KABANATA 06

1572 Words
  ANG sama ng tingin kay Lucas ni Odessa. Para bang nais siya nitong saktan. Maaaring galit pa rin ito sa paghagis niya noong mahiwagang bagay na tumunog kanina lang. Ganoon ba kahalaga ang bagay na iyon at halos hindi na ngumingiti ang binibini?      Ang isa pang napakahiwagang nangyari ay kinausap ng babae ang kanyang abuela mula roon sa mahiwagang puting kwadradong bagay na tawag niya ay selpon. Hindi kaya ito isang mangkukulam o babaylan?      Ipinilig niya ang ulo at itinuon nalang ang tingin sa nakaputing babaeng nagtatanggal noong tila puting lubid na daluyan ng likido patungo sa kanyang kamay. Nakangiti ito sa akin habang nakatitig sa aking mukha.      “Ah, binibini. Hindi ba iyan masakit?” di ko maiwasang itanong habang nagsisimula na nitong inaalis ang pagkakadikit niyon sa aking kamay. Nag-aalala ako baka may delikadong epekto ito sa kanyang katawan.      Ngumiti ang babae at saka umiling. “Naku, hindi ito masakit, Lucas.”      “Dahan-dahan lang ha?” pakiusap niya sa babae. Ang lahat ay bago para sa kanya. Simula pa noong dumating siya sa panahon na iyon kinakatakutan na niya ang lahat ng nakikita.      Pero paano nga ba siya nakarating roon? Isa ba iyong biro ng tadhana? Kailangan niyang mag-imbestiga. Kailangan niyang malaman ang puno’t dulo ng kababalaghang nangyayari sa kanya. Pero sa ngayon ay kailangan niyang makiayon muna. Hindi siya maaaring magmukhang siraulo at magsisigaw na siya’y naliligaw sa ibang panahon.      Inikot niya ang tingin sa paligid. Doon pa lang ay kakaiba na ang mga kagamitan. Siguradong may mas kakaiba pa paglabas niya sa bahay pagamutan.      “Taga-saan ka ba, Lucas? Hindi pa yata kita nakikita dito sa San Mateo?”      Sumikdo ang kanyang dibdib nang marinig ang ngalan ng kaniyang bayan. Nasa San Mateo pa rin pala siya. Hindi pala siya namamalikmata noong makita niya ang simbahan kanina. Iyon pa rin pala ang parehong simbahan nila noon. Ibig sabihin, may mga estraktura pa ring natitira sa mula sa panahon niya.      Tumingin siya sa babae na tila naghihintay pa rin sa kanyang sagot. “Oo, taga rito ako sa San Mateo. Sa dami ng tao rito sa atin, siguradong di mo pa nakikita lahat.”      “Hindi ah! Sa gwapo mong ‘yan? Makakalimutan ba kita?”      “Hay naku! Gwapo nga, nananapon naman ng cellphone.”      Napalingon siya kay Odessa.  Galit pa nga ito dahil sa bagay na iyon. Pero hindi naman iyon nakakain. Isa ba iyong sandata? Hindi ba’t kalendaryo lang naman ang nakikita roon?      Sayang, maganda pa naman sana ito. Kaso mukhang suplada. Hindi siya katulad ng mga babae sa kanyang panahon. Mahinhin at hindi kinukulang ang damit. Ang damit kasi nito ay bestida nga pero isang dangkal naman ang taas sa tuhod. Wala pang manggas. Hindi kaya ito lamigin?      “O ‘yan, tapos na,” sabi ng babaeng nakaputi at saka tumayo na ito. “Next time mag-ingat ka na? Sayang naman at baka matuluyan ka. Maraming malulungkot.”      Kakaiba talaga ang mga babae sa panahon ngayon. Mayroong isang suplada tulad nitong si Odessa. Meron namang tulad noong babaeng nakaputi na hindi nahihiyang iparinig sa lalaki ang iniisip niya. Ano pa kaya ang ipinagbago ng mga tao sa panahon ngayon?      “Basta kung may kakaiba kang mararamdaman, bumalik ka lang dito sa ospital. Para makagawa ang doktor ng iba pang mga eksaminasyon,” payo ng babae sa akin.      “Pero ‘di ba ayos na siya?” si Odessa iyon.      “Sa ngayon, maayos siya. Wala namang nakitang problema. Ang sabi ko lang naman ay kung may ibang sintomas na magpapakita sa mga susunod na araw.” Paliwanag ng babae. Nang makaalis na ang babaeng nakaputi ay tumayo na rin si Odessa. May kinuha itong supot at saka iniabot sa kanya.      “Magbihis ka na habang wala ako. Aasikasuhin ko lang ang bill mo,” anas ni Odessa. Malungkot pa rin ang mukha nito.      Naiwan siyang hawak-hawak ang kanyang mga damit. Ano kaya ang magagawa niya para makabawi kay Odessa? Masyadong apektado ito sa pagkasira ng gamit nito.      Pagkabalik ni Odessa ay nakapagbihis na siya.      “Naayos ko na ang bill mo. Wala ka nang babayaran pa—” Nakita niya ang paglaki ng mata ni Odessa habang nakatingin sa kanya. “Akala ko namamalikmata lang ako kanina. Pero ang damit mo… ang luma. Di bale na nga. Bumalik lang ako dito para magpaalam. Okay ka naman na kaya siguro pwede na akong umalis?” Akma na itong tatalikod nang di na niya mapigilang magsalita. “Babayaran ko ang nasira kong gamit mo.” Lumingon sa kanya si Odessa na nakakunot ang noo. “Sigurado ka?” “Ihatid mo lang ako sa amin at mababayaran kita. “   HINDI makapaniwala si Lucas. Naglalakihang mga makukulay na bahay. Kaaibang mga estraktura. Mga larawan ng mga tao sa ibabaw ng matatayog na gusali. Lahat ng mga iyon ay natanaw niya mula sa sinasakyan niyang de gulong ni Odessa. Pinipilit lang niyang huwag magwala pero kanina pa siya halos di makahinga sa mga nasasaksihan niya.      “Saan ulit sa inyo?” tanong ni Odessa.      “Sa Calle Nuevo.”      Tumingin ang binibini sa kanya. “Saan ‘yan? Ang tagal ko na dito sa San Mateo, di ko pa naririnig ‘yan.”      Hindi kaya wala na ang calle na iyon? Sa tagal ba naman ng panahon na lumipas ay baka nabago na ang mga ngalan ng calle.      “B-basta sa unahan ng simbahan iyon. Mga kalahating kilometro,” sagot niya kay Odessa na sinunod naman nito.      Pagkarating nila ay halos ‘di na niya makilala ang lugar. Pero ang mahalaga ay nandoon pa naman ang bahay na bato nila ng kanyang pamilya! Kahit papano ay may uuwian siya. Siguradong naroon pa rin ang mga tinago niyang mga iilang pilak at ginto sa sekretong taguan.      “Itabi mo d’yan, binibini.”      Sumunod naman si Odessa. Sinubukan niyang buksan ang pinto ng  sinasakyan pero nahirapan siya.      “Ako ba’y niloloko mo? Hindi ka talaga marunong magbukas ng pinto?” bakas ang pagtataka sa boses ni Odessa.      Hindi na siya nagsalita at umiling na lang.      “Taga saang planeta ka ba at ang dami mong hindi alam? Ang weird mo na talaga.”      Tumayo si Odessa at pinagbuksan siya ng pinto.      Mabilis siyang lumabas mula sa sinasakyan at tinungo ang bahay niya. Pero di pa man siya nakakalapit sa pinto ay mabilis siyang hinila ni Odessa.      “Uy, Lucas! Saan ka pupunta?”      “Sa bahay ko.”      “Bahay? Eh museo ‘yan! Akala ko ang bahay mo eh ‘yong nasa tapat.”      Sinulyapan niya ang katapat na bahay na sinasabi ni Odessa pero hindi niya maalalang may nakatayo roon noong 1901. Bakanteng lupa iyon.      “Anong museo? Bahay ko ‘yan!” pagpupumilit niya.      “Sira ka ba? Museo nga ‘yan sabi!”      Hindi na niya pinakinggan si Odessa at nilapitan ang pinto ng bahay. Pero bago pa man siya makapasok ay mayroong guardia roon na pumigil sa kanya.      “Hindi po bukas ang museo ngayong araw. Bumalik na lang po kayo bukas,” wika ng guardia.      Ano bang nangyayari? Paano naging museo ang bahay niya?      “Papasukin mo ako! Ngayon din!” utos niya sa guardia.      Naramdaman niyang hinawakan ni Odessa ang kanyang braso. “Tama na, Lucas. Umalis na lang tayo.”      Ramdam niya ang pag-aalala sa boses ng binibini ngunit hindi maaari. Kailangan niyang makapasok roon.      “Papasukin mo ako o mapipilitan akong gumamit ng dahas.” Sabihin nang nagbabanta siya. Pero desperado na talaga siya. Kailangan niyang makapasok roon.      Sinubukan pa siyang pigilan ng guardia pero itinulak niya ito. Nagkaroon tuloy siya ng pagkakataong makapasok sa bahay.      Napasinghap siya nang makita ang bulwagan ng kanyang bahay. Walang pagbabago roon maliban na lamang sa mga ibang mga mwebles na ginawang dekorasyon. Pero sa pangkalahatan ay pareho pa rin ang bahay noong oras na umalis siya kahapon.      “Lucas! Ano ba? Nasisiraan ka na ba? Makukulong tayo sa ginagawa mo!” Si Odessa iyon at nakasunod pala sa kanya.      Hindi na pinakinggan ni Lucas si Odessa at dumeretso na sa ikalawang palapag ng bahay. Pinasok niya ang kanyang lumang silid. Sandali siyang natigilan nang makita niya ang lumang mga gamit na nakalagay sa isang salamin na aparador. Naroon ang kanyang unipormeng pangdigma. Naroon din ang iba pang mga personal na gamit tulad ng sombrero at tungkod. Nakalagay sa paanan ng salamin ang pangalan niya.       Lucas del Castillo      “Nakita mo ‘yan? Ako ‘yan! Akin ang mga gamit na ‘yan!”      Di na niya mapigilan ang nararadaman at napabulalas ang katotohanan kay Odessa. Si Odessa naman ay umiiling lang at mukhang di talaga naniniwala.      “Sira ka ba? Patay na ang Lucas del Castillo na ‘yan! Kilala ‘yan ng lahat ng taga San Mateo. ‘Yan ang pinakamayamang tao dito sa atin noong unang panahon. Pero bago pa tayo ipinanganak, wala na ‘yang taong ‘yan sa mundo.”      Umiling siya. “Hindi… Hindi ako…” Di niya alam kung paanong ipapaliwanag kay Odessa ang lahat nang hindi siya mapagkakamalang siraulo?      Ah tama!      Sumuong siya sa ilalim ng kanyang higaan upang mabuksan ang isang pinakatagu-tago roon. Pero bago pa man niya magawa ay may dumating sa pinto ng kanyang kwarto. At kilala niya ang taong iyon. Iyon ang taong nagtanong ng kanyang kondisyon kanina sa bahay pagamutan. Iyon ang taong tinawag nilang ‘pulis’.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD