede dito ang bisita ay araw-araw natin siyang bibisitahin."
Ako naman ang huminga ng malalim. Walang imik na ipinagpatuloy ang pag-inom sa baso ng aking gatas. Bahagya kong sinulyapan ang malungkot niyang mukha, nang simulan niyang suklayin ang aking basang buhok.
"Sigurado akong miss na rin tayo ng Papa mo Miura," aniyang pumiyok ang mahinang boses, "Miss na kasi natin siya."
"Mama.."
Saglit kong ibinaba ang baso ng aking gatas. Hinila ko siya sa isang braso at ako na ang kusang yumakap sa kanya.
"Nakikita po tayo ni Papa kaya hindi po tayo dapat magpakita ng kahinaan."
Unti-unti nang tumigil ang kanina ay malakas na bagsak ng ulan. Ang mga halaman na diniligan nito ay naging sariwa at luntian. Ang mga damong nakalatag sa aming malawak na bakuran ay kumikinang sa pagtama ng liwanag ng araw, na pilit na sumisikat sa pagitan ng makapal na mga ulap.
"Pasensiya na anak," wika niyang kumalas sa aking pagkakayakap.
"Naiintindihan ko po Mama."
Nakangiti kong kinuha ang suklay sa kanyang kamay. Binuhat ko ang baso ng aking gatas at nilagok ito hanggang sa tuluyan nang maubos. Nakangiti kong sinimulang suklayin ang aking buhok. Inayos ko ang hati nito sa gitna at ang aking bangs na nasa gilid.
"Ang laki mo na talaga Miura."
Ngumiti lang ako sabay tanaw sa kabuohan ng aming lugar. Ang aming lugar na madalas ulanin at minsan lang kung tuyuin ng sikat ng haring araw. Ang aming lugar na palaging basa at maputik ang lupa. Ang aming lugar na mahirap marating, malayo sa kabihasnan ngunit masarap ditong manirahan.
"At maayos ang naging pagpapalaki mo sa akin Mama kahit na wala po sa iyong tabi si Papa, salamat po doon."
Malawak siyang ngumiti, bahagyang ginulo ang aking buhok at kapagdaka ay natatawa nang tumayo.
"Magluluto ako ng ating merienda."
Agad nangislap ang aking mga mata sa kanyang sinabi.
"Sopas po ba Mama?"
"Hindi."
"Nilugaw?"
"Lalong hindi."
"Pansit po ba?"
"Hindi rin."
"E ano po Mama?"
"Basta, paborito mo."
"Biko?" tanong ko na mabilis na tumayo, "Waah! Biko po ba Mama?"
Halos mapatalon ako sa saya nang tumango siya sa akin bago tumalikod.
Ngunit agad ding napawi ang aking masayang ngiti kanina. Sa loob ng walong taon na pagkawala ni Papa, alam ko kung gaano siya kalungkot. Hindi niya lang sa akin ipinapakita dahil mahalaga ako sa kanya.
Nang magsabi at magpaalam siya sa akin na muling mag-aasawa, ni katiting na pagtutol ay wala akong ipinakita. May naramdamang bahagyang sakit, pero ayokong ipaalam pa iyon sa kanya.
"Sigurado bang payag ka Miura?"
"Oo naman po Mama, payag na payag ako sa mga gusto mo."
"Talaga?"
"Opo," taas ko ng kamay, "Hindi ako tutol sa nais mong gawin Mama."
"Salamat anak," aniyang maluha-luha akong mahigpit na niyakap.
Nalaman ko na naging kaklase niya sa sekondarya ang lalaking muling nagpatibok ng kanyang pira-pirasong puso. Nangibang bansa ang mga magulang nito kaya napilitan rin ang lalaki na sumama sa kanila. Muli silang nagkita pagkaraan ng maraming taon sa isang okasyon na kapwa nila dinaluhang dalawa.
"Kaso may isa siyang anak at kagaya ko ay namayapa na rin ang asawa."
"Ayos lang po sa akin Mama."
"Sigurado ka?"
"Oo naman po, masaya iyon magkakaroon ako ng bagong Papa at bagong kapatid."
Bahagya siyang kumamot sa kanyang ulo bago muling tumingin sa akin.
"Mahina siya sa salita natin."
"Po? Ingles?" natataranta kong tanong, "Naku, duduguin yata palagi ang aking ilong Mama kapag kausap na siya."
Malakas siyang humalakhak.
"Kaya galingan mong mag-aral ng Ingles Miura."
"Naku, ang hina ko pa naman sa subject na ito." problemado kong wika, "Subject lang ang alam kong Ingles."
"Kaya mo 'yan anak, bibilhan kita ng Ingles na aklat."
Masaya akong tumango, hindi na mahintay ang araw na muli siyang maging masaya. Ang araw na muli siyang ngingiti kasama ang kanyang mga mata at hindi lang kanyang labi.
"Salamat po Mama!"
Lumingon siya sa akin at pekeng ngumiti. Sa isang araw na ang dating ng bago naming kapamilya. At alam kong sa araw na iyon ay magsisimula akong muling masilayan ang tunay at mas masaya niyang ngiti.
Every family has a story, and welcome to ours.