KABANATA 08

2102 Words
December 17 Suot ang pink sleeveless dress ay umikot si Odessa sa harap ng salamin. Gusto niyang makita kung bagay nga sa kanya ang kakabiling ukay-ukay na damit. Para sa kanyang nagtitipid sa budget ay hindi na kailangan mamahalin ang damit. Ika nga sa nagdadala lang iyan. At para sa kanyang nangangarap na maging model kailangan niyang panindigan iyon.      Napalingon siya sa wall clock ng kanilang sala, mag-aalas kwatro na pala. Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang ikalawang araw ng simbang gabi.      “La, tayo na ho. Mali-late na tayo sa misa,” tawag niya sa lola habang naglalagay ng kaunting makeup.      Lumabas naman agad ang lola niya sa kwarto nito pero hindi pa rin ito nakabihis. Umupo ito sa sofa at bahagyang hinahimas ang tuhod.      “Naku, apo. Hindi na lang muna ako magsisimba ngayon. Kumikirot ang mga kasukasuan ko,” paliwanag ng lola niya.      Agad siyang umupo sa gilid ng lola at nakihagod na rin sa tuhod nito. “Okay lang po ba kayo? May pain reliever pa ho ba kayo na pwedeng inumin?”      Matagal na ring may arthritis ang kanyang lola at pansin niyang dumadalas ang pag-atake noon tuwing malamig ang panahon.      “Nakainom na ako ng gamot. Ang mabuti pa ay ikaw na lang ang magsimba.”      Tumalima siya sa sabi ng kanyang lola kaya naghanda na rin siya. Ayaw niyang ma-late sa misa.      Matapos kunin ang pouch bag at susi ng kotse ay agad na siyang nagpaalam at dumeretso na sa garahe. Sinususian niya ang pinto ng kotse nang may maaninag siyang nakatayo sa di kalayuan. Parang isang itim na anino na nakatitig sa kanyang direksyon. Dahil doon ay hindi magawang makagalaw ni Odessa. Pakiramdam niya ay nanigas ang buo niyang katawan dahil sa kaba. Tapos na ang Halloween. Pa-pasko na nga eh. Pero bakit parang magsisimula pa lang ang sa kanya?      Nanginginig ang kanyang mga kamay habang patuloy na binubuksan ang pinto. Nang sa wakas bumukas na niya iyon ay halos mapatalon naman siya nang bigla na lang may nagsalita.      “Binibini.”      Napatitig siya sa madilim na bahaging iyon at ilang sandali pa ay lumabas roon si Lucas. Doon na siya nakahinga nang maayos.      “Papatayin mo ba ako sa takot? Bigla-bigla ka na lang sumusulpot!”      Lumapit sa kanya si Lucas. “Patawad, binibini—”      “Ang luma ng ‘binibini’. Para ka tuloy galing sa panahon ng mga Kastila.” Ang weird naman din kasi ng lalaking ito. Ang lalalim ng salita. Hindi niya abot. “Odessa.  Hmm? Okay na ako sa Odessa. ‘Wag nang binibini. Baka marinig ka pa ni Papa at isiping nagpapatuloy kami ng wirdo. Naku! Mapapaalis ka nang wala sa oras.”      Tumango si Lucas. “O sige…Odessa.”      “Good! Ganyan lang. Ang mabuti pa’y matulog ka na lang ulit. Magpahinga ka. Kailangan mo ‘yon.”      “Saan ka pupunta?”      “Magsisimba ako. Ikalawang simbang gabi ngayon.”      Pero ganoon na lang ang pagtataka niya nang tingnan siya nito mula ulo hangang paa.      “Nang ganyan ang suot?” tanong nito na balot ng pagtataka ang boses.      Di tuloy niya mapigilang tingnan ang sarili.  “Ano bang mali sa suot ko? Hindi ba bagay sa akin?”      Hindi agad ito sumagot. Pero pansin niya ang pagkunot ng noo nito habang sinisipat ang kanyang damit.      “Hindi ka ba nalalamigan? Walang manggas ang damit mo.” Hindi na kailangang analisahin pa ang sinabi ni Lucas. Klarong-klaro na ayaw nito sa damit niya. Pero wala siyang balak na magbihis dahil lang sa hindi nito gusto ang suot niya. Hindi siya magpapa-impluwensya sa trip nitong makaluma. “Grabe ka. Ikaw na si Apo Lucas. Mas thunders ka pa yata sa lolo ko noong buhay pa ‘yon. Ang mabuti pa ay matulog ka na lang ulit para gumaling ka na. ” Binuksan niya ang pinto ng kotse at pumasok roon. Mali-late na talaga siya kung makikipagchikahan pa siya rito. “Teka!” pigil sa kanya ng lalaki. Nakahawak ito sa pinto ng kanyang kotse. “Sasama ako.” “Ha? Sigurado ka?” Tumango si Lucas. Mukhang determinado talaga itong sumama. Ayaw kasi nitong bitawan ang pinto ng kotse. Sandali siyang nag-isip. Kung magsisimba lang naman ay walang magiging problema. Baka mas makatulong pa ang pagdalo nito sa misa dahil baka may maalala ito. Tiningnan niya si Lucas mula ulo hanggang paa. Suot nito ang lumang damit ng kanyang ama. At base sa amoy nito ay mukhang nagamit na nga ang bigay niyang sabon at shampoo kagabi. He smells nice actually. At gwapo na rin. Pero nababawasan ang kapogian nito dahil sa lumang checkered polo na suot nito pati na rin ang hair style nitong hating-hati sa gitna. Kung pipiktyuran niya ito ngayon at gawing sepia ang filter, papasa na itong ultra mega throwback pic. Argh! Wala na nga pala ang iphone niya! She breathed deeply para mawala na ang masamang memoryang iyon. Wala na rin naman siyang magagawa pa. Muli niyang hinarap si Lucas at saka tumango. “Okay. Tara! Magsimba tayo.”   MARAMING tao sa simbahan. Halos hindi na nga sila nakaupo. Mabuti na lang at nakita niya ang kaibigan at kaklaseng si Lucy at pinaupo sila sa tabi nito. Habang nakaupo ay siniko siya ni Lucy.      “Sino ‘yan?” Nanunuksong nakangiti si Lucy habang tinutukoy ang lalaki sa kanyang tabi—walang iba kung hindi si Lucas.      “Shhh… ‘hinaan mo ang boses mo at baka marinig ka niya,” bulong niya sa kaibigan. “Basta, kaibigan ko.”      “Kaibigang lalaki? First time ko yatang marinig sa’yo ‘yan bes. Kelan ka ba nagkaroon ng kaibigan na lalaki, ha?”      “Basta… mamaya ko na itsi-chika sa’yo. Magsisimula na ang misa.” Pero mas lalo pa yatang naging interesado si Lucy dahil ito mismo ang tumawag sa atensyon ni Lucas. “Hi! Ako nga pala si Lucy. Kaibigan ko si Odessa. Kaibigan ka rin daw niya? Ngayon lang yata kita nakita.” “A-Ako naman si Lucas.” “Hi Lucas! OMG! Magkapangalan pa tayo halos no? Ikaw, Lucas. Ako naman, Lucy. Shocks! What a coincidence! Kasi naman… Awww!” Napatigil si Lucy dahil kinurot niya ito sa gilid. “Aray bes! Di ko naman aagawin sa’yo. Kinikilatis ko lang.” Pinandilatan niya ito. “Anong aagawin? Umayos ka nga. Basta, mahabang kwento.” Hindi na rin naging makulit pa si Lucy at hindi na kinausap si Lucas. Pero pasimple pa rin itong siya nitong tinutukso kay Lucas. Pinilit naman niyang huwag na itong pansinin pa. Kaso lang noong kumanta na ng Ama Namin ay nagsimula nang magsihawakan ng kamay ang mga nagsimba. Nakahawak na sa kanyang kaliwa si Lucy. Pero hindi pa rin si Lucas. Hindi niya tuloy alam kung anong gagawin. Wait, ‘di ba sabi hindi naman obligadong maghawakan ng kamay sa misa? Pero… tradisyon naman na din kasi. Nagdedebate pa rin sa loob niya hanggang sa natapos na lang ang kanta ay hindi niya nahawakan ang kay Lucas. Hind niya alam kung bakit may kaunting panghihinayang siyang naramdaman dahil doon. Nang matapos ang misa ay biglang nagpaalam si Lucas. May pupuntahan lang daw siya sandali. Gusto sana niya itong tanungin pa pero bigla na lang itong umalis at nagpunta sa may kampanaryo ng simbahan. “Siguro naman najijingle lang. Babalik din agad ‘yon.” Si Lucy iyon na mukhang ‘di nabawasan ang excitement sa katawan. “Sige na, magkwento ka na! Sino ba talaga ‘yong si Lucas, ha?” Napailing na lang siya sa kakulitan ng kaibigan. Kaya naman nagkwento na rin siya. Nang mailahad na niya ang lahat ay bakas sa mukha ni Lucy ang pagtataka. “Grabe, ang weird naman, bes. Sana gumaling na siya agad,” may awa sa boses na sabi pa nito. “Hay naku, one week lang at gogora na ‘yan siya. Hindi na pwede mag-overstay sa bahay.” “Eh paano ‘yan? Hindi ba’t may klase ka mamaya? Paano mo mababantayan ‘yan?” “Eh ‘di sina lola at Papa na muna ang bahala sa kanya. Actually, ayokong ma-stress. Malapit na ang audition ko. Mahirap na at baka ‘di pa ako makuha.” Alam ni Lucy lahat ng pangarap niya tungkol sa pagmomodelo. Isa nga ito sa supporter niya. Nag-usap pa sila ni Lucy nang mapansing hindi pa rin bumabalik si Lucas. Nagsisimula na siyang mag-alala. Kaya naman napilitan siyang sundan ito sa may kampanaryo. Sa tabi niya ay si Lucy na mukhang nag-aalala na rin. “Ang weird naman talaga ng lalaking ‘yon. Ang sabi, babalik. Tapos ngayon tayo pa ang maghahanap,” maktol niya. Sabihin nang abala si Lucas sa buhay niya. But she’s really starting to feel worried with him. Sana nga ay hindi ito napano. Sa may likod ng kampanaryo ay may narinig siyang boses na nagsalita. “Akin nga ‘yan sabi.” Boses iyon ni Lucas. “Paano ito magiging sa’yo eh isa itong antigong bagay. Dapat sa museo ito nakatago,” sabi ng isang boses matanda. “Akin nga ‘yan. Naihulog ko ‘yan dito.” Si Lucas ulit. Naabutan nila sa lugar si Lucas at ang isang pamilyar na matandang lalaki. Tinitigan niya ito at doon na niya napagtantong si Professor Jimenez iyon! Ang physics prof nila sa college. “Ah, hello, Prof! Ano pong problema dito?” Hindi niya mapigilang pumagitna sa dalawa. Tumingin sa kanya ang parehong lalaki. Naiiling si Lucas na para bang hindi masaya sa pagdating niya. Si Professor naman ay mukhang natutuwa. “Paano mo ako nakilala?” tanong sa kanya ng professor. “Estudyante po kami sa St. Matthew kaya po naming kayo kilala,” sagot niya rito. Bahagya niyang nilapitan si Lucas. “Kaibigan ko po ito. Narinig ko pong may pinagtatalunan kayo?” Tinitigan siya ng professor na ngayon ay mukhang naaalala na ang kanyang mukha. Siyempre. Tatatak din naman kahit papaano ang mukha niya sa mga guro. “Ah kasi, hija. Sinasabi ng kaibigan mo na pag-aari niya ang baril na ito. Hindi ito pwedeng angkinin ng sinoman, sa museo ito nababagay.” Napatingin siya sa hawak nito. Isang baril. Isang lumang baril! Bahagya siyang napaatras sabay hila kay Lucas. “Ano ba? Baril ‘yan. Aanhin mo naman ‘yan?” “Akin ang baril na iyon. Kailangan kong makuha iyon.” Biglang pumasok sa isip niya ang mga posibilidad. Hindi naman kaya gamitin iyon ni Lucas para saktan sila? Or baka naman baril talaga ang way of living nito? Like hitman or vigilante? “Hindi pwedeng magdala ka noon sa bahay! Ako mismo ang magpapalayas sa’yo.” Biglang tumigil si Lucas at tumitig sa kanya. Parang mas nanaig sa mukha nito ang inis kesa sa pagkagulat. Eh hindi rin naman siya nagbibiro. She’s willing to send him away kapag pinilit nitong angkinin ang baril. “O…O sige. Sa kanya na ang baril kung nais niya.” Mahinang sabi ni Lucas. Hindi maikakailang nalungkot ito. Ibinalot ni Professor ang baril sa isang puting panyo at saka inilagay sa bag. Habang tinitingnan ang pinaglagyan noon ay kitang-kita ni Odessa ang maraming papel at librong nakasilid roon. Medyo nakapagtataka namang magdadala niyon ang professor nang ganoon kaaga? “Maraming salamat, hijo,” sabi ni Professor na bahagyang lumapit pa sa kanila. “Pagpasensyahan niyo na po itong kaibigan ko. Mahilig talaga po sa lumang mga bagay ito.” “Naku, walang kaso iyon. Ang sa akin lang ay dapat kasi talaga itong ilagay sa museo.” “Pero ang aga niyo naman po yata dito sa simbahan at may mga aklat pa kayong dala?” Ngumiti ang matanda. “Ah, oo. Nag-aaral kasi ako.” “Sa oras pong ito? Dito? Ano pong pinag-aaralan ninyo?”      Muling ngumiti ang propesor at itinuro ang langit. “Ang kometang iyon. Siya ang pinag-aaralan ko. Naniniwala akong susi ang kometang iyan para sa isang malaking time-space phenomenon.”      Time-space? Mukhang mas weird din si Professor kesa kay Lucas.      Pero imbes na palawigin pa ang sinabi ng propesor ay napagdesisyunan niyang umuwi na lang sila ni Lucas.      “Sige po, professor. Mauuna na po kami.” Paalam niya sabay hila kay Lucas.      Ang propesor naman ay tinapik si Lucas sa balikat sabay titig rito. “Salamat sa pagpapaubaya mo sa akin niyon…ano nga bang pangalan mo?”      Kita niya ang pagtiim bagang ni Lucas. Hindi pa rin yata talaga ito masaya. “Lucas po. Ingatan niyo po sana iyon.”      “Lucas?” Tinitigang mabuti ng propesor si Lucas. “Parang… parang pamilyar ka sa akin. Nagkita na ba tayo noon?”      Umiling si Lucas. “Malabo. Imposibleng nagkita na tayo dati.”      “Hindi… parang nakita na kita kung saan. Hindi ko lang maalala.”      Nagpatuloy talaga ang kawirduhan ng matanda. Gusto na talaga niyang umuwi na lang. Magsasalita na sana nang may tanong muli si Professor Jimenez.      “Lucas… Lucas, ano ang apelyido mo?”      “Lucas del Castillo.” Walang kagatol-gatol na sagot ni Lucas.      Nakita niya ang pagbilog ng mga mata ng propesor. Para bang may nadiskubre itong suprising na bagay. Pagkuwa’y hinawakan nito sa Lucas sa braso.      “Lucas del Castillo? May kilala din kong Lucas del Castillo. Siya ang may-ari ng bahay na ngayon ay museo sa ating lungsod. At Diyos ko… kamukhang-kamukha mo siya. Kaya lang…”      Pakiramdam niya ay nanlamig ang buong katawan niya sa narinig mula sa propesor. Paano ba naman, dinala siya ni Lucas sa museo kahapon dahil pinagpipilitan nitong  bahay nito iyon. Akala niya nababaliw lang si Lucas noon. Pero dahil sa narinig niya kay professor, hindi na rin niya alam kung ano ang iisipin.      “Kaso… kaso ano po, prof?” siya na mismo ang nagtanong.      “Kaso… matagal na siyang patay. 1900’s pa lang.”      WTF!   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD