KABANATA 01

1597 Words
April 11, 1901      Hindi alintana kay Lucas ang dugong umaagos sa kanyang balikat. Natamo niya iyon matapos tumalon at tumama sa isang matulis na bato sa ilog ng San Mateo. Ngunit wala siyang pakialam sa nararamdamang kirot. Ang tanging bumabalot sa kanyang buong katawan ay ang matinding galit at pagkamuhi.      Nilingon ni Lucas ang pinanggalingang kweba. Kahit dalawang daang dipa na ang layo niya mula doon ay rinig na rinig na niya ang malalakas na putok ng baril. At alam niya kung sino ang tinatamaan ng mga bala noon. Walang iba kung hindi ang hukbong pinamumunuan niya.      Pabalik na siya noon mula sa pagpupulong kasama ang ibang mga nag-aalsa laban sa mga Amerikano nang malamang natuklasan na pala ng mga puti ang kanilang kuta. Ang kuta kung saan kasalukuyang nagtatago at nagpapahinga ang kanyang mga kawal. Sinubukan niyang saklolohan ang mga ito pero huli na ang lahat. Pagkarating ay nasaksihan nalang niya ang unti-unting pagkaubos ng kanyang hukbo na nagbabantay sa bukana ng kweba. Nang subukan niyang lumapit ay nakita siya ng mga Amerikanong kawal at pinaputukan din siya ng baril. Kaya naman wala nang magawa si Lucas kung hindi isalba na lamang ang sarili sa pamamagitan ng pagtalon sa rumaragasang kalapit na ilog.      Parang sinasaksak ng punyal ang kanyang puso habang naririnig ang bawat putok ng baril at hiyawan ng mga kawal niya. At siya, si Kapitan Lucas del Castillo, ay wala man lang nagawa para tulungan sila. Sa isang iglap ay nawala na ang mga alingawngaw ng putok. Ang natitira na lamang ay ang sigawan ng pagbubunyi ng mga kawal na Amerikano. Hijos de puta! Nais niyang bumalik sa kweba at iganti ang kanyang hukbo. Kung namatay man ang mga kawal niya para sa bayan ay handa rin siyang sapitin ang parehong kapalaran. Pero hindi siya papayag na mamatay mag-isa. Dapat kasama niyang mamatay ang mga Amerikano! Hingal niyang tinahak muli ang ilog pabalik sa kweba. Pero nakailang hakbang pa lang siya ay naramdaman niyang may humila sa kanyang mga braso. “Kapitan!  Huwag po!” Natigilan si Lucas at napatitig sa mukha ng pumigil sa kanya. Ang musmos pala iyon na siyang tagalinis ng kanilang mga pinagkainan sa loob ng kweba. Sa pagkakaalam niya ay anak ito ng kusinero. Mula sa liwanag ng buwan ay bakas sa mukha ng batang tila wala pang sampung taong gulang ang takot. Pinasadahan niya ito ng tingin kaya napansin niya ang duguan nitong kamison at mga kamay. “May sugat ka ba?” agad niyang tanong habang sinisiyasat ang katawan ng musmos. “Wala po, Kapitan. Dugo po ito ng aking ama. Binaril po siya ng mga Amerikano,” mangiyak-ngiyak na boses ng bata. Kinumuyos ang kanyang puso sa narinig mula sa bata. Ligtas man pero hindi ito nakatakas mula sa sakit na dulot ng pagkamatay ng ama nito. Bakas ang sakit na iyon sa mugtong mga mata ng musmos. “H’wag kang mag-alala, igaganti ko ang iyong ama,” anas niya. Kumalas siya mula sa pagkakahawak ng bata pero imbes na lumayo ay yumakap pa ito sa kanya. “H-huwag na po kayong bumalik doon. Mapapaslang po kayo,” pumipiyok ang boses na sabi nito, hindi maikakaila ang pag-iyak. “Julian. Hindi ba’t ikaw si Julian? Ang anak ng kusinero?” tanong niya. Tumango ito. Yumukod siya at saka hinawakan sa balikat ang bata. “Makinig ka. Sundan mo ang agos ng ilog na ito at mararating mo ang simbahan. Magtago ka roon.” Akma na siyang tatalikod na pero mas lalo pang humigpit ang yakap ng bata sa kanya. “Wala na pong natitirang buhay sa loob ng kweba. Huwag na po kayong bumalik doon,” mangiyak-ngiyak nitong siwalat kay Lucas. Parang binudburan ng asin ang kanina pang sugatan niyang puso. Kung mayroon mang kapareho ng kanyang nararamdamang sakit ay ang batang si Julian na iyon. Ito ay nawalan ng ama. Siya naman ay nawalan ng hukbo. Ang lahat ng mga ito ay dahil sa mananakop na Amerikano. Mga hayop na Amerikano! Napatitig siya sa lumuluhang bata. Bakas sa mukha nito ang labis na takot. Dahil sa habag para sa musmos ay napaluhod siya. Tama si Julian. Siguradong hindi siya mabubuhay kapag babalik siya roon. At kung mamamatay siya ngayong gabi ay hindi niya lubusang maipaghihiganti ang nangyari sa kanilang dalawa. Mapapaslang lang siya at hindi makakamtan ang katarungan. Napatingala sa langit si Lucas at saka pumikit. Ipinanalangin niyang makukuha niya ang hustisyang nararapat para sa kanilang dalawa ni Julian. Nang iminulat niya ang mga mata ay isang kometa ang bumungad sa kanya. Isang napakaliwanag na kometa. Mayroon itong mahabang ginintuang buntot na sadyang nakamamangha. Itinuring niyang isang pangako ng langit ang pagpapakita ng kometang iyon sa kanya. Makukuha niya ang kanyang inaasam na paghihiganti. Ngayon ay kailangan niya munang makauwi. Kailangan niyang mapagplanuhan ang lahat.   “NAKATULOG na po ang bata, señorito,” ulat kay Lucas ng kawaksi nilang si Yaya Ising. May hawak itong platito na may nakapatong na tasa ng kape.      Kinuha niya ang kape at uminom mula roon. Pero hindi nakatulong ang init niyon upang pagaanin ang nararamdaman niya.      “Salamat, Yaya. Maaari na po kayong matulog,” utos ni Lucas sa lampas singkwentang matanda. Bata palang siya ay nasa kanila na nagsisilbi si Yaya Ising pati na rin ang asawa nitong si Igme. Pero ganoon na lang ang pagtataka niya nang hindi umaalis sa kanyang tabi ang matanda. Kaya naman napatanong na rin siya. “May problema po ba rito sa bahay habang wala ako?”      Huminga nang malalim at saka hinawakan ni Yaya Ising ang puting telang nakabenda sa kanyang balikat. Agad niyang naramdamang hinigpitan iyon ni Yaya Ising. “Matagal nang pumanaw ang iyong mga butihing magulang, señorito. Kaya naman halos ako na rin ang tumayong magulang mo. Narinig ko sa bayan kaninang umaga na umiigting ang pag-aatake ng mga mananakop dito sa San Mateo. At base sa sugat na natamo mo, ramdam kong nasa peligro ang iyong buhay ngayon.”      “Limampung tauhan ko po ang sinalakay ng mga Amerikano ngayong gabi. Walang ligtas. Pati ang kusinerong ama ni Julian,” tiimbagang na sagot niya. Hindi rin niya maiwasan ang muling pagbalik sa kanyang isipan ang imahe ng malagim na nangyari.      Namilog ang mata ng matanda. “Que horor! Mabuti na lang at nakaligtas ka! Pero siguradong pinaghahanap ka na ng mga Amerikano ngayon. Malamang ay tinutugis ka na.” Ramdam ni Lucas ang pag-aalala ng matanda sa kanya. At tama naman ito. Simula nang mamatay ang kanyang mga magulang ay ito na ang nagpalaki sa kanya. Ang asawa naman nitong si Igme ang namamahala sa palabigasan na negosyo ng kanilang pamilya. Malaki ang utang na loob niya sa mga ito. At kahit papano ay may karapatan ang mga itong magtanong sa kalagayan niya. “Huwag po kayong mag-alala, Yaya Ising. Kaya ko po ang aking sarili.” At totoo naman iyon. Binatilyo pa lang ay nagsasanay na siya sa pakikidigma. “Alam kong kaya mo. Pero delikado pa rin. Hindi kaya…” Tinitigan siya ni Yaya Ising sa mata. “Señorito Lucas, may balak kang balikan ang mga Amerikano! Tama ako hindi ba?” Napangiti siya. Kilalang-kilala na nga siya ng matanda. Kaya naman hindi na siya nagsinungaling pa. “Gagawin ko lang po ang nararapat. Buhay ang inutang nila. Karapat-dapat lamang na maningil ako!”      Umiiling na hinawakan ni Yaya Ising ang kanyang kamay. “Baka naman pwedeng tumiwalag ka na lang sa pagiging Kapitan? Kalimutan na ang pag-aalsa laban sa mga Amerikano. Ikaw na lang ang humawak sa negosyo na naiwan ng iyong mga magulang. Mag-asawa at saka magkaanak. Mabuhay nang tahimik. Napakalaki ng inyong mansion pero halos kami lang dalawa ni Igme ang nakatira dito. Sana naman ay magkaroon na ng mga mumunting anghel na magbibigay sigla sa bahay na ito.” “Pero paano ko po palalakihin ang aking magiging mga anak kung ganitong nakagapos pa rin tayo sa mga mananakop sa atin? Walang kalayaan!” “Bakit ko pa nga ba hihilingin sa iyo ang mga bagay na iyon? Siyempre, hindi ka papayag.” Nakita ni Lucas ang pagbagsak ng balikat ng matanda habang nakatitig sa kahoy na sahig ng kanyang malawak na silid. Kaya naman agad niya itong niyakap nang mahigpit. “Yaya Ising, sinumpaan ko pong ipagtatanggol ang bayan natin mula sa mga mananakop. Hindi lang ako isang kawal kung hindi ay isa din po akong katipunero.” Bumitiw siya at saka tiningnan ito sa mata. “Kahit buhay po ang kapalit ay gagampanan ko po aking tungkulin.”      Nagbuntong hininga ang matanda at mapaklang ngumiti. “Malaki ka na talaga, Señorito Lucas. Parang kailan lang ay ako ang nagpapalit ng iyong baro. Ngayon ay bente tres ka na. Matalino. Matikas. Matapang.”      Di mapigilang mapangiti ni Lucas sa litanya ng yaya.      “At higit sa lahat… mapagmahal sa bayan. Maswerte ang babaeng iibigin mo,” pagpapatuloy ni Yaya Ising.      “Saka na po ang pag-ibig sa babae. Pag-ibig muna sa bayan ang mahalaga ngayon.”      Tumayo ang matanda at saka tinungo ang pinto. “Alam ko. Sana lang ay maabutan ko pa ang panahon kung kailan mag-aasawa ka na. Nais ko siyang makilala. At saka…”      Nilingon niya ang yaya. “Ano po iyon?”      “Mananalangin ako sa Diyos. Hihilingin ko sa Kanyang matapos na ang digmaang ito at nang maaari ka nang makalaya sa iyong pangako sa bayan. Hihilingin kong maging maligaya ka na.”      Kahit papano naramdaman niya ang kaunting pag-asa mula sa sinabi ni Yaya Ising. Sa loob-loob niya ay hinihiling niyang matupad ang hiling nito sa Diyos. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD