Jhauztine
HUMAHANGOS na nakarating kami ni Claire sa harap ng kuwarto kung saan naka-admit si Daddy.
Kaagad akong lumapit kay Tita Guada na ngayon ay masama ang tingin sa akin.
"T-Tita Guada, k-kumusta po si Daddy?" nanginginig ang mga labing tanong ko.
"Bakit ngayon ka lang?" sa halip ay balik-tanong nito.
"Pasensya na po medyo malayo po ang kinaroroonan ko nang tumawag kay-" hindi ko natapos ang sasabihin ko nang tumayo ito at lumapit sa akin. "T-Tita.."
"Kahit kailan talaga walang maaasahan sa'yo. Palagi ka na nga sa bundok pero kapag narito ka naman hindi ka mahagilap. Nag-aagaw buhay na ang ama mo pero wala ka pang pakialam, puro lakwatsa ang inuuna mo--"
"H-Hindi po totoo iyan, Tita," matigas na sabi ko. "Kahit kailan hindi ako nawalan ng pakialam para sa Daddy ko. Lakwatsa? Paano n'yo nasabi na nasa lakwatsa ako?" tanong ko. Hindi ko na napigilan na hindi sumagot dahil sa mga ispekulasyon nito sa akin na puro lakwatsa, ni wala na nga akong pahinga.
Umismid naman ito at nang-uuyam na tumingin sa akin. "Bakit hindi ba totoo?"
"Alam n'yo pong hindi totoo iyan, Tita."
"Hindi totoo? Kung hindi totoo, nasaan ka ng tumawag ako, ha?" mataray na tanong nito.
"Nasa Bar--"
"See? Nasa lakwatsa ka nga."
Napabuntong-hininga naman ako. Hindi na lang ako umimik dahil ayaw ko ng makipagtalo. Iniwan ko si Tita Guada sa may pinto ng kuwarto ni Daddy. Napapagod na umupo na lamang ako sa upuan sa medyo malayo kay Tita Guada. Sumandal ako at saka pumikit. Naramdaman kong may tumabi sa akin.
"Okay ka lang?" tanong ni Claire sa akin.
"Hmm," sagot ko. Hindi na naman ito muling nagsalita, hinayaan muna ako ni Claire.
Makalipas ang ilang sandali ay umarangkada na ang bibig nito.
"Kakaiba rin ang tabas ng dila niyang step-mom mo, ha?"
"Ganiyan naman iyan."
"Sana sinabi mong kaya ka nasa bar ay dahil sa anak niyang gaga na mana sa kaniya," inis na wika nito.
"Pagod na ako, Claire. Kapag sumagot pa ako, mas hahaba ang usapan, mas maririndi ako," sagot ko habang nakapikit pa rin.
"Buti natitiis mo ang ugali ng mag-ina na iyan, ano? Jusko kung sa akin iyan, nilayasan ko na sila," palatak nito. "Bakit ba kasi ayaw mo pang bumukod? Malaki ka na, kaya mo ng mamuhay mag-isa," dugtong pa nito.
"Nasa plano ko na iyan, Claire. Pumayag na si Daddy na bumukod ako. Hindi ko pa lang magawa dahil sobrang na-busy ako sa paghahanap kay Grace."
"Pabayaan mo na kasi siya. Huwag mo ng hanapin ang gagang iyon tutal wala naman siyang pakialam sa'yo, so dapat gano'n ka rin sa kaniya," inis na sulsol pa niya sa akin.
Napabuntong-hininga naman ako. "Wala na akong pakialam sa kaniya, si Daddy lang ang concern ko kaya hinahanap ko siya. At itong nangyari kay Daddy, alam kong may kinalaman sa kaniya."
"Tsk! Tapos ikaw ang sisihin niyang step-mom mo, ibang klase talaga," palatak pa rin nito. "Manang-mana sa kaniya ang kapatid mong gaga. Like evil mother like evil daughter, tsk!"
"Huwag kang maingay, baka marinig ka," mahina kong saway.
"Wapakels, gusto mo iparinig ko pa talaga--"
Natigil lang kami sa pag-uusap nang bumukas ang pinto ng kuwarto kung saan naroon si Daddy. Mabilis akong tumayo at lumapit sa Doktor na siyang lumabas mula sa loob.
"Doc, kumusta ang asawa ko?"
"Kumusta po si Daddy?" Sabay na tanong namin ni Tita Guada.
"Okay naman na ang lagay ng pasyente, okay na ang mga vital signs niya. Luckily, mild lang ang naging atake niya. Pero since may history na siya ng atake noon kaya dapat mas maging maingat tayo ngayon sa kalusugan niya. Unang-una sa lahat, iwasan ang mga bagay na makapagpapa-stress sa pasyente. Lalo na ang mapuyat, Mrs."
Tumango naman si Tita Guada. "Puwede na po ba siyang puntahan sa loob, Doc?"
"Yes, Mrs. Maaari na po kayong pumasok sa loob. And by the way, 3-4 days po muna siya rito bago lumabas. Kailangan pa po siyang orserbahan para mas masiguro natin ang kaligtasan ng pasyente."
"Wala pong problema, Doc kahit ilang linggo pa ang mahalaga po ligtas ang asawa ko," ani Tita Guada.
"Of course. Mahalaga ang masiguro natin ang kaligtasan niya."
Habang nakikipag-usap si Tita Guada sa Doktor ay tahimik lamang ako habang nakikinig sa kanila. Hanggang sa matapos silang mag-usap ay nanatiling tikom ang bibig ko. Hindi ako nakialam, basta masaya na akong marinig na ligtas na si Daddy.
Nang magpaalam ang Doktor ay saka pumasok si Tita Guada, sumunod ako sa kaniya. Maging si Claire ay sumunod sa amin.
Nang makapasok sa loob ng kuwarto, sumalubong sa akin ang nakakaiyak na hitsura ni Daddy. May mga aparato pang nakakabit dito. Tumayo ako sa di-kalayuan, nakaupo kasi si Tita Guada sa upuan na nasa gilid ng kama ni Daddy.
Tahimik ko lang na pinagmasdan si Daddy. May awang humaplos sa puso ko para rito. Alam kong kahit siniguro ko sa kaniyang ibabalik ko si Grace bago ang kasal ay hindi pa rin siya kampante. Alam kong iyon ang dahilan kung bakit narito siya sa hospital. Nag-aalala siya, alam ko.
Tumayo ako nang tuwid at saka tangkang lalabas nang marinig ko ang pagtawag ni Tita Guada sa akin.
"Saan ka pupunta?" kunot-noo niyang tanong habang matalim ang tingin sa akin. "Hindi pa man lang nagigising ang Daddy mo pero aalis ka na naman?!"
"May aasikasuhin lang po ako, Tita--"
"Wala akong pakialam! Narito sa hospital ang Daddy mo pero para kang walang pakialam. Anong klaseng anak ka ba, ha?!" mahina ngunit mariin na sabi nito.
Tumayo rin ito at humakbang palapit sa akin. Hinawakan niya ang braso ko at mariing pinisil. Pinilit kong iwaksi iyon dahil nasasaktan na ako.
"Anong klaseng anak ka na uunahin pa ang lakwatsa kaysa sa Daddy niya, ha?!"
Tiim-bagang kong hinila ang braso ko mula rito. Nakipagsukatan ako ng tingin sa kaniya.
"Huwag ninyong ku-question-in ang pagiging anak ko sa Daddy ko. At para lang alam n'yo, hindi ako pumupunta sa bar para maglakwatsa. Pumupunta ako sa lugar na iyon para hanapin ang kapatid ko na anak mo. Ang lakas naman ng loob n'yo para husgahan ako sa pagiging anak ko sa Daddy ko, hindi n'yo ba naisip na dahil kay Grace kaya narito sa hospital si Daddy?" napupunong sabi ko.
Nakita kong natigilan si Tita Guada bago muling pinisil ang braso ko. Lalong nanlisik ang mga mata nito habang nakatingin sa akin.
"Huwag mong sisisihin ang anak ko, Tine!" nagbabanta niyang sabi.
"Bakit hindi? Siya ang dahilan kung bakit na-stress si Daddy, Tita Guada. Ikaw ang Nanay niya, bakit hinayaan mo siyang umalis gayong malapit na siyang ikasal?" lakas-loob na tanong ko.
"Aba't--"
"Kung ayaw n'yo akong umalis sa tabi ni Daddy, okay. Dito ako sa tabi niya at kayo po ang maghanap kay Grace," buong tapang kong sabi.
Nanlaki ang mga mata nito. Alam kong hindi niya inaasahan na sasagutin ko siya nang ganito ngayon.
"Binabastos mo ba ako--"
"No, Tita. Gusto ko lang maisip ninyo na hindi ako ang dahilan kung bakit nariyan si Daddy ngayon sa kamang iyan," sabi ko habang turo ang kamang kinahihigaan ni Daddy.
"Aba't huwag mong sisihin ang anak k--"
"Hindi ko po siya gustong sisihin pero kung hindi siya umalis hindi mag-iisip si Daddy-" Nagulat ako nang buksan nito ang pinto at hinila ako palabas ng kuwarto ni Daddy. Kapagkuwa'y padarag niya akong binitawan.
"Tita.."
"Umalis si Grace dahil sa'yo! Mas'yado kang pabida sa Daddy mo pati sa Lolo at Lola mo," paninisi niya sa akin.
"Alam n'yo pong hindi totoo iyan. Kailanman hindi ako naging pabida sa kanila, Tita Guada."
"Of course you are! Bait-baitan ka, akala mo kung sino kang anghel. Akala ko kung sino kang concern sa kapatid mo pero sa loob-loob mo tuwang-tuwa ka dahil umalis siya sa bahay! Gusto mong solohin ang atensyon ng asawa ko!" nandidilat na bulyaw niya sa akin.
"Hindi ko po kasalanan na umalis si Grace. Anak rin ako ni Daddy at natural na mahal niya rin ako," matapang na sagot ko.
"Anak ka niya sa labas! Sampid ka lang sa pamilya namin."
"Siguro nga po para sa'yo anak niya ako sa labas. Pero para kay Daddy anak niya ako, mahal niya ako dahil mahal niya si Mommy. Naging tao ako dahil mahal na mahal nila ang isa't-isa bago ka pa umeksena, Tita. Alam kong alam mo na si Mommy ang mahal ni Daddy noon," matapang na sabi ko.
Nakita kong namula ang mukha nito. "Sampid! Umalis ka sa harap ko! Ang kapal ng mukha mo para sagot-sagutin ako nang ganiyan! Wala kang utang na loob!"
Hindi naman ako umimik. Sapat na sa akin na nasagi ko ang ego niya. Alam kong tinamaan siya sa sinabi kong si Mommy ang mahal ni Daddy noon pa man. Alam niya sa sarili niya kung bakit naging anak lang ako sa labas ni Daddy. Hindi ko siya gustong bastusin pero gusto ko rin namang ipagtanggol ang sarili ko dahil walang gagawa niyon para sa akin kun'di ako mismo.
"Umalis ka na rito!" Nabigla ako sa ginawang pagtulak ni Tita Guada sa akin.
Napaatras ako pero kaagad namang sumaklolo si Claire sa akin. Hinawakan niya ang likod ko.
"Alis!" pagtataboy nito.
Napabuntong-hininga naman ako at tumingin sa kaniya. "Babalik po ako mamaya."
"Kahit huwag na!" pasaring na sabi nito bago kami padabog na iniwan sa labas ng pinto.
Napatitig na lamang ako sa nakasarang pinto habang naiiling. Isang buntong-hininga muna ang pinakawalan ko bago niyaya si Claire na umalis sa lugar na iyon.
_____________
KINAUMAGAHAN ay bumalik ako sa hospital para dalawin si Daddy. Nalaman ko kay Lola na gising na raw si Daddy.
Nakailang buntong-hininga muna ako bago dahan-dahang pinihit ang doorknob ng kuwarto ni Daddy. Napatda ako sa tangkang pagpasok nang makita kong may ibang tao sa kuwarto ni Daddy bukod kay Tita Guada. Isa-isa ko silang tinapunan ng tingin. Hindi sila pamilyar sa akin kaya't napatuon ang tingin ko kay Daddy.
"A-Anak.." mahina nitong tawag sa akin.
Kaagad akong lumapit kay Daddy at masuyong hinalikan ang kaniyang noo. "Daddy, kumusta na po kayo?" tanong ko.
"M-Mabuti na ako."
"Mabuti naman po at mild lang iyong nangyari sa inyo. Huwag na kasi kayong mag-isip mas'yado, Dad. Nangako naman akong darating si Grac--" Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang tumikhim ang lalaking nadatnan ko sa kuwarto ni Daddy.
Sabay kaming napalingon ni Daddy.
"Kumpadre," tawag nito sa Daddy ko. Sa hinuha ko ay parang kaedad siya ng Daddy ko, may katabi pa siyang isang lalaki na sa tingin ko ay mas bata sa akin o malamang kaedaran ko.
"Kumpadre, siya nga pala si Jhauztine, anak kong panganay," ani Daddy. "Jhauztine, si Nestor ang kaibigan ko, Tatay siya ng mapapangasawa ng kapatid mo."
Kaagad naman akong lumapit dito at saka magalang na nagmano at bumati.
"Hello po, Sir Nestor."
Tumawa naman ito. "Tito Nestor na lamang, hija," mabait na sabi nito. "Hindi ko alam na napakaganda pala ng isa pang anak ni Kumpadre. Akala ko wala ng gaganda pa kay Grace."
"Naku hindi naman po, Tito Nestor," nahihiya kong sabi.
Nang mapatingin ako kay Tita Guada ay nakita ko ang matalim nitong tingin sa akin. Tila ba sinasabi ng mga matang iyon na huwag akong bibida-bida.
"Napakagandang bata mo, hija. Parang bagay ka rito sa--"
"Kumpadre, ang mabuti pa'y magkape muna kayo," singit ni Tita Guada sa sasabihin nito.
Magalang akong nagpasintabi kay Tito Nestor at saka bumalik sa tabi ni Daddy.
"Dad.." tawag pansin ko kay Daddy.
"Hmm?"
"Siya po ba iyong Nathan na mapapangasawa ni Grace?" tanong ko sa lalaking kasama ni Tito Nestor.
"Hindi anak," sagot nito na may kasama pang iling. "Si Andreus iyan, nakababatang kapatid ni Nathaniel."
Napatango naman ako.
"Type mo?" Nagulat ako sa ibinulong ni Daddy.
"Of course not! Ikaw talaga, Dad. Tinanong ko lang naman po eh," depensa ko.
Totoo naman dahil wala akong naramdamang kakaiba habang nakatingin sa kaniya. At bigla kong naalala ang lalaking ilang beses ko ng nakita sa hindi inaasahang pagkakataon. Those eyes, iba. Tumatagos ang bawat titig niya sa akin.
Hindi ko namalayang napangiti na pala ako habang inaalala sa isip ko ang mukha niya. Napakaguwapo niya sa tunay na kahulugan niyon.
Hmm, huwag mong sabihin na may crush ka sa lalaking iyon, Tine, ha? Piping sikmat ko sa aking sarili.
Who wouldn't be. Sobrang guwapo niya, at lalaking-lalaki ang dating at ang height. Napakatangkad niya. Siguro hanggang kilikili lang niya ako. And he was the most handsome creature I'd ever seen.
"Tine," Narinig kong tawag ni Daddy sa akin.
Doon lang ako nakabawi mula sa naglalakbay kong isip. Nakalimutan kong nasa hospital nga pala ako at may mga kasama ako sa kuwarto. Lumipad na kasi ang isip ko dahil sa lalaking iyon.
Nakangiting tumingin ako kay Daddy. "Dad."
"Tinatanong ka ng Tito Nestor mo kung may nobyo ka na raw ba?"
"P-Po?" manghang sagot ko at napatingin kay Tito Nestor.
"May nobyo ka na? Marami akong pamangkin na binata at itong si Andreus ay binata pa rin at available."
Sabay kaming napatikhim ni Andreus at napangiti sa isa't-isa. Mukhang pareho kaming hindi type ang isa't-isa.
Iba kasi ang type mo, Tine. Bulong ng kabilang bahagi ng isip ko.