MATAPOS kong iwanan ang kapatid ko sa sala ay dito ako dumiretso sa kuwarto ko. Ginamot ko ang natamo kong sugat mula sa pagwawala nito. Yes, Grace is my sister, half sister dahil kapatid ko siya sa ama. Gayunpaman ay hindi lang kalahating kapatid ang trato ko rito. Mahal ko si Grace, kapatid ko siya. Pero dahil sa pagseselos nito sa akin kaya halos hilingin nitong mamatay na lang ako. Pakiramdam nito ako ang mahal ni Daddy which is hindi naman totoo. Mas'yado lang itong kinakain ng selos kaya gano'n ang pag-iisip na mayro'n ang kapatid ko. Idagdag pang sinusulsulan ito ni Tita Guada. Na maling-mali dahil lalo lang napapariwara ang buhay ng sarili nitong anak dahil sa galit sa akin.
Halos dalawang dekada na ang sigalot sa pagitan namin. Kahit anong pagpapakaate ko sa kaniya ay wala pa rin. Galit pa rin ito at wala na itong ginawa kun'di ang gumawa ng mga bagay na ikakasira ko. Pero ang ending buhay nito ang nasisira at hindi ang akin. Noong una, mga simpleng paninira lang ang ginagawa nito sa akin, pero habang tumatagal ay lumalala na iyon. Hindi na ito kayang supilin maging ni Daddy.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses itong nakipagsiping sa iba't- ibang lalaki pagkatapos ay pangalan ko ang ipakikilala nito. Kaya ako ang palaging hina-hunting ng mga lalaking binibiktima nito.
Pero sa huli, napapatunayan kong wala akong kinalaman sa lahat ng mga ginagawa nito. Laging nandiyan si Jerry para patunayan iyon dahil ito naman talaga ang kasa-kasama ko sa tuwina. Noong una, napo-frustate ako, pero sa madalas na ginagawa ni Grace ay parang nakasanayan ko na. Ilang beses na ring nalagay sa alanganin ang buhay ko dahil pinagtatangkain nito ang buhay ko. Sa tuwing didisiplinahin ito ni Daddy ay lalo lang lumalala ang ugali nito. Lalo lang nadadagdagan ang galit nito sa akin.
Kaya mas pinili kong palaging malayo sa mga ito. Mas pinili kong laging nasa kabundukan at least doon walang kapatid na laging magtatangka sa buhay ko. Mabuti pa nga ang hayop nararamdaman ko na mahal rin ako, pero sarili kong kapatid, wala.
Matapos kong linisin ang sugat ko sa noo at lagyan ng gaza ay pasalampak akong humiga sa kama ko.
Hindi ko maiwasang mapaisip kung hanggang kailan kami ganito ng kapatid ko. Dalawa na nga lang kami, hindi pa kami close.
Kahit gaano karami ang ginawa nitong masama sa akin ay hindi pa rin nawawala ang pag-asa ko na sana dumating ang araw na mahalin rin ako nito bilang kapatid.
Nang makaramdam ako nang antok ay hinayaan ko ang sarili kong makatulog . Nakatulog akong mabigat ang pakiramdam dahil sa sugat na natamo ko.
,
,
,
KINABUKASAN NAGISING akong masakit ang ulo. Malamang dahil iyon sa pagkakauntog ko sa edge ng center table kahapon.
Mabigat ang pakiramdam na bumangon na ako. May trabaho pa akong kailangang gawin kaya hindi ako dapat magpatalo sa sama ng pakiramdam ko. At isa pa kailangan ko munang iwasan si Daddy dahil tiyak na malalaman nito ang nangyari kahapon sa pagitan namin ni Grace.
At iyon ang pinaka-ayaw ko ang maipit si Daddy sa pagitan naming magkapatid.
Pumasok ako ng banyo, naligo ng mabilis at saka nag-ayos para sa pagpasok ko. Mabilis akong natapos dahil simpleng kupas na jeans lang ang suot ko na tinernuhan ko ng isang blouse na puti. Alangan namang mag-make up pa ako eh sa bundok lang naman ang punta ko.
Matapos kong isuot ang pangmalakasan kong boots ay lumabas na ako ng kuwarto.
Habang naglalakad ay tinali ko ang buhok kong natural na kulot. Hindi naman kulot na kulot, sakto lang. Hindi ko pinapatuwid dahil gustong-gusto ko ang buhok ko. Lalo akong gumanda charing.
Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan upang hindi makagawa ng ano mang ingay. Maaga pa naman kaya for sure tulog pa ang mga tao.
"Dad?!" gulat na bulalas ko ng pagbaba ko sa pinakababa ng hagdan ay makita kong nakatayo ang taong iniiwasan ko.
Si Daddy.
Bakas ang digusto sa mukha nito habang nakatingin sa akin. Sinipat-sipat nito ang kabuuan ko.
At s**t lang dahil nakita ko ang pagtiim-bagang nito nang makita ang band aid na nasa noo ko.
"Dad..." anas ko.
"Saan ka pupunta?" tanong nito habang seryoso ang mukha.
Tuluyan na akong lumapit rito at binigyan ito ng matunog na halik sa pisngi.
"Sa trabaho, Dad." maikling sagot ko.
"At aalis ka ng hindi ko alam?"
"Akala ko ho kasi tulog pa kayo kaya hindi na ako nag-abalang kumatok sa kuwarto n'yo ni Tita Guada.
Ang Tita Guada na tinutukoy ko ay ang asawa nito at ina ni Grace. Stepmother ko siya na medyo may pagka-devil.
"Hindi nag-abala o talagang sinadya mong hindi magpakita sa akin?" nanunuri nitong tanong.
Nag-iwas naman ako ng tingin dito.
"Dad, maaga kasi ang lakad namin ng mga kagrupo ko eh."
"Kilala kita, Jhauztine. Ama mo ako at kahit mas madalas mong kasama ang mga hayop kasya sa akin. Alam ko kung kailan ka nagsasabi nang totoo o nagsisinungaling." seryoso nitong sabi.
At kapag ganito na ang tono nito ay tatay ko nga ito. Hindi ko na ito kayang daanin sa mga pa-cute ko.
Umupo ako sa sofa at sumunod naman ito sa akin. Umupo ito sa tapat ko. Mataman itong nakatingin sa akin.
"Dad..."
"Si Grace na naman?" tila hirap na sabi nito kasabay nang pag-iling iling.
"Wala lang 'to, Dad." sagot ko.
Malungkot itong tumingin sa malayo.
Lumipat ako ng upo sa tabi nito.
"Dad..."
"Hindi ko na alam ang gagawin ko sa kapatid mo, Jhauztine. Hindi ko alam kung saan ba ako nagkulang ng pagpapalaki sa kapatid mo." malungkot na sabi nito.
Mas lumapit naman ako rito at hinawakan ang kamay nito, marahan kong pinisil iyon.
"Pareho ko kayong mahal, pero bakit palagi niyang iniisip na hindi ako patas sa inyong dalawa? Natural na mahal rin kita dahil anak kita, Jhauztine. Anak ko kayo kaya mahal ko kayo."
"Dad, mas intindihin na lang natin si Grace. Sa totoo lang, hindi ko rin ho maintindihan kung bakit palagi niyang sinasabi sa akin na inaagaw ko kayo nila Lola sa kaniya." sagot ko naman.
"Alam ko ang mga ginagawa ni Grace sa 'yo. Pero sa tuwing pagsasabihan ko siya palagi siyang galit, pakiramdam niya kinakampihan kita. Hindi ko na alam kung paano babaguhin ang ugali ng kapatid mo. Kinausap ko ang Tita Guada mo na ipa-consult namin si Grace sa psychiatrist pero nagalit siya. Hindi raw baliw ang kapatid mo." tila problemadong sabi ni Dad.
"Dad, hindi lang naman para sa baliw ang psychiatrist eh. Counseling, kailangan ni Grace iyon. Sana mapapayag n'yo si Tita Guada. Para rin naman kay Grace iyon eh."
"Sana nga. Isa ko pang pinoproblema ay ang tungkol sa kasal ng kapatid mo. Alam mo namang matagal na siyang engaged, hindi ba?"
Natigilan naman ako sa sinabi ni Dad. Nawala sa isip ko na matagal na nga pa lang may fiance ang kapatid ko. At wala akong idea sa lalaking mapapangasawa nito. Hindi dahil hindi ako interesado, sadyang wala lang akong panahon. Dahil bata pa lang yata ang dalawa ay sila na ang nakatakdang maging mag-asawa.
Hindi ko naman magawang magtanong sa kapatid ko dahil galit nga ito sa akin.
"Malapit na ang kasal nila, dalawang buwan na lang mula ngayon. Hindi ko alam kung ano pang mukha ang ihaharap ko sa kaibigan ko dahil sa pinaggagawa ng kapatid mo. Mabuting lalaki si Nathaniel, kaya siya ang gusto ko para sa kapatid mo. Pero hindi ko alam kung gugustuhin nitong pakasalan ang kapatid mo kapag nalaman ang totoo. Lalo pa't papalit-palit ng lalaki ang kapatid mo." frustrated na anas nito.
