PINAGMASDAN ni Lucas sa huling pagkakataon ang kanyang bahay bago tuluyang pinatakbo ang sinasakyang kabayo. Hindi na siya nagpaalam pang muli kay Yaya Ising. Nag-iwan na lamang siya ng liham na nagbibiling alagan nito si Julian bago siya makabalik. Hindi na rin niya maaari pang sabihin dito kung saan siya tutungo. Ayaw niyang makompromiso ang kaligtasan nito at ni Igme. Mabuti nang wala itong alam. Sigurado kasi siyang dadaan sa bahay niya ang mga Amerikano at magtatanong. Mahirap na at baka madamay pa ang mga ito kapag hindi siya umalis roon. Tutungo muna siya sa kabisayaan kung saan nagkukuta ang iba pang mga kasama sa pag-aalsa. Doon niya hihimayin ang plano kung paano makakaganti sa nangyari sa kanyang hukbo.
Nakailang kilometro na siya mula sa kanyang bahay nang mapansing mayroong grupo ng mga kalalakihan ang nakasakay ng kabayo sa ‘di kalayuan. Ilang sandali pa ay doon na niya napansing mga Amerikano pala ang mga iyon! May kasama itong isang Pilipino na nakasakay rin sa kabayo. Mabuti na lang at nakapagpalit na siya ng damit. Wala na ang duguan uniporme niya kanina.
Putangina!
Gustong-gusto niyang bunutin ang baril na nakatago sa ilalim ng kanyang damit at pagbabarilin ang mga dayuhan. Nais niyang makaganti sa ginawa ng mga ito sa kanyang hukbo. Nais niyang ipaghiganti ang pagkamatay ng ama ni Julian.
Pero nanaig ang pagpipigil niya sa sarili. Di bababa sa sampung katao ang nasa harapan niya ngayon. Mamatay siya nang wala sa oras. Hindi iyon makakatulong sa planong paghihiganti niya.
Kaya naman gamit ang sombrero ay pinilit na lang niyang itago ang mukha upang hindi na siya makilala ng mga ito. Nagtagumpay naman siya. Kaunti na lang ay malalampasan na niya ang grupo at tuluyan na siyang makakalayo.
Pero bago pa man mangyari iyon ay narinig niyang magsalita ang isa sa mga Amerikano. Hindi niya alam ang lenguahe kaya naman mas lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Paano na lang kung bigla na lang siyang barilin ng mga ito?
Gamit ang isang kamay ay mahigpit niyang hinawakan ang renda ng kabayo. Ang kabila naman ay hinahanda niya upang bunutin ang baril kung sakaling mabulilyaso ang kanyang pagbabalat-kayo.
“Magandang gabi, Ginoo. Pwede bang magtanong?” anas ng Pilipinong kasama ng mga Amerikano.
Sa totoo lang ay nais niyang parusahan ang Pilipino dahil sa pagtulong nito sa mga dayuhan. Wala kasi itong konsensya at mas kumiling pa sa mga mananakop. Gayunpaman ay pinatigil pa rin ni Lucas ang kanyang kabayo at yumuko rito.
“Maaari po. Ano po iyon?” Sinigurado niyang magiging mapagkumbaba ang kanyang boses. Ayaw niyang pagdudahan siya ng mga ito.
“May kilala ka bang Kapitan Lucas del Castillo? Taga-rito siya sa bayang ito.”
Lumunok siya ng laway. Tama nga ang hinala niya. Siya ang pakay ng mga ito. “Wala po, Ginoo. Ako’y hindi taga-rito sa San Mateo,” pagsisinungaling niya. Pero habang sinasabi iyon ay nakahawak na siya sa kanyang baril. Kung hihilingin ng pagkakataon ay handa siyang gamitin iyon.
“Ganoon ba? O sige. Salamat na lang.”
Nakahinga siya nang maluwag at handa nang patakbuhin muli ang kabayo. Pero bago pa man iyon ay muling nagsalita ang Pilipino. “Sandali… Anong ginagawa mo sa daan sa ganitong dis oras ng gabi?”
“May dinadalaw lang po akong kamag-anak,” pagsisinungaling niya.
“Maari bang alisin mo ang iyong sombrero at humarap sa amin.”
Parang may tambol ang kanyang dibdib sa lakas ng pagkabog noon. Mukhang wala nga siyang ligtas mula sa grupong ito ngayon. At ang hudas pang Pilipino ang nangunguna sa pagtatanong sa kanya.
Sigurado siya sa oras na aalisin niya ang suot na sombrero ay makikilala siya. At wala pang isang segundo ay maaari na siyang paslangin ng mga ito. Pero hindi siya papayag. Hindi siya papahuli nang buhay!
Hawak ang renda ay mabilis niyang pinatakbo ang kabayo.
“Hya! Hya!” kasabay noon ay ang paglabas niya ng baril at pagpapaputok sa grupo ng mga Amerikano.
Narinig niyang nagkagulo ang grupo habang papalayo siya. Sinundan naman siya ng mga ito at pilit siyang hinahabol. Narinig din niyang nagpaputok ng baril ang mga ito.
Mga erehe! Pero hindi talaga siya magpapahuli kaya binilisan niya ang pagpapatakbo ng kabayo.
Sa di kalayuan ay naaninag ni Lucas ang simbahan ng San Mateo. Maaari kaya siyang magtago roon? Kilala niya ang padre roon. Di magdadalawang isip iyong itago siya. Binilisan niya ang pagtakbo upang di siya mahabol pa ng mga Amerikano.
Nakahinga siya nang malamang malapit na malapit na siya sa simbahan. Pero sa isang iglap ay narinig niyang muling nagpaputok ang mga ito. At ganoon lang ay biglang bumagal ang takbo ng kabayo. Hanggang sa natumba ito. Sinuri niya ang kabayo at nakitang duguan ang paa nito. Mukhang tinamaan ng bala! Agad niyang iniwan ang kabayo at saka tinakbo ang simbahan. Gugustuhin sana niyang dumeretso sa kumbento kung nasaan ang padre pero nakita niyang papalapit na ang mga Amerikano. Bigla siyang nag-alala na baka madamay pa ang mga inosente kung doon siya patutungo.
Sa unahan ay nakita niya ang matayog na kampanaryo. Madilim roon kaya nagdesisyon siyang doon na magtago. Inakyat niya ang makipot na hagdan patungo sa kampana. Sana naman ay hindi na siya makikita pa sa taas noon.
Hawak ang baril sa kanyang kamay ay nanatili siyang tahimik upang hindi malaman ng mga humahabol sa kanya na naroon siya. Ilang oras na lang ay magkakaroon na din ng mga tao sa simbahan. Makakalis din siya kapag dumami na ang tao.
Ilang minuto na siyang nakaupo sa may hagdan at tinitiis ang malamok na lugar na iyon nang may kaluskos siyang narinig sa bandang ibaba ng kampanaryo. Kumabog ang kanyang dibdib at hinanda ang sarili. Ano man ang nangyari ay handa siyang gamitin ang sandata. Naghintay pa siya nang ilang sandali nang bigla na lang may sumigaw.
His hir? Hisir? Hindi siya sigurado pero boses iyon ng Amerikano. Mukhang natagpuan ang kanyang pinagtataguan!
Tila isang kidlat siyang tumayo at tinakbo ang pinakaibabaw ng tore. Muntik pang tumama ang kanyang ulo sa kampana na naroon. Mabuti na lamang at nakailag siya. Pero que horor! Wala na siyang matatakbuhan pa. Dagdag abala pa ang malakas na hampas ng malamig hangin sa kanyang katawan. Kung hindi siya mag-iingat ay baka liparin siya niyon.
Ilang sandali pa ay nakaakyat na din ang ereheng Amerikanong nakatagpo sa kanya. At mukhang hindi lang ito nag-iisa. May tinatawag pa ito mula sa ibaba.
Napangisi siya. Mukhang hindi na siya makakaabot pa sa kabisayaan. Pero hindi siya papayag na masawi nang walang kalaban-laban. Itinutok niya ang baril sa Amerikano na kapareho niya ay may hawak ding baril.
May sinasabi ang Amerikano pero hindi niya maintindihan ito. Nag-aral siya sa isang prestihiyosong unibersidad pero hindi kasama roon ang salitang Ingles.
Naglalakad papalapit sa kanya ang Amerikano kaya naman itutok niya nang mabuti ang baril rito. Pero bago pa man niya maiputok ang baril ay bigla na may malakas na enerhiya mula sa kanyang likuran na tila hinihigop siya. Nilabanan niya ang lakas noon pero hindi niya magawa. Napaatras siya at sa huli niyang hakbang ay hindi na niya naramdaman ang sahig. Ang tanging nararamdaman niya ay ang hangin sa kanyang likuran habang nahuhulog!
Mamatay na ba siya? Ito na nga ba ang huling mga segundo niya sa daigdig na ito?
Hinihintay niyang lumagapak sa lupa pero tila ba napakabagal ng oras na para ba dinuduyan siya sa walang hanggan. At ang tanging nakikita niya lamang ay ang itim na kalangitan at ang kometa na ubod ng kinang. Nahihipnotismo siya sa ganda niyon. Kung mamamatay man siya ngayon konswelo na niyang iyon ang huling bagay na nakita sa mundo. At kung mabubuhay man siya matapos ang lahat ng ito ngayon sana lang ay maging mas mabuti na ang kapalaran sa kanya.