Jhauztine
NAPAPAGOD na ako sa paghahanap kay Grace, dapat nagpapahinga na ako ngayon dahil maaga pa akong aalis bukas para sa pagpunta namin ni Jerry sa Batangas. Pero heto ako, pang-apat na bar na itong nasa harapan ko ngayon.
Desidido akong maibalik si Grace bago ang araw ng kasal nito.
"Tine, papasok pa ba tayo riyan?" Rinig kong tanong ni Claire sa tabi ko.
Matapos naming lisanin ang bar kanina ay naghanap pa rin kami sa ibang bar.
"Hmm, magbabakasali lang ako," sagot ko habang nag-aalis ng seatbelt.
"Pero dis-oras na ng gabi, Tine. Baka puro lasing na ang tao riyan eh," pag-aalangan nito.
Humarap ako rito. "Dito ka na lang sa loob ng kotse ko kung pagod ka na, Claire. Ako na lang ang papasok sa loob para harapin si Grac--"
"Tsk! As if namang pabayaan kitang mag-isang pumasok diyan, ano?" ingos nito at saka nag-alis din ng sariling seatbelt. Kapagkuwa'y nauna pa itong bumaba sa akin.
Naiwan akong napapailing na lamang habang napapangiti.
"Hindi mo ako matitiis, alam ko." Kinuha ko ang cellphone ko at saka bumaba na rin.
Magkaagapay kaming naglakad ni Claire papasok ng bar na iyon, dito rin sa parteng Alabang. Papasok pa lang kami ay napangiwi na ako dahil sa sobrang lakas ng tugtog at ingay.
"Hawak ka sa kamay ko, Tine. Baka mawala ka sa tabi ko, mahirap maghanap sa sobrang dami ng tao," ani Claire.
Inabot ko naman ang kamay nito at humawak ako sa kaniyang braso. Nasa unahan ko siya, hindi kami puwedeng sabay dahil sobrang sikip.
Ang daming nagsasayaw sa dance floor, tila mga lasing na ang karamihan sa kanila dahil matitindi na kung gumiling. Mga animo nagwawala sa sobrang gagaslaw gumalaw.
Napangiwi ako nang pagtingin ko sa kanang side ko may dalawang pareha na naghahalikan. Nakakandong na ang babae sa lalaking kahalikan nito.
Ganito rin ba ang trabaho ni Grace sa tuwing magagawi sa ganitong lugar?
"Paano nagustuhan ni Grace na maglagi sa lugar na ganito? Napaka-crowded, halo-halo na ang amoy, jusko." Hindi ko napigilan na mapatanong habang umiiling.
"Alam mo naman ang kapatid mong iyon, parang palaging pakawala kung umasta." Hindi napigilang komento ni Claire. "Nang magsabog yata ng kagagahan siya lang siguro iyong gising kasi nasalo na niya lahat," dugtong pa nito habang nakikipagsiksikan.
"Hindi na naawa sa Daddy mo, wala ng ginawa kun'di bigyan ng sakit ng ulo. At ang matindi pa pati ikaw damay sa mga kagagahan niya." Patuloy na kuda nito.
Sumunod lang ako rito.
"Alam mo, Tine, pasalamat iyang kapatid mo at hindi ako ang naging kapatid niya dahil kung ako, naku. Iuumpog ko talaga ang ulo niyan sa matigas na pader para magtino," inis na wika niya.
"Kahit gusto kong gawin iyan, hindi puwede. I'm just her half sister. Kahit nga half lang hindi niya ako magawang ituring eh. Ang hirap magpaka Ate sa kapatid na hindi ka naman itinuturing na kapatid. Hindi madaling magpaka ate sa kaniya, sa totoo lang. Gusto ko na nga siyang pabayaan kasi nakakapagod na rin namang paulit-ulit na mag-reach out sa kaniya."
"Eh di pabayaan mo na, hayaan mong iyang Nanay niyang isa pang konsintedora ang maghanap sa kaniya, tutal sila naman ang mag-ina," yamot na sabi nito. Hila-hila pa rin nito ang kamay ko.
"Para sa Daddy ko 'to kaya ko ginagawa."
"Okay, wala na akong say kapag ang Daddy mo na ang usapan," sumusukong saad nito. "Sana lang matauhan na iyang kapatid mong gaga, hmp!"
Hindi naman ako nasaktan sa tahasang pagsasabi nito nang gano'n sa kapatid ko dahil si Grace naman ang gumagawa ng dahilan para gano'n ang isipin sa kaniya ng mga tao.
"Dito tayo, Tine." Hinila ako nito sa kung saan.
Sumunod lang ako kay Claire. Hanggang sa makarating kami sa may medyo maluwang na area, malapit sa counter. Halos mangalay na ang leeg ko sa paghahanap sa kapatid ko. Sinuyod ko ang kabuuan ng area na iyon pero wala pa rin. Hanggang sa mapadako ang mga mata ko gawing papunta yata sa restroom iyon.
"Claire?" Tawag ko sa kaibigan ko.
Lumingon naman ito sa akin. "Hmm?"
"Restroom lang ako," paalam ko. "Dito ka lang, ha? Dito kita babalikan, huwag kang aalis."
"Okay, bilisan mo lang, ha?"
"Oo. Umorder ka ng kahit ano ako ang magbabayad," sabi ko at inabot dito ang credit card ko.
Walang pasakalyeng tinanggap nito iyon at saka ngumisi. Natatawang iniwan ko na ito at binagtas ang masikip na daan patungo sa restroom. Magbabakasali akong naroon si Grace. Sarado ang mga cubicle kaya't hinintay kong makalabas ang mga nasa loob pero nakalabas na lahat wala akong Grace na nakita.
Napabuntong-hininga na lamang akong muling naglakad pabalik kay Claire.
Nasaang lupalop ka ba, Grace?
Naglalakad na ako pabalik sa kinaroroonan ni Claire nang makita ko itong may kausap na isang lalaki. Napakunot ang noo nang mapansin kong parang close ang mga ito. Hmm baka magkakilala.
"Tine, buti nakabalik ka na," ani Claire nang makalapit ako. "Siya nga pala si Bryan, classmate ko siya no'ng college. Bryan, si Jhauztine kaibigan ko." Pagpapakilala nito sa amin.
Tinanggap ko ang pakikipagkamay nito.
"Nice to meet you, Jhauztine," anito.
"Nice to meet you too, Bryan," pormal na sabi ko.
Matapos kami nitong ipakilala sa isa't-isa ay humarap siya sa akin na may alanganing ngiti sa mga labi.
"Claire, may gusto ka bang sabihin?" tanong ko.
"Ah, eh, hmm."
"Ano?"
"Mukhang wala naman dito ang kapatid mo, so, baka puwedeng mag-enjoy muna tayo?" alangang sabi nito.
Inilapit ko ang mukha ko sa may tainga nito bago bumulong. "With him?"
"Hmm. Mabait iyan si Bryan, huwag kang praning. Kapitbahay ko iyan sa probinsya namin sa Bacolod, ano?" ganting bulong nito.
"Sure ka?"
"Oo nga! Saka sandali lang tayo, Tine, please? Para hindi ko naman maramdaman na nagsayang lang tayo ng oras sa kapatid mo," pasaring nito. "At saka sa halip na iyang kapatid mo ang hanapin mo, maghanap ka na lang ng lalaking papasa sa panlasa mo. Magkaka-love life ka pa, hmm."
"Pero may pasok pa ako buka--" Wala naman akong nagawa nang magpatiuna na ito kaagapay iyong lalaking kaklase raw nito. Tahimik akong sumunod sa kanila.
Ilang hakbang pa ang layo ko sa mga ito nang mapatigil ako. Hindi ko alam kung namamaliktama ako o ano dahil nakita ko na naman ang lalaking nakita ko sa isang bar na pinuntahan namin kanina. Nakatingin din ito sa akin kaya't sandaling nagtama ang aming mga paningin.
"Oh my gulay! He's here!" impit na tili Claire at bumalik sa tabi ko. "Emeged!"
Para na naman itong bulate, napangiwi rin ako nang pisilin nito ang braso ko dahil sa kilig.
"Oh my ang puso ko! Ang puso ko.." parang tanga nitong sabi.
Habang ako ay tila napako sa kinatatayuan ko. At ayon na naman ang kakaibang kabog ng dibdib ko habang nakikipagtitigan sa kaniya. He was looking at me intently, those blue eyes with long eyelashes, mukhang may lahi pa yata ito. That perfect nose and jawline. Damn, and the kissable lips, parang ang sarap niyang humalik. I unconsciously bit my lower lip when I saw him gulp, bumaba ang tingin ko sa adams apple nitong tumaas-baba.
Bumalik ang tingin ko sa mga mata nito na nakatingin pa rin sa akin.
Bakit gano'n iyong mga mata niya? Parang nanghihigop kung makatingin.
Sa tatlong beses naming pagtatagpo palagi siyang gano'n tumingin. Yes, patatlo na ito dahil sa gubat ang una. I remembered him now, those eyes, kaya pala parang pamilyar siya sa akin nang makita ko sa bar kanina. Naalala ko na isa siya sa mga lalaking kasama ng lalaking tinanggalan ko ng bala ng baril sa may balikat nito.
"Ayay! Gosh, Tine, titig na titig siya sa'yo.." impit na tili nito. Kinurot-kurot pa ni Claire ang braso ko.
Hindi ko alam pero hindi ko magawang mag-iwas ng tingin sa kaniya. At aaminin kong palagi akong kinakabahan sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Pero alam kong hindi niya ako nakilala sa gubat dahil bukod sa madilim ay naka-facemask din ako.
"Anong ginagawa niya rito?" bulong na sabi ko sa aking sarili bago nag-iwas ng tingin.
"Baka sinundan tayo," ani Claire na kinikilig. Narinig pala niya ang sinabi ko.
"Gaga, paanong sinundan tayo eh sila ang nauna rito, ano?" kontra ko rito na ikinasimangot nito.
"Halika na, para makilala natin si pogi. Gusto kong malaman ang pangalan niya, kilala siya ni Bryan!" Bakas ang kasabikan sa boses nito.
Hinawakan nito ang kamay ko at tangka akong hihilahin papalapit sa mga ito nang maramdaman kong mag-vibrate ang aking cellphone na nasa bulsa ko.
Bumitaw ako kay Claire at dinukot ang cellphone ko. Napakurap pa ako nang ilang ulit para makasiguro na tama ang nakikita kong pangalan na nakarehistro sa LCD ng cellphone ko.
Tita Guada? Weird dahil never niya akong tinawagan. Wala siyang pakialam sa akin mula pa noon.
"Hello?" sa wakas ay sabi ko.
"Jhauztine!" Napakunot ang noo ko nang mabakas ko ang pgkataranta sa boses ni Tita Guada.
"Tita, bakit po?"
"Where are you?!" Pasigaw na tanong nito. "Bakit ang ingay-ingay sa kinaroroonan mo, ha? Kanina pa ako nag-message sa'yo na umuwi ka muna rito!" Halos mabingi ako sa lakas ng sigaw nito.
"Bakit ho ba?"
"Umuwi ka! Puro ka na lang lakwatsa, nasa hospital ang Daddy mo pero puro gala pa ang alam mo, hmp!" galit na sabi nito sa kabilang linya.
"What happened to Dad?"
"Inatake siya--"
"Ano pong pangalan ng hospital?" putol ko sa sasabihin nito. Nang marinig ko ang pangalan ng hospital na kinaroroonan ni Daddy ay mabilis akong naglakad palabas ng bar na iyon.
Narinig ko pang tinawag ni Claire ang pangalan ko pero hindi na ako nag-abalang lumingon. Tuloy-tuloy akong lumabas habang nanginginig ang mga tuhod ko. Pasakay na sana ako sa kotse ko nang may humawak sa braso ko.
Mabilis akong lumingon. Si Claire pala, sinundan pala niya ako. Wala kaming imikan na sumakay sa kotse ko.
"Tine, what's wrong?" kapagkuwa'y basag nito sa katahimikan.
Sandali ko itong sinulyapan bago ibinalik sa daan ang tingin ko.
"Jhauztine.."
"C-Claire, si Dad. S-Si D-Dad.." nanginginig na ang boses ko.
"Bakit? Anong nangyari kay Tito?"
"Nasa hospital daw. Claire, si Dad.." Tuluyan ng pumatak ang mga luha ko.
Tinapik naman nito ang hita ko. "Sasamahan kita. Kumalma ka muna, ha? Gusto kong kunin ang manibela sa'yo pero naalala kong hindi ako marunong mag-drive."
"Kaya ko naman," garalgal na sabi ko.
"Calm down, Tine. Magiging okay rin si Tito." Pang-aalo nito sa akin.
"S-Sana, s-sana nga, Claire," piyok na sabi ko.
Sa kabila ng panginginig at panlalabo ng mga mata ko ay nagawa ko pa ring makarating nang matiwasay sa hospital na kinaroroonan ni Daddy. Matapos kong mai-park nang maayos ang kotse ko ay patakbo akong pumasok sa hospital.
Walang patid ang mga luha ko habang tumatakbo. Nag-aalala ako sa kaniya. Nag-aalala ako para sa Daddy ko.
Lord, huwag naman po si Daddy. Siya na lang po ang mayro'n ako.