"Dad," iyon lang ang tanging nasabi ko.
"Ang alam ko, mahal ni Grace si Nathaniel kaya nga pumayag siyang maikasal eh pero ngayon gusto kong magduda dahil sa ginagawa niya. Alam niyang mabuting lalaki ang fiance niya. Matinong lalaki si Nathaniel, anak."
"Kaya nga po sana mapapayag n'yo si Tita Guada na mapatingnan sa psychiatrist si Grace. Lalo na ngayon na malapit na silang ikasal ng fiance niya." sagot ko naman.
Tumango-tango si Dad at hinawakan ang kamay ko.
"Sana hindi ka magtanim ng galit sa kapatid mo. Sana kahit anong gawin niya sa 'yo, mahalin mo pa rin ang kapatid mo. Mahal na mahal ko kayong dalawa. At bilang Daddy n'yo ay hindi ako masaya sa nakikita kong pagtrato niya sa 'yo, Jhauztine."
"Pasensya na po kayo, Dad. Kahit anong gawin ko hindi ako matanggap ni Grace eh. At nasasaktan ako kapag nakikita kayong nahihirapan dahil sa aming dalawa." sagot ko naman.
Malungkot na ngumiti si Daddy.
"Sana kagaya mong mag-isip ang kapatid mo. Sana dumating ang araw na makita ko rin kayong magkasundo." bakas ang lungkot sa boses nito.
Humilig naman ako sa dibdib ni Daddy at yumakap ako rito.
"Darating ang panahon na iyon, Dad. Huwag lang nating sukuan si Grace, gusto ko rin namang maayos ang relasyon namin eh. Kapatid ko siya Dad, kahit anong gawin niya magkapatid kami at hindi na magbabago iyon. Dahil parehong ikaw ang Daddy namin." malambing na sabi ko.
Naramdaman kong hinalikan nito ang tuktok ng ulo ko.
"Salamat, anak. Kahit hindi kita matutukan oras-oras, lumaki ka pa ring mabait at malambing. Kung nabubuhay pa ang Mommy mo, I'm sure proud na proud siya sa 'yo. Alam kong masaya ang Mommy mo kung nasaan man siya ngayon dahil lumaki kang ganiyan." bahagyang pumiyok ang boses nito.
Nangilid naman ang luha ko sa sinabi nito. I really missed my Mom. Hindi ko lang pinapahalata pero sobrang namimiss ko ang Mommy ko.
Siguro naging paraan ko na rin ang trabaho ko para kahit paano ma-divert ang atensyon ko sa ibang bagay.
,
,
ILANG sandali pa kaming magka-usap ni Daddy bago ako tuluyang magpaalam dito.
Natuloy ang plano kong pag-alis, iyon nga lang nalaman pa rin nito ang nangyari sa amin ni Grace kahapon.
Lulan ng sariling sasakyan, ay bumiyahe na ako papunta sa distinasyon namin.
Doon na lamang kami magkikita ni Jerry dahil sinabi nitong doon na lamang kami magkita. Malapit lang naman kasi ang zoo na pupuntahan namin ngayong araw.
Wala pang isang oras ay nakarating na ako sa zoo dito sa Silang Cavite. Ipinarada ko ang kotse ko sa gilid ng isang puno, at saka bumaba na rin. Naglalakad pa lang ako ay natanaw ko na ang kaibigan / assistant kong si Jerry.
Malayo pa lang ako ay ngiting-ngiti na ito, ngunit nang makalapit na ito sa akin ang kumunot ang noo nito.
"What happened to you?" tanong nito at sinalat pa ang noo kong may band aid.
"Aksidente lang." sagot ko naman at saka ito nilagpasan.
Sumunod naman ito sa akin. Nakarating kami sa loob nang walang imikan. Basta nakasunod lang ito.
Ibinaba ko ang sling bag ko sa ibabaw ng mesa at sinimulang inspeksyunin ang mga hayop.
"Alam mo minsan hinihiling ko na sana huwag ka na lang umuwi sa inyo. Bihira ka na nga lang umuwi roon tapos pagbalik mo sa trabaho makikita kong may ganiyan ka." tiim bagang na sabi nito habang nakaturo ang kamay sa noo ko.
Ngumiti naman ako.
"Wala lang iyan,"
Umupo ito sa tabi ko at mataman akong tinitigan. Mababakas ang simpatya sa mukha nito para sa akin.
"Mabuti pa ang mga hayop na nakakasalamuha natin araw-araw,"
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko. Pero nasa hayop pa rin ang atensyon ko.
"You know what I mean, Jhauztine."
"Hindi kaya, hindi ako mind reader."
Tumawa naman nang pagak ang binata.
"Tsk. Ang sabihin mo ayaw mo lang pag-usapan."
"Ang dami mong alam, tulungan mo na lang ako." sagot ko.
"Ang bait mo, Tin." anas nito at nagsimula na ring magtrabaho. "Sana makita iyan ng kapatid mo. Mabuti pa ang mga hayop, kahit nasasaktan at nasusugatan ka nila madalas at least sila hindi nila sinasadya iyon. Pero iyang kapatid mo? Ewan ko ba, kapatid ka niya pero kung saktan at pahirapan ka gano'n-gano'n na lang. Sana binigyan mo siya ng kaunting bait para naman hindi siya gano'n kasama." yamot na saad nito.
Tinawanan ko lang naman ito.
"Hayaan mo na," sagot ko.
Pumalatak naman ito at pabirong pinitik ang ilong ko.
"Kaya ako nabaliw sa 'yo dati eh. Sobrang bait mo, tapos sobrang ganda at bango pa. Sayang nga lang hindi ako pumasa." kunwari'y malungkot na sabi nito.
Natawa naman ako.
"Baliw,"
"Sino kaya ang masuwerteng lalaki ang makakasungkit ng matamis mong oo, no?" tanong pa nito.
Nagkibit-balikat lang naman ako rito. Kung sino ay wala akong idea. Hindi pa siguro pinapadala ni Lord ang lalaking para sa akin.
Kung kailan darating ay ewan ko pa. Bahala na kung kailan siya darating. O kung darating pa nga ba.
Tatlong taon na lang at wala na ako sa kalendaryo. Wish ko lang na sana bago ako dumating ng 30 years old may nobyo na ako. Nakakapagod din kayang maging single.
Wala manlang tumatawag sa akin o kaya nagte-text kung kumain na ba ako.
,
,
,
"Umuwi ka pa? Sayang buhay ka pa pala."
Napahinto ako sa tangkang pagpasok sa kuwarto ko nang marinig ko ang boses ni Grace. Magkatabi ang kuwarto namin dito sa bahay.
Kakauwi ko lang mula sa trabaho ko. Halos isang buwan na rin ang nakalipas ng huli akong masaktan dahil dito.
Balak kong hindi na lang ito pansinin muna dahil gusto ko ng magpahinga. Ayon kay Nanay Cita ay wala rito sa bahay ang Daddy ko at si Tita Guada.
"Kita mo nga naman, buhay ka pa pala?" puno ng pang-uuyam na ulit nito.
"Pagod ako, Grace." sagot ko sa pasaring nito.
"I don't care! Kung pagod ka na puwede ka namang magpahinga, kung gusto mo forever pa eh. Mas masaya iyon," sabi nito at binuntutan ng mala-demonyong tawa.
Napailing naman ako dito. Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ko. At kahit sanay na ako sa kung paano ako nito kausapin, hindi ko pa rin maiwasang masaktan sa tuwing tahasan nitong sasabihin na magiging masaya ito kapag namatay ako.
Sa halip na pansinin ito ay kinuha ko na lang ang susi ko at binuksan ang kuwarto ko. Papasok na sana ako nang lumapit ito sa akin.
Hinawakan nito ng mariin ang kaliwang braso ko.
"Grace..."
"Pagod ka na, 'di ba?"
"Bitawan mo ako," utos ko. Lalo namang humigpit ang hawak nito.
"Pagod ka na, 'di ba?!" bigla'y nanlisik ang mga mata nito.
"Pagod ka na, hindi ba?! Answer me!" sigaw nito.
Malala na talaga ang kapatid kong ito.
"Sagot!"
"Oo! Oo, Grace! Pagod na pagod na pagod na ako! Kaya puwede ba? Kahit ngayon lang huwag mo akong pilitin na patulan ka! Kahit mahal kita, mauubos at mauubos pa rin ako! Kaya utang na loob, kahit ngayon lang, please?" halos pumiyok na ang boses ko.
Hindi naman ako bato para hindi nakaramdam ng sakit sa mga sinasabi nito.
"Lumalaban ka na sa akin? Sasaktan mo ako?!"
"Hindi ako ikaw. Hindi ako nananakit, mga hayop nga inaalagan at minamahal ko, ikaw pa na kapatid ko?" mahinahon kong sabi. Pero tila lalo lang itong nagalit.
"Huwag mo akong ikumpara sa mga kapwa mo hayop!" sigaw nito.
"Grace, please? Gusto ko ng magpahinga. Kung wala kang magandang sasabihin papasok na ako sa loob. Huwag mong ubusin ang enerhiya mo sa akin, mapapagod ka lang dahil hindi kita papatulan." sabi ko at saka mabilis ang kilos na iniwan ko ito.
Tangka itong papasok pero mabilis kong naitulak pasara ang pinto at saka iyon ini-lock.
"Hoy! Buksan mo 'to! Kinakausap pa kita!" sigaw nito sa labas ng pinto ko habang malakas na kinakalampag iyon.
Hindi naman ako sumagot. Hinayaan ko na lamang ito sa kung anong gusto nitong sabihin.
"Hoy! Jhauztine?!" parang baliw na tawag nito. Balak pa yata nitong wasakin ang pinto ng kuwarto ko.
"Fine! Gusto mong magpahinga, then go ahead! Sana bukas hindi ka na humihinga!" patuloy na sigaw nito.
"Go to hell. Sampid!" rinig ko pang pahabol na sabi nito bago ko narinig ang papalayong yabag nito.
Nanghihinang napaupo ako sa ibabaw ng kama ko.
Oh Lord, sana tulungan N'yo po ang kapatid ko. Patawarin N'yo po siya, sapagkat hindi po niya alam ang kaniyang ginagawa.
Pabagsak akong humiga sa kami ko. Ilang minuto pa akong nakatulala lamang sa kisame ng kuwarto ko.
Hanggang sa makaramdam ako ng antok dala ng pagod. Kaya't hinayaan ko ang sarili ko na tangayin ng antok.
,
,
,
KINABUKASAN naalimpungatan ako sa mahihinang katok sa pinto ng kuwarto ko. Tinatamad na bumangon ako upang pagbuksan ang talipandas na umistorbo sa magandang panaginip ko.
Sabog-sabog ang buhok na binuksan ko na ang pintuan ko.
"Good morning, Tin." bungad ni ate Sally ang isa sa kasambahay dito sa bahay ni Dad.
"Morning, ate Sally. Nakakainis ka inistorbo mo ang tulog ko. Pati magandang panaginip ko." nakasimangot na sabi ko.
Natatawang pumasok ito ng kuwarto ko kahit hindi ko naman ito inaalok. Tuloy-tuloy ito pumasok at umupo sa kama ko. Close kasi kami ni Ate Sally dahil halos limang taon lang ang agwat ng edad namin. Pero hindi kagaya ko may pamilya na ito at dalawang anak.
"May asawa na sana ako kaso naudlot pa dahil sa pang-iistorbo mo." sabi ko.
Tumawa naman ito at binato ako ng unan.
"Huwag kang mangarap ng gising Tin-tin. Maghanap ka muna ng lalaki bago ka mangarap na magka-asawa." tudyo nito.
"Mayro'n na sana kaso naudlot pa. Ikinakasal na ako sa panaginip ko eh. Makikita ko na sana ang mukha niya kaso kumatok ka!" kunwari ay inis na sabi ko.
Muli lang naman itong tumawa at saka lumapit sa akin. Pero nang makalapit ito sa akin ay nawala ang ngiti nito at napalitan iyon ng kakaibang emosyon.
Seryoso na ang mukha nito.
"Bakit ate Sally?" tanong ko.
"Paano kung ikasal ka sa lalaking hindi mo mahal, papayag ka?"
Tumawa naman ako dito at pabirong hinila ang buhok nito.
"Bakit naman ako magpapakasal sa lalaking hindi ko mahal? Siyempre kung magpapakasal ako do'n sa prince charming ko, ate Sally." sagot ko at saka binuntutan ng tawa.
Inaasahan kong tatawa rin ito pero nanatiling seryoso ang mukha nito. Tumigil ako sa pagtawa at mataman itong tiningnan.
"May problema ka ba, Ate Sally?"
"Tin,"
"Nakakainis ka! Kinakabahan na ako sa 'yo. May alam ka bang hindi ko alam?" medyo kabadong tanong ko.
Bigla-bigla kasi ang pagiging seryoso nito.
"Hoy, ate?" untag ko.
"Wala ako sa posisyon para magsalita ng tungkol sa nalalaman ko, Tin. At kaya ako nandito ay dahil inutusan ako ng Daddy mo na tawagin ka." sagot nito.
Kung kanina ay kinakabahan ako ngayon naman ay mas dumoble pa iyon.
Bakit pakiramdam ko may nangyari na hindi ko alam.