"Dito ka lang huwag kang lalabas," wika ni Barbara sa kaniyang pagtayo't iniwan ako sa mesa. "Anong ginagawa niya rito?" dagdag pa niya sa paglapit sa pinto.
Sa sinabi niya palagay ko'y kilala na niya ang magiging panauhin niya pa sa gabing iyon. Kung panauhin ngang masasabi sa bigat na nararamdaman ko.
Napasunod ako ng tingin kay Barbara nang buksan niya lang nang kaunti ang pinto. Pagkalabas niya'y siya ring pagsara niya sa pintong tabla. Ako nga ay nanatili sa loob gaya ng sabi niya't pinakinggan na lang ang naging usapan niya sa bagong dating.
Humina ang yabag ng kabayo sa paglapit nito sa bakuran. Kasabay ng naririnig kong paghakbang ni Barbara sa mabatong landas ng bahay. Sinundan iyon ng paghalinghing ng kabayo't pagtalon ng nagmamay-ari papalapag sa lupa.
"Ano ang kailangan mo mahal na prinsipe at ikaw pa ang pumarito?" ang nasabi ni Barbara.
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya dahil kung prinsipe ng mga tigre ang mismong pumunta roon dalawang bagay lang ang dahilan. Una ay kung may kailangan itong mahalagang bagay. Ang pangalawa naman ay kung mayroong hindi magandang nagawa. Hindi ako sigurado kung saan ilalagay si Barbara kaya tumayo ako sa gilid ng pinto't sumilip sa awang ng mga dingding na tabla. Ang pagkakaalam ko kasi sa babae ay tumutulong lang naman ito sa mga tao.
"Alam mo kung ano ang pinunta ko rito. Huwag kang magmaangan-maangan," ang mariing sabi ng prinsipe. Ang tinig nito'y malalim, bilog at malamig na tila hinugot pa sa kailaliman ng kuweba. Napapaisip tuloy ako kung bakit naramdaman ko sa sa kaniya ang mabigat na awra gayong tao naman siya.
Nasilip ko ang prinsipe na nakatayo sa tabi ng kabayo. Ang suot nito'y pang-itaas na puti at pantalon na may burdang kulay ginto sa dulo ng manggas na karaniwang suot ng mga katulad niya. Makikita sa tindig niya ang laki ng kaniyang katawan. Ang pinagtataka ko lang ay nakasuot siya ng puting maskara na tumabon sa buo niyang mukha. Wala akong alam sa ibang kaharian kaya napapatanong ako sa sarili ko kung anong klase siyang prinsipe. At kung bakit tinatago niya ang kaniyang mukha.
"Hindi ko talaga alam, mahal na prinsipe," ani Barbara na nakatayo lang naman. "Wala naman akong ginagawang masama."
"Lapastangan ka! Anong wala?!" sigaw ng prinsipe. May kung ano siyang binunot sa bulsa ng suot na pantalon. Inilabas niya ang isang maliit na botilyang hugis tatsulok na may lamang kulay-rosas na likido. "Ano sa tingin mo ito ha?"
"Gamot," simpleng sabi ni Barbara.
"Huwag kang mamilosopo!" sigaw ng prinsipe. "Alam mo ba kung anong ginagawa ng gamot na gawa mo ha? Sinisira mo ang isipan ng mga kalalakihan dito para hiwalayan nila ang kanilang mga asawa."
"Kagustuhan nila iyon mahal na prinsipe. Binibigay ko lang kung anong gusto nila na makakabuti sa kanilang buhay," paliwang ni Barbara kaya naitapon ng prinsipe ang gamot sa lupa.
Nabasag iyon sa pagtama sa bato't ang likidong natapon ay nadala ng hangin na parang usok lang.
"Hinayaan ka na manirahan dito para makatulong sa mga mamayan. Ngunit anong ginagawa mo sinisira mo ang buhay nila!" paratang ng prinsipe. Hindi ko nagugustuhan kung saan patungo ang pag-uusap nila. "Liban pa roon ikaw rin ang pumapaslang sa mga bata rito! Aminin mo, ginagamit mo sila upang makagawa ng gamot mo hindi ba?!"
"Ipagpaumanhin mo mahal na prinsipe ngunit mali iyang sinasabi mo," ani barbara.
"Anong mali sa sinasabi ko mangkukulam ha? Maraming nakasaksi sa ginawa mong pagkuha sa mga bata!" anang prinsipe na may galit. "Hindi kita hahayaang dumihan ang kaharin."
"Hindi ko kayang pumatay ng mga bata!" Napapatras na si Barbara sa labis na takot dahil sa nabubuong bola ng apoy sa kanang kamay ng prinsipe.
"Sinungaling! Marami akong patunay na ikaw ang pumapatay kaya paparusahan na kita para magtanda ka! O mas mainam na tapusin ko na ang buhay mo para mabawasan ang suliranin sa kaharian na ito!" mariing sabi ng prinsipe.
"Huwag mahal na prinsipe! Hindi ko nga magagawa iyon!" sigaw ni Barbara nang pumaikot sa kinatatayuan niya ang apoy na gawa ng prinsipe.
Hindi ko alam kung alin nga ba ang totoo. Ang alam ko lang hindi magagawa iyon ni Barbara. Sa pagkuwento ni ina sa akin tungkol sa babae'y mabait itong tao. Kung kaya nga bago pa siya mabalot ng apoy mabilis akong lumabas ng bahay. Tinakbo ko ang kinatatayuan niya't tinapak ko ang aking paang nababalot ng bota sa pumaikot na apoy. Pinihit ko ang unahan ng sapatos kaya nawala ang apoy.
"Umalis ka na ginang. Ako na ang bahala sa kaniya," ang sabi ko kay Barbara na ikinalingon niya sa akin.
"Pero--"
Pinutol ko ang sasabihin niya. "Kahit anong pilit mong ipaitindi sa kaniya ang nais mo hindi siya makikinig. Ang mga katulad niya'y walang ibang pinapakinggan," saad ko. Hinila ko siya sa braso nang hindi siya gumagalaw. Makikita sa mukha niyang nag-aalangan siyang iwanan ako upang harapin ang prinsipe. "Anak ako ng kaibigan mo ginang kaya dapat alam mong makakaya ko," dagdag ko sa pagtalikod ko sa kaniya.
"Maraming salamat bata. Hindi ko ito makakalikutan," ang sabi pa niya. Narinig ko na lang ang pagpasok niya sa loob ng bahay.
Binalik ko ang tingin sa prinsipe nang tumakbo sa lupa mula sa kinatatayuan niya ang dalawang hanay ng apoy. Pinadyak ko ang aking paa sa lupa bago pa iyon dumikit sa akin. Naglaho rin ang mga iyon.
"Hindi tamang basta-basta ka na lang pumataw ng kaparusahan na walang sapat na katibayan," ang sabi ko dahil hindi ako naniwala sa pinagsasabi nito.
"Sa tingin mo hindi ko inalam ang lahat bago pumunta rito!" sigaw niya pabalik. Pinakatitigan ko siya upang bantayan ang susunod niyang ikikilos.
"Kung totoo man ang sinasabi mo dapat mo lang siyang dalhin sa konseho upang mabigyan ng paglilitis."
"Tumahimik ka!" bulyaw niya. Ang kabayo niya'y napaatras sa paglamon ng galit sa kaniyang sarili. "Ang katulad ng mangkukulam ay hindi na kailangan ng paglilitis! Umayos ka rin sa pananalita mo baka gusto mong pati ikaw ay parusahan ko!"
"Ikaw ang tumahimik! Ang mga katulad mo ay hindi dapat nagiging prinsipe! Ginagamit mo lang ang pagiging dugong bughaw mo sa nais mong mangyari na walang katarungan!" ang malakas kong sabi sa kaniya.
Ang pinakakaayawan ko sa lahat ay ang mga katulad niya na ang tingin sa mga katulad naming hindi maharlika ay isang uod na dapat tirisin.
Sa mga sinabi ko'y binunot niya ang kaniyang espada sa beywang. Narinig ko ang pagtunog ng bakal na kumiskis sa isa pang matigas na bagay. Maraming naglaro sa isipan ko nang kuminang sa liwanag ng buwan ang talim ng hawak niyang espada.
"Sino ka ba para pagsalitaan ako ng ganiyan!?" Dahan-dahan siyang lumapit sa akin para takutin ako. Kiniskis niya pa ang dulo ng espada sa lupa.
"Bakit ko naman sasabihin sa iyo?" sabi ko sa pag-atras ko patungo sa bahay. Humakbang pa siya nang ilang beses.
"Umayos ka sa pananalita mo! Puputulin ko ang dila mo!" dagdag niya sa paglalakad niya patungo sa akin. Nakuha niya pang itutok sa akin ang espada kaya lalo akong napaatras hanggang sa bumangga ang likod ko sa pintong tabla. "Magsalita ka! Sino ka ba? Sino ang nag-utos sa iyo na pumarito? Balak mo ba akong patayin?!"
Marahil nasabi niya iyon dahil kaya kong patayin ang apoy niya.
Tumigil siya sa paghakbang na nakatutok ang espada sa akin. Hindi man malapit ngunit nalalaman kong hindi siya magdadalawang-isip na saktan ako sa oras na magkamali na naman ako sa sasabihin ko. Sumilip pa ako sa awang ng pinto upang malaman kung anong ginagawa ni Barbada. May kung anu-anong itong inihuhulog na mga dahon sa maliit na palayok.
"Akala ko ay nakaalis na," ang mahina kong sabi sa sarili ko.
"Anong sinabi mo?!" ang matigas na sabi ng prinsipe.
"Wala," ang marahan kong sabi sa pagbalik ko ng tingin sa kaniya.
Binaba ko pa lalo ang pandong sa mukha ko kahit na natatabunan na ng mahabang buhok ang kalahati ng mukha ko. Nakatitig siya sa akin upang kilalanin ako.
Pansin ko ang pagkumyos niya ng kaliwang kamay at nakikita kong galit siya sa pagwasiwas niya ng espada sa akin. Mabuti na lang nakaiwas ako kasabay ng paggulong patungo sa tabi ng nakatayong sibat at kaagad na tumayo.
"Siguro ngayong sasaktan na talaga kita! Magsasalita ka na! Papatayin na rin kita!" banta niya sa akin sa pagsunod niya sa akin.
Tumakbo naman ako upang bumalik ng pinto kaya lang hindi ako nakatuloy nang iwasiwas niya ang espada sa akin. Napatigil ako sa kamuntikan ng pagtama ng mukha ko sa talim ng espada. Yumuko ako't humakbang palayo sa kaniya pabalik ng pinto.
Wala na akong magagawa kundi ang kalabanin siya sa paraan na alam ko. Sana naman makatulong ang tinuro sa akin ng aking ina mula nang ako ay limang taong gulang. Madalas kasi akong naaapi kaya pinasok ako ni nanay sa mga sanayan ng mga kawal.
Pinagmasdan ko nang maigi ang prinsipe sa kanang mata ko lang na hindi natatabunan ng buhok. Huminga ako nang malalim sa paghahanda ng aking sarili sa muli niyang pag-ataki. Tinitigan ko ang hawak niyang espada sapagkat kung nais kong hindi masugatan iyon ang dapat kong unahing alisin sa kaniya. Alam ko namang mas malaki ang pangangatawan niya at mas malakas siya akin. Ngunit hindi ako isang duwag para hindi siya labanan sa laki ng agwat ng kakayahan namin sa isa't isa. Wala man akong pag-asang makaalis kaya lamang ay susubukan ko pa rin.
Ilang sandali pa ay tinusok niya ang espada patungo sa akin na siyang ring pagyuko ko ng pasugod sa kaniya. Sa paglapit ko sa kaniya'y nagpakawala ako nang malakas na suntok sa tiyan niya. Ngunit hindi tumama ang kamao ko roon kundi sa kaliwang palad niya na nakuha niyang isangga. Hindi niya pinakawalan ang kamay ko bagkus ay sinakop ng mga kamay niya ang kamao ko. Sinubukan ko pang alisin ngunit hindi niya pinapakawalan sa lalong paghigpit ng mga kamay niya. Kasunod niyon ay ang pag-angat niya sa espada upang itusok sa akin.
Doon ko nasabi na wala siyang puso, ni hindi niya nga ako kilala pagkatapos tatapusin niya ang buhay ko.
Sinuntok ko siya sa tagiliran ng kaliwang kamao ko ngunit walang epekto sa kaniya. Nang itutusok niya ang espada sa akin tumalon ako kahit na pigil pa rin niya ang kamay ko, kasabay ng pagbuwelo ng ulo habang nasa ere. Sinigurado kong matatamaan ko siya kaya malakas kong pinatama ang aking noo sa ulo niya na ikinabasag ng suot niyang maskarang gawa sa losa. Pumuno sa paligid ang panandalian naming pagdaing kasabay ng pagbagsak ng nabasag na maskara sa lupa.
Sa ginawa ko'y tila nakakita ako ng ibang lugar na purong puti lamang. Sa paglapag ko sa sahig, nabitiwan niya ang kamay ko. Dahil kinailangan niyang kapain ang kaniyang noong nasugatan ng piraso ng maskara. Pinakatitigan niya pa ang daliri niyang may bahid ng dugo sa gitna ng kadiliman.
"Papatayin na talaga kita!" ang muli niyang sigaw nang ibaba niya ang kaliwang kamay. Doon ko napansin ang pilat sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha. Malaya naman niyang naipipikit-bukas ang kaniyang mga mata.
"Baliw! Kanina mo pa sinasabi ang ganoon! Paulit-ulit ka!" ang sabi ko sa kaniya na lalong nagpasiklab ng galit sa kaniyang kalooban.
Pumipihit ang espada sa kalabisan ng kapit niya rito.