MABIGAT ang dibdib ni Odessa habang nakatitig sa lalaking nakaratay sa hospital bed. May kung anu-ano nakakabit sa katawan nito. Ang pamilyar lang sa kanya roon ay ang swero, ang oxygen at iyong may monitor na nagtataas-baba para sa puso. Nakikita niya sa mga pelikula na kapag nag-aalarm iyon at nagiging flatline ay namamatay na ang pasyente. Pero ang iba, hindi na niya alam kung ano.
Ganoon ba talaga kadelikado ang kondisyon ng lalaki? Nag-aagaw buhay ba talaga ito?
“Lola, sure po ba kayong buhay siya? Ba’t di po gumagalaw?” Balot ng pag-aalala ang boses ni Odessa. Nakapikit lang kasi ang lalaki at wala pa ring malay-tao. Mag-aalas sais na ng umaga. Eksakto isang oras matapos ang aksidente na kinasangkutan nila.
“Ano ka ba naman, apo? Isang oras pa lang siya rito. Okay lang siya. Ang doktor na mismo ang nagsabi. Bukod sa galos sa noo, wala naman daw problema sa ulo at katawan. Sadyang nawalan lang daw ng malay. At kung talagang nasa delikado pa ang kondisyon niya, eh ‘di sana nasa ICU siya nilagay. Hindi dito sa ward,” paliwanag ng kanyang lola.
Napalingon siya sa kanyang paligid. May iba pang pasyente sa ward na iyon ng ospital. Mga nakaswero din at may kung ano-anong benda sa katawan. Hindi na bago sa kanya ang magpunta sa ward. Tuwing nao-ospital ang kanyang ama ay sa ward sila nagpapa-admit. Mura kasi roon at para sa kanila ay mas mahalaga ang gamot kesa sa gara ng kwarto.
Muli niyang ibinalik ang tuon sa kanilang pasyente. Wala pa rin itong malay. Napapikit siya at nagdasal. Pinapanalangin niya na sana ay magkamalay na ito. Para naman wala na siyang aalalahanin pa.
“Excuse me, Ma’am.”
Napamulat siya at nakita ang babaeng nurse na may bitbit na paper bag. Pagkatapos ay iniabot ito sa kanya. “Mga gamit po niya, Ma’am.”
Sinilip niya ang paper bag at nakita niya roon ang mga damit ng lalaki. Nagpasalamat siya sa nurse bago nagtanong. “Nurse, kelan kaya siya magigising?”
“Naku, Ma’am. Di po natin masasabi. Pero so far, stable naman ang vital signs niya. Maghintay-hintay na lang muna siguro tayo,” paliwanag ng babaeng nurse.
Tumalikod na ito at akmang aalis na. Pero hindi pa man nakakalayo ay muli itong bumalik sa kanila. “Ah siya nga po pala, tinawagan po namin ang mga police para matulungan tayong ma-identify siya.”
Agad lumakas ang t***k ng dibdib ni Odessa.
Ano raw? Police?
Paano na lang kung pagkagising nito ay lumabas ang iba pang problema? Like maging baldado ito? Paano na lang kapag nagsampa ng kaso? Masisira ang kanyang pangalan. Paano na lang ang mga pangarap niya?
Nang tuluyang umalis ang nurse ay nilapitan siya ng kanyang lola. “Anong gagawin ko La?”
“Magkasalubong na naman iyang kilay mo. Huwag ka ngang masyadong mag-alala. Diba nga, hindi mo naman talaga siya nabangga? Hinimatay ‘yong tao. Wala kang kasalanan.”
“Pero La, marami na pong manloloko sa panahon ngayon. Paano kung i-claim niya na nabangga siya para magkapera? Hindi po ba posible iyon? Naku! Ayokong makulong, La.”
“Apo naman… huwag ka ngang masyadong praning. Magiging okay lang siya.”
Nilingon niya ang lalaki at tinitigan ito. Sa totoo lang hindi naman talaga ito mukhang mandurugas. In short, gwapo! Kahit pamedyo makaluma ang damit nito kanina. Mestisuhin ang lalaki at may katangkaran din.
Pero wala naman na talaga sa hitsura ang pagiging manloloko ng tao. Wala rin sa hitsura nito ang pagiging kriminal.
Nilapitan niya ang lalaki at saka bumulong. “Gising na. Umaga na.”
Hinawakan ng kanyang lola ang kamay niya. “Hoy, ineng! Anong ginagawa mo?”
“Ginigising po siya. Para makausap na natin.”
“Ano ka ba? Baka makasama pa ‘yan sa kanya.”
“Ginigising ko lang naman po.”
“Huwag na sabi. Hayaan mo na. Gigising din ‘yan.” Tumayo ang kanyang lola mula sa kinauupuan at saka nagpaalam sa kanya. Uuwi raw muna ito para maasikaso ang kanyang ama. Mayroon kasi iyong mga gamot na iinumin na bago at pagkatapos mag-agahan.
Ayaw niya sanang umalis ang kanyang lola pero ayaw naman niyang hindi makakain at makainom ng gamot ang ama. Tinapangan na lang niya ang sarili habang hinihintay na magising ang nabangga.
No! Hindi ko siya nabangga. Nahimatay lang siya!
Nang makaalis na ang kanyang lola ay muli niyang binalingan ang lalaki. Hinawakan niya ito sa dibdib at bahagyang niyugyog ito.
“Uy, gising na. Please,” bulong pa rin niya rito. Muli niya itong niyugyog nang biglang mag-alarm ang machine na nakakabit rito.
OMG! Napatitig siya sa monitor at laking gulat niya nang naging flat ang linya noon!
Nakakamatay ba ang pagyugyog sa isang tao? Nakapatay ba siya? Oh no!
“Huy! Huwag kang mamamatay!”
Sisigaw na sana siya ng tulong nang biglang dumating ang nurse na kausap nila.
Ininspeksyon ng nurse ang lalaki at ilang sandali pa ay may ipinakita itong mga cord na may puti sa dulo.
“Natanggal lang po kaya nag-alarm,” sabi ng nurse at saka inayos ang pagkakalagay noon sa pasyente. Nang maikabit na ay saka umalis ulit ang nurse.
Muli niyang nilapitan ang lalaki at kinausap ito. “Pinakaba mo ako ha. Akala ko mamatay ka na. ‘Wag ganyan! Hindi na kita yuyugyugin. Basta gumising ka lang.”
“Bakit ba ang ingay mo, binibini?”
Nanlaki ang kanyang mga mata nang biglang dumilat ang lalaki. Totoo ba ang nakikita niya? talaga bang gising na ito.
Inikot ng lalaki ang paningin sa buong ward. Pagkatapos ay bumalik sa kanya ang mata nito.
“Binibini? Anghel ka ba? Langit na ba ito. Patay na rin ba sila?” tanong ng lalaki sa kanya. Ang tinutukoy nito ay ang ibang mga pasyente na nakaratay din roon.
“H-hindi. Hindi ka pa patay. Nasa ospital ka,” paliwanag niya.
Kunot noong tinitigan siya sa mukha ng lalaki. “Ospital?”
“Oo. Ospital.” Nilapitan niya ang lalaki at saka nginitian ito nang matamis. Sana man lang umepekto dito ang charm niya. “Diba nga… nahimatay ka sa daan? Nakita ka namin ng lola ko.”
Kunot noo siyang tinitigan ng lalaki. “Hindi kita maintindihan binibini. Ano bang pinagsasasabi mo? Nasaan ba talaga ako?” Tumingin ito sa kanyang kamay. “Ano ito? Bakit ito nakakadikit sa aking balat?”
Ang tinutukoy nito ay ang swerong nakakabit rito. Akma sana nitong aalisin iyon nang pigilan niya. “Sandali. Huwag mong alisin ‘yan. Gamot mo ‘yan.”
Natigilan ang lalaki at pagkatapos ay muli nitong nilibot ang paningin sa buong lugar.
“Ibig sabihin…” Nilingon siya nito at agad niyang nakita ang namimilog nitong mga mata. “Ibig sabihin hindi panaginip ang lahat?”
“Ha? Anong hindi panaginip?”
Hindi kaya iniisip nitong nabangga ito ng kotse niya? OMG! Paano kung magreklamo ito sa pulis?
“Uy! Panaginip mo lang talaga ‘yon. Hindi ka nabangga ng kotse ko. Nahimatay ka.”
“Hindi! Hindi iyon! Ang ibig kong sabihin… ang paligid… biglang nagbago. May mga ilaw. Iba ang kasuotan ng mga tao. Tulad…” pinasadahan siya nito ng tingin. “Tulad ng sa’yo!”
Ano ba ‘tong lalaking ‘to? Naloloko na yata! Myghad! Hindi kaya nabagok ang ulo nito?
“Ayos ka lang ba? May masakit ba sa’yo?” paninigurado niya.
Umiling ang lalaki. “Wala… pero ang nakita ko… totoo lahat. May mga de gulong na makina na umaandar. Tulad ng…” lumingon ito sa kanya. “Tulad noong sinakyan mo!”
Naloko na talaga! Baka akala niya nabangga ko siya! Hindi naman totoo!
“Oy! For the record, hindi kita binangga. Nahimatay ka—”
“Nagkamalay na pala ang pasyente.”
Agad napalingon si Odessa sa pinanggalingan ng boses. At halos lumuwa ang puso niya nang mapagsino iyon.
Isang pulis! Nakauniporme ang sa tingin ay wala pang kwarenta anyos na pulis at may hawak na maliit na notebook. Katabi ito ang isang nurse.
Agad namang nilapitan ng nurse ang pasyente at tiningnan ang kondisyon nito. Nang masiguradong nasa maayos ang lahat ay saka sila iniwan.
Agad niyang nilapitan ang pulis. “Ah, hello po. Ako po iyong nakakita sa kanya.”
Tumango lang ang pulis at saka sinipat ang lalaki. “Ako si PO1 Valdez. Ayos ka lang ba?”
Tiningnan ng lalaki ang pulis at saka tumango.
“Kung ayos lang sa’yo, may mga katanungan lang ako.”
Kunot noong tiningnan ng lalaki ang pulis. “Isa ka bang cuadrillero?”
Ano raw? Kwadril… what?
Umiling ang pulis. “Anong sabi mo?”
Sumulyap sa kanya ang lalaki at pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa pulis. “Ah, w-wala.”
Umayos ng tayo ang pulis at saka nagpatuloy. “Well, itatanong ko lang sa’yo kung ano ang pangalan mo at kung napano ka.”
Sinubukan ng lalaking umayos ng upo pero mukhang nahirapan ito kaya naman tinulungan na niya ito. Ganda points din ‘yon. Para naman isipin ng pulis na nag-aalala talaga siya.
“Ako… ako si Lucas del Castillo.”
Lucas… hmm… medyo thunders ang datingan pero okay lang. Bagay din naman sa kanya.
“So, anong nangyari sa’yo?”
“Hindi kayo maniniwala sa sasabihin ko pero…” Natigilan ang lalaki at parehong nilingon silang dalawa ng pulis. Mukhang nag-aalangan itong magkwento.
“Ituloy mo,” utos ng pulis.
“Uhm… hindi ko masyadong maalala. Basta may sasakyan…”
“Nabangga ka ba ng sasakyan?”
Agad siyang sumingit. “Uy! Hindi po! Hindi siya nabangga. Nahimatay siya sa daan. Tumulong lang ako. Abonado pa na kami kasi kami nagbayad ng downpayment dito sa ospital. Nagkusang loob lang kami. Di ba?!” Siniko niya si Lucas upang patotohanan ang sinabi niya.
Tinitigan siya ng pulis. Sheet! Bakit ba mukhang hindi kumbinsido ito sa mga sinabi niya?
“Uy, magsabi ka naman sa pulis nang totoo,” untag niya kay Lucas.
“Hindi ko po masyado maalala.” Napahilot sa sentido si Lucas. “Hindi ako sigurado.”
“Hindi mo maalala kung nabangga ka ng kotse?” pagkaklaro ng pulis.
“Hindi ko nga po siya binangga,” singit muli niya.
“Pasagutin muna natin siya, Miss.”
Nakagat niya ang pang-ibabang labi. “O-opo.”
Ibinalik ng pulis ang atensyon kay Lucas. “Ano na, Lucas?”
Tumingin si Lucas sa kanya bago nagsalita. “Hindi po ako nabangga ng k-kot—”
“Kotse?” paglilinaw ng pulis.
“Opo, kotse. Nawalan lang po talaga ako ng malay.”
“Sigurado ka?” muling tanong ng pulis.
“Opo. Sigurado po ako.” Sinulyapan siya ni Lucas. “Tinulungan din po ako ng babaeng ito para madala dito.”
Yes! Dahil ‘yan ang totoo, Mr. Pulis. Mabuti na lang sa bibig ni Lucas mismo galing ang katotohanan. Mukhang naniwala naman na talaga ang pulis kaya ilang kwentuhan pa ang nangyari at umalis na ito.
Ilang sandali pa ay silang dalawa na lang ni Lucas ang naiwan. Sa wakas ay may pagkakataon na siyang tanungin ang lalaki.
“Mabuti naman at sinabi mo sa kanya ang totoo,” anas ko kay Lucas.
“Alam kong mapapahamak ka kung sasabihin kong sinagasaan mo ako.”
Tumango siya. Mabuti na lang at hindi oportunista ang lalaki. Kung ang iba kasi niyan ay baka humingi na ng pera. Eh wala pa naman siya noon.
“Salamat. At least ngayon cleared na ako. At saka ‘wag ka nang mag-alala sa bill dito. Konti lang naman ang babayaran kasi public hospital ‘to.”
“A-anong sabi mo? Hindi ko maintindihan.”
“Ha? Ano bang malabo sa sinabi ko?”
“Ah… w-wala. Basta wala na akong babayaran dito sa bahay pagamutan?”
Gusto niyang matawa sa sinabi ng lalaki. Masyadong makaluma ang tono. “Oo. Parang ganoon na rin. Kasi pampublikong pagamutan ito.” Natawa na rin siya sa sarili sa pagsabay niya sa kalokohan ng lalaki.
Ngumiti ang lalaki nang marinig ang pagbibiro niya.
Woah… in fairness gwapo talaga ang lalaking ito. Mas gumwapo ngayong nakangiti na.
“Nagugutom ka ba? May puto ako rito.”
Umiling ang lalaki. “Hindi ako nagugutom. Gusto ko lang sanang itanong sa’yo…”
“Ang alin?”
“A-anong petsa ngayon?”
“Ngayon? December 16.”
“D-Dece…Disyembre?”
“Oo. Disyembre. Teka… hindi kaya naapektuhan ang utak mo sa pagkahimatay mo?”
“H-hindi… medyo malalim lang talaga ako magsalita.”
“Weh? Meron pa ba nun ngayon? At saka ang bata mo pa para magtunog matanda ha.”
Hindi sumagot ang lalaki at saka tumango na lang. “Mayroon ka bang kalendaryo? Nais kong makita sana.”
Aba’t diskumpyado yata sa sagot na sinabi ko. Hinugot niya ang cellphone at saka hinanap ang calendar application doon. Pagkatapos ay ipinakita niya ito sa lalaki.
“O, ‘yan.”
Nakita niyang bahagyang umatras ang lalaki mula sa kanya. “Ano ‘yan?!”
“Cellphone! Ang OA mo ha? O tingnan mo na. Di yan nangangagat.”
Dahan-dahang lumapit ang lalaki sa at tiningnan ang screen ng cellphone niya. Nakita pa niyang kumunot ang noo nito habang tinititigan ang cellphone.
“Hawakan mo.”
Bakas ang pag-aalinlangan sa mukha ng lalaki pero sinunod pa rin naman siya nito. Tutok na tutok ito sa hitsura ng cellphone.
“O, okay na? December 16 di ba?”
Tumango ang lalaki. “Ika-labing anim ng Disyembre, taong labing siyam at…”
“Anong labing siyam? 2011 na uy. Dalawang libo at labing isa.”
Nakita niyang nanlaki ang mata ng lalaki. Mukhang di ito makapaniwala sa taon.
Teka… hindi kaya nabagok talaga ang ulo nito? Hindi alam ang taon ngayon?
Babawiin na sana niya ang cellphone niya nang biglang mag-ring ito. Pero ganoon na lang ang pagkabigla niya nang itapon ng lalaki ang cellphone sa sahig.
“Ano ba?! Ba’t mo tinapon?!”
“Tumunog eh!”
“Eh siyempre may tumatawag!”
OMG! Gwapo nga pero may sayad naman. Huhuhu! Ang Iphone 3 ko!