HALOS matisod na si Odessa sa pagmamadali. Sinabihan siya ng kaklase na may lalaking naghihintay daw sa kanya sa may students lounge. At base sa pagkaka-describe nito sa lalaki, iisa lang ang pumasok sa isip niya.
“May isang lalaking naghihintay sa’yo sa may students lounge. Tall, dark and handsome ah! Boyfriend mo ba ‘yon?”
Si Lucas. Sigurado siyang si Lucas iyon. Isa lang naman ang kilala niyang tall, dark and handsome. Pero bakit naman iyon pupunta St. Matthew? Hindi ba’t nagkausap pa sila nito kanina bago siya umalis?
Nang mga ilang metro na lang ang layo niya mula sa students lounge ay natanaw na niya ang inaasahan. Tama nga siya. Si Lucas ang dumating. Kahit nakaupo ito ay klarong-klaro ang matikas nitong pangangatawan. At inaamin niya, may parte sa puso niya ang masaya nang makita ulit ito.
Pero bago pa man niya naihakbang ang paa ay agad napalitan ang pakiramdam na iyon ng inis.
Bakit ba ito napapalibutan ng mga estudyanteng babae?! At hindi lang basta napapalibutan, naghahagikgikan pa ang mga babae habang ito naman ay tila ba kwento nang kwento. Ano bang pinag-uusapan ng mga ito?
Nagsisimula siyang maglakad papunta sa direksyon ng nito pero wala man lang nakakapansin sa kanya. Not even Lucas. Magiliw pa rin itong nakikipagkwentuhan sa mga babae.
Tumayo siya sa likod ng isa sa mga babaeng estudyante. Umaasang sa wakas ay mapansin siya. Pero hindi talaga. Ngayon ay mas kita pa tuloy niya ang mga tila kinikilig na mga babaeng nakikipag-usap kay Lucas.
Aba! Talagang hangin lang siya doon—nasa paligid lang pero hindi napapansin.
“Ehem!” Sa huli ay napagdesisyunan ni Odessa na tumikhim upang marinig siya ng mga ito. Nilakasan pa niya ang pagtikhim para lahat ng naroon ay maririnig talaga siya. At mukhang effective naman dahil napalingon sa kanya ang lahat.
“Odessa!” Si Lucas iyon na mukhang nasiyahan nang makita siya. Agad kasi itong tumayo at malapad pa ang ngiting lumapit sa kanya.
“Parang ang nagkakasiyahan kayo ah?” Nakataas ang isang kilay niya habang tinatanong si Lucas.
Bahagyang lumingon sa mga estudyanteng babae si Lucas. “Nagkukwentuhan lang kami tungkol sa kasaysayan ng ating bayan sa panahon ng mga kastila. Nakakatuwa lang kasi ang dami nilang alam. Nakakamangha.”
Weh! Di nga? History ang topic tapos ganoon na lang kung kiligin ang mga babae?
Kumaway sa kanya ang isa sa mga naroon. Pamilyar sa kanya ang mukha ng babae pero hindi niya masabi kung ano ang kurso nito.
“Hi, Odessa! Oo, nagkukwentuhan lang kami dito ni Lucas. Grabe! Expert siya sa Philippine-Spanish War. Mas marami pa siyang alam kay sa sa history professor natin,” magiliw na sabi ng babae. Hindi rin maitatangging aliw na aliw ito kay Lucas.
Bakit ba kasi ang charming ng lalaking ito? Lahat ng babae ay napapasuko sa karisma nito? Una, si Lola. Tapos ang nurse sa ospital. Si Lucy. At saka ako… She mentally slapped herself. Bakit ba sinali niya ang sarili sa listahan? Of course not! Hindi siya affected sa charisma ni Lucas!
Muli niyang hinarap ang babae at saka tinanguan. Wala naman kasi siyang mai-comment sa sinabi nito.
Ang sabihin mo naiinis ka dahil close na close na sila ni Lucas. Aish! Ano bang pinag-iisip niya?
Ipinilig niya ang ulo at saka binalingan si Lucas. “Nandito ka lang ba para makipagharutan sa kanila?”
“M-makipagharutan?”
Muli niyang ipinilig ang ulo. “Ah hindi! Ang ibig kong sabihin ay anong ginagawa mo rito? Sinong may sabing sundan mo ‘ko?”
Nakita ni Odessa ang isang pamilyar na folder na iniaabot sa kanya ni Lucas.
“T-teka! Book report ko ‘yan.”
Tumango si Lucas. “Ang sabi ni lola naiwan mo raw. Mahalaga raw ito sa iyo kaya nagpresenta akong ihatid agad.”
Awww… Hindi maikakaila ni Odessa na touched siya sa ginawa ni Lucas. Kahit na hirap ito sa paggala sa bayan nila, pumayag pa rin itong ihatid ang book report niya.
“Salamat. Kailangan ko nga ito ngayon. Salamat talaga.”
“Walang anuman. Masaya akong nakatulong ako sa iyo.”
Charot! “Okay na sana kung ‘di ka lang nakikipagharutan d’yan sa mga babae.,” bulong niya sa gilid.
“May sinasabi ka?”
“Ha? Ah wala. Halika na at ihahatid na kita sa labas.”
Akmang igigiya ni Odessa si Lucas palabas ng students lounge nang biglang nagsalita ang isa sa mga babaeng kakwentuhan ng huli. “Baka naman pwedeng dito ka na lang muna, Lucas. Kwentuhan pa tayo.”
Tumingin sa kanya si Lucas pero pinandilatan lang niya ito.
Subukan mo lang!
Ngumiti sa kanya ang lalaki at saka nilingon ang babaeng nakiusap. “Pasensya na. Kailangan ko nang magpaalam. Ang tanging pakay ko lang naman talaga ay ang maihatid ang gamit ni Odessa.”
Pagkuwa’y siya naman ang humarap sa mga babae. “Busy pa siya. Marami pa siyang gagawin. Okay, girls? Buh-bye!”
Pagtapos ay agad niyang hinila si Lucas palayo sa mga babae. Hawak-hawak niya ang braso nito ang hanggang marating nila ang pathway palabas ng eskwelahan.
“O ano? Ihahatid na kita sa traysikel para hindi ka maligaw pauwi,” suhestiyon niya sa lalaki. Gusto na niya itong makaalis kay sa sa mapalibutan na naman ng mga babae.
“Kung ako lang, nais ko rin sanang makipagtalastasan sa mga dilag na iyon. Ang totoo, nakakatuwa silang kausap. Pakiramdam ko ay marami akong matututunan sa kanila,” sabi ni Lucas nang may ngiti sa labi.
She rolled her eyes. “Naku! Pareho lang naman kami, di mahilig sa klase. ‘Wag kang magpalinlang sa mga iyon.”
“Eh ikaw, bakit ka nagpapalinlang sa Calvin na iyon?”
Natigilan siya sa sinabi nito. A-ano raw? “Teka. Hindi naman nanlilinlang si Calvin.”
“Kilala ko ang mga lalaki. At kaninang nakita ko siya, nag-aalala na ako para iyo. Natatakot akong hindi ka niya ihatid dito sa ekwela.”
Gusto niyang matawa sa kinakakatakutan nito. “Kilala ko si Calvin. He has never hurt me at all.”
“Pero mag-ingat ka, hindi ako nagtitiwala sa kanya.”
Nagseselos kaya ito kay Calvin? Weh? Selos? Bakit naman? Ayaw na ni Odessang mag-assume masyado. Mahirap na. Baka lumagapak lang siya mula sa ere kapag nalamang concerned lang talaga sa kanya si Lucas.
Pero aminin! Umaasa kang nagseselos si Lucas.
Gusto ni Odessa na hampasin ang nag-iilusyon niyang utak. Sapat nang makitang nag-aalala si Lucas sa kanya. Nothing more, nothing less.
“Harmless ‘yong si Calvin. H’wag kang mag-alala sa kanya. At saka kung may gusto kang malaman, itanong mo lang sa akin. Ako na rin ang magtuturo sa’yo.”
“Talaga?” nakangiting tanong sa kanya ni Lucas.
Naningkit ang kanyang mga matang hinarap ito. “Nagdududa ka ba sa akin? Alam ko din ‘yang tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas no? Kung maka-‘talaga’ ‘to parang nakakaloko.”
Tumawa ang lalaki. Hindi tuloy maiwasang lumabas ang dimple nito.
To be fair, ang gwapo talaga.
“Naniniwala naman ako,” nakangiti pa ring sagot ni Lucas. “Pero Odessa… sana mamaya patunayan mo sa akin ‘yan.”
“H-ha?” Patunayan? Anong gusto nito? Mag-lecture ako ng Philippine History mamaya sa bahay? OMG! I’m not prepared! “Anong ibig mong sabihin?”
Sumeryoso ang mukha ni Lucas. “Hanapan mo ako ng libro patungkol sa kasaysayan ng Pilipinas sa panahon ng mga Amerikano.”
Agad siyang napaisip. Ang weird naman ng request nito. Pero may alam siyang lugar kung saan nakalagay ang maraming history artifacts pati na rin mga libro tungkol sa Philippine History.
“Mayroon naman akong alam kung saan pwede makakuha niyan.”
“Saan, Odessa?”
“Pero… baka hindi tayo papapasukin.
“Saan ba iyon?”
“Doon sa bahay na bato. Pero hindi ba? Na-pulis tayo noong nakaraan?”
“Pero hindi ba’t sabi ng propesor ay pwede natin siyang lapitan kung nais nating magpunta?”
“Oo, pero—”
“Samahan mo ako. Nais kong magpunta roon.”
“Pero… pero bakit ba mahalaga sa iyo ang mga ganyang bagay? Hindi ko maintindihan.”
“Ipapaliwanag ko ang lahat sa iyo. Kapag nandoon na tayo, maiintindihan mo ang lahat ng ito.”