7

1954 Words
Ang unang nagsalita sa kanila ay ang lalaking nasa kanan ni Hamish. "Tingnan mo nga naman kung sino ang nandito," ang nasabi ng lalaki. Hinawi pa nito ang mahabang itim na buhok na pumatong sa balikat patungo sa likod. Nahihimigan ko ang nasabi nito ng pangungutya para kay Nip na blangko lang naman ang mukha. Batid kong hindi natutuwa si Nip na makaharap ang tatlo. Hindi ko gustong isipin na minamaliit siya kahit ni Hamish. Hindi rin ako natutuwa. "Tumigil ka nga Ruso," ang sabi naman ng babae sa pagtigil ng kanilang mga kabayo ilang hakbang ang layo mula sa amin ni Nip. Sa akin nakatitig ang asul na mga mata ng babae. Malaki ang pagkadisgusto ko sa klase ng tingin nito. "Ano na naman Maware? Wala naman akong sinasabing masama?" tanggi ng lalaking pinangalanan ng babae bilang Ruso. "Alam ko ang pag-uugali mo kaya huwag ka nang magkaila," paratang naman ng babaeng si Maware sa kasamang lalaki nito. Samantalang si Hamish ay nanatiling tahimik, nakatingin sa aming dalawa ni Nip. Hindi ako sigurado na sa akin siya nakatingin lang dahil sa suot niyang maskara. Wala rin siyang plano para hulihin ako sa nagawa ko kaya nagtataka ako kung bakit. Pinagpalagay ko na lang na napagtanto niya na mali ang nagawa niya. "Wala na akong sasabihin para kay Nip," ang sabi ni Ruso't nabaling sa akin ang atensiyon. "Sino ba itong kasama mo?" tanong nito kay Nip. Hindi sumagot ang kasama ko kaya nagpatuloy ang lalaki sa pagsasalita. "Hinukay mo ba siya't tingnan mo't ang putla na parang walang dugo. O wala talaga lang kayong makain. Hindi mo dapat inalalabas baka may dalang sakit, kumalat pa," panglalait ng lalaki sa naging itsura ko. Bago pa ako makabigay ng reaksiyon, kumilos ang kabayong itim na kinasasakyan ko. Nagulat ang lahat kahit na ako. Ang dalawang kabayo sakay sina Hamish at Maware ay napaatras. Maging ang kabayo ni Ruso ay umurong sa pagtakbo ng kabayong itim papalapit dito. Napakapit ako nang mahigpit sa hawakan ng siyahan upang hindi mahulog sa pag-angat ng kabayong itim sa dalawang paa nito. Malakas pa itong humalinghing kasabay ng pagpadyak ng mga paa sa ere. "Lumayo ka Ruso!" ang sigaw ni Maware na natulala. Ngunit bago pa masaktan si Ruso ay nailayo nga nito ang kinasasakyang kabayo. Kung kaya't ang nabagsakan lang ng kabayong itim ay ang lupa. Tinapos na rin nito ang paghalinghing. Naging tahimik ang lahat matapos niyon na panandalian lang dahil sa pagaalburuto ni Ruso. "Gusto mo bang masaktan ha?" ang sigaw pa sa akin ni Ruso. Tiim ang bagang na nakatingin nang masama sa akin. Hindi naman nito makuhang lumapit baka nga naman maulit ang ginawa ng kabayong itim. Hinimas ko sa leeg ang kabayong itim upang pakalmahin. Pagkuwa'y naupo na ako nang tuwid. Mataman lang akong pinagmamasdan ni Hamish na ang kabayo niya'y paharap sa akin. "Sa totoo lang, 'di ko sinasadya. Hindi ko alam ang nangyari sa kabayong ito," sabi ko naman na muling hinimas sa leeg ang kabayo. "Huwag kang magmaang-maangan. Nais mo atang maparusahan," birada naman ni Ruso. Itinigil ko ang paghimas sa kabayo. Tiningnan ko nang tuwid si Ruso. "Seryoso ka?" panimula ko para kay Ruso Bumalik sa puwesto katabi ni Nip sa ilalim ng tingin ng tatlo. "Dahil lang sa biglaang pag-aamok ng kabayo na hindi ko rin iniutos, magbibigay ka ng parusa? Nasaan ang koneksiyon doon? Saka masyadong matalim ang tabas ng dila mo kaya kahit hayop hindi gusto ang lumalabas sa bibig mo." Iniikot ko ang kabayo upang makaharap ang tatlo. Nakikinig lang naman ang mga ito, pero si Ruso pansin kong gusto na akong saktan. "Palibhasa'y mula ka sa mga maharlika kaya ganoon na lamang ang takbo ng isipan mo." Napatitig nang matagal si Nip sa akin na hindi makapaniwala sa pinagsasabi ko kay Ruso. "Ikaw ang matalim ang dila!" sigaw ni Ruso. Mayroon pa sana itong idadagdag ngunit napigilan at naunahan ni Hamish. "Huwag mo nang pag-aksayahan ng panahon ang mga katulad niya. Naghahanap lang iyan ng atensiyon sa pagiging magsasaka nila," saad ni Hamish sa muli niyang pagpalakad sa kabayo. Sumunod naman kaagad ang dalawa niyang kasama na may masamang tingin sa akin si Ruso. Nagsibalik ang dalawa sa kanilang puwesto sa tabi ni Hamish. Humigpit ang kapit ko sa tali dahil sa sinabi ni Hamish. Isang malaking pagkakamali ang sinabi niya. Hindi ko ninanais na bigyan ako ng atensiyon nino man liban sa ina ko. Naiwan kami ni Nip na nakasunod ng tingin sa mabagal na paglayo ng tatlo. "Huwag mo ng ulitin iyong kanina. Mahirap na. Hayaan mo na sila. Masasayang lang ang laway mo," ani Nip na roon lang nagsalita. Kaya siguro siya nanahimik. Pinalakad narin namin ang kinasasakyang kabayo mahigit sampung hakbang kasunod nina Hamish. "Hindi ko mapigilan," ang sabi ko na lamang. Pinakatitigan ko ang likod ni Hamish. Hindi ko talaga makitang magiging malapit kami, pagiging magkaaway posible pa. "Nagtataka na talaga ako sa kabayo na iyan?" ani Nip na nakatingin sa kabayong itim na kinasasakyan ko. "Parang mayroong sakit." "Wala naman siguro," ang sabi ko. Wala naman akong nararamdamang kakaiba sa kabayo. Komportable pa nga akong nakasakay na hindi kinakabahan na ihulog nito. Nagkibit-balikat si Nip dahil sa sinabi ko. Bigla kaming napahinto nang huminto si Hamish, ang mga kasama niya'y patuloy lang sa pagpapalakad sa kabayo. "Hindi ko gustong nag-uusap kayo habang nasa likod ko!" ang sigaw ni Hamish kaya naisip ko kung narinig niya ng pag-uusap namin ni Nip. Ni hindi siya lumingon at ang kasama naman niya'y sa kaniya ang mata sa paghakbang ng mga kabayo nilang dalawa. "Ano naman ngayon? Hindi ka naman namin pinag-uusapan!" ang sigaw ko pabalik sa kaniya. Ang nangyari'y pinahalang niya ang kabayo niya sa daan sabay sinamaan ako ng tingin. Kahit na natatakpan ang mukha niya ng maskara, alam kong ganoon ang binibigay niya sa akin. Buong akala ko'y may sasabihin pa siya ngunit wala rin naman sabay matulin na pinatakbo na lamang ang puting kabayo niya. Sumabay na rin sa kaniya ang dalawang kasama nang madaanan niya ang mga ito. Ang naiwan na lang nila ay ang mga dahong naglaro sa hangin. "Huwag mo siyang ginagalit," ang nasabi ni Nip sa akin. "Mahihirapan ka kung maisipan niyang isumbong ka't maparusahan." Makikita sa mukha ni Nip ang kaunting kaba sa katotohanan na iyon. "Baka hindi naman," ang sabi ko naman. Hindi ko gustong bigyan ng pansin ang sinabi ni Nip. Hindi ko rin gustong isipin kung anong naging dahilan ni Hamish at 'di niya sinasabi sa iba ang nangyari kagabi. "Sana nga," ani Nip sabay mabilis na pinatakbo ang kabayo. Ako'y napasunod na lang din. Hindi rin naman namin naabutan ang tatlo. Hindi rin kami nagtagal sa daan dahil nakalampas kami kaagad dito't binati na ako na mga kabahayan na magkadikit-dikit ang iba. Pinasok namin ang kabisera matapos na marahang naglakad ang kabayo sa malapad na tulay. Napapatingin pa ako sa ilog dahil sa mga apat na kalalakihang naliligo sa hindi kalayaluan na hubad-baro. Tuluyan kaming nakalampas sa tulay sa paglalakad ng kabayo. Hindi ko mapigilang tingnan ang mga kabahayan na pinaghalong mga bato at kahoy ang pagkagawa. Nadaanan pa namin ang mga batang naghahabulan sa daan sa pagitan ng mga bahay na hindi tataas sa dalawang palapag. Nakakita pa ako ng kalesang nakatiwang-wang sa eskenita. Hindi nawawala ang ingay ng mga tao, mayroong pang nag-sisigawan. Napayuko pa nga ako nang makarinig ng pagkabasag mula sa ikalawang palapag ng bahay na nadaanan namin. Sinundan iyon ng paglipad ng kahoy na pinapatungan na tela sa pagpinta mula sa bintana. Dumaan iyon sa aming uluhan ni Nip sabay bumagsak sa daan na ikinasira niyon. Ang ibang taong naroon ay napatingala sa bintana ngunit nagpatuloy sa paglalakad na tila walang pakialam sa nag-aaway. "Parati naman iyan. Magkasintahan. Iyong babae hindi gusto na nagpipinta ang lalaki kaya ayan ang nangyayari," ang sabi ni Nip sa akin patungkol sa nag-aaway. Napabalik ako ng tingin sa bintana nang lumipad naman rito ang ilang mga puting tela. Napabuntong-hininga na lang ako sa pagpapatuloy namin. Nalampasan namin ang nagtitinda ng karne, isang matabang lalaki na mabilis na pinipiraso-piraso ang karne habang nag-aantay ang isang ginang ba bibili niyon. Lalong naging maingay ang lugar nang makarating kami sa sentro. Nahirapan kaming umusad dahil sa mga taong naglalakad sa malapad na espasyo ng lupa. Sa dakong iyon ay nagkatipon ang mga nagtitinda ng kung anu-ano mula sa gamit sa bahay hanggang sa pangangaso. Hindi mahulugang karayom ang mga tao sa dami. Mula dito'y natanaw ko ang kastilyo nang mas malapitan. Napatitig pa nga ako sa mataas na pader nito hanggang sa pangunahing bahagi nito. Kitang-kitang ko na ang kulay ng bubongan nitong abuhin. Nang tingnan ko ang tore sa kaliwa, narinig ko na lang ang pagsigaw ni Nip na nakalayo na sa akin. "Dito tayo," aniya na kumakaway pa. Pinalakad ko ang kabayo sa dagat ng mga tao hanggang makarating kay Nip. "Ano bang tiningnan mo?" ang naitanong pa ni Nip sa pagdikit ko sa kaniya. "Wala naman," ang sagot ko sabay yuko ng ulo upang hindi bumangga ang ulo sa karatula ng isang taberna na nakatayo sa kanto. Hindi na mabasa ang inukit na pangalan doon. Tumuloy kami hanggang sa likod ng taberna na nilalampasan ang hanay ng mga nagtitinda ng gulay sa tabi. Nang bumaba siya'y sumunod na rin ako. Tinali namin pareho ang kabayo sa mga nakatayong kahoy roon. "Dumito ka muna kaya. Malay mo sa ibang araw makahanap ka ng ibang lunas. Aantayin na lang kita na sabihin mo sa akin ang kalagayan mo," ang nasabi pa ni Nip habang inaalis niya ang tali ng mga gulay na nakasako. Pinagmasdan ko siya nang tuwid habang pinag-iisipan ang sinabi niya. "Sige," pagpayag ko na lamang dahil tama rin naman siya. "Hindi ba nakakahiya kay 'tay Henrik?" "Hindi. Matutuwa pa iyon. Nagsasawa na iyon na ako parati ang kasama," aniya nang buhatin niya ang mga gulay ng walang kahirap-hirap. Sinundan pa niya iyon nang malutong na tawa. Napasunod na lang ako ng lakad sa kaniya sa pagbalik namin sa daan patungo sa hanay ng mga nagtitinda. Tumigil kami sa bakanteng puwesto na naliliman ng malapad na tela. Nilagay niya ang mga gulay sa mataas na tabla't tinulungan ko siyang ayusin iyon. Nang matapos kami sa pag-aayos, biglang dumilim sa loob ng kubol dahil sa taong humarang sa puwesto. Iniangat ko ang aking paningin kaya nalaman kong si Hamish iyon. Hindi niya kasama ang dalawa. "Hindi dapat kayo nagtitinda ng mga maruming gulay. Nakakasira sa kalusugan iyan," ang sabi pa niya ss amin ni Nip. Si Nip naman ay tahimik lang naman kaya ako na ang kumausap sa prinsipeng iba ang takbo ng isipan. Kung anong ginagawa niya roon ay hindi ko alam. "Sinong may sabi sa iyo na marumi ang tinitinda naming gulay?" ang sabi ko naman sa kaniya. "Wala, nakikita ko," aniya kaya napabuntong-hininga ako nang malalim sabay iling ng aking ulo. Nang walang anu-ano'y malakas niyang sinipa ang tablang kinapapatungan ng mga gulay. Napasigaw pa si Nip nang mawasak iyon kaya bumagsak sa lupa ang mga gulay at nadumihan. Binalot niya pa iyon ng apoy kaya napaatras ako ng hakbang sa ginawa niya. Nang alisin niya ang apoy, nangitim na ang mga gulay. Sinamaan ko siya nang tingin ngunit hindi niya binigyang pansin iyon. Ang ibang mga tao napapadaan ay wala namang nagawa't ang ilan pa ay pinagtawanan kami. Naglakad siya papalayo't patungo sa paupahan sa aming harapan. Kumuha ako nang nangitim na karot at balak sanang ibato sa kaniya kung hindi lang ako pinigilan ni Nip. "Bayaan mo na. Minsan talaga'y ginagawa niya ang ganito. Hindi lang ako ang nakaranas ng kabaliwan niya," ang walang siglang sabi ni Nip sa akin. Binaba ko na lang ang kamay ko hawak ang karot. Si Hamish ay tuluyan namang nakalapit sa harapan ng paupahan. Sinalubong siya ng isang babaeng makulay na damit ang suot at malulusog ang dibdib. Nakuha niya pang lumingon sa akin sa pagpasok niya sa pinto. Kumukulo talaga ang dugo ko sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD