Chapter 1
Nathan's POV
"Kumusta ka naman dito?" tanong ni Marco sa akin.
Narito kami sa resort ng pamilya El Greco, ang mga ama namin ang tunay na may-ari ng resort na ito.
"Ayos lang," maikling sagot ko.
"Nilulubos mo na ba ang buhay pagkabinata mo? Malapit ka ng masakal, Nathan," ngising saad pa ni Marco.
"Kaya siguro nagyakag iyang puntahan ka rito. Mukhang mapapadalang na ang pagkikita nating tatlo dahil dalawang buwan na lang ang nalalabi nitong pinsan nating si Nathan eh," sagot naman ni Ivan.
Malakas ko itong binatukan. "Anong nalalabi? Anong akala mo sa akin mamamatay na?" sikmat ko.
Ngumisi lang naman ito. "Hindi ba pagpapakamatay ang tawag sa gagawin mo? Dude, magpapakasal ka lang naman sa babaeng hindi mo gusto. Ewan ko ba naman sa 'yo, puwede mo namang tanggihan si Uncle Nestor eh. Hindi na uso ang arrange marriage ngayon. Panahon pa ni kupong-kupong iyan," litanya pa ni Ivan.
"Oo nga, pinsan. Maiintindihan ka naman siguro ni Uncle Nestor kung aatras ka eh. Wala namang kaso sa amin kung mag-asawa ka na eh, pero iyong magpakasal ka sa babaeng hindi mo naman mahal. Suicidal yata iyan," ani Marco.
"Ang sarap kayang walang asawa. Puwede kang pumunta sa kahit saan," sulsol pa ni Ivan. "At saka arrange marriage? Ang tanda mo na 'tol para sa ganiyan. Kayang-kaya mong pumili ng babaeng papasa sa panlasa mo, hindi iyong si Uncle Nestor ang pumili para sa 'yo," dugtong pa nito.
"Kaya nga, at saka ilang beses mo pa lang namang nakausap at nakita si, what's her name?" tanong ni Marco.
"Grace," sagot ko.
"Hindi mo naman personally kilala ang babaeng iyon eh. Sure ka bang tamang babae iyon para sa 'yo? If I were you kakausapin ko na lang ang Daddy mo. Umatras ka 'tol may oras ka pang gawin iyon," sulsol pa ni Marco sa akin.
Napabuga ako nang usok ng sigarilyo dahil sa mga sinasabi ng mga ito. Hindi talaga ako nagyoyosi pero dahil stress ako kaya hindi ko maiwasang hindi tumikim. Pampaalis stress 'ika nga.
Naiintindihan ko sila sa gusto nilang iparating sa akin. Dahil alam kong concern lang sila sa akin. Dahil parang mga kapatid ko na sila. Pinsan ko ang mga ito sa side ni Daddy. Dahil halos magkakasing-edad lang kami kaya lumaki kaming sanggang-dikit.
Si Marco ang namamahala ng El Greco Hotel and Resort ng pamilya namin. Ako naman ay may sariling negosyo na inaasikaso ko. At si Ivan ay isang secret agent, kaya hindi maaasahan sa pagpapatakbo ng negosyo ng pamilya namin.
"Putcha!" malakas na bulalas ko nang mahulog ako mula sa sanga ng puno.
Sinipa kasi ako ni Ivan. Nandito kasi kami sa ibayong parte ng resort. May tambayan kaming tatlo rito kapag nandito kami.
Dahan-dahan akong tumayo at pinagpagan ang puwetan kong nalagyan ng buhangin.
"Bakit ka ba naninipa?" inis na tanong ko. "Secret agent ka, hindi kabayo, tado!" inis na dugtong ko pa.
Ngumisi lang naman ito. "Huwag kang maingay, secret lang iyan," sagot nito. Bawal nga pa lang marinig ng iba ang tunay na trabaho nito.
"Bakit kasi naninipa ka? Akala mo naman ang hina mong sumipa!" ingos ko.
Tumawa lang ito. Habang si Marco ay nawalan na ng pakialam dahil may nakita na naman ito. Mukha itong tangang nakatanaw na naman sa isang tauhan ng resort. Mukhang tinamaan ito sa babaeng iyon. Napailing pa ako nang makita kong sumilay ang simpatikong ngiti nito habang nakatanaw sa babae.
Nawala ang atensyon ko kay Marco ng magsalita si Ivan at tinapik-tapik pa ang likod ko.
"Natulala ka na kasi. Ano nakapag-isip ka na bang hindi ituloy ang kasal mo?"
"May isang salita ako, Ivan," sagot ko.
Pumalatak naman ito sa naging sagot ko. "Puwede kang tumanggi kung gugustuhin mo. Hindi ka na makakawala sa kasal na iyan. Well, unless gusto mo rin ang fiance mo kahit hindi mo naman nakakasama," nang-iintrigang sabi nito.
Tss. Tsismoso.
"Gusto mo siya, ano?" tanong pa nito. May pagkatsismoso talaga ang isang ito.
"I don't," matapat na sabi ko. Hindi ko mahal ang fiance ko pero hindi ko kayang biguin ang aking ama.
"See? So, why do you want to marry her?" tila frustrated na tanong nito.
"Matagal na kaming may usapan ni Daddy. Malaki ang tiwala niya sa akin, hindi ko siya kayang biguin," sagot ko. "At isa pa, this is my life tumatanda na rin naman tayo kaya gusto ko nang magkaroon ng pamilya."
"Idinamay mo pa ako."
"Matanda ka na rin naman ah. We're at the same age, kaya huwag kang feeling teenager diyan," sagot ko.
Pagak naman itong tumawa at saka malakas na binatukan si Marco na hanggang ngayon ay parang tanga pa rin.
Masamang tumingin si Marco kay Ivan.
"Bakit ba?" asik na tanong ni Marco.
"Kung gago itong si Nathan para pakasalan ang babaeng hindi niya mahal, ikaw naman mukhang gago sa kakatanaw sa babaeng iyon," sabi ni Ivan habang nakaturo ang nguso sa puwesto ng bagong bibiktimahin ni Marco. "Kung hindi ka naman kasi gago, mantakin mong magpanggap kang utility man sa babaeng mayaman ang gustong maging asawa," iiling-iling pang sabi ni Ivan.
Ngumisi lang naman si Marco. "Huwag mong pakialam ang diskarte ko. Buhay namin ni Nathan 'to, iyang buhay mo ang intindihin mo. Hindi mo maroromansa iyang baril mo," ngising pang-aasar naman ni Marco.
Natatawa na lamang ako habang napapailing nang makita kong sabay tumayo ang dalawa at animo magkakaratehan. Parang mga bata ang mga ito kung kumilos pero halos pare-pareho lang naman kami ng edad.
______
Jhauztine's POV
Katatapos ko lang ng medical rounds sa mga hayop ng Montalban Zoo. Iyon ang pinakahuli sa apat na animal zoos na hawak ko sa buong NCR. Pero hindi pa tapos ang trabaho ko dahil kailangan ko pang mag-report sa main office namin.
Habang nag-aayos ng bag ko ay nilapitan ako ni Jerry ang assistant ko. Na naging kaibigan ko na rin dahil sa tagal na naming magkasama.
"Ma'am Jhauztine, tara kumain? Nagugutom na ako," sabi nito.
"Hindi ka pa nabusog sa pagkain na ibinigay ni Mr. Carzon?" Ang director ng zoo na iyon ang tinutukoy ko. "Ang takaw mo talaga. Sisirain mo pa ang record ko, ha?" natatawang sabi ko.
Nahihiya namang napakamot ito sa ulo.
"Actually, gusto lang talaga kitang yayaing kumain sa labas. Gusto kitang makasama eh."
Tinulungan na ako nitong mag-load ng mga gamit namin sa compartment ng service car namin. Kung tutuusin ay afford naman nitong bumili ng sariling sasakyan, mas'yado lang talaga itong kuripot sa sarili. Mahal raw ang gasolina ngayon. At iyon ang nagustuhan ko rito. Kahit mula ito sa mayamang pamilya ay hindi ko ito makitaan ng kaartehan sa katawan. Walang kaarte-arte at isa pa mabait rin ito. Masipag at sobra rin ang dedikasyon sa trabaho. Sa loob ng anim na taon ay kami na talaga ang magka-partner sa trabaho bilang resident veterinarians ng DENR.
Ako naman ay hindi trip magdala ng sariling sasakyan kahit mayro'n ako. Regalo ni Daddy sa akin noong gumraduate ako ng college. Bukod sa hindi naman pangharabas ang kotse ko. Baka lumubog lang sa putikan lalo pa't madalas kami sa kabundukan. Sentimental akong tao kaya lahat ng bigay sa akin ay talagang ingat na ingat ako lalo pa at galing sa daddy ko.
"Labas tayo, Ma'am Jhauztine," ungot pa nito. Ma'am Jhauztine ang tawag nito sa akin sa tuwing maglalambing ito.
"Hindi ako puwede ngayon. Magre-report pa kaya ako sa office."
"Eh di, pagkatapos mong mag-report."
"Hindi rin ako puwede, uuwi pa ako sa Tagaytay eh," sagot ko.
Sumimangot naman ito. "Bakit? Eh di isama mo ako sa inyo."
"Baliw! Hindi puwede."
Lalo namang sumimangot ang loko. "Bakit naman? Hindi ba kayo tumatanggap ng bisita?"
"Hindi! Lalo na kung buwisita," sabi ko sabay tawa.
"Grabe ka sa akin, Tin," sagot nito.
Lumapit naman ako rito at tinapik ang balikat nito. "Baka isipin ni Dad na dyowa kita. Hindi iyon sanay na may kasama akong lalaki."
"Eh di gawin mo akong dyowa. Kung noon mo pa ako sinagot eh 'di sana dyowa mo na ako matagal na."
"Kung gusto kitang maging dyowa matagal na sana. Kaso pogi ang gusto ko para malahian ako ng guwapo," pagbibiro ko.
"Mabait naman ako, ah."
Tinawanan ko lang naman ang sinabi nito. Bagaman at may hitsura naman talaga si Jerry kaso hindi ko talaga ito bet sa isang romantic relationships. He was also tall and lean but not my type. Mas gusto ko itong maging kaibigan dahil swak ang mga personalities naming dalawa.
"Hoy, Tin mabait ako!" sabi pa nito at sinundan ako ng pumunta ako sa gilid ng driver side.
"Alam kong mabait ka," sabi ko at umangkla ako sa braso nito. "Kaya nga hahayaan mo akong mag-drive pauwi, hindi ba?"
"Hell no!" mabilis na tanggi nito at binaklas ang kamay kong nakaangkla dito.
"Jerry naman, sige na."
"No! Oo nga at patay na patay ako sa 'yo pero ayo'ko pang mamatay, ano?" sagot nito at itinulak ako pasakay sa passenger seat.
"Sige na, Jerry."
"No way! The last time I let you drive, we almost ended up in jail for reckless driving and overspeeding. Mabuti na lang at maimpluwensiya ang boss natin. Kung hindi, magkaka-police record ako at ikaw mimso dahil sa iyo. Gusto ko pang mag-asawa ng sampu kaya hindi pa ako handang mamatay, Jhauztine," mahabang litanya nito.
"Eh kung isang hug sabay kiss?" ngising tanong ko rito.
"Still no! Mahal ko pa ang buhay ko."
"Ang oa mo! Hindi ka naman mamamatay kapag ako ang nag-drive."
"Hindi ako mamamatay sa aksidente sa pagda-drive mo ako mamamatay. Para kang nakikipagkarera kay kamatayan kapag ikaw ang nagda-drive," sagot nito.
Pina-start na rin nito ang kotse at nagsimula kaming bum'yahe.
"Saan kita ihahatid?" pagkuwa'y tanong nito sa akin.
"Sa office lang, tapos iwanan mo na ako do'n."
"Paano ka uuwi sa bahay ng parents mo? Ihahatid na lang kita, Tin."
"Huwag na, mag-jeep na lang ako."
Narinig ko naman itong pumalatak. "Pambihira, mas gusto mong mag-jeep kaysa ang ihatid kita?"
"Hassle kasi sa part mo. Maa-out of way ka lang. Pagod ka rin, ano?"
"Alam mo namang ikaw ang nag-aalis ng pagod ko eh. Makita lang kitang safe, wala na ang pagod ko."
Natatawang hinampas ko naman ang braso nito. "Ang cheesy naman! Pero nakakadiri."
Nakisabay naman ito sa pagtawa ko. Ganito kaming dalawa, gamay na namin ang isa't-isa.
"Buwisit ka, Tin hindi ako kadiri, ha," sagot nito habang nasa daan naka-focus ang mga mata.
Tumawa lang naman ako at biglang namayani ang katahimikan sa loob ng kotse. Dalawa lang naman kami kaya kapag hindi kami nag-usap mapapanisan kami ng laway. Bahagya akong dumausdos sa upuan at isinandal ang ulo. Pumikit rin ako upang namnamin ang pagod ngunit masarap na pakiramdam. Pagod na rin naman ako dahil sa maghapong pag-aasikaso sa mga hayop. Pero hindi matatawaran ang saya na nararamdaman ko sa tuwing may maiiligtas akong kahit anong klase ng hayop.
Sa anim na taon ko sa ganitong trabaho ay sanay na sa pagod ang katawan ko. Sanay na rin akong magalusan dahil sa mga wild animals na ginagamot ko. Kasama na sa araw-araw na buhay ko ang mga kalmot sa braso ko. Kapag minamalas pati sa mukha ay nadadali ako. Maraming tutol sa carrer na gusto ko, pero wala silang nagawa dahil ito talaga iyong gusto ko. Isa pa I love animals, at hindi kayo maniniwala pero marami akong alaga. At lahat iyon tinuturin kong mga kaibigan. Kinakausap ko sila na parang mga tao. Madalas nga akong asarin ni Daddy na baka daw magsalita na rin ang mga alaga ko.
Gustong-gusto ko ang ginagawa ko. Lalo na kapag nasa kabundukan ako para mag-rescue sa mga hayop na napipinsala ng mga taong walang pakialam sa mga hayop. Nakakalungkot lang dahil marami pa rin ang walang malasakit sa mga wild animals.
Kapag nasa bundok ako, pakiramdam ko isa akong ibon. Ibong malayang lumipad. Walang problema, iyong tipong lilipad nang lilipad ka lang. At gustong-gusto ko iyong ganoong buhay. Iyong malaya akong gawin ang gusto ko, malaya akong pumunta sa mga lugar na gusto kong puntahan. Iyong walang pipigil sa akin dahil ito ako. Ito ang gusto ko, at dito ako masaya. Sinubukan kong makipagrelasyon noon pero hindi nag-work out dahil hindi nito tanggap ang klase ng trabaho na gusto ko. At okay lang sa akin dahil mas mahal ko ang mga hayop kaysa sa ex ko. Char.
"Tin?" Natigil ako sa pagmumuni-muni nang marinig kong tinawag ni Jerry ang pangalan ko. Hindi naman ako nagmulat ng mata. Nanatili akong nakapikit.
"Tin?" ulit na untag nito.
Doon na ako nagmulat ng mga mata. "Why?" mahina kong tanong.
"Bakit hindi ka pa nag-aasawa?"
Napaunat ako ng upo dahil sa tanong nito. Kunot-noo akong tumingin dito.
"Hindi ba dapat sa sarili mo tinatanong iyan?"
"Wala pa akong girlfriend," sagot nito.
Ngumiti naman ako. "Oh, well wala pa rin akong boyfriend," panggagaya ko rito.
Tumawa naman ito. "Ano kaya kung tayo na lang? Hindi ka na lugi sa akin, ah. Hindi naman ako pangit," sabi nito.
Ako naman ang natawa. "Hindi ka rin naman pogi," sagot ko na ikinatawa nito nang malakas.
Umalingangaw sa loob ng kotse ang tawa nito.
"Napaka-supportive mo talaga, Tin. Ang sarap mong ihagis sa bangin."
"Kaya mo?" paghahamon ko rito.
Kumamot naman ito sa ulo na tila may kuto. "Siyempre hindi, mahal kita eh. Kapag niligawan kita sagutin mo na ako, ha?" hirit pa nito.
"Ayaw."
Kunwari namang nalungkot ang mukha nito. Napakadrama talaga ng lalaking ito.
"Hindi ka ba napapagod na bastedin ako?" tanong nito at animo nagbilang sa isip nito. "Pang-bente mo na yatang pambabasted sa akin iyan, eh," tila reklamo pa nito.
"Alam mo namang hindi tayo talo--, Ayyy!" tili ko ng bigla itong magpreno.
Masama akong tumingin dito. Nakangiwi naman itong tumingin sa akin.
"Sorry, Tin. Hindi ko napansin iyong tumawid eh. Mukhang nasagasaan ko yata."
"Ano ba iyon?" tanong ko. Hindi ko na pinansin ang muntik ko nang pagkakasubsob sa dashboard ng kotse.
Inalis nito ang seatbelt at pinatay ang makina. Nag-alis rin ako ng seat belt at sumunod dito nang bumaba ito sa kotse.
Naabutan ko itong nakaupo habang may hinihimas-himas na isang pusa.
"Tin, mukhang nadali ko ang paa niya," saad nito nang makita ako.
Umupo rin ako sa tabi nito at kinuha dito ang pusa. Ininspeksiyon ko iyon at nakita kong nabali nga ang kaliwang paa nito.
"Let's go, Jerry," pag-aaya ko habang buhat ang kawawang pusa. Sumakay na kami sa kotse at nagsimulang bum'yahe. Medyo malalim na rin naman kasi ang gabi.
"Saan mo dadalhin iyan, Tin?" tanong nito.
"Sa office, do'n na lang natin gamutin bibigyan ko na lang s'ya ng paunang Lunas," sagot ko habang inaasikaso ang puso. Nang umingaw ito ay hinimas ko ang ulo nito at saka kinausap na parang tao. "Sorry, hindi sinasadya ni Lolo Jerry ha, huwag ka ng umiyak bebeko. Gagamutin ka ni Mama ganda kaya huwag ng umiyak, okay?"
Narinig ko namang natawa si Jerry. "Sa akin Lolo? Tapos sa 'yo mama ganda? Napakagaling mo talaga, Tin."
Natawa naman ako. "So, anong gusto mo? Papa pogi? Hindi ka naman pogi, cute ka lang," pang-aasar ko dito.
"May problema na yata talaga sa mga mata mo, Tin."
"Wala ah, ayos na ayos pa ang vision ko."
"Kapag nagka-girlfriend ako, who you ka talaga sa akin," sabi pa nito. Wala namang mababakas na pagkapikon sa boses nito. Sanay na kami sa asaran ng isa't-isa.
"Ikaw ang who you sa akin, ano? Kapag nagka-boyfriend ako, sisiguraduhin kong magmumukha kang paa kapag katabi siya," patuloy na pang-aasar ko dito.
Natawa naman ako nang malakas na ihagis nito sa akin ang empty bottle na nakuha nito sa harap ng kotse. Dahil hindi ko napaghandaan iyon kaya tumama sa noo ko. Na hindi ko naman ininda dahil magaan lang naman iyon.
"Ang bait mo talaga sa akin, ano?" ingos pa nito. "Kapag ikaw puro panlalait ang sinasabi sa akin, kapag ako puro papuri."
"Dahil wala namang kalait-lait sa akin, ano?" mataray na sabi ko.
Tumingin naman ito sa akin na nakataas ang kilay. "Feeling mo perfect ka?"
"Of course!" sagot ko. Lumiyad pa ako sa harap nito. Muli namang umalingangaw ang tawa nito sa loob ng kotse.
"Nakakatakot ka, Tin. Hindi ko alam kung bakit nabaliw ako sa 'yo nang ilang taon, eh abnormal ka," tatawa-tawang sabi nito.
Malakas kong hinampas ang braso nito dahilan para magreklamo ito. "Hindi ako abnormal, ano?"
"Abnormal!"
"Hindi kaya."
Sinulyapan ako nito at ngumisi sa akin.
"Abnormal, iyong ang ganda-ganda mo pero walang boyfriend?" pang-iinis nito.
Napanguso naman ako rito. "Walang gustong tumanggap sa trabaho ko. Ayaw nila sa babaeng para daw unggoy na laging nasa gubat."
Tumawa na naman ito ng malakas dahilan para mainis ako.
Naiinis ako kapag tungkol sa boyfriend . Hehe kasi naman 28 na ako pero single pa rin. Kapag nalalaman nila ang trabaho ko, ayaw na. Wala namang kaayaw-ayaw sa trabaho ko. Kasalanan ko bang ganito ang hilig ko? Kasalanan ko bang mas gusto kong kasama ang mga hayop kasya sa mga tao?
Siguro isa akong d'yosa ng mga hayop sa past life ko.