"Sa tingin mo kaya kong pumatay?!" sigaw niya sa akin nang malapit na kami sa malalim na bahagi. Nakaabot na ang tubig sa aking leeg. "Nalason ba ni Nip ang utak mo ha?"
Panandalian siyang tumigil kaya naisip ko kung bakit nasabi niya na nilalason ni Nip ang isipan ko. Wala naman akong makitang kasagutan roon na hindi ko na rin magawang pakaisipin pa dahil hinila niya na ako pailalim ng tubig.
Sa pagsisid niya'y napasunod na lang din ako.Lumangoy siya patungo sa ilalim na tubig kaya napalangoy na rin ako. Hindi niya inaalis ang kamay sa nakatiling piring. Napagmasdan ko tuloy ang maumbok niyang pang-upo dahil sa kahubdan niya't sa posisyon ko na sa likuran niya. Nasabi ko tuloy na hilig niya ang paghuhubad kaya kahit sa pagtulog at pagligo ay walang suot.
Nang makararing sa kailaliman ng tubig binitiwan niya ako kaya nagpalutang-lutang kami pareho. Gusto niya ngang malaman kung gaano katagal akong mananatili roon. Napansin ko ring iba ang tubig sa pagsusulit kasi hindi ko nararamdaman ang pagpasok ng hangin sa aking baga, hindi ako makahinga sa tubig na iyon. Kaya ang mangyayari talaga sa aming dalawa ni Hamish ay patagalan sa ilalim ng tubig.
Ang mga mata niya'y nanatiling nakatitig sa akin kaya inayos ko ang sarili ko upang hindi masayang ang hanging naiiwan sa akin. Tumatakas pa ang maliit na bola sa kaniyang bibig sa paglabas ng hangin. Upang makaiwas sa mapanurin niyang mga mata tumingin ako sa ibaba ko kaya nalaman kong malapit na kami sa sahig ng tubig. Makikita ang mga mahabang halamang-tubig na nababalot ng lumot. Sinubukan ko ring tingnan ang itaas ngunit isang pagkakamali iyon kasi napabuga ako ng hangin, muli na lang akong lumutang nang tuwid. Nang ibalik ko ang tingin ko kay Hamish, nagpakawala siya nang maliit na apoy mula sa hintuturo niya patungo sa mukha ko. Balak ko sanang ilayo ang mukha ko kaya lang naglaho na rin ang apoy. Nakuha niya pa akong tingnan nang masama, nais niya sigurong hindi ko alisin ang tingin sa kaniya kaya iyon ang ginawa ko. Hindi ko pa naman nararamdamang nauubusan ng hangin. Kung iisipin ko pa ang nagaganap sa amin nang mga sandaling iyon baka matawa pa ako. Mistula kaming naging parehong baliw.
Ilang sandali pa'y kumilos siya't lumangoy papalapit sa akin. Kinain niya ang naiwang espasyo sa aming dalawa. Hinawakan niya ako sa leeg habang nakatitig siya nang matalim sa akin. Nararamdaman ko pa ang pagtama ng uluhan ng kaniyang karupukan sa hita ko. Pakiramdam ko ay balak niya akong sakalin ngunit hindi iyon ang ginawa niya. Kundi sinuntok niya ako sa tiyan kaya tumakas ang hangin sa bibig ko. Balak ko pa sanang bumawi kaso hindi ko tinuloy nang mayroong bumagsak sa tubig mula sa itaas ng talon kalapit namin. Napalingon kami pareho ni Hamish sa dako ng binagsakan sa pagbitiw niya sa kamay ko. Naroon ang demonyong sumanib kay ginoong Rigo na hindi buo ang pisikal na anyo na balak magtago roon. Ang buo lang ay ang ulo na may itim na sungay. Dahil nakita kami ng demonyo roon lumangoy ito sa ibang direksiyon na sinundan kaagad ni Hamish kaya pati ako napasunod na rin hanggang sa mababaw na bahagi.
Sa pagtayo namin ni Hamish sa tubig, ang demonyo'y umalis na rin ng tubig na lumipad patungo sa kakahuyan kung saan banda na namin nakita ang patay na usa. Balak na sanang sumunod ni Hamish kaya lang nang makita niyang lumabas si Nip mula sa kagubatan sa kaliwa hindi siya nakatuloy.
"Tumalikod ka!" ang sigaw kaagad ni Hamish sa papalapit na si Nip na mahigit sampung hakbang pa naman ang layo. Napatigil si Nip dahil sa narinig kaya tumayo lang sa batong kinatutungtungan. Binaling ni Hamish ang atensiyon sa akin matapos niyon. "Kunin mo ang kasuotan ko!" utos niya sa akin.
Lumakad na lang ako paalis ng tubig. "Ikaw na. May paa ka naman," sabi ko sa kaniya sa paglampas ko sa kaniya. Natatakpan pa naman ang kalahati niyang katawan ng tubig at saka nakatalikod na rin si Nip kaya hindi ko alam kung anong naging problema niya.
"Lumapit ka rito," sabi niya sa akin nang hindi ko siya sinunod. Sinamaan niya pa ako ng tingin.
"Pakibilisan baka makalayo na iyong demonyo!" ang sabi ni Nip na hindi makuhang humarap sa amin.
"Tumahimik ka!" sigaw ni Hamish sa kaniya. Pinairal pa talaga niya ang pag-uugali sa kabila ng dapat habuling demonyo.
Kinuha ko lang ang mga damit niya para matapos na. "Saan ba ha?" tanong ko kay Hamish sa paglalakad ko sa tabi. Hindi naman niya kailangang sumagot kasi nakita ko na ang damit niya na nakapatong sa ibabaw ng bato. Nakatupi talaga nang maayos na sa ibabaw ay ang kaniyang maskara. Kinuha ko na lang kapagkuwan ay binalikan siya.
Hindi ko alam kung nahihiya siya sa kahubdan niya o sa mukha niyang walang maskara. O naiinis lang siyang makita ni Nip sa ganoong ayos. Pagkatapos sa akin wala siyang pakialam na makita ko nang paulit-ulit ang pagmumukha niyang nasira pati na rin ang kahubdan niya.
Sa paglapit ko'y umahon na rin siya ng tubig kaya muling nalantad ang kaniyang kahubdan. Balak ko sanang ibaba ang damit niya sa batong naroon na hindi naman basa. Kaya lang nasigawan na naman niya ako.
"Dalhin mo sa akin ang damit ko!" aniya sa pagtayo niya ilang hakbang ang layo sa akin. Si Nip ay tahimik lang napapakamot na rin ng ulo.
"Kunin mo na lang dito. Susundan namin iyong demonyo habang nagbibihis ka," ani ko na balak nang ituloy ang pagbaba ng damit niya. Hindi ko na naman nagawa.
"Susunod ka ba o hindi?!" saad niya nang matalim na may kasamang pagbabanta. Kusa na lang siyang lumapit sa hindi ko pagkilos. Nakaramdam na ako ng inis sa kabaliwan niya. Sa paglapit niya'y binigay ko sa kaniya ang damit niya pero ang sabi niya'y, "Anong ginagawa mo? Hawakan mo. Hindi ka ba naturuan na magsilbi sa prinsipe na tulad ko?"
"Wala naman talaga. Kita naman," sabi ko. Pinagbigyan ko na lang siya't hinawakan ko na nga lang talaga ang mga damit niya.
Sumalubong ang kilay niya sa nasabi ko. Kinuha niya ang puting salwal na napatungan ng maskara. Iyon ang una niyang sinuot.
"Wala ka pang karespeto-respeto sa pagsasalita sa harapan ko," aniya nang pinalusot niya ang unang paa sa salwal na kaagad na sinundan ng isa pa.
"Sino ang rerespetuhin? Hindi ka naman karespeto-