8

1869 Words
Pinulot na lamang ni Nip ang mga gulay upang maisalba pa. Sinabayan ko siya sa kaniyang ginagawa. Hindi man napuruhan ang loob at labas lang ang nangitim ngunit wala ng pag-asang mabibili pa ang mga iyon. Nagkatinginan pa nga kami ni Nip kapagkuwan ay sabay na bumuntong-hininga. Binitiwan na lang namin ang hawak na gulay. Pinagpag ko ang aking kamay upang maalis ang abo na kumapit sa aking palad. "Pasensiya na kasalanan ko ito," ang sabi ko kay Nip. "Hindi na dapat ako tumagal dito." "Ano ka ba? Hindi mo ito kasalanan," sabi naman niya sabay tapik sa aking balikat. "Babawi na lang ako sa susunod," wika ko nang kahit papaano'y gumaan ang loob nito. Kapwa kami napalingon nang magsigawan ang mga taong tumatakbo papalabas ng taberna na nasa kaliwa ko. Mababakas sa mukha ng mga tao ang takot. Si Nip ay umalis ng kubol kapagkuwan ay tumakbo patungo ng taberna. Napabuntot na lang ako sa kaniya upang malaman na rin ang nangyayari. Hindi kami nakatuloy nang gumagapang papalabas ang isang matandang lalaking maputi ang buhok. Sa loob naman ng taberna ay tila naging bato ang mga tao sa labis na takot. Sa itsura nitong naglalaway pa ng itim at nangingitim ang mga mata mukhang sinaniban ito ng demonyo. Umiwas kami ni Nip sa mabilis na paggapang na matandang lalaki patungo sa kinatatayuan namim. Bago pa kami nito mahawakan sa pagtalayon niya'y sinipa ito ni Nip sa leeg na ikinatalsik nito sa daan. Nagpagulong-gulong ito sa maputik na daan kasabay ng paglayo ng mga tao kasabay ng pagsigaw. Ni isang kawal o alin mang nakakatandang trem ay walang lumalapit pa sa matandang lalaki. Sa pagbangon ng matandang lalaki nang padapa'y tumitig pa ito sa kinatatayuan namin ni Nip. Nakuha pa nitong pumalahaw, ang tinig na lumabas sa bibig nito ay hindi na nito pag-aari. Nahaluan na iyon ng demonyong kumokontrol sa kaniya. Imbis na sumugod ito patungo sa amin ay umiwas ito nang makatakas. Mabilis itong gumapang patungo sa eskenita sa pagitan ng paupahan at ng kasunod nitong gusali. Tumatalsik ang putik sa paglayo ng matandang lalaki. "Sundan natin habang wala pa ang mga kawal," ang sabi ni Nip nang siya ay tumakbo. "Ama siya ni Ruso." Sa sinabi niya ay napasunod na rin ako ng takbo papasok sa eskenita. Nadatnan namin ang matandang lalaki na tumalon mula sa lupa patungo sa dingding ng gusali. Gumapang ito paitaas ng bubong. Napasunod ng tingin si Nip sa papatakas na matandang lalaki habang nag-iisip ng gagawin. Ako naman ay umatras ng maraming hakbang mula kay Nip. "Ihagis mo ako, susundan ko," ang sabi ko kaya napalingon siya sa akin. Mukhang namang naintindihan niya ang sasabihin ko sa pagtakbo ko patungo sa kinatatayuan niya. "Kaya mo?" ang naitanong niya pa nang ipagtagpo niya ang kaniyang kamay sa harapan kasabay ng pagbaluktot ng mga tuhod. Binilisan ko ang pagtakbo sabay patong ng kanang paa ko sa kamay niyang magkatagpo. "Oo," ang sabi ko sa kaniya na siya ring pagtulak niya sa akin paitaas kasabay ng pagtalon. Sa pinagsamang puwersa'y sumibad ako ng lipad palangit hanggang sa bumaliktad ako na nakaabot sa himpapawid lampas ng bubong. Nakita ko kaagad ang matandang lalaking marahang gumagapang na tila ba inaalam kung ano ang isusunod niyang gawin. Bago pa ako mahulog paibaba'y pinitik ko ang aking hintuturo at gitnang daliri sa hangin. Sa ginawa ko ay lumabas sa gitna ng aking dalawang daliri ang parihabang puting papel. Tinutok ko iyon sa matandang lalaking napalingon sa akin. Nilagyan ko ng emerhiya ang hawak na papel na nagtulak rito upang humaba patungo sa matandang lalaki. Pumulupot ang dulo niyon sa kamay nito na siyang paghila ko. Umatungal ang matandang lalaki sa ikalawang pagkakataon habang pigil nitong mahila ko. Sa nangyari'y naalis ako sa ere kaya nakatayo ako sa ibabaw ng bubong. Ang matandang lalaki naman ay binalot niya ng itim na apoy ang kamay na napuluputan ng papel. Dahil doon nasunong ang papel hanggang sa umabot sa akin. Pinakawalan ko ang dulo na hawak ko bago pa ako mapaso ng itim ng apoy. Umatras ang matandang lalaki upang kumuha ng buwelo. "Hindi ka na dapat sumunod! Tatapusin ko ang buhay mo!" bulyaw ng matandang lalaki sa akin sa maraming tinig. Napalingon ako sa mga tao sa ibaba na pilit na tinatanaw ang ibabaw ng bubong. Hindi naman makita ng mga ito ang nangyayari sa amin ng matanda. "Tama na iyan. Pakawalan mo na siya," ang sabi ko na ang kinakausap ay ang demonyo. "Nababaliw ka na ba? Bakit ko naman susundin ang sinasabi mo?" Tumawa pa ito nang malakas kaya tumalsik na naman ang mga laway nito. Hindi na ako nakapagsalita sa muli nitong pagsugod. Gumapang ito ng mabilis sabay talon sa akin. Lumusot ako sa ilalaim nito habang ito ay nasa ere kasabay ng paglabas ng puting papel sa aking daliri. Sa muli nitong paglapag at pagharap ko rito'y tinapon ko ang papel rito na lumapad at bumalot sa buong katawan nito. Ngunit katulad ng una'y walang epekto iyon dahil muli nitong sinunog. Sa lapit ko rito'y balak nito akong hablutin ng kamay na may kasabay na kalmot sa isang kamay. Hindi ko ito hinayaang mahawakan ako. Inatras ko ang isang paa ko sabay kinumyos ko ang aking kamao't nag-ipon ng enerhiya rito. Sa pagdikit niya sa akin, hinawakan ko ang kamay niyang balak akong kalmutin. Sinundan ko iyon ng paghila sa kaniya't sinuntok sa dibdib kung saan naroon ang puso na pinapakawalan ang enerhiyang naipon sa aking kamao. Dahil sa paraang ginawa ko'y naalis ang demonyong sumanib sa matandang lalaki. Humiwalay ito mula sa likuran, nadala ng puwersa papalayo hanggang sa bubongan ng paupahan. Ang matandang lalaki naman na walang malay tao'y bumagsak sa aking balikat. Hinawakan ko ito sa balikat kapagkuwan ay dinala sa gilid ng bubongan. Samantalang ang demonyong walang hugis ay nakalutang sa himpapawid sa kabila sa pagkolekta ng diwa nito. Sa ibaba'y natanaw ko si Nip na balak na rin sanang umakyat. Nang makita niya akong nakasilip, hindi na niya tinuloy. Binuhat ko ang matandang lalaki at inihulog kay Nip. Nataranta naman siya sa ginawa ko ngunit nasalo naman niya ang matanda nang walang kahirap-hirap. "Dalhin mo siya sa manggamot!" ang sigaw ko sa kaniya. "Sige! Mag-ingat ka!" sigaw naman niya pabalik nang ilipat niya sa likod ang matandang lalaki nang mabuhat niya ito. Sa paglalakad ni Nip dala ang matandang lalaki, binalik ko ang tingin ko sa demonyong natutulog pa rin. Umatras ako ng ilang hakbang kapagkuwam ay tumakbo. Tinalon ko ang demonyo mula sa gilid ng bubongan. Sa pananatili ko sa ere, kitang-kita ko ang pagbalik ng diwa ng demonyo. Nagkahugis ang ulo nitong walang kasing itim, matatalim ang dalawang sungay, at ang mga mata'y maputi. Wala itong ilong o bibig at kahit ang katawan nito'y hindi nagkahugis. Lumutang ito pasalubong sa akin kasabay ng paglapad ng katawan nitong walang hugis. Pinagmamasdan pa ako ng mga mata ng demonyo, alam kong sinasabi nitong katapusan ko na kahit hindi ito nagsasalita. Sinubukan kong kumawala sa ginawang kulungan ng demonyo. Kahit anong pilit ko't pagpigil, wala pa ring nangyari. Unti-unti nang nahila ng puwersa ng kulungan ang kalahati kong katawan. Sa loob ng ilang segundo'y tuluyan nang nalamon ng kulungan ang buo kong katawan magmula sa beywang hanggang sa leeg. Ilang sandali pa'y napasinghap ako nang matabunan ng kadiliman ang aking mukha. Ang buong akala ko ay hindi ako makakahinga ngunit nararamdaman ko ang pagpasok ng hangin sa aking baga. Wala na akong nakikitang liwanag kundi kadiliman lamang. Hindi ko rin maramdamam na nahuhulog ako. Nasisi ko ang sarili ko dahil naisahan ako ng demonyo. Makita ko lang ito ulit sisiguraduhin kong maglalaho ito. Hindi ito katulad ng mga demonyong sumusunod sa akin. Mababang demonyo lamang ito ngunit nakatakas pa rin. Gumuhit ako ng bilog gamit ang paa ko katulad ng turo ni ina sa akin sa aking ilalim. Mayamaya'y naramdaman ko na nakalaylay ang aking paa. Bago pa ako makapag-isip kung anong nangyayari naramdaman kong nahulog na ako. Lumapag ako sa kung anong malambot na bagay nang paupo. Tiningila ko ang lagusan na pinanggalingan ko na nasa bubongan, unti-unti itong lumiit hanggang sa naglaho. Hindi ko tuloy malaman kung nasaan ako. Ang ginawa ko na lamang ay tingnan ang nilapagan ko. Nanlaki ang mata ko nang malamang katawan ni Hamish ang binagsakan ko. Nakaupo ako sa tiyan niya at ang mga kamay ko pa ay naipatong ko sa matigas niyang dibdib. Dapat nga'y kumilos na siya sa pagbagsak ko sa kaniya ngunit hindi ganoon ang nangyari. Isang talampakan ang naiwang pagitan sa aming mga mukha. Nakasuot pa rin siya ng maskara. Hindi dapat ako dinala ng lagusan kung saan naroon si Hamish, dapat ay sa tabi ako ni Nip. Ngunit mukhang nagkamali ako. Ni hindi ko nga siya naiisip kanina para mangyaring sa kaniya ako bumagsak. Sa pananatili kong nakakatitig sa kaniya'y bigla siyang dumilat na masama ang tingin. Dahil doon napaatras ako sa ibabaw ng katawan niya. Kumiskis pa nga ang masilan niyang bahaging natatakpan ng puting kumot sa pang-upo ko na hindi ko binigyan pansin sapagkat nahulog ako mula sa paanan ng kama. Napaaray na lang ako sa pagtama ng likod ko sa matigas na tablang sahig. "Paano ka nakapasok dito?!" sigaw niya na dumagundong sa kabuuan ng silid. Bumangon siya mula sa pagkahiga't gumalaw patungo sa gilid ng kama kasabay ng pag-alis sa kumot. Pagkatayo niya'y nalaman kong walang kung anong saplot sa kaniyang katawan. Napagmasdan ko tuloy ang karupukan niyang labis ang laki. "Hindi ko alam. Iyan din sana ang itatanong ko," ang sabi ko sa pagtayo ko hawak ang likod na nasaktan. "Sagutin mo ako nang maayos!" dagdag niya nang matalim. Mayroon siyang kinuha sa gilid ng kama na nakasandig sa batong dingding. Sa pagtunog ng metal na kumiskis sa isa pang matigas na bagay nalaman ko kung ano ang binunot niya --- isang espada. "Iyon na nga ang sagot ko. Ano pa bang gusto mong sabihin ko?" sabi ko sa pag-atras ko patungo sa bukas na bintana. Humakbang siya nang ilang beses papalapit sa akin. Sumilip ako sa labas kaya nakita ko ang daan kung saan nakahanay ang nagtitinda ng mga gulay. Hindi siya nakalapit sa akin nang biglang pumasok ang babae sa pinto na sumalubong sa kaniya sa ibaba ng paupahan. Wala rin itong ano mang suot na saplot sa katawan kaya kita ang masilan nitong bahagi pati ang malulusog na dibdib. Napasigaw pa ang babae nang mapansin ako. "Sino iyan?" ang tanong nito na mababanaagan ng takot. Nagtago ito sa likod ng sara nang hindi ko makita ang kahubdan niya. "Isang taong mahilig manggulo," ang sabi pa ni Hamish na nakatingin sa akin. Sinalubong ko ang mga mata niya. Sa ayos nilang dalawa'y mukha naman talagang naglalaro sila ng apoy. Hindi ko alam na roon pa niya ginagawa iyon at hindi na lang sa ibang lugar. Kumunot ang noo ko sa kaniya bago ko siya tinalikuran. Umakyat na ako ng bintana sabay talon dito kaya naglaro naman ang kasuotan ko sa hangin. Lumapag ako sa lupa ng dalawang paa't nagulat pa ang matabang babaeng naglalakad. Nabitiwan nito ang dalang basket kaya natapon ang mga kamatis na pinamili nito. Pagbalik ko ng tingin sa bintana, nakita kong nakadungaw si Hamish. Hindi ko na siya binigyang pansin pa't hinanap na lang si Nip. Nakita ko naman ito kaagad na tumatakbo mula sa gitna ng kabisera kung saan nagkalat na naman ang mga tao na tila walang nangyari kanina lamang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD