Mahigpit ang hawak ni Odessa sa manubela habang nasa biyahe. Hindi kasi siya makapaniwala sa kinahinatnan ng eksena nila sa presinto. Pinagbintangan ba naman siyang kasabwat ni Lucas na magnanakaw sa museo!
My goodess! Siya magnanakaw? Kagagaling lang niyang magsimba tapos naka-dress pa siya nang bongga, ta’s magnanakaw lang?
What the actual f**k?!
Buti na lang talaga at naniwala sa kanya ang mga pulis na wala silang planong magnakaw. Naniwala rin ang mga ito noong sinabi niyang kagagaling lang sa disgrasya ni Lucas kaya medyo ‘confused’ ito sa mga pangyayari. Kaya naman ngayon, nakaupo muli ito sa tabi niya habang papalayo sila mula sa presinto.
Sinulyapan niya si Lucas. Nakatuon ang atensyon nito sa labas ng kotse at titig na titig sa bawat nadadaanan nilang building. Parang timang lang. Mukha kasing manghang-mangha ito sa mga nakikita.
Naalala niya tuloy ang sinabi ng pulis kanina.
Miss… hindi ba’t dapat alagaan mo ang pasyenteng ‘yan? Tulad ng sinabi mo hindi pa siya tuluyang magaling kaya naguguluhan pa. Malay ba niya kung nabangga mo talaga siya? Kasi kung totoong ikaw ang nakaaksidente sa kanya, magsasampa ‘yan ng kaso at magbabayad ka ng danyos. Worse, makukulong ka pa. Kaya ngayon pa lang, alagaan mo na dapat ‘yan.
Grabedad lang! Paano ba niya ipapaliwanag sa mamang pulis na wala siyang ginawang masama?
Wala! Wala! Wala!
Pero mas mahirap naman kung kokontrahin niya ang alagad ng batas. Baka magkaproblema pa siya at maapektuhan ang mga plano niyang mag-abroad.
Ghaaad! Di niya yata matatanggap iyon. Kaya naman nakapagdesisyon na siya.
KITANG-KITA ni Odessa kung paano maningkit ang mga mata ng ama habang nakatitig kay Lucas. Nakatayo ito sa harap ng lalaki at nakapamaywang pa. Kulang na lang ay patayin ang ilaw sa sala nila at lagyan bumbilya ang bandang uluhan ni Lucas siguradong magmumukha na itong kriminal na iniimbestigahan.
“Pa, hali nga kayo rito,” sabi niya sa ama sabay hila rito papalayo kay Lucas. Bakas din kasi sa mukha ni Lucas ang pagkabalisa habang nasa harap nito ang kanyang ama.
“Hoy, Odessa. Di pwede ‘yan dito. Malay ba natin kung masamang tao ‘yan at saktan tayo,” hindi maikakaila ang pag-aalala sa boses nito.
“Eh, Pa. Wala nga raw siyang mapuntahan. Eh ayoko namang iwan lang doon sa police station. Baka sabihin niyan na nabangga ko siya kahit hindi naman.”
“Nabangga mo nga ba? Medyo sira na ‘yong si Boni, baka hindi kumagat ang break no’n at natamaan mo ‘yang lalaking ‘yan.”
Napasinghap siya sa akusasyon ng kanyang ama. “Pa! Hindi ah! Never na tinamaan ‘yan ni Boni. Kaya lang ay ayaw kong masangkot sa gulo. Mahirap na po.”
“Kaya dito mo patutuluyin ‘yan?”
“Hindi naman po dito sa loob ng bahay ‘yan matutulog. Doon sa garahe siya. Lilinisin ko ‘yong bodega doon. Sakto lang naman iyon para maging kwarto.”
Hindi sumagot ang kanyang ama na muling nakatuon ang atensyon kay Lucas.
“Pa naman eh,” lambing niya sa ama.
Nagbuntong hininga ang kanyang ama. “Ay ewan ko lang Odessa ha. Hindi pa rin ako komportable sa ideyang magpapatira tayo ng ibang tao rito. Lalaki pa.”
Mula sa kusina ay lumabas ang kanyang Lola Lina. May dala itong tinapay at orange juice para kay Lucas. Pansin na pansin niya ang pagiging malambing ng kanyang lola sa bisita nila.
“O, Lucas. Kumain ka nang marami at magpalakas. Para naman gumaling ka na. Kung may kailangan ka, huwag kang mahihiyang magsabi sa akin, ha?” bilin ng kanyang lola sa lalaki.
Nagpasalamat naman si Lucas sa kanyang lola at saka sumulyap sa kanya. Ngumiti ito sa kanya na tila ba nagpapasalamat din. Hindi naman siya eksperto sa pagkilatis ng karakter ng tao, pero wala siyang maramdamang masama kay Lucas. He might be confused pero hindi naman siya nito kailan man pinakitaan ng masama—maliban na lang siguro noong naitapon nito ang cellphone niya. Pero para sa kanya ay mas mahalagang alagaan muna ito ngayon. She’s more scared of the idea that false charges will be filed against her. Mas nakakapraning ‘yon.
“Di bale, kakausapin ko nang mabuti ‘yang lalaking ‘yan para matauhan at nang makauwi na sa kanila,” matigas na pahayag ng kanyang ama.
Lumapit sa kanila ang kanyang lola at hinampas sa balikat ang anak nito. “Ano ka ba, Ricardo? Kita mo namang nahihirapan ‘yong tao ta’s ganyan pang pinapakita mo.”
“Ma, sa panahon ngayon, wala nang mapagkakatiwalaan. Lalaki pa rin ‘yan. Ayokong malagay kayo sa alanganin. Hindi na ako kasinglakas tulad noon. May sakit ako. Paano ko kayo mapoprotektahan?”
Ramdam niya ang pag-aalala ng kanyang ama. Pero sa ngayon talaga ay mas iba ang inaalala niya.
“Gawin niyo po siyang katulong sa pagkukumpuni ng mga appliances. Para po matutukan ninyo at mabasa ninyo ang ugali niya. Sakto din dahil sa garahe din naman siya matutulog. Nandoon naman ang pagawaan ninyo.” Ngayong hindi na nagmamaneho ang Papa Ricky niya ay naging taga-ayos na ito ng mga sirang appliances. Ginagamit nito ang munting kaalaman sa electronics upang kahit papano ay may pambili sila sa pang-araw-araw.
“Tama ang anak mo, Ricardo. Mukhang mabait naman ‘yang si Lucas. Pwede mo siyang turuan at nang may makatulong ka naman,” segunda naman ng kanyang lola.
Muling sinulyapan ng kanyang ama si Lucas at saka nagbuntong-hininga. “Ilang araw lang ha. Pagkatapos ay ihahatid na talaga natin ‘yan sa barangay kung ‘di pa rin makaalala ‘yan. Hindi naman pwedeng dito na ‘yan titira.”
Nakahinga siya nang maluwag dahil sa pagpayag ng kanyang Papa Ricky. Siya man din ay sang-ayon sa sinabi nitong dapat umalis na rin si Lucas pagkalipas ng ilang araw. Siguro naman ay sapat na ang panahong iyon para gumaling na ito.
Tiningnan niya si Lucas at nakita itong mabilis na nilagok ang lamang orange juice sa hawak na baso. Nakangiti ito na tila ba namamangha sa nainom. Pilit kasi nitong inuubos ang natitirang patak ng juice mula sa baso.
Napailing na lang siya habang minamasdan ito.
Lord, help me kung paanong mapapadali ang paggaling ng lalaking ito.
HINDI bago kay Lucas ang makakita ng de-kuryenteng mga ilaw. Sa Maynila kasi ay nakita na niya iyon ilang buwan na rin ang nakalilipas noong bumisita siya sa isang kapwa katipunero. Pero hindi niya inaakalang pwede palang magkaroon ng ganoon sa lahat ng mga bahay.
Pinagmasdan niya si Odessa na nakapatong sa isang upuan at kinakabit ang tinawag nitong bombilya. Bahagya pa siyang kinabahan dahil wala itong takot sa ginagawa. Sa panahon niya, hindi umaakyat ang mga babae sa mga bangko na ganoon ang taas. Laging mahihinhin ang dalaga sa kanila. Kung hindi nagluluto sa kusina ay nagsusulsi ito ng damit o hindi kaya ay nag-aaral tumugtog ng instrumentong pangmusika.
Pero iba si Odessa. Ito pa ang naglinis ng silid na tutuluyan niya. Sinigurado nitong may kama siyang mahihigaan at lumang damit ng ama nitong pwede niyang suotin. Talagang pinaninindigan nito ang pag-aalaga sa kanya. Minsan nga ay gusto na niyang sabihin dito ang totoo. Na hindi wala naman talagang problema sa katawan at utak niya. Na ang malaking problema niya ay isa siyang taong naglakbay mula sa nakaraan. Na halos lahat ng nakikita niya ay parehong tinatakot at pinamamangha siya. Na halos ang lahat ng natitikman niya ay bago sa panlasa niya. Na mas inaalala niya ngayon ay hindi ang kung paano mabuhay sa kasalukuyan kung hindi ay ang paano makabalik sa kinabibilangan niyang panahon?
Naputol ang kanyang pagninilay-nilay nang biglang magsalita si Odessa. “Tapos na. Pwede mo nang i-on ang switch.”
Eto na naman. Hindi na naman niya maintindihan ang winika nito. “A-anong swits?”
Bakas sa mukha ni Odessa ang pagkadismaya sa kanya. Pero inaasahan na niya iyon. Medyo sanay na nga siyang kinaiinisan siya nito. Alam niyang isa siyang malaking abala simula nang magtagpo ang kanilang mga landas.
“’Yon o? Yung puti sa may gilid ng pinto. Pindutin mo,” sagot nito sa kanya sabay turo sa isang tila isang maliit na kahon na nasa gilid nga ng pinto.
Sinunod naman niya ang dalaga. Nilapitan niya iyon at saka pinindot. Sa isang iglap ay nagliwanag ang buong silid. Ganoon na lang ang pagkamangha niya na ganoon kalakas ng liwanag ng bombilya para gawing tila may araw sa loob ng silid niya.
“O! Okay na ‘yan ha? Hindi na madilim dito. Pwede ka nang magpahinga dahil gumagabi na rin,” wika ni Odessa habang sinusubukang bumaba mula sa upuan.
Hindi niya mapigilang di kabahan sa pagbaba ni Odessa. Umaaglog kasi ang upuan.
Hindi makatiis si Lucas kaya naman nagmadali siyang lapitan ang dalaga. Pero bago pa man siya makapagbigay ng babala ay sumigaw na si Odessa.
At sa isang iglap ay nasa mga bisig na niya ang dalaga. Nakakapit ang mga braso nito sa kanyang leeg at ang mukha naman nito ay nakasubsob sa kanyang dibdib. Ramdam din niya ang panginginig nito marahil ay dahil sa kaba.
Siya man din ay halos mahulog ang puso sa nangyari. Mabuti na lang talaga at sakto ang paglapit niya nang mahulog ito.
“Ayos ka lang ba?” tanong niya rito matapos ang ilang sandali. Nasa bisig pa rin niya ito at tila unti-unti nang kumakalma.
Nag-angat ng mukha si Odessa at tiningnan siya. Ilang sandaling magkahinang ang kanilang mga mata. Bakas pa rin ang kaba sa mukha nito pero mas kalmado na ngayon. Pero hindi doon nakatutok ang diwa niya kung hindi ay sa magandang mukha ng dilag. Sa unang pagkakataon doon lamang siya nagkaroon ng tsansang matitigan nang malapitan si Odessa. Higit palang napakaganda nito. Kakaiba ang kislap ng mala-tsokolate nitong mata… ang kapal ng pilikmata nito na tila isang manyika… ang matangos nitong ilong at mapupulang labi na nakakahalina.
Dios mio… bakit ba lumalakas ang t***k ng aking puso?