1
Madilim na ang paligid nang makarating ako sa dulo ng lupain ng mga tigre. Imbis na buwan at mga tala ang pumuno sa kalangitan nang gabing iyon, ang naroon ay makakapal na ulap na may kasama pang pagkulog at pagkidlat. Malinaw kong napapagmasdan ito sa likuran ng mga nagtatayugang mga punong-kahoy. Ang mga tuyong dahon pa na natatapakan ko sa aking paghakbang ay gumagawa ng ingay sa katahimikan ng gabi.
Maingat akong naglakad sa makipot na daan sa pagitan ng mga puno nang hindi ako humandusay. Ang pagkidlat ang tanging naging ilaw ko. Naririnig ko rin ang pag-agos ng sumangang ilog samantalang ang mga kulisap naman na dapat gising ay tahimik.
Pinapaalala ng ganoong senaryo ang gabi na namatay ang aking ina dahil lamang sa pagiging iba ko. Pinanganak kasi ako ng aking ina sa mundo ng mga demonyo nang minsang makulong siya roon ng hindi sinasadya. Tumagal siya roon ng ilang buwan hanggang sa ako ay maipanganak. Nakaalis lang siya roon dahil sa unang beses kong pag-iyak. Ang sabi niya sa akin ang tinig ko ang pumunit sa himpapawid hanggang nagkaroon ng lagusan na naging daan niya pabalik sa mundo ng tao.
Ngunit sa pagbalik namin ay hindi na naging maganda ang pamumuhay namin lalo na para sa akin. Kasabay kasi ng paglaki ko ay ang kasamang sumpa na pilit kong kinakalimutan. Labis pa akong nahirapan nang mamatay ang aking ina nang ako ay siyam na taong gulang. Nanghina ang katawan niya mula nang ako ay kaniyang isinilang kaya labis kong sinisisi ang aking sarili. Kung hindi lang sa hiling niyang mabuhay ako para sa aming dalawa tinapos ko na rin sana ang buhay ko. Ang ama ko naman ay hindi ko na nakilala pa sapagkat nasabi ng aking ina na hindi kami nito tinanggap nang ipakilala niya ako rito. Wala rin akong balak na ito ay kilalanin pa sa ginawa nito. Ang tanging nagtutulak sa akin para magpatuloy ay ang alaala ng aking ina.
Ang pagiging iba ko ang naging dahilan kung bakit ako naroon sa kaharian na iyon. Hihingi ako ng tulong sa isang babaeng kilala bilang mangkukulam na nagngangalang Barbara. Mula nang mamatay ang ina ko, naghanap na ako ng lunas sa naging kalagayan ko hanggang sa narinig ko nga ang tungkol sa babae. Mahigit sampung araw akong naglakbay makarating lang sa tirahan niya.
Ilang mga matatayog na punong-kahoy pa ang nalampasan ko bago ko natanaw ang bahay na nasa ilalim ng ugat ng isang higanteng puno. Kalapit nito ang umaagos na ilog na kumikinang sa ilalim ng pagkidlat. Ang liwanag na gawa ng apoy sa loob ng bahay ay lumulusot sa awang ng pintong tabla.
Tumigil ako sa paghakbang at nakahinga ako nang malalim sa magsasalba sa aking paghihirap.
Hindi ako nagtagal sa pagkatayo't bumaba ako sa pababang lupa hanggang nakapaglakad sa landas sa gitna na walang ingay. Sa paglapit ko sa bahay ay napansin ko ang mga tinayong mga sibat sa bakuran. Sa dulo ng mga sibat ay nakasabit ang mga bungo ng kung anu-anong hayop. Hindi naman ako natakot sa mga ito sapagkat mas nakakatakot ang naging buhay ko.
Sumuksok sa aking tainga ang pag-ungol ng babae mula sa loob sa paglapit ko sa pinto. Hindi ako sigurado kung anong ginagawa niya na marahil ay nagdarasal lamang sa kalikasan. Iyon naman ang kaugalian ng mga katulad niyang mangkukulam.
Pagkalapit ko sa pinto'y kaagad akong kumatok sa pintuan na kinatigil ng pag-ungol ng babae. Nasilip ko sa awang ng pinto ang pagkaupo niya sa likuran ng mababang mesa na ang suot ay itim na blusa, nakatingala siya sa kalangitan habang ang mga kamay niya ay nakalagay sa pagitan ng kaniyang mga hita. Kumatok ako ulit nang mapansing hindi siya gumagalaw. Sa ginawa ko'y inalis niya ang kaniyang mga kamay sa pagitan ng kaniyang hita kaya nalaman kong nagdikdik siya ng damong-gamot. Tinuwid niya ang kaniyang ulo sabay titig sa gawi ng pinto, walang kasing itim ang gilid ng mga mata niya. Nilagay niya ang bilugang dikdikan na kahoy sa mababang mesa kapagkuwan ay tumayo na siya.
Napalingon pa ako sa likod ko nang umihip ng banayad ang hangin na tumama sa aking batok. Ang pag-ungol niyon ay tila mayroong sinasabi sa akin na hindi ko naman maunawaan. Pagbalik ko ng tingin sa harapan ay bumukas na ang pinto. Hawak ng babae ang dulo ng pinto habang naghihintay siya sa sasabihin ko. Mahahaba ang kuko niya na kumiskis sa tabla.
"Kailangan ko ng tulong mo, ginang," ang sabi ko sa babae.
"Sa anong aspeto?" tanong naman ni Barbara sa akin na may kasamang manipis na ngiti. Ang klase ng boses niya ay bahagyang malalim na may kulot sa dulo. Hindi nababagay sa hugis ng p********e niya.
Maputla ang kompleksiyon ng balat niya kaya kakatakot siyang pagmasdan. Makahulugan ang naging tanong niya. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa likuran ng kaniyang isipan.
"Papasok ako, ginang. Hindi maganda ang kinikilos ng paligid ngayon," saad ko kaya tumabi siya ng hakbang upang mabigyan ako ng daan.
Pumanhik na nga ako sa kaniyang simpleng bahay. "Tama ka diyan. Malikot ang kapaligiran ngayon na hindi nagdadala ng magandang pangyayari," dinig ko pang sabi ni Barbara sa likuran ko. "Kaya nga wala ring pahinga ang aking pagdarasal."
"Akala ko ay mayroong ka pang ibang ginagawa. Hindi ang pagdarasal." Narinig ko siyang tumawa nang mahina na hindi ko pinansin kaagad. Iniikot ko ang paningin sa kabuuan ng bahay niya.
Ang lahat ng mga gamit niya'y ilang hakbang lang ang layo. Sa kanan ko ay naroon ang higaan niyang gawa sa pinatuyong mga d**o na binalot niya ng hinabing makulay na tela. Sa kaliwa ko naman ay naroon ang lutuan. Nakalagay ang estante ng mga garapon sa malayong pader, nang tingnan ko'y nalaman kong binabad na mga ugat, lamang-loob ng hayop at mga insekto. Sa bawat sulok naman ay kumalat ang mga pinatuyong mga dahon. Ang ilan pa nga'y sinabit sa kisame kasama ang binilad na isda.
"Sa ayos mo'y mukhang hindi ka taga-rito," ang nasabi ni Barbara kaya napalingon ako sa kaniya. Sumilip siya sa labas kapagkuwan ay sinara ang pinto.
Dahil sa mas nakikita ko ang kabuuan niya sa liwanag ng kandila sa mesa, nalaman kong malusog ang dibdib niya na sumisilip pa sa kuwilyo ng suot niyang blusa.
"Tama ka riyan, ginang," ang sabi ko sabay naupo kaharap ng mababang mesa. Inilihis ko ang nakabalot sa aking kayumangging balabal, inilabas niyon ang kasuotan kong puting pang-itaas, at pantalon. Mapuna pa niya na napatitig ako sa hinaharap niya, mahirap na't hindi pa ako tulungan. Pinagtagpo ko ang aking mga paa sa pagkabaluktot ng aking tuhod.
"Saan ka ba galing?" pag-usisa ni Barbara sa pagbalik niya sa puwesto nang siya ay aking madatnan.
Tiningnan ko siya nang tuwid, pinag-isipan kung dapat ba siyang sagutin. Wala rin namang saysay kung magsinungaling ako sa kaniya dahil malalaman niya pa rin naman. "Sa maliit na baryo, sa kaharian ng leon," ang sagot ko na lamang.
"Masyadong malayo ang pinanggalingan mo kahit na katabi lang ng kahariang ito," ang sabi ng babae. "Kumusta naman ang hari niyo?"
"Hindi ko alam. Hindi ko siya nakikita. Maari bang ang dahilan ng pinunta ko rito ang pag-usapan natin," wika ko nang maramdamang ibang bagay ang nais niyang banggitin.
"Pasensiya na. Matagal na kasing iyong huli ko punta sa kaharian ng mga leon," anang babae na may kasamang ngiti. Matapos niyon ay nagbago ang guhit sa kaniyang mukha, naging blangko at seryoso. "Ano bang naging suliranin mo?"
Huminga ako nang malalim bago nagsalita. "Nakuha ko ang isang sumpa," pagsisimula ko. "Nais ko sanang alisin mo iyon sa akin. Sabi ng ina ko ay biyaya ito sa akin pero hindi ito ganoon."
"Ano bang sumpa ang sinasabi mo?" tanong naman ni Barabara sa akin.
"Nabubulok ang ano mang bagay na nakapaligid sa akin kapag nawalan ako ng kontrol sa sarili ko. Hindi iyon naayon sa pamamalakad ng konseho kaya dapat itong maalis sa akin. Hindi tatahimik ang buhay ko kapag ganito ako. Liban pa roon ay sumusunod sa akin ang mga demonyo," pagkuwento ko sa babae.
Bahagyang siyang nag-isip matapos na marinig ang aking mga sinabi.
"Puksain mo ang sinasabi mong demonyo na sumusunod sa iyo gamit ang sumpa na sinasabi mo," paliwanag ni Barbara
"Hindi ko magawa," mahina kong sabi.
"Bakit naman hindi?"
"Dahil sa tuwing sasaktan ko ang mga ito'y nararamdaman ko ang sakit na natatamo nila. Tila ba sinasaktan ko rin ang sarili ko. Hindi man pantay pero naroon pa rin," pagbibigay alam ko sa babae.
Humugot nang malalim na hininga ang babae saka inihawak niya ang kamay sa gilid ng mesa. "Ito ang unang pagkakataon na nakasumpong ako ng katulad mo." Tumingala ito sa kalangitan kasabay ng pagpikit ng mga mata na tila nanalangin. Nararamdaman ko ang enerhiyang lumalapit sa kaniya mula sa manipis na hangin. "Mahihirapan akong tulungan ka. Wala akong nakikita pang kasagutan. Isipin mo kayang isang biyaya ang nakuha mo katulad ng sabi ng ina mo. Gamitin mo sa ikakabuti ng buhay mo," dagdag ng babae.
"Hindi ito makakabuti. Dahil sa pagkatao kong ito namatay ang ina ko. Tulungan mo ako ginang. Mananatili ako rito hanggang makahanap ka ng kasagutan," ang sabi ko sa babae sa pananatili niyang nakapikit.
Sa sinabi ko ay bigla niyang binalik ang tingin sa akin. "Hindi ka puwedeng manatili dito sa bahay ko. Maraming parokyano ang pumupunta rito. Hindi maganda para sa akin na makita ka nila rito," ani ng babae.
"Hindi ako aalis hanggang hindi mo ako tinutulungan. Ibalik mo iyong tulong na binigay sa iyo ni ina," ang sabi ko sa babae kaya sumalubong ang kilay niya.
"Anong pinagsasabi mo bata? Hindi ko kilala kung sino ang magulang mo."
"Dati kang kaibigan ni ina kaya imposibleng hindi mo siya kilala."
"Sino ba ang ina mo ha?" Pinagtagpo niya ang kaniyang dalawang braso sa dibdib. Pinakatitigan niya ako habang binabalikan ang nakaraan sa isipan.
"Si Amara," simple kong sagot. Nahirapan akong banggitin ang pangalan ng ina ko dahil kasabay niyon ang kirot sa aking dibdib.
"Patay na nga ba talaga siya?" tanong niyang hindi pa rin inaalis ang mga kamay sa dibdib. Sinagot ko siya ng isang tango. "Sa pagkakaalam ko ay namatay ang anak ni Amara."
"Buhay ako. Alam kong nakikita mo rin siya sa akin."
"Ngayong sinabi mo iyan nararamdaman ko nga siya sa iyo. Kaya lamang kung anak ka ni Amara hindi kita matutulungan."
"Bakit hindi? Babayaran kita. Marami akong ginto rito," ang sabi ko't balak ko sanang ilabas ang mga inipon kong ginto na nakasilid sa supot mula sa likod ng balabal. Hindi ko naituloy nang hawakan ako ng babae sa aking kamay. Naramdaman ko ang enerhiyang dumadaloy sa katawan niya.
Pinakatitigan niya na naman ako. "Si Amara ay mahigit na marunong kaysa sa akin. Kaya kung hindi niya naalis ang sumpa na sinasabi mong nakuha mo'y hindi ko rin magagawang alisin iyan. Limitado lang ang alam ko bata. Pasensiya na," ang marahang sabi ng babae sa akin.
Inalis ko ang kamay ko na hawak niya. "Subukan mo naman," pagmamakaawa ko. Umiling siya ng kaniyang ulo't alam ko ang ibig sabihin niyon. Napahugas ako ng aking mukha gamit ang aking mga kamay. "Wala ring saysay ang pagtungo ko rito."
Hindi na nadugtungan ang aming pag-uusap nang makarinig ako ng pagtakbo ng kabayo na may kasamang paghalinghing. Papalapit iyon sa tirahan ni Barbara. Bumalot ang takot sa mukha ng babae at alam ko kung bakit dahil maging ako ay nararamdaman ko ang mabigat na awrang binibigay ng kung sinong nakasakay sa kabayo.
Nagdadala iyon ng kapahamakan kaya kailangan kong umalis kaagad. Parehong pakiramdam iyon sa tuwing lumalapit sa akin ang mga demonyo.