Balak sanang humakbang ng prinsipe papalapit sa akin ngunit napatigil siya dahil sa malakas na bugso ng hangin na ikinasira ng bahay ni Barbara. Nawala ang kaunting liwanag na binibigay ng kandila.
May nagsasabi sa akin na umilag ako kaya napayuko ako sa pagtalsik ng mga kahoy sa aking ulohan patungo sa prinsipe. Dahil doon ang prinsipe ay umatras papalayo. Nakuha pa niyang tagpasin ang tumamang tabla sa kaniya gamit ang espada. Ngunit hindi roon nagtapos ang lahat. Hindi siya kaagad nakakilos ng pumaikot sa kaniya ang mga tabla na tila may mga buhay ang mga iyon.
Ang pangyayaring iyon ay sinundan ng malakas na sigaw. "Halika ka na bata!" ang sigaw ng babae sa akin.
Napalingon ako kay Barbara kaya nalaman ko kung anong gumagawa sa malakas na bugso ng hangin --- isang gahiganteng agila na may kayumangging balahibo ang nagdulot niyon na sinasakyan niya sa itaas ng mga ugat.
"Bilisan mo! Habang may pagkakataon pa!" dagdag ng babae kaya napalingon ako sa prinsipe.
Binalot ng prinsipe ang mga tablang nakapaikot sa kaniya ng apoy para maalis ang mga ito.
Wala na akong inaksayang sandali matapos nang masaksihan ko pagsusumikap ng prinsipe.
Tinakbo ko nang matulin ang lumilipad na agila. Pinangtapak ko ang aking paa sa balangkas ng ugat sabay tumalon na ako patungo sa malahiganteng agila. Lumapag ako nang paupo sa likod ng babae. Hinawakan niya ang suot kong balabal nang muntikan na akong dumulas na ikahuhulog ko sana sa mga ugat.
Nilingon ko ang prinsipe nang bitiwan ako ng babae. Iniupo ko rin nang maayos ang aking sarili. Pinagtatagpas ng prinsipe ang mga kahoy matapos itong masunog. Kasabay niyon ay ang pagsibad ng lipad ng agila patungo sa kalangitan. Hindi ko na tiningnan pa ang prinsipe sa paglayo namin sa kaniya.
Nanatiling tahimik si Barbara na ang buong atensiyon ay sa pagtakas namin.
Hindi ko naiwasang tumingin sa mga gusali't kabahayan na natatanaw ko mula sa dulo ng kaharian. Mistulang mga tala sa lupa ang mga ilaw na naroon sa mga bahay. Ngunit ang higit na kapansin-pansin ay ang kastilyo kalapit ng mataas na bundok. May apat itong tore na magkakahiwalay sa isa't isa. Nakadikit ang apat na tore sa pangunahing bahagi ng kastilyo na may matutulis na bubongan. Sa harapan naman niyon ay ang malapad na hardin na napapaikutan ng mataas na pader. Hindi ko nainanagan ng alin mang kawal na nagbabantay ang itaas ng mga pader. Marahil sa layo namin dito o sa kawalan ng nga tulos.
Ibang-iba ang kastilyo ng mga tigre sa kastilyo ng mga leon sa kahariang pinanggalingan ko.
Sa ginawa kong pagmamasid, tumatama ang malamig na simoy ng hangin sa aking mukha. Nang magsaway binalik ko ang atensiyon sa babae sa patuloy na paglipad ng agila pataas.
"Nakita mo ba ang mukha niya?" ang naisipang itanong ni Barbara. Naintindihan ko naman kung sino ang tinutukoy niya.
"Hindi," pagsisinungaling ko. Marahil gusto niyang malaman kung anong naging kalagayan ng mukha ng prinsipe. Minabuti kong huwag na lang isiwalat sa babae. "Bakit? Ano bang mayroon sa mukha niya?" dagdag ko baka may iba pang dahilan kaya siya napatanong.
"Wala naman. Ni isang tao kasi ay hindi nakikita ang mukha niya. Kahit na pamilya niya 'di alam kung ano ang naging itsura niya matapos na masunog," pagbabalita ng babae.
"Hindi ko napakatitigan ang mukha niya matapos na mabasag ang kaniyang maskara," ang sabi ko't lumingon ako sa pinanggalingan namin. Nakita ko tuloy ang paglabas ng mga mumunting asul na liwanag na naipon hanggang naging isang malahiganteng puting agila. Pansin ko rin ang pagtalon ng prinsipe mula sa ugat ng higanteng puno dala pa rin ang kaniyang espada. Lumipad ang puting agila para sumunod sa amin. "Sa tingin ko ay dapat mong bilisan ang pagpapalipad sa agila mo. Nakasunod sa atin ang prinsipe."
Hindi na kailangang lumingon ni Barbara upang malamang totoo ang sinasabi ko dahil umiyak ang malahiganteng puting agila.
"Patay tayo! Akala ko'y papabayaan na niya tayo!" ang nasabi ni Barbara. Binaling niya ang atensiyon sa agila sabay sabing, "Bilisan mo El." Nadagdagan nga ang bilis ng pagpagaspas ng pakpak ng agila sa sinabi niya.
"Bakit ba tila takot na takot ka?" pag-usisa ko nang alisin ko ang tingin sa prinsipeng sumusunod.
"Sino ba ang hindi matatakot sa kaniya? Isa siya sa pinakamahusay na trem. Liban sa malakas na pisikal na katawan. Siya ay nagtataglay din ng mataas na antas ng espirituwal at mahikong enerhiya. Walang nakakatalo sa kaniya. Ni walang nakakasugat sa kaniya. Kung hindi lang buhay pa ang ama niyang hari, siya ang posibleng uupo sa trono. Kaya lamang ang pag-uugali niya ay mala-demonyo," pagbibigay alam ni Barbara.
Hindi ko mapigilang ngumisi sapagkat napadugo ko ang noo ng lalaki na isang prinsipe. Sa mga narinig ko'y naging nakawiwili sa paningin ko ang prinsipe sa pagiging mahusay niya. Ako iyong taong sinusubukan kung hanggang saan ang kaya pagdating sa mga taong nakakataas sa akin.
"Masasalo mo ba ako kung mahulog ako't bago mapisa sa lupa," ang sabi ko sa babae nang mapansin ko ang sumisilip niyang maikling espada sa tagiliran.
"Oo, huwag kang mag-alala na mahulog. Mahusay si El," paniniguro ng babae sa akin.
"Walang magiging problema kung tatalon ako," sabi ko sabay bunot sa espada niya. Kuminang din ang talim niyon sa ilalim ng liwanag ng pagkidlat.
"Anong binabalak mo?" ang tanong niya sa pagtayo ko na nakahawak sa kaniyang balikat. Pinakatitigan ko ang prinsipe na nasa bandang ibaba lang namin. Mistulang anghel ang puting agila sa labis na kaputian nito. Hindi na malayo ang pagitan ng prinsipe sa paglayo ng agilang si El sakay kaming dalawa ng babae.
"Basta! Saluhin mo na lang ako!" ang sigaw ko kahit hindi naman ako sigurado sa gagawin.
Wala naman akong pakialam kung mamamatay ako sa sandaling iyon. Huminga ako nang malalim sabay talon sa kinasasakyang agila. Narinig ko pa ang pagsigaw ng babae na hindi ko naintindihan sa pagbulusok ko patungo sa puting agila sakay ang prinsipe.
Napapapikit ako nang kaunti sa kalabisan ng tumatamang hangin sa aking mukha. Hinigpitan ko ang kapit sa hawak kong espada sa paglapit ko sa prinsipe. Ang puting agila niya'y naka-abang ang tuka upang masaktan ako.
Sa pagkawala ng naiwang distansiya sa amin ihihanda ko ang sarili ko kasama na ang espada na hinawakan ko ng dalawang kamay. Tinusok ko kaagad ang espada sa ulo ng agila bago pa ako ang masaktan. Iniikot ko pa ang nakabaong espada na nagpaiyak sa agila. Pagkuwa'y tiningnan ko ang prinsipe na aakmang tatagpasin ako ng hawak niyang espada. Sa sandaling iyon ay binunot ko kaagad ang maikling espada na binaon ko sa ulo ng agila at muli akong nagpatihulog na nakahiga sa himpapawid. Hangin lang ang nasaktan ng prinsipe.
Ang tingin ko ay nanatili sa prinsipe sa paglaho ng puting agila niya katulad ng paglabas nito ---- mumunting ilaw na asul. Ang buong akala ko ay mahuhulog din ang prinsipe pero hindi nangyari ang inasahan ko. Sa pagkawala ng agila niya'y Iumabas ang puting pakpak sa likod niya na agad niyang pinagaspas. Siya naman ngayon ang mistulang anghel malayo sa naging asta niya mula pa kaninang dumating siya sa tirahan ni Barbara.
Tumawa ako na parang baliw nang maalala ang sinabi ng babae sa akin tungkol sa prinsipe.
Hininantay ko pa ang prinsipe na sugurin ako sa patuloy kong pagbulusok. Nanatili siya nang matagal sa ere kung saan ko siya iniwan, hindi siya umaalis.
Dumapa na lang ako sa pagbulusok upang hanapin ang babae sakay ng agila niyang kayumanggi. Nakita ko naman kaagad na naghihintay sa akin kaya tinuwid ko ang aking katawan upang mas mabilis na makalapit sa babae. Sa pagdaan ko sa babae'y inilahad niya ang kaniyang kamay na kaagad kong hinawakan. Napigilan niyon ang pagbulusok ko. Hinila niya ako pabalik sa likod ng agila hanggang nakaupo ako ulit nang maayos.
Binalikan ko ng tingin ang prinsipe na nanatili sa kinaliliparan niya. Sa paglayo namin sakay ng kayumangging agila'y hindi na siya sumunod. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa kaniya para manatili sa ere. Tumuwid na rin ako ng upo.
"Huwag mo nang uulitin iyon. Tinakot mo ako. Mukhang nawalan na ng gana ang Hamish na iyon para sundan tayo. Mabuti talaga nakapagtawag ako ng espiritu. Matagal ko ng hindi nagagawa. Dahil kung hindi patay talaga tayo," ang mahaba-habang sabi ng babae sa pagpapatuloy namin. Hindi na kami pataas kundi sa ibabaw lamang ng kagubatan patungo sa malaking bahagi ng ilog.
Iyong akala kong wala na ngang gagawin ang prinsipe ay isang pagkakamali. Hindi nga siya sumunod ngunit tinapon niya ang espada sa amin. Nagulat na lang ako nang matamaan ang agila sa tagiliran, nadaplisan pa nga ako sa paa. Sa nangyari ay nagsisigaw ang agilang si El. Hindi lang basta natusok ang agila sapagkat mula sa espada'y lumabas ang apoy na mabilis na bumalot sa katawan ng espiritu.
Wala akong naging mapagpipilian kundi ang tumalon kahit si Barbara ay ganoon din ang ginawa. Kasabay niyon ang pagkawala ng agila na parang nasusunog na dahon kaya ang espada ni Hamish ay naiwan na nakuha ko pang hawakan. Pinaglalaruan ng hangin ang aking kasuotan sa aking pagbulusok. Si Barbara ay nakatingin pa sa ibaba kaya sinundan ko ang direksiyon ng kaniyang mata.
Nakahinga ako nang malalim nang makita ko ang babagsakan namin ay ang malaking bahagi ng ilog na may kalaliman sa gitna ng mataas na bangin. Sa puwersa ng mundong humihila sa amin mabilis kaming nakaabot sa ilog.
Sabay kaming bumagsak kaya nabalot ako kaagad ng lamig ng tubig na ikinasinghap ko --- nanunuot talaga sa aking balat ang lamig. Sa lakas ng pag-agos ako ay nahirapan sa paglangoy lalo pa't nababalot ako ng balabal at nakasuot ng bota. Pinilit kong lumangoy paitaas kahit na may hawak na espada.
Sa pagluwa ng aking ulo sa tubig, pinuno ko ng hangin ang aking baga. Kasunod niyon ay inikot ko aking paningin nang mahanap si Barbara ngunit hindi ko siya nakita sa dilim ng paligid. Idagdag pa na tila nakakabingi ang ingay ng pag-agos ng tubig. Nilalamon niyon ang pagsigaw ko sa pangalan niya.
Itinigil ko na lang pagsigaw at tinuon ang atensiyon kung paano makaalis ng ilog.
Sa kasamaang-palad, paglingon ko sa likuran ko'y hindi ko napansin ang malaking bato. Huli na para ako ay makaiwas sapagkat tumama ang ulo ko rito kaya nawalan ako ng malay-tao. Sa paglamon ng kadiliman sa akin naramdaman ko na lang na dinadala ako ng ilog sa kung saan man nito ako gustong dalhin.
Hindi ko rin alam kung mabubuhay pa ako o tuluyang malulunod. Mas nais kong ang huli ang mangyari sa akin para makasama ko na si ina sa kabilang buhay.