December 15, 2011
Isang kometa ang tila sasabay sa pagsi-celebrate natin ng Pasko. Ang kometang pinangalanang C/2011 W3 o Comet Lovejoy na nadiskubre ng Australian astronomer na si Terry Lovejoy ay kasalukuyang masisilayan natin sa ating kalangitan. Inaasahang mas lalo pa itong kikinang sa ating kalangitan kapag dumaan na ito sa araw bukas, December 16, 2011.
Maingat na kinokortehan ni Odessa gamit ang eyebrow pencil ang kanyang kilay habang nakikinig sa balita mula sa telebisyon. Tuwing agahan ay ganoon ang kanilang routine na mag-anak. May pa-news and current events habang kumakain ng agahan.
“Oy Odessa, mababasag na iyang salamin sa sobrang pagpapaganda mo. Halika na rito at nang makakain ka na. Mali-late ka na niyan sa eskwela,” may bahid ng katotoohanang biro sa kanya ng amang si Ricky. Pero sanay na siya sa mga hirit na iyon ng ama. Narinig niya minsang ayaw nitong sobra siyang nagpapaganda dahil baka raw maaga siyang makapag-asawa.
“Naku, Pa! Alam niyo namang kailangan kong maging maganda always. Mahirap na at baka may makasalubong akong talent agent at hindi pa ako mapansin dahil mukha akong Haggardo Versosa. Alam niyo naman, pangarap kong mag mowdel.” Nginitian niya nang pagkatamis-tamis ang ama. Nakita niyang umiling-iling ito at saka tumawa.
“Hayaan mo na ‘yang anak mo, Ricardo,” sabat ng kanyang Lola Lina. Galing ito sa kusina at may dalang isang plato ng ginisang kanin. “Mana lang ‘yan sa akin sa kagandahan. Baka nakakalimutan mo ako ang—”
“Binibining San Mateo 1955.” Ang kanyang ama na ang nagpatuloy sa gustong sabihin ng kanyang lola. “Hindi ho namin nakakalimutan, Ma.”
“Kaya ka nga na-in love sa akin ang iyong namayapang ama. Sumalangit nawa siya,” sagot ng kanyang lola na namumungay ang mga mata. Kahit 74 anyos na ito ay ‘di pa rin nawawala ang pagiging mapagbiro nito. Mas tila lumala pa nga. Kumpara sa kanyang ama ay ito pa ang mas konsintidor sa mga trip niya. Lalong lalo na ang tungkol sa pagmomodelo. Higit isandaang porsyento ang suporta nito sa kanya.
“Tama naman si Lola, Pa. Kanino pa ba ako nagmana? Siyempre sa sexy at maganda kong Lola. Di ba, La?” Nginitian niya ang abwela at kinindatan naman siya nito.
“Opkors, my beautiful apo! Kaya naman may gift ako sa’yo.” Inabot ng lola niya ang isang supot mula sa bulsa nito.
Nang buksan niya ang supot ay nanlaki ang mata niya nang makita ang isang piraso ng lipstick.
“Inutang ko ‘yan kay Pacing. Avon ‘yan apo. Branded!”
“Aba’t may pa-branded branded pang nalalaman ang lola ko! Pero in fairness La, ha? Mukhang maganda ang shade nito. Ang aga namang Christmas gift ito, ‘La!” Binuksan niya ang lipstick at sinubukan iyon. Nagkulay dark pink ang kanyang labi. Pagtapos ay umawra siya sa harap ng pamilya. “Bagay po ba?”
“Bagay na bagay apo!” magiliw na sagot ng kanyang lola.
Nakita naman niya ang ama niyang naiiling na lang. “Ewan ko sa inyong mag-lola.”
Natawa na lang siya sa reaksyon ng kanyang ama. Ganoon talaga iyon kapag nagpapaganda siya. Ito lang naman ang ayaw na ituloy niya ang pagmomodelo niya. Ang gusto nito ay gamitin niya ang pinag-aaralang kurso ng business management at makapag-trabaho pagkatapos. Hindi ito sang-ayon sa kanyang pangarap.
I believe that if you dream, you dream big! At lulubos-lubsusin na rin niya ang pangangarap. She wanted to become a fashion model. Hindi lang basta model kung hindi ay isang elite model sa the beautiful city that never sleeps.
New York City! Nandoon ang Elite Model Management at IMG na nais niyang mapasukan.
Just the thought of becoming a fashion model excites her. Kapag natuloy ang pagmomodel niya sa New York, may chance nang makita niyang muli ang kanyang ina. Ang nanay niyang nasa Amerika ngayon at isang TNT. Hindi makauwi-uwi ang kanyang ina dahil kapag umuwi ito ay hindi na ito makakabalik pa roon para makapagtrabaho. Sa loob ng sampung taon ay ang nanay niya lang ang sumusuporta sa kanilang mag-anak.
Nilingon niya ang kanyang ama habang kumakain ito. Buti nga ngayon ay nagagamit na nito ang dalawang kamay sa pagkain. Noong nagkastroke ito five years ago ay halos naging baldado na rin. Kaya naman mas lalong hindi makauwi-uwi ang kanyang nanay. Kailangan nitong suportahan silang ng kanyang ama. Dahil doon ay mas ninais niyang matupad ang pangarap na maging modelo. Bukod sa matutulungan niya ang kanyang pamilya ay mapapatigil na niya ang nanay niya sa pagtatrabaho roon. Mas mapapagamot pa niya ang tatay niya na mayroon din iba pang karamdaman.
Argh! Ang aga kong mag-emote. Ipinilig niya ang kanyang ulo at saka itinuon ang sarili sa pagkain. Ayaw na ayaw niya iyong mga sad moments. Gusto lang niya ay laging masaya.
“Ah siya nga pala apo, bukas na ng umaga ang simula ng simbang gabi. Sabay tayong magsisimba ha?” out of the blue na sabi ng kanyang lola.
“Ay bet ko ‘yan, Lola. Siyempre sabay tayo bukas.” Hindi talaga niya papalampasin ang simbang gabi ngayon. Mayroon kasi siyang gustong hilingin sa Panginoon. Iyon ay ang matupad nga ang pangarap niyang maging model.
Naputol ang kanilang pagkain nang mayroong kumatok sa kanilang pinto. Nang pagbuksan niya iyon ay agad niyang nakita si Calvin. Si Calvin ang nag-iisang anak ng may-ari ng bahay na inuupahan nila. Kasing-edad niya ito at nag-aaral din sa St. Matthew College—ang nag-iisang kolehiyo sa kanilang bayan.
“Good morning, Odessa!” Nakangiting bati nito sa kanya. Sinulyapan nito ang kanyang pamilya at binati rin ang mga ito.
“Hala Calvin, ngayon na ba iyon?” bakas ang pag-aalala sa boses ng kanyang ama. “Pwede bang sa susunod na linggo na lang kami magbabayad? Hindi pa kasi nagpapadala ang mama ni Odessa. Kung pwede lang naman.”
Mabilis na umiling si Calvin. “Naku! Hindi po iyan ang pinunta ko. Baka ‘ka ko eh tapos nang mag-breakfast si Odessa. Isasabay ko na lang po siya sa eskwela para iwas aksaya sa pamasahe. Tutal, papasok na rin naman po ako.”
Napatingin siya sa kanyang lola at tulad ng inaasahan niya ay agad bumakas ang pag-aalala sa boses nito. Alam ng buong pamilya nila na nanliligaw sa kanya si Calvin. Pero alam din ng mga itong wala siyang balak na sagutin ito. Alam din naman iyon ni Calvin kaso ay hindi pa rin ito tumitigil. Ayaw naman niyang itaboy ito dahil anak ito ng landlord nila. Nag-aalala siya dahil baka bigla na lang silang mawalan ng bahay kapag hindi sila nakapagbayad ng upa—tulad na lamang ngayon.
“Ah, oo. Tapos na akong mag-agahan. Hintayin mo na lang ako sa labasan,” sagot niya kay Calvin.
Biglang lumiwanag ang mukha ng binata nang sabihin niyang sasama siya rito. “Okay! Hihintayin kita sa kotse ko,” pagkasabi ay lumingon ito sa Papa niya. “Mang Ricky, wala hong problema iyong tungkol sa upa. Ako na po ang bahalang magsabi kay Mama.”
Pagkatapos noon ay umalis na rin si Calvin. Siya naman ay kinuha na ang mga gamit at saka muling inayos ang sarili sa salamin.
Nilapitan siya ng kanyang lola at saka inayos ang pagkakalugay ng mahaba niyang buhok. “Apo, okay lang ba sa iyong sumabay doon kay Calvin? Hindi ba’t ‘di mo naman ‘yon gusto?”
“Okay lang po, La. At saka alam naman niyang hindi pa ako ready magka-boyfriend. Wala po talaga akong balak sagutin siya.”
Mula sa repleksyon ng salamin ay nakita niyang tumango ang kanyang lola. “Mabuti na iyong klaro sa kanya na hindi mo pa balak magka-boyfriend.”
“Malinaw po sa kanya iyon. Ang akin lang naman po ay kung maaari ay hindi ko naman siya basta itaboy na lang. Tulad na lang ngayon na gipit tayo sa pera at ‘di makabayad ng upa. At least pwede pa siyang mapakiusapan.”
“Hay naku, apo. Kung sana’y malakas kaming pareho ng Papa mo at pwedeng magtrabaho. Eh di sana’y hindi nahihirapan ang mama mo sa pagtatrabaho roon. Mahirap kumuha ng trabaho ang isang TNT sa Amerika.”
Hinarap niya ang kanyang lola. “Lola, ano ba? Ang drama niyo naman yata. Naku, okay lang po ako! Kahit ako, ayokong magtrabaho kayo. Dapt chill chill ka na lang rito sa bahay La. At saka don’t worry, my beautiful lola, makakaahon rin po tayo. Kapag naging model na ako at makakapunta na sa Amerika, mag-aapply ako ng citizenship. Kukunin ko kayo ni Papa dito. Doon na tayo sa Amerika titira. Kaya kapit lang La. Naniniwala akong magiging mabuti ang lahat.”
Ngumit ang kanyang lola at saka hinaplos ang kanyang pisngi. “Sa ganda mong iyan at tangkad, siguradong sila mismo ang nais kumuha sa iyo.”
“Siyempre naman! Mana kaya ako sa inyo.”
Tumawa nang bahagya ang kanyang lola. “Basta apo, mag-ingat ka palagi. Narinig ko lang kanina ang balita tungkol sa kometa. Ang sabi kasi ng mga nakakatanda sa amin noon ay may kalakip iyong malas. Hindi naman sa naniniwala ako. Pero mabuti na iyong mag-iingat tayo.”
Gusto niyang matawa sa sinabi ng kanyang lola. “Dumating lang si Calvin naisip niyo agad ang kamalasan. Kahit ganoon ‘yon, harmless ‘yon. At saka kawawa naman ang kometa, napadaan lang sa earth pinagbibintangan nang malas. Ang ganda nga ng view sa langit dahil sa kanya. At saka atin-atin lang muna ‘to La, ha? Nag-submit na po ako ng application sa email sa Elite Model Management. May model scouting raw kasi sila sa Manila sa katapusan ng buwan. Hinihintay kong sagutin nila ang email ko at biglang kasali na ako sa audition sa Maynila. O ‘di ba, La? Baka swerte iyong kometa! Iyon ang magdadala sa akin sa mga pangarap ko.”
Tumawa na rin ang kanyang lola. “Ikaw talagang bata ka. Sana nga ay matanggap ka roon. Alam kong pangarap mo ‘yan. Hala sige na! At baka magkaugat sa paa na iyong Calvin.”
Isang yakap sa kanyang lola at kanyang ama at umalis na rin si Odessa. Habang naglalakad ay muli niyang binalikan ang pangarap. Kailangan niya talagang matupad iyon. Hindi siya matalino tulad ng ibang mga kaklase niya. Ang tanging meron lang siya ay ang kanyang tangkad, balingkinitang katawan at ganda. Para sa kanya ay sapat na ang iyon para makamtan niya ang kanyang pangarap.
At walang makakapigil sa akin kahit pa ang kometa. Chos!