Chapter 4 TUW

2201 Words
Jhauztine Pov KANINA PA nakaalis si Ate Sally pero hindi ako kumilos para lumabas ng kuwarto ko. Hindi ko kasi gusto ang pakiramdam ko ngayon nang sabihin nitong gusto akong makausap ni Daddy. Sa halip na lumabas ay muli akong humiga sa aking kama. Nakaunat sa magkabilang gilid ko ang mga braso ko, nakadipa iyon habang titig na titig ako sa kisame. Napabuga ako ng hangin nang maalala ko ang kapatid ko. Pakiramdam ko may kinalaman na naman sa kaniya kung bakit gusto akong kausapin ni Daddy ngayon. Napaiktad ako nang biglang may kumatok sa labas ng kuwarto ko. "Tin?" anang boses. Si Ate Sally na naman iyon for sure. "Tin?" muling tawag nito. Pumikit ako para magkuwaring natutulog pa. Naramdaman kong bumukas ang pinto pero nanatili akong nakapikit lang. Ramdam ko ang yabag ni Ate Sally papalapit sa akin. Tinapik nito ang hita ko. "Alam kong gising ka, Tin. Hinihintay ka ng Daddy mo sa komedor, sabay raw kayong mag-almusal," anito. Nagmulat ako ng mga mata at saka bumangon. Sumandal ako sa headboard ng kama. "Sinong kasama ni Dad? Nariyan ba si Grace?" tanong ko. Nagkibit-balikat naman ito. "Mag-isa lang ang Daddy mo sa komedor, wala si Grace hindi ko pa nakikitang lumabas ng kuwarto niya. Iniiwasan mo na siya? Sa wakas ah." "Hindi naman, alam mo naman iyon walang pinipiling oras kapag gustong magalit," sagot ko. "Sabagay, tama lang na ikaw na lang ang mag-adjust tutal ikaw iyong mas nakakaunawa." Hindi naman ako umimik. "Pero tara na sa labas, hinihintay ka ng Daddy mo." Tumango-tango naman ako at tumingin kay Ate Sally, pinilit kong hulihin ang mga mata nito. "Tin.." anito nang magtagumpay ako. "Anong alam mo sa gustong sabihin ni Dad sa akin?" tanong ko. "W-Wala akong alam--" "Ate Sally," putol ko sa sasabihan nito. Napakamot naman ito sa ulo. "Bumaba ka na, puntahan mo ang Daddy mo at siya ang sasagot sa tanong mo, okay?" anito at tumayo na. "Kahit pahapyaw lang, Ate Sall--" "Wala akong sasabihin, Tin. Halika na sa baba." Wala naman akong nagawa nang tuluyan na itong lumabas ng kuwarto ko. Muli itong sumilip nang hindi ako kumilos para sumunod dito. "Tara na, Tin." "Susunod ako--" "Ngayon na! Maawa ka sa akin, nakakapagod din naman ang pag-akyat panaog dito sa bahay n'yo, ano?" reklamo nito na ikinatawa ko. "Ayaw mo no'n, si-sexy ka lalo." "Hindi ako nagpapa-sexy, ano? Kaya tara na dahil masakit na ang tuhod ko kakasundo sa'yo." Niluwagan nito ang bukas ng pinto. Wala naman akong nagawa kun'di ang bumangon na rin. Nagsuklay lang ako ng buhok kong sabog-sabog at saka pumasok sa banyo. Naghilamos at nag-toothbrush ako bago lumabas ng kuwarto ko. Napatda pa ako nang makita si Ate Sally na nakatayo sa labas ng pinto ko. Kaagad itong umayos ng tayo nang makita ako. Nagpatiuna na akong bumaba, sumunod naman ito sa akin. Matapos makababa ng hagdan ay dumiretso ako sa komedor kung saan naroon daw si Daddy. Nagpakawala muna ako ng buntong-hininga bago pumasok do'n. Nakatalikod si Daddy, pinagmasdan ko ito ng ilang sandali. Napangiti ako bago nagdesisyong kunin ang atensyon nito. "Hi, Dad. Good morning!" bati ko at niyakap ito mula sa likuran. Hinalikan ko rin ang pisngi nito. "Tin, good morning. Sit down." Tumalima naman ako. Umupo ako sa katapat nito. Namayani ang katahimikan habang nag-aalmusal kami nito. Nang matapos kumain, ramdam kong nakatingin lang si Dad sa akin. Nag-angat ako ng ulo at nakita kong tila nag-aalinlangan ito kung magsasalita o hindi. "Dad." "Tin," anito at tumikhim. "May gusto raw kayong sabihin sa akin?" "Tin, Anak." "Ano po iyon, Dad?" tanong ko. Sa halip na sumagot ay bumuga ito ng hangin na tila nahihirapang magsalita. "Dad, makikinig po ako." "It's about your sister." Tsk. As usual, palaging sakit ng ulo ang kapatid kong iyon. Hindi ko maiwasang komento sa isip ko. "Anong pong ginawa niya? Pumayag na po ba si Tita Guada na mapatingnan siya sa psychiatrist?" Umiling naman ito. "Gusto n'yo po bang ako ang kumausap sa kaniya para mapapayag natin siya?" "It's useless, Tin." Nahihirapang saad ni Dad. "Useless? Dad, para kay Grace iyon." "Umalis ang kapatid mo at hindi ko lam kung saan siya pumunta, Anak." "Umalis? Dad, wala naman pong bago roon. Ugali na ni Grace na umalis, alam n'yo naman iyo--" "Iba ngayon dahil nag-iwan siya ng sulat na hindi na siya babalik dito hangga't narito ka." "Gusto n'yo ba akong umalis dito para bumalik siya--" "No! It's not like that, Tin, Anak," maagap na awat ni Daddy sa akin. "Kung gano'n, ano pong gagawin ko?" "Malapit na ang kasal ng kapatid mo, Tin. Alam mo namang ikakasal na siya, hindi ba? Ngayon, hindi ko alam ang gagawin dahil umalis siya kahit alam niyang ikakasal na siya. Hindi ko alam kung paano pakikiusapan ang kapatid mong bumalik na rito. Sinubukan namin siyang tawagan ng Tita Guada mo pero hindi na ma-contact ang numero niya. Hindi ko alam kung saan hahagilapin ang kapatid mo, Anak," mahabang litanya ni Daddy. Naawa ako rito dahil sa nakikita kong paghihirap sa mukha nito. "Hahanapin ko siya, Dad. Ibabalik ko rito si Grace," sabi ko. Kailangan kong maibalik si Grace dahil iyon lang naman ang magagawa ko para tulungan si Daddy. "Kahit mahanap mo siya, wala na ring magagawa iyon," mahina nitong sabi. Halos pabulong na nga lang iyon. Nangunot ang noo ko. "Anong ibig ninyong sabihin, Dad?" "Ayaw na niyang ituloy ang kasal--" "What?!" Napalakas ang boses ko. "Anong ayaw ng ituloy, Dad?" "Nakalagay sa sulat niya na hindi na siya babalik dito at hindi na rin niya itutuloy ang kasal," problemadong sabi nito. "Matutuloy ang kasal niya, Dad. Ibabalik ko siya rito bago dumating ang araw ng kasal nila. Pumayag siyang magpakasal tapos ngayon aayaw na lang siyang basta-basta." Hindi ko napigilan ang inis para sa kapatid ko. "Kilala mo ang kapatid mo, kapag umayaw ayaw na niya." "Hindi niya puwedeng gawin iyon ngayon, Dad. Hindi siya naglalaro lang, kasal niya ang pinag-uusapan dito." Iiling-iling namang tumungo si Daddy. Halata ang malaking problema sa mukha nito. Bigla akong naawa kay Daddy. Inabot ko ang kamay nito at marahang pinisil. Nag-angat ito ng mukha. "Anak.." "Isang buwan pa naman, hindi ba, Dad? I promise na bago dumating ang araw na iyon ibabalik ko si Grace dito. Itutuloy niya iyon dahil pumayag naman siya in the first place." "Paano kung hindi mo siya maibalik, Tin?" "Ibabalik ko siya, Dad." Buong kumpinyansa kong sabi. "Hindi niya puwedeng takasan ang kasal niya at kung ayaw niya talagang ituloy siya mismo ang magsabi sa fiancé niya." Sa kabila ng sinabi ko kay Dad ay tila hindi man lang gumaan ang pakiramdam nito. "Dad.." tawag pansin ko rito. "Pasensya ka na, Tin. Ikaw ang napagsasabihan ko ng problema sa kapatid mo. Hindi ko naman ipagkakasundo ang kapatid mo kung ayaw niya eh. Pero siya ang may gusto noon na si Nathan ang maging asawa niya." "Naiintindihan ko, Dad. Okay lang sa akin, alam n'yo naman na palagi akong narito para sa'yo, hindi ba?" "Salamat, Tin." Nginitian ko naman ito. "You're welcome, Dad. Huwag ka ng mag-alala, hahanapin ko si Grace at ibabalik ko siya rito." Tila naman ako nakahinga nang maluwag nang tumango si Daddy. Bahagya na ring umaliwalas ang awra nito kaya't magaan ang loob na muli akong bumalik sa kuwarto ko. Matapos kong maligo at ayusin ang mga gamit ko, umalis na rin ako sa bahay. Wala akong trabaho ngayon pero balak ko ng hanapin si Grace kahit saang lupalop ng mundo. Hindi siya maaaring umatras sa kasal na siya naman ang may gusto. Tsk! __________ Weeks had passed "Hoy, Tin, ano bang ginagawa natin dito, ha?" tanong ni Claire sa akin. Ang kasamahan ko sa trabaho na isa ring vet. Narito kasi kami sa Alabang sa isang bar. Ilang linggo ko na itong ginagawa, ang pumasok sa mga bar para hanapin ang kapatid ko. Sa mga ganitong lugar kasi siya madalas magpunta kaya't dito ko siya hinahanap. Dalawang linggo na lang kasi at ikakasal na ito pero hindi ko pa rin ito makita. Alam kong namomoroblema na si Daddy para sa nalalapit nitong kasal. "Hoy, Jhauztine!" Bahagya pa akong nagulat nang sumigaw si Claire sa tapat ng tainga ko. Ang ingay kasi sa lugar na ito. "Bakit ba?" "Ang sabi ko, anong ginagawa natin sa lugar na ito? At kailan ka pa natutong mag-bar, aber?" taas-kilay nitong tanong. Wala itong alam na ilang linggo ko na itong ginagawa kapag tapos na ang trabaho ko. Halos wala na rin akong pahinga sa totoo lang. "Hindi ako magba-bar, nagbabakasali akong makikita ko si Grace kaya narito ako." "Grace? Iyong kapatid mong may saltik-, oops sorry my bad." Natawa naman ako rito. "Okay lang. But yes, si Grace nga." "Bakit mo siya hinahanap? Hindi ka pa ba sanay sa babaeng iyon?" "Sanay pero kailangan ko siyang maibalik sa bahay bago matapos ang buwang ito, Claire." Nagpalinga-linga ako sa paligid namin. "Dahil?" "Ikakasal na siya next two weeks." "What?!" Halos matanggal ang tulili ko sa sigaw nito. "Oo, kaya nga hinahanap ko siya. Ilang linggo ng namomoroblema si Daddy sa kaniya, Claire. Naaawa na ako sa Daddy ko." Minsan pa akong lumingon sa paligid nang matigilan ako. May isang pares kasi ng mga mata ang nahuli kong nakatingin sa akin. Or I rather say, nakatitig sa akin. Parang biglang uminit ang pakiramdam ko dahil sa mga matang iyon. Mabilis akong nag-iwas ng tingin. Sa ibang direksyon ako tumingin at muling nagbakasakali na makita ang kapatid ko. "Paano kapag hindi mo siya ibalik bago ang kasal?" Natigilan ako sa tangkang paglingon nang marinig ko ang tanong na iyon ni Claire. Paano nga ba? Anong gagawin ko? "Guwapo ba ang fiance ng kapatid mo?" tanong nito. Nagkibit-balikat naman ako. "I don't know." "Anong you don't know? Fiance ng kapatid mo pero hindi mo alam?" manghang tanong nito. "I've never seen him before." "What?!" bulalas nito. "Ang oa mo naman. Ano namang nakapagtataka roon? Alam mong lahat na lang pinagseselosan ng kapatid ko, kung nag-insist akong makilala ang fiancé niya baka isipin pa niyang interesado ako." "Kakaiba rin talaga ang pagka-praning ng kapatid mong iyon, ano?" Tumawa lang naman ako at muling naghanap sa kapatid ko. Hindi na ako nagtangkang tumingin sa direksyon ng lalaking kanina pa nakatingin sa akin. Nararamdaman ko pa rin kasi ang mga mata nitong nakatutok sa akin. "Tin?" "Hmm?" sabi ko na hindi tumitingin kay Claire. "What if pakiusapan ka ng Daddy mo na maging substitute bride, papayag ka?" Mabilis akong napalingon sa kaibigan ko. "Baliw, imposible naman yata iyang sinasabi mo," natatawang sabi ko. Umiling ito. "No. Hindi imposible iyon, Tin. Kapag hindi sumipot ang kapatid mo kahihiyan ng pamilya mo iyon, lalo na ng Daddy mo. Matitiis mo siyang makita na maiskandalo kung sakali? Kilala kita Tin, hindi mo kayang makitang mapahiya at masira ang Daddy mo," seryoso nitong sabi. Sandali akong hindi nakahuma, nang makabawi ay tumikhim muna ako. "Yeah, hindi ko kayang makita so Daddy sa gano'ng sitwasyon pero iyong maging substitute bride?" naiiling na sabi ko. "Napakaimposible niyon, Claire. Kilala ko si Daddy, hindi niya sasaklawan ang personal kong buhay." "What if nga na dumating ang puntong iyon? Papayag ka?" "No. Hindi ako magpapakasal sa lalaking hindi ko mahal at ni hindi ko kilala," buo ang loob na sagot ko. Nanunuring tiningnan ako nito habang nakataas ang isang kilay. "Paano kung guwapo?" "Still no!" "Paano kung kasingguwapo no'ng lalaking kanina pa nakatingin dito?" Sinundan ko ang direksyon na tinitingnan nito, gano'n na lamang ang kabog ng dibdib ko nang magtama ang mata namin ng lalaking nahuli kong nakatingin sa akin kanina. "Paano kung kasingguwapo niya? Ayaw mo pa rin?" Rinig kong tanong nito. "No pa rin." "Oh my God! Ngumiti siya, Tin! Nginitian niya tayo, oh my!" Sabi nito na may kasama pang impit na tili. Kilig na kilig ang gaga at panay ang hawi ng buhok papunta sa likod ng tainga nito. "Para kang gaga," sabi ko at bahagya itong siniko. "Ang hot niya kaya! Tapos iyong ngiti niya, my gosh! Yummy, Tin!" "Mukhang wala rito si Grace, umalis na tayo-" "Oh my God! Tin, palapit sila rito!" "Umuwi na tayo. Sa ibang bar naman tayo pumunta." Iyon lang at tumayo na ako. Wala namang nagawa ang kaibigan ko kun'di ang magbubulong sa likuran ko na parang bubuyog. Nasa parking lot na kami nang pahinto ako. Nasa tabi kasi ng kotse ko ang lalaking kanina pa nakatingin sa akin. Nakasandal ito sa kotse habang nakakrus ang mga braso sa tapat ng dibdib nito. "Oh my gosh! It's him!" Kilig na kilig na sabi ni Claire sa tabi ko. Kinurot pa nito ang braso ko. "Ang guwapo niya, Tin!" "Ang ingay mo," sikmat ko rito. Nag-iwas na ako ng tingin dito at binuksan ang pinto ng kotse ko. "Nathan, let's go!" Kaagad akong napalingon nang marinig ko iyon. "Dude, let's go!" "Yeah," sagot ng lalaking nakatingin sa akin. Ilang sandali pa itong tumitig sa akin bago tuluyang sumakay sa kotse nito. Kahit nang makasakay na ito ay hindi pa rin ako nito nilubayan ng tingin. Nanunuot sa kaibuturan ng kaluluwa ko ang pagkakatitig nito. Nag-iinit ang pisnging sumakay na rin ako sa kotse ko. Bakit gayon siya kung tumingin? At bakit parang kinilig ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD