MABIGAT ang mga paang bumalik si Lucas sa loob ng bahay. Hindi pa rin siya masaya sa ideyang sumasama ang isang babaeng tulad ni Odessa sa kaibigan nito nang silang dalawa lang. Totoo. Nagsimba din naman sila kanina ni Odessa at silang dalawa lang din ang magkasama sa loob ng kotse. Pero may tiwala siya sa kanyang sarili. Kahit pa napakaganda ni Odessa ay hindi siya gagawa ng masama laban rito. Mamamatay muna siya bago may manamantala rito.
Pero iyong si Calvin? Ilang segundo pa lang niya iyong nakikita pero ramdam na niya na may gusto ito kay Odessa. Hindi siya pwedeng magkamali. Matagal na siyang kawal at katipunero. At dahil sa trabaho niya ay magaling siyang kumilatis ng pagkatao ng iba. Hindi talaga niya magawang pagkatiwalaan ang Calvin na iyon.
Kailangan niyang ipaalam kay Odessa ang kanyang iniisip tungkol sa lalaki. Hindi maaaring manahimik na lang siya!
Naglalakad siya pabalik sa loob ng bahay nang marinig na nag-uusap ang lola at ama ni Odessa.
“Naku! Naiwan pala ni Odessa itong book report niya. Naiwan yata noong nahulog ang mga gamit niya kanina.” Bakas ang pag-aalala sa boses ni Lola.
“Baka naman, hindi iyan ‘yong book report, Ma.”
“Hindi eh. May nakasulat na petsa dito sa papel. Naku! Paano na ito?”
“Kailangang may maghatid po niyan kay Odessa.”
“Tama ka. Ako na lang ang maghahatid.”
“Pero masakit pa ang kasu-kasuan ninyo.”
“Hay naku, alangan namang ikaw. Mas hirap ka sa paglalakad.”
“Ako na lang po.”
Parehong napalingon sa kanya ang dalawang nag-uusap. Siya man din ay nabigla sa sarili. Pero tama rin naman iyon. Hindi siya mapapalagay na mananatili lang siya sa bahay. Kailangan niyang masigurong nakapasok nga si Odessa sa paaralan nito nang matiwasay. Baka kung saan na ito dinala ng Calvin na iyon.
HINDI mapakali si Lucas habang naglalakad sa gitna ng colegio ni Odessa. Napakaraming mag-aaral doon at hindi niya alam kung saan hahanapin ang binibini. Naglalakihan din ang mga gusali at na umaabot yata sa tiglilimang palapag ang isa.
Dios mio! Paano niya iisa-isahin ang mga silid-aralan?
Bitbit ang pinadala sa kanyang mga papeles ay tinahak ni Lucas ang daan patungo sa isang tila pahingahan ng mga estudyante. Nasa gitna iyon ng colegio at may mga estudyanteng nakaupo roon. May mga nagbabasa ng aklat, kumakain at ang iba naman ay nag-uusap lang.
Maaari kayang may isa roon na nakakakilala kay Odessa?
Binagtas niya ang daan patungo sa pahingahan ng mga estudyante. Magbabakasakali na lang siya at magtatanong sa mga estudyanteng nandoon.
Malapit na siyang makatungtong sa planong puntahan nang biglang may bumangga sa kanyang likuran—dahilan para mahulog ang hawak niya.
“Naku, sorry! Hindi ko sinasadya,” sambit ng isang babae habang tinutulungan siyang damputin ang mga nahulog niya.
“Okay lang,” sagot niya sa babae habang patuloy na inaayos ang mga nahulog.
Nang makuha na niya ang lahat ng mga papel ay sabay silang tumayo ng babae. Napansin niyang magkatulad ito ng pananamit ni Odessa. Maiikli ang manggas. Pero kahit magkapareho ang mga ito ng kasuotan ay ‘di hamak na mas maganda si Odessa. Wala pa siyang nakikitang babae na nahihigitan ang ganda ng babaeng nagligtas sa buhay niya.
Nag-angat ng mukha ang babae at akmang ibibigay sa kanya ang mga napulot nito. “Heto na ang—”
Bakas sa mukha ng babae ang pagkatulala habang nakatitig sa kanya. Kailangan pa niyang yugyugin ang balikat nito upang matauhan.
“Ah, binibini, ayos ka lang ba?”untag niya rito.
Iyon lang at agad ngumiti ang babae. “Naku! A-ayos lang ako. Uhm… bago ka lang ba rito? Hindi yata kita nakikita pa sa school campus?”
Ano raw? Skul campo? Heto na naman ang mga tao sa panahong ito. Kung ano-ano na lang ang binabanggit na salita. Pero mukhang naiintindihan naman niya ang ibig nitong sabihin. Hindi siya nito nakikilala at tinatanong din nito kung bago siya sa colegio na iyon.
“Ah… hindi ako nag-aaral dito. Nandito ako para ibigay ito sa isang mag-aaral dito,” sambit niya sabay taas sa hawak na mga papel. “Ah, maaari ba akong magtanong sa iyo?”
Agad tumango ang babae. “Oo naman! Ano ‘yon?”
“May kilala ka bang Odessa? Dito siya nag-aaral.”
“Odessa?”
“Odessa Salazar.”
“Ah, si Odessa! Oo kilala ko siya. Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa kanya.”
Hindi niya mapigilang mapangiti. Kilala pala talaga ang dalaga sa colegio. “Maaari mo ba akong dalhin sa kanya?”
“Oo naman. Dito muna tayo sa students lounge at ipapatawag natin si Odessa.”
Natutuwa talaga siya at mukhang nakarating nga si Odessa nang ligtas sa eskwela nito. Hindi ito dinala kung saan ng Calvin na iyon. Mula noong umalis ito sa bahay ay hindi na siya mapakali. Hindi niya talaga magawang magtiwala kay Calvin.
“Upo ka muna,” alok sa kanya ng babae. Itinuro nito ang mesa kung saan may nakapatong na mga libro. Ang babae naman ay may nilapitang ibang mag-aaral. Sa tingin niya ay pinapasabi nito kay Odessa na naroon siya.
Habang hinihintay na bumalik ang babae ay napatingin siya sa mga aklat na nakapatong sa mesa. Nakaagaw ng kanyang pansin ang librong may nakalimbag na titulong ‘Pilipinas sa Kamay ng Espanya’. Hindi niya napigilan kumirot ang dibdib nang mabasa iyon. Isa lang ba iyong nobela tulad ng isinulat ni Dr. Rizal o totoong mga nangyari sa panahong pinaggalingan niya? Dala ng kyuryusidad ay hinawakan niya ang libro at binuksan iyon.
Ah. Hindi nga siya nagkakamali. Isang libro iyon tungkol sa kasaysayan.
Ibig bang sabihin may mga libro din na maaaring nakasulat ang kasaysayan ng panahong iniwan niya. Iyong panahon na nakikipagdigma sila sa mga ireheng mga Amerikano? Kung mayroon man ay saan naman kaya iyon makikita? Maaari kaya siyang tulungan ni Odessa upang makakuha ng librong iyon?
Natigil siya sa pag-iisip nang umupo sa harap niya ang babaeng nakabangga sa kanya kanina.
“Pinatawag ko na si Odessa sa isang kaklase niya. Baka bumaba na iyon,” bungad sa kanya nito.
Agad naman siyang nakaramdam ng tuwa sa winika ng babae. Sa wakas ay makikita na niya si Odessa. “Salamat sa tulong mo.”
Ngumiti ang babae sabay ayos sa buhok nito sa likod ng tenga. “Naku, okay lang ‘yon. Ako nga pala si Fiona.”
Inilahad nito ang kamay na siyang tinanggap naman niya. “Maligaya akong makilala ka Fiona. Ako nga pala si Lucas.”
Nakita niyang mas lalo pang ngumiti ang babae. “Nice meeting you too, Lucas.”
Muli siyang napatingin sa librong binuksan niya. Hindi talaga siya makatiis na magtanong kay Fiona.
“Ah, Fiona… maari mo bang sabihin sa akin ang nabasa mo tungkol sa librong ito.”