Nahanap ko ang aking sarili sa malawak na silid na mayroong dalawang kama. Ang isa ay ang kinauupuan ko na kapantay ng ikalawang kama. Sa gitna nga ng kama ay naroon ang mesa kadikit ng bintana kung saan pumapasok ang liwanag na pumupuno sa kabuuan ng silid.
Sa aking tainga ay naririnig ko ang huni ng mga ibon at iyak ng mga kahayupan mula sa labas. Sinasabayan iyon ng pag-agos ng tubig kaya pinagpalagay kong ang bahay ay nasa tabi lang nito. Dahil sa pahilig na bubongan nasabi kong ang kinalalagyan ko ay nasa itaas na bahagi. Napansin ko rin ang harang ng hagdanan. Sa ibaba niyon ay nagmumula ang tunog ng pagtama ng mga kagamitan sa kusina.
Naglalaro pa nga sa hangin ang aromang binibigay ng niluluto na siyang nagtulak sa tiyan ko upang kumulo. Bumalik sa isipan ko na ilang araw na pala akong hindi nakakain nang maayos. Hinapo ko ang aking tiyan upang tumigil iyon sa pagdaing.
Ilang sandali pa'y yumangitngit ang hagdanan sa pag-akyat ng tao roon sa bahay na iyon. Pagkarating ng umakyat sa itaas nalaman kong isang binata siya na sa tingin ko ay hindi nalalayo ang edad sa akin. Ang suot niya ay puting pang-itaas na tinernohan ng pantalong kayumanggi --- karaniwang suot ng mga katulad naming magsasaka.
Sa labi ng binata ay kaagad na gumuhit ang malapad na ngiti dahil nadatnan niya na akong gising kung kaya't lumitaw ang mapuputi niyang ngipin. Pakiramdam ko ay parati ko nang masisilayan ang ngiti niya matapos nang araw na iyon.
"Kalahating araw kang tulog," pagbibigay alam ng binata sa akin na tila ba matagal na kaming magkakilala. Doon ko pa nga lang siya nakita. Ang tinig niya ay magaang pakinggan kaya pati ang kalooban ko ay gumagaan nang marinig ko iyon. Tila ba sinasabi niyon na ligtas ako sa kamay niya. Siya nga naman ang tumulong sa akin. "Ang buong akala ko ay patay ka na nang matagpuan kita sa paghuhuli ko ng isda para sa agahan," dagdag niya sa paglalakad niya patungo sa kabinet sa kaliwa ng ikalawang kama.
Nakasunod lang ako ng tingin sa kaniya nang buksan niya ang kabinet at maglabas ng isang pares ng damit kasama na ang pangloob na puting salwal.
"Nasaan na ba ako?" ang una kong naitanong.
Lumingon siya sa akin nang isara niya ang kabinet, sa kaliwang kamay niya ay bitbit niya ang damit. "Sa kaharian ng tigre. Bakit saan ka ba galing?" tanong niya sa paglapit niya sa akin. Hindi ko siya sinagot nang iniabot niya sa akin ang damit. Kinuha ko naman iyon. "Iyong mga damit mo ay nilabhan ko pa."
"Iyong gamit ko?" tanong ko sa pag-alis ko ng kama. Napapatingin siya sa kabuuan kong nakahubo dahil sa maputla kong kompleksiyon.
Una kong sinuot ang puting salwal. "Nasa ibaba," aniya nang maupo siya sa ikalawang kama. Hindi naman ako nakakaramdam ng hiya sa pagtitig niya sa ibabang bahagi ng katawan ko. "Anong bang nangyari sa iyo?" dagdag niyang tanong.
Hindi ko nagugustuhan kapag maraming iniaalam tungkol sa akin ang isang tao. "Hindi ko puwedeng sabihin," saad ko nang isunod kong isuot ang pantalon at ang pang-itaas na puting mahaba ang manggas.
"Huwag mong sabihing magnanakaw ka talaga kaya hindi mo masabi," aniya na ikinatingin ko sa kaniya. "Sabi kasi ni tatay magnanakaw ka raw dahil sa gintong dala mo. Pero sabi ko naman ay mukhang hindi naman. Nararamdaman ko lang." Sinundan niya pa iyon ng isang ngiti kaya napahugot ako nang malalim.
"Maraming salamat sa pagtulong sa akin. Aalis na rin ako kaagad," ang sabi ko sa kaniya kaya napatayo siya mula sa pagkaupo.
"Mamaya na. Kumain ka sandali," aniya nang humakbang siya patungo sa hagdanan. "Halika baba na tayo."
Ang kamay niya'y nakahawak sa harang habang naghihintay sa akin. Sumunod na lang din ako sa kaniya dahil kailangan ko rin naman talagang kumain baka manghina pa ako sa paglalakbay kong muli. Ang naisip ko nang mga sandaling iyon ay magtungo na lang sa kasunod na kaharian.
Nauna ng ilang baitang ang binata sa pagbaba kasunod ako.
Makinis ang kahoy na ginamit sa hagdanan na ramdam ko sa aking mga paang nakayapak lamang. Bumungad kaagad sa akin ang kusina pagkababa ko kung saan abala ang isang ginoo sa paghahanda ng makakain sa kinahapunan. Sa kanan ko ay ang dingding na humarang para sa isang silid. Tinitingnan ng ginoo ang niluluto niya sa siga samantalang ang binata ay nagsenyas gamit ang nguso na maupo na ako.
"Huwag na siguro," ang sabi ko nang makita ko ang supot ko, sisidlan at ang espada ni Hamish na nakalagay sa mahabang patungan. Nasa likuran iyon ng kinatatayun ng binata na uminom ng tubig.
"Hindi ka maaring umalis hanggang hindi ka nakakain," ang sabi naman ng ginoo nang lingunin niya ako. Ang klase ng titig niya ay mayroong matibay na pinapahiwatig.
"Dali na. Hindi ka papayagan ni tatay. Ganiyan talaga iyan sa mga taong tingin niya ay nangangailangan ng tulong," nasabi pa ng binata.
Sinunod ko na lamang ang ginoo at naupo na nga ako sa silya sabay patong ng kanang kamay sa mesa. Pinaglaro ko ang daliri ko habang naghihintay ng pagkain. Kinapalan ko na ang aking mukha para makakain. Hindi ko maaring gastusin ang gintong naipon ko pangbayad sa taong makakatulong sa akin.
Ang binata naman ay naupo sa silya sa kabilang ibayo ng mesa kaharap ko. Nakatalikod siya sa patungan na kilalagyan ng gamit ko. Habang tinitigan niya ako napansin kong kulay berde ang kaniyang mata malayo sa abuhing pares ng mata ko.
"Tawagin mo na lang akong 'tay Henrik. Ayos lang ba sa iyo?" ang sabi ng ginoo habang hinalo-halo niya ang niluluto sa siga. Hindi ko naman matatanggihan ang suhestiyon niya kasi magaan naman ang pakiramdam ko sa kanila. Gusto ko rin na binabanggit ang salitang tatay. Ano naman iyong kahit sa sandali lang na iyon ay maranasan ko ang may matawag na ama. "Ang anak ko naman ay tawagin mong Nip."
"Sige po, 'tay Henrik. Kung iyon po ang nais niyo," ang sabi ko sa ginoo na ikinangiti niya.
"Ano bang nangyari sa iyo?" anang ginoo nang maalala ang dapat naming pag-usapan. "Bakit ba may dala kang supot ng ginto at espada ng dugong bughaw?"
Nabaling ang tingin ko sa basong kahoy na nilagay ni Nip sa mesa sa harap ko. "Inom ka muna habang inihahanda ang pagkain mo," sabi ni Nip kahit nakaupo lang sa silya.
Mayamaya'y biglang naisip ng ginoo ang isang hindi ko mapapaniwalaang bagay. Sinabi niya nang walang pasubali, "Huwang mong sabihing nagnakaw ka talaga? Sa pagtakas mo'y minalas ka't napunta sa ilog." Inulit pa talaga niya ang hinala niya.
Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung bakit pa niya ako tinutulungan gayong hindi naman maganda ang iniisip niya tungkol sa akin.
"Ano pong ibig niyong sabihin?" ang tanong ko sabay kuha sa basong kahoy. Inilang lagok ko lang ang malamig at manamis-namis na tubig sa labis na pagka-uhaw.
Si Nip ay sumingit sa usapan namin ng kaniyang tatay. Inilagay niya ang kaniyang kamay sa mesa at nagsabi, "Imposible nga iyang naisip mo 'tay. Tingnan mo nga siya."
"Posible anak," pagbibigay-diin ng ginoo. "Malay natin totoo nga. Kaya nga ako nagtatanong."
"Sino naman ang gugustuhin na lumapit sa pamilya ng hari lalo na roon kay Hamish? Mayroon, oo. Iyong mga nagpapakamatay," sumunod na sabi ni Nip. Inilalabas lang naman niya ang sariling opinyon ngunit ang tono ng pananalita niya'y may lihim siyang galit kay Hamish.
Ngunit sumasangayon naman ako kay Nip, isang walang puso si Hamish. Mahirap pakisamahan ang mga katulad niya. Hindi rin tamang pagsilbihan siya bilang prinsipe. Nagbago lamang ang tingin ko sa kaniya nang hindi ko rin namalayan.
Inalis ko ang baso sa bibig kapagkuwan ay nilapag ko sa mesa.
"Huwag na nga lang nating pag-usapan ang bagay na iyon," suhestiyon ni 'tay Henrik.
"Tama 'tay. Respetuhin na lang natin ang desisyun niya kung bakit ayaw niyang sabihin. Naniniwala akong may mga bagay talagang sinasadya ng tadhana katulad ng pagkakita ko sa kaniya. Ang mahalaga ay ligtas na siya. At narito siya sa atin. Kaya responsibilidad din nating tulungan siya hanggang siya ay makaalis," pagpapaalala ni Nip sa kaniyang tatay.
Dahil sa sinabi niya'y binaling ng ginoo ang mata nito sa akin. "Ano nga pala ang pangalan mo?" ang tanong nito.
"Kenyon ho," ang nasabi ko na lamang sa katanungan nito.
Panandaliang natigil ang usapan nang maglagay ang ginoo ng mangkok na laman ang mainit na sabaw. Nilagyan din niya ng malapad na tinapay na pinatong sa bibig ng mangkok. "Kumain ka Kenyon para may lakas ka kung saan mo man balak pumunta," wika pa niya sa pananatili niyang nakatayo sa gilid ng mesa kalapit ng siga.
Tiningnan ko ang mainit na sabaw, umuusok pa ito. Kumulo ang tiyan ko sa pangalawang pagkakataon.
Naputol ang pag-iisip ko sa pagsalita ni Nip. "'Tay ako rin pahingi," aniya sa kaniyang tatay na kumuha rin naman ng pangalawang mangkok upang siya ay ipagsalin nang mainit na sabaw. Habang tumatagal ako roon pansin kong malayo naman ang itsura ng mag-ama sa isa't isa.
Hinawakan ko na lang ang kutsara nang bigyan ng lalaki ng makakain ang anak. Hinalo ko ang makapal na sabaw upang malaman ang laman niyon --- mayroon iyong piraso nang malambot na karne at mga gulay.
Malakas ang naging paghigop ni Nip sa sabaw kaya nabaling sa kaniya ang tingin ng kaniyang ama. Dinahan-dahan niya na lang ang paghigop hawak ang mangkok sa dalawang kamay dikit sa bibig.
"Nagpunta ako rito sa kaharian ng tigre sa paghahanap ng lunas sa naging kalagayan ko. Ang buong akala ko ay matutulungan ako ng ginang na si Barbara," ang sabi ko na lamang sa pagpapatuloy ko ng paghigop. Ang tinapay ay sa kaliwa kong kamay. "Kaya lamang ay wala rin siyang naitulong sa akin."
Napatingin sa akin ang mag-ama dahil sa sinabi ko.
Binitiwan ng ginoo ang hawak niyang sandok sabay punas ng kamay sa suot na pantalon. "Sinong Barbara?" taka niya tanong. Akala ko ay kilala niya ang babae gayong tanyag ito.
"Iyong mangkukulam sa dulo ng kaharian 'tay," ang sabi naman ni Nip na ang tingin ay sa pagkain. Tumango-tango naman ang ginoo sa nalaman. Binaling niya ang atensiyon sa akin sabay tanong, "Paano ka napadpad sa ilog?"
"Bigla kasing dumating ang prinsipeng si Hamish. Pinaghinalaan niya si Barbara na pumapatay sa mga bata rito upang maging sangkap ng gamot para sa mga kalalakihan dito. Tinulungan ko ang babae na tumakas kasi pakiramdam ko ay hindi niya magagawang pumatay. Kaso lamang sa pagtakas namin sakay ang espiritung agila napigilan kami ni Hamish. Nahulog kami pareho sa ilog," pagkuwento ko't tinapos ang pagkain sa pag-inom ng tubig.
"Ibig sabihin patay na si Barbara?" tanong pa ng ginoo nang lumapit ito sa patungan. Hinawakan nito ang espada't pinakatitigan ang talim niyon pati na ang simbolo na mukha ng tigre sa likod ng hawakan.
"Hindi ko alam," ang sabi ko naman.
"Wala talagang patawad ang Hamish na iyon," komento ni Nip nang matapos na rin siya sa pagkain. "Pihado gawa-gawa niya lang iyon. May galit kasi iyon sa mga mangkukulam."
"Bakit naman ganoon?" ang naitanong ko.
"Iyong ina niya kasi ay napatay ng mangkukulam nang kunin siya upang iaalay sa pulang buwan," pagbibigay alam ni Nip sa akin.
Sa sinabi ng binata ay naintindihan ko nang kaunti ang galit ni Hamish. Ngunit hindi pa rin siya tama sa naging hakbang niya. Mapait nga naman ang alaala ng nangyari sa kaniya.
Sumingit sa pag-uusap namin ang ginoo. "Ibig sabihin kay Hamish ang espada na ito?" ang sabi niya nang ipatong niya ang espada sa mesa. Isinama niya na rin roon ang sisidlan at supot ng ginto na kinuha ko't itinali sa aking beywang.
"Oho, kinuha ko nang tumarak siya sa agila," pagbibigay alam ko. Hindi ko na hinawakan pa ang espada. Hindi ko rin alam kung bakit kinuha ko pa iyon nang mapatay ang agila.
"Aalis ka na talaga? Puwede kang mamahinga muna rito. Bukas o sa isang araw ka na lang umalis," ang sabi pa ni Henrik.
"Huwag na ho pupunta na ako sa kabisera. Kayo na lang ang magsauli ng espada ni Hamish," ang sabi ko naman sa pagtayo ko.
"Mamaya na lang Kenyon sabay na kayo ni Nip. Pupunta rin siya ng kabisera para magtinda ng gulay," pagpigil ng lalaki.
Muli kong pinagmasdan ang mag-ama na parehong nakangiti. "Kayo po ang bahala," ang sabi ko na lamang sa muli kong pag-upo.
Dahil sa sinabi ko ay lumapad ang ngiti ni Nip at ang ginoo ay napalakpak. "Gugupitan muna kita para naman maaliwas na ang itsura mo," ang sabi pa ng ginoo nang kunin niya ang gunting na nakasabit sa pako kasama ang telang pangbalot. "Huwag kang tumanggi. Nakikita ko ang kabataan ko sa iyo kaya naawa ako sa istura mong napapabayaan."
"Pagbigyan mo na. Ugali na niyan e. Ako nga hindi niya kamag-anak pero inampon at pinalaki," ang sabi pa ni Nip sa paglalakad ng ginoo palabas ng pinto.
Ano pa nga bang magagawa ko't bigyan ng katapuran ang kagustuhan ng ginoo tutal tinulungan naman nila ako. Kailangan ko na rin talagang gupitan ang mahaba kong buhok. Sumunod na ako sa ginoo na dala ang isang silya. Naiwan si Nip na kumuha ulit ng sabaw dahil walang mata ng kaniyang ama ang nakabantay.