"Kumusta iyong matanda?" ang naitanong ko kay Nip nang magkaharap na kami. Ang ilan sa mga tao'y napapatingin sa amin.
"Dinala ng kawal sa manggagamot," aniya sabay hininaan ang kaniyang boses. "Paano mo nagawang alisin iyong demonyo kay ginoong Rigo? Hindi ko nga magawa iyon. Kailangan ng mga dasal pero ikaw hindi mo na ginawa iyon."
Sinalubong ko ang mga mata niya upang malaman kung dapat sabihin sa kaniya iyon. Hindi ko alam kung may iba pang nakakagawa ng paraang ginamit ko sa matandang lalaki. Sa likod ng isipan ko ay naglalaro ang mga pangaral ni ina na ibahagi ang mga kaalaman.
"Ipunin mo ang enerhiya mo pagkatapos ay itutok mo sa dibdib," paliwanag ko kay Nip na nakakumyos ang kamao ko. Nilapit ko iyon sa dibdib niya. "Pagkatapos pakawalan mo na iyong enerhiya. Ganoon."
"Masubukan ko nga minsan," aniya na malapad ang ngiti.
Hindi ko pa naalis ang kamao ko sa dibdib niyang nang madatnan kami ni Hamish sa ganoong ayos. Malapad pa ang ngiti ni Nip kaya para siguro kay Hamish ay nakakasira ng hapon niya. Kababa niya lang ng paupahan na nakabihis ng kaniyang kasuotan.
"Huwag kayong paharang-harang," ang mariin niyang sabi.
Lumingon ako sa kaniya matapos na alisin ang kamao ko sa dibdib ni Nip. Tiningnan ko ang tabi ng daan kung saan puwede naman siyang dumaan. Maari rin naman niya kasing iwasan ang pagkatayo namin ni Nip sa gitna. Binalik ko ang tingin sa kaniya nang itulak niya ako sa balikat. Naramdaman ko ang bigat ng mga kamay niya dahil doon. Hinila na lang ako ni Nip patabi kaya nakapagpatuloy si Hamish sa paglalakad.
"Pasensiya na mahal na prinsipe," sambit pa ni Nip na may kasamang pagyuko ng ulo. Tinutulak pa nga niya ang aking ulo para yumuko na rin kaso hindi ko hindi ginawa sa paglampas ni Hamish sa amin.
"Sa demonyo talaga ang lalaking iyon," ang sabi ko pa sa pagsunod ko ng tingin kay Hamish.
Mula sa dagat ng mga tao'y lumabas mula rito ang isang lalaki na hindi nalalayo ang kasuotan kay Hamish. Ang kinaibahan lamang ay ang pang-itaas nito ay kulay asul na tinernohan naman ng puting pantalon. Malalaman ko kaagad na isa rin itong dugong bughaw. Sa likuran pa nito ay nakabuntot ang dalawang kawal na nababalot ng abuhing balute na simple lamang ang pagkayari.
Kapwa natigil sa paghakbang ang dalawa nang sila ay magkasalubong. "Kapatid, dito ka pala? Wala ka man lang ginawa. Sinaniban kaya si ginoong Rigo," ang sabi ng bagong dating na prinsipe. Pinakatitigan ko ang mukha nito dahil tinawag nitong kapatid si Hamish. Malayo naman ang itsura nilang dalawa, idagdag pa kulay mais ang buhok ng nakakatandang prinsipe.
"Pakialam ko. Nagsasaya ako kaya walang makakaistorbo sa akin," ang sabi ni Hamish at hindi na binigyang pansin ang nakakatandang prinsipe. Nagsaya nga siya sa pakikipaglaro ng apoy sa isang babae.
Nailing na lang ng ulo ang nakakatandang prinsipe bago ito lumapit sa kinatatayuan namin ni Nip. Ngumiti pa nga ito na para sa akin ay may ibang ipagkahulugan, sa likod niyon ay mayroong tinatagong hindi magandang pag-uugali. Kung papipiliin mas gugustuhin ko ang pag-uugali ni Hamish kasya sa kaharap ko ngayong prinsipe.
"Sino sa inyo ang tumulong kay ginoong Rigo?" tanong kaagad niya sa amin ni Nip. Ang dalawang kawal naman na namumula ang mga pisngi dahil sa nainom ay naghintay lang sa likuran niya.
"Pareho kami mahal na prinsipe pero siya ang nag-alis ng demonyo kay ginoong Rigo," sabi pa ni Nip sabay turo sa akin ng daliri. Napatango-tango ang prinsipe bago nito binaling ang tingin sa akin.
Pinakatitigan niya ako na tila pinag-aaralan. "Hindi ka taga-rito ano? Ngayon lang kita nakita rito," aniya na ginantihan ko ng tipid na tango. Ngumiti na naman siya bago dinagdagan ang naunang sinabi. "Anong nangyari matapos na maalis mo ang demonyo?"
"Hindi ko alam mahal na prinsipe. Nakatakas na siya matapos akong madala sa ibang lugar gamit ang kakayahan nitong gumawa ng mga lagusan," pagbibigay alam ko sa prinsipe.
"Nakawiwili na mayroong kakayahan ang demonyo na iyon. Ipagbibigay alam ko ito kaagad sa tanggapan ng mababang upuan ng konseho. Kung gayon marahil ay nakalayo na siya," sabi ng prinsipe habang malalim na nag-iisip.
"Maari rin pong narito pa rin siya sa kabisera at nagtatago lamang. Naghihintay ng tamang pagkakataon," sabi ko sa prinsipe.
"Sang-ayon po ako sa nasabi ng kaibigan ko mahal na prinsipe," dagdag pa ni Nip.
Pinaglipat-lipat ng prinsipe ang tingin niya sa amin ni Nip. "Mag-uutos na lang ako sa ibang mga trem na mag-ikot. Kung wala kayong gagawin ay maari rin kayong tumulong sa paghahanap," wika ng prinsipe bago siya lumingon dahil sa pagtawag ng isang lalaking purong puti ang kasuotan. Sa mantsa ng laway na itim sa damit nito'y nasabi kong ang manggagamot iyon. Tumayo lamang ito sa harapan ng taberna, nagsumiksik sa mga tao upang matawag ang prinsipe.
"Mahala na prinsipe. Kailangan mong makita si ginoong Rigo, nagising na siya!" ang sigaw ng manggamot.
Tumango ang prinsipe kaya bumalik ang manggagamot sa kung saan ito galing. Binaling ng prinsipe ang atensiyon sa amin sabay sabing, "Maiwan ko na kayo. Maraming salamat sa pagtulong," wika nito na may ngiti.
Yumuko ng ulo si Nip kaya lumakad na ang prinsipe kasabay ang dalawang kawal. "Subukan naming hanapin iyong demonyo mahal na prinsipe," pahabol ni Nip kaya tinaas ng prinsipe ang kaniyang kamay kahit natalikod.
Sa nasabi ni Nip ay nilingon ko siya. "Akala ko ay ayaw mo sa pamilya ni Hamish?" tanong ko sa kaniya.
"Si Prinsipe Lideo at si Hamish ay magkaiba dahil siguro magkaiba sila ng nanay. Mabuting tao si Prinsipe Lideo," paliwanag ni Nip. Tumango na lang ako para sabihin sa kaniyang naniniwala ako kahit ang totoo ay hindi. Hindi rin kampante ang pakiramdam sa nakakatandang kapatid ni Hamish.
Nalayo ang tingin ko kay Nip nang mahagip ng mata ko ang pamilyar na bulto ng babaeng nakasuot ng itim na blusa sa gitna ng mga tao. Sinundan ko ito kaagad bago pa mawala sa aking paningin. Napasigaw na lang si Nip sa pag-iwan ko sa kaniya nang mahabol ang babae. Humalo sa mga taong naglalakad na bumubuntot sa babae. Nakuha pa nitong lumingon nang maramdamang nakasaunod ako. Ang mukha nito ay natatakpan ng telang itim na nakasabit sa tainga. Mata lang ang nakikita. Hindi nito ako nakilala na nalaman ko nang bilisan niya pa ang paglalakad. Umiwas siya na makabangga ng mga tao na kaniyang nadadaan at ganoon din ang ginawa ko. Lumampas siya sa ilang mga gusali, napansin ko ang dalawang kawal na nakatayo sa harapan ng dalawang palapag na bahay. Nang mapansin ito ng babae'y hindi siya tumuloy na dumaan sa harapan ng mga ito. Lumiko siya patungo sa silangan kaya nanatili akong nakabuntot.
Umalis siya sa dagat ng tao sabay tumakbo sa makipot na daan. Nagtatayugan ang mga gusaling doon na mahigit tatlong palapag. May kadiliman na roon dahil sa paglubog ng araw. Nang nasa dulo na siya lumingon siya sa uliy sa akin. Sisigaw sana ako kaya lang hindi ko naituloy nang mabilis siyang tumakbo. Napatakbo na rin ako para masundan siyan. Pagkalabas ko sa makipot na daan na iyon ay nagsimula na rin magsindi ng mga tulos sa pintuan ng mga gusali. Pati na ang mga ilawan sa loob. Napupuno ang lansangan sa dakong iyon ng mga tawanan ng mga nag-iinuman. Nalaman kong nasa dako ako ng kaharian na puro kainan at taberna. Hinanap ko ang babae sa mga naglalakad na maagang naglalasing. Ang ilan pang kalalakihan ay nagkakantahan. Nilampasan ko ang isang matandang lalaki na sumusuray-suray hawak ang sisidlan ng alak na gawa sa balat ng hayop.
Tumayo ako sa gitna ng daan habang iniikot ko ang paningin sa paligid. Iniisip ko kung saan sumuksok ang babae para makatakas sa aking ng paningin. Sa kawalan ng pag-asa para mahanap ito'y lumakad na lang ako pabalik ng sentro. Ngunit hindi ako nakatuloy nang mayroong humila sa akin mula sa likuran ng mga patong-patong na kahoy na kahon sa gilid ng pinaka-maingay na taberna.
Nalaman ko na lang na ang babae iyon nang itulak nito ako sa dingding ng taberna kasabay ng paglagay ng kutsilyo sa aking leeg.
"Bakit mo ako sinusundan?" ang tanong ni Barbara sa akin kaya nasabi ko talagang hindi ako nito nakilala sa ginupit kong buhok.
"Ako ito, ginang," ang sabi ko kay Barbara kaya inalis niya ang kutsilyo sa aking leeg. Pinakatitigan niya ako sa aking mukha bago niya inalis ang nakatabong tela sa bibig.
"Akala ko ay patay ka na," ang mahinang sabi ni Barbara. "Sinubukan pa kaya kitang hanapin sa ilog."
"Iyon din ang akala ko na nangyari sa iyo," saad ko. "Dapat umalis ka na lang rito. May nangyayari na rito. Nasaksihan ko kanina lang pagsanib ng demonyo sa isang tao."
"Alam ko iyan pero hindi ako maaring umalis hanggang hindi ko nalilinis ang pangalan ko." Binalik niya sa tagiliran ang kutsilyo. "Tama si Hamish na may kumukha sa mga bata sa pagtatanong at ako nga raw iyon. Pero hindi ako iyon. Sa palagay ko ay mayroong nagpapanggap bilang ako para masira ako."
Napatingin ako sa daan nang lumampas ang grupo ng mga kalalakihan. Hindi naman kami pinansin ni Barbara sa paglalakad ng mga ito.
"Sino sa tingin mo ang may gawa niyon?" tanong ko naman.
"Hindi ko alam. Kailangan ko pang mangalap ng impormasyon. Marahil isa sa mga asawa ng mga lalaking tinulungan ko," ang sabi ng babae na napapahawak pa sa beywang.
"Iiwan na kita baka hinahanap na ako ng kasama ko," paalam ko sa kaniya. "Sinigurado ko lang na ikaw nga ang nakita ko. Hindi ka dapat naglalagi rito sa kabisera. Ako ay binabayaan ni Hamish. Nakita ko siya ulit."
"Sasama ako sa iyo kung saan ka tutuloy," aniya nang lumabas na ako sa likuran ng nga nakatbak na kahon.
Binalik ko ang tingin ko sa kaniya. "Hindi ko alam kung papayag si 'tay Henrik. Subukan mong sumama sa akin," ani ko.
"Ano iyong pangalan ng binanggit mo?" paniniguro niya.
"Henrik?" patanong ko sabi. Nang banggitin ko ang pangalan ng ginoo, lumiwanag ang mukha ng babae.
"Kilala ko siya. Tara na," anang babae na kinukunot ng aking noo. Nauna pa itong naglakad sa akin. Naguluhan ako nang sumabay ako sa kaniya sa paglalakad. Hindi na niya pinagkaabalahang tabunan ang mukha dahil sa dumidilim na nang tuluyan ang paligid.
"Hindi ka kilala ng ginoo nang mabanggit ko ang pangalan mo. Sila kasi ang tumulong sa akin," ang sabi ko sa babae.
Nakalayo-layo lang kami sa tabernang pinagtaguan nang makasalubong namin si Nip na naghahanap sa akin. Hindi na kami nakapag-usap pa ni Barbara.
"Salamat naman nahanap na kita," ani ni Nip nang makalapit siya sa akin. "Nag-aalala na iyon sa tatay. Ang sama ng araw na ito. Nawawala na naman iyong mga kabayo."
"Sino naman ang gagawa niyon?" tanong ko naman.
Hindi maiwasan ni Nip na tingnan ang babaeng kasama ko. "Sino pa ba? Sina Hamish lang ang gumagawa sa akin niyon," aniya sabay baling sa babae na may ngiti sa labi. "Sino po kayo?"
Walang nasabi si Barbara nang mapansin ko ang kawal na papalapit sa amin. Nagkatinginan kami ni Barbara kaya naglakad na kami patungo sa eskenita. Naguguluhan namang napasunod si Nip sa amin.
"Paano tayo makakauwi nito?" ang sabi ko kay Nip. "Sasama sa atin si Barbara." Wika ko kaya napatango si Nip, nasabi kong iyon unang beses na nakaharap niya ang mangkukulam. Hindi na rin siya nag-usisa pa patungkol sa babae.
"Walang tayong problema diyan. Gabi naman ngayon kaya puwedeng magtawag ako ng espiritu," aniya kaya tinaas niya ang kaniyang kamay sa kalangitan. "Milpin," aniya kasabay ng paglabas ng mga mumunting liwanag na asul.
Hindi ko nagagawa ang magtawag ng mabuting espiritu. Ang liwang ay naipon hanggang lumitaw ang isang gripin na may matutulis na tuka at malalapad na pakpak na pinagaspas nito. Namamangha namang nakatingin si Barbara.
"Noong ako ay bata pa katulad niyo. Hindi ko magawang magtawag. Magaling bata," ang sabi pa ni Barbara.
"Maraming salamat ginang," ani Nip sa paglapag ng gripin sa tabi niya. Hinimas niya ito sa leeg bago sumakay sa likod. "Halika na kayo."
Ako ang naunang sumakay sa aming dalawa ni Barbara. Tinulungan ko pa siyang makaakyat sa likod ko. Pagkaupong-pagkaupo niya'y pinasibad kaagad ni Nip ng lipad ang gripin niya. Mistulang hangin lang itong dumaan sa ibabaw ng mga kabahayan. Mabilis kaming nakarating sa kakahuyan na hindi nag-uusap dahil hindi naman kami magkakarinigan sa ugong hangin sa aming mga tainga. Nilampasan namin ang mga kakahuyan na nadaan namin ni Nip patungo sa kabisera.