Pagkalabas ko ng bahay ay hindi mainit ang panahon kahit na maghahapon na dahil sa makakapal na ulap sa kalangitan. Isama na rin na puro kakahuyan ang nakapaikot sa lambak na kinatitirikan ng bahay kaya malamig ang simoy ng hangin.
Dinala ko ang upuan sa bakuran katabi ng naghihintay na ginoo. Naupo ako sa silya habang ibinalot ng ginoo ang tela sa akin. Natakpan ang balikat ko hanggang beywang ng madulas na dilaw na tela na iyon upang hindi kumapit ang maputol na mga buhok sa suot kong puting pang-itaas.
Pinanghihinayangan ko lang ay ang aking buhok na ginagamit kong pangtabon sa aking matang hindi kakikitaan ng sigla. Idagdag pa ang balat sa ilalim ng aking mata na nangingitim sa kakulangan ng tulog.
"Maghahanda na ako," dinig kong sabi ni Nip sa paglabas niya ng bahay at naglakad patungo sa likod.
"Sige, anak," ang sabi naman ng ginoo habang pinakakagat ang hawak na gunting. Binaling niya ang tingin sa akin upang masimulan ang paggupit.
Habang ginagawa iyon ng ginoo ipinako ko lang ang aking tingin sa mga ibong lumilipad sa mababang punong luntian sa kabilang ibayo ng ilog. Iba't ibang kulay ang mga ibon kaya mistulang itinapon na pintura sa mga sanga na dinadapuan ng mga ito. Malinaw pa ang umaagos na ilog at ang ingay nito'y tila naging musika sa aking pandinig na nagpapagaan sa aking kalooban. Sumasabay dito ang pagkagat ng gunting sa aking numinipis na buhok.
Lumipas ang mga sandali't natapos na rin ang ginoo sa paggupit. Nilinis niya muna ang mga buhok sa aking leeg at tainga gamit ang bras na gawa sa pinong hibla ng abaka. Matapos niyon ay tinanggal na nito ang nakabalot sa akin na madulas na tela. Hawak nito iyon sa pagpuwesto niya sa aking harapan upang pagmasdan ang naging resulta. Napasipol siya na sinundan niya ng manipis na ngiti.
"Napaka-inosente ng mata mo, Kenyon. Bumagay sa mukha mo't kompleksiyon," komento ng ginoo na hindi ko gustong marinig. Sinasabi iyon ni ina sa akin kung minsan, pinapaalala niyon na kawangis ko ang mukha ng aking ama.
Wala rin naman akong nasabi sapagkat narinig ko ang pagtawag ni Nip mula sa likod ng bahay. "Kenyon! Tara na habang maaga pa!" sigaw niya kasunod ng pagtakbo ng kabayo.
Sa pagtayo ko'y nilingon ko si Nip kaya nalaman kong nakasakay siya sa kayumangging kabayo. Sa likod ng kabayo ay mga nakataling gulay na ititinda niya. Hila niya sa kaliwang kamay ang isa pang kabayo na kulay itim naman. Tumigil siya dala ang kabayo ilang hakbang mula sa akin.
"Alis na ho ako. Maraming salamat po," paalam ko sa ginoo sa paghakbang ko patungo sa nakasampay kong balabal sa harap ng bahay. Sinuot ko na rin ang bota kong nakataob.
"Mag-ingat ka," ang sabi ng ginoo sa paglapit ko kay Nip. "Ikaw anak baka saan-saan mo dalhin si Kenyon," dagdag pa nito na ikinasimangot ni Nip.
Sa paglapit ko sa itim na kabayo'y napaatras ito ng ilang hakbang. Nakatingin pa ang mga bilugang itim na mata nito sa akin. Ako'y natigil din dahil hindi ako nangangabayo. Hindi kami nakabili ni ina kahit isa. Narinig ko na lang ang ginoo na pumasok sa bahay sa pagbukas at pagsara ng pinto.
"Paano ba?" ang nasabi ko kay Nip. Naintindihan naman niya kung anong ibig kong sabihin.
"Madali lang. Sumakay ka lang pagkatapos patakbuhin mo na," ang sabi pa ni Nip na parang ganoon lang talaga kasimple. Iyon nga ang unang beses kong makaharap ang isang kabayo kaya mahihirapan akong sumakay. "Subukan mo. Hahawakan ko naman itong tali kung tumakbo bigla," dugtong niya na tinataas ang tali ng itim na kabayo.
"Sige na nga baka matagalan ka pa," sabi ko na lamang sa paglapit ko sa itim na kabayo.
Umatras ito ulit kaya hinawakan ko sa leeg sabay hinimas katulad ng mga nakikita ko. Mukhang umamo naman sa akin dahil hindi na ito lumayo. Humalinghing pa ito sa paggalaw ng kaniyang ulo na ikinangiti ko nang manipis. Ang magiging dilema ko na lang ay ang pagsakay. Nakasunod lang ng tingin sa akin si Nip, inaabangang magkamali ako't bumagsak sa lupa. Sigurado ako na ganoon ang hinihintay niya base sa paraan ng pagngiti niya na abot tainga.
"Kaya mo iyan," ang sabi pa niya sa akin.
Pumuwesto na nga ako sa gilid ng kabayo na kumapit sa siyahan kasabay ng pagsabit ko sa lagayan ng paa. Huminga ako nang malalim sabay buwelo't binuhat ang sariling bigat paakyat ng kabayo. Walang naging reaksiyon ang kabayo pagkaupo ko sa siyahan. Kinapit ko ang aking kamay sa hawakang nakausli sa harap ng aking mga hita.
Napakibit-balikat na lang ako sabay sabing, "Akala ko ay papahirapan pa ako."
"Nakapagtataka," ani Nip nang ipasa niya ang tali sa akin na tinanggap ko naman.
"Bakit naman?" ang tanong ko nang ayusin ko ang pagkahawak sa tali ng dalawang kamay.
"Nagwawala iyan kapag ibang tao ang sumasakay. Sina tatay nga 'di niya ginagamit ang kabayo na iyan," pagbibigay alam niya na kunot ang noo. Inisip niya pa kung bakit naging madali para sa akin. Hindi ko rin alam at 'di ko na pinagkaabalahang isipin.
"Iba na ngayon," ang sabi ko na lang.
Pagkahawak ko nang mahigpit sa tali ng kabayo'y pinatakbo na Nip ang kaniyang kabayong kayumanggi.
"Paunahan tayo!" pahabol niya pang sigaw kahit nauna na siya ng maraming hakbang.
Hindi ko alam ang gagawin ko kaya pinapitik ko ang tali sa hangin. Sa ginawa ko'y mabilis na tumakbo ang kabayo kung kaya'y napakapit ako sa hawakan ng siyahan. Sinundan ng kabayong itim ang naiwang alikabok ni Nip. Napalingon pa ako sa taniman sa kanan kung saan tila kumakaway ang patakot sa gitna ng mga binungkal na lupa.
Binalik ko na lamang ang tingin sa unahan, pilit na hinabol si Nip sa daan na nagawa ng kalesa.
Naging madali man ang pagpapatakbo ko sa kabayo ngunit hindi naman ako makahabol. Ang tumatamang hangin sa aking mukha ay may kalamigan pa rin, pinaglalaruan pa ang aking kasuotan. Hindi ko na nakita si Nip matapos niyang maakyat ang pataas na daan papasok ng kakahuyang mababa ang mga puno. Sa pag-akyat ko rito'y napalingon ako sa gawing kaliwa sa pahilig na lupa patungo sa naglalakihang mga puno.
Pagkalampas ko sa pataas na daan ay binati ako nang manipis na hamog na bumabalot sa mababang puno. Hindi naman niyon natatakpan ang daan na tinatakbuhan ng kabayo. Tila sumusunod pa nga sa akin ang hamog sa pagdaan ko roon. Matapos ng mahigit dalawampung dipa, ang daan ay muling bumababa't unti-unting nabawasan ang mga hamog.
Nang sa pantay na lupa na ako'y ibang klase naman ng puno ang tumutubo sa magkabilang ibayo ng daan. Maliliit ang katawan ng mga puno ngunit mataas, idagdag pa ang mga dahong mamula-mula't nahaluaan ng dalandang-dilaw. Tahimik sa dakong iyon kaya ang tanging maririnig ay ang pagtakbo ng kabayo.
Sa likuran ng mga puno'y kasukalan ngunit sa paglampas ko sa hanay ng mga punong iyon ay nawala rin ang mga mababang halaman at ligaw na d**o. Napalitan ang mga ito ng mga halamang bilugan ang dahon. Sa dulo niyon ay narating ko ang mababang burol na kinatutubuan ng parehong halaman na bilugan ang dahon. Dito rin matatagpuan ang sumangang daan kung saan naghihintay si Nip.
"Ganiyan ka ba kadaya?" ang sigaw ko kay Nip sa paglapit ko sa kaniya. Sinabayan niya rin naman ako sa pagtakbo. Kinuha namin ang daan sa kaliwa, ang sa kanan na daan ay paakyat ng burol.
"Inaasar lang kita!" ang sabi niya sa akin sabay tawa. Wala rin siguro siyang kaibigan kaya ganoon siya sa akin. Hinayaan ko na lang dahil natutuwa rin naman ako kahit papaano na hindi makikita sa mukha ko.
Kahit saan ako tumingin puro mga puno ang nakikita ko. Nang makalayo kami sa burol dumaan kami sa maikling tulay na bato sa ibabaw ng batis. Katulad ng mga naunang daan, ang tinatakbuhan namin ay nasa pagitan pa rin ng mga puno. Nagbago lang makalipas ang maraming sandali, napalitan ng mga taniman ng ubas sa magkabilang dako ng daan na nababakuran ng kahoy. Pagkatapos niyon ay umakyat kami sa daan na nasa burol, sa ibabaw nito'y natanaw ko ang tuktok ng kastilyo na nagsasabing malapit na kami. Binaba namin ang burol na hindi nagbabago ang bilis, kinuha ang daan na sa magkabilang dako naman ay mga talahib. Napalitan iyon ng mga puno nang makarating kami sa kakahuyan sa paanan ng dalawang bundok.
Sa kalagitnaan kami ng daan dito nang mayroon kaming mapansin ni Nip na tatlong kabayo na pababa galing sa kakahuyan sa kabundukan. Sa distansiya ng mga ito na maraming puno'y hindi ko malaman kung sino ang mga sakay. Dahan-dahan lang ang pagbaba ng mga kabayo; kulay puti ang sa gitna samantalang ang dalawang naiwan ay abuhin.
Sa pagtigil namin ni Nip sa mga kabayong kinasasakyan namin, humalinghing ang mga ito. Bumaon ang mga paang may sapatos na pangkabayo sa lupa. Iniliko ni Nip ang kabayo niya pabalik sa kung saan kami galing.
"Saan ka ba pupunta?" ang tanong ko kay Nip sa pagsunod ko ng tingin sa kaniya.
"Sina Hamish iyan. Kailangan nating umalis at magtago baka pagdiskitahan ka," ang kinakabahang sabi ni Nip nang mahina na para namang maririnig kami ng mga pababa sakay ng kabayo.
"Wala naman akong ginawang mali sa kaniya. Hindi kasalan ang pagtulong ko kay Barbara," ang simple kong sabi.
"Oo nga naman," pagsang-ayon niya na lamang. Ibinalik niya ang kabayo't tumabi sa akin. "Paunahin natin sila Kenyon. Kawalang galang sa kanila kung lalampasan lang natin sila. Maparusahan pa tayo."
Kagaya nga ng sabi ni Nip naghintay kami na makababa sina Hamish sa kagubatan. Unti-unti ko na ring nakikita ang kabuuan nila kaya nasabi kong ang mga kasama niya ay mga maharlika. Sa naging ayos nila'y malalamang galing sila sa pangangaso. Nakatali sa kanilang mga likod ang lagayan ng pana kadikit ang palaso.
Ang isa pa sa kasama ni Hamish sa kaliwa niya ay isang babae na nababalot ang katawan ng bughaw na blusa. Buhaghag ang mahabang kulot na buhok nito. Ang lalaki naman sa kanan ni Hamish ay nakasuot ng puting pang-itaas na pinatungan ng mamula-mulang diyaket. Kay Hamish talaga mababaling ang mata ko nang matagal. Dahil sa suot niyang puting maskara na may butas lang sa mga mata at ilong. Doon ko nasabing mayroon siyang resirba. Hindi ko lang alam kung sa akin nakatuon ang sumisilip niyang mga mata. Kapansin-pansin din ang suot niyang puting pang-itaas na may mahabang manggas. Kapares ng suot namin ngunit ang sa kaniya'y mas eleganteng tingnan sa labis na kaputian, idagdag pa ang disenyong along binurda sa kuwilyo at pulsuhan ng manggas.
Hindi rin nagtagal ay nakababa na sina Hamish na ang buong atensiyon ay sa amin ni Nip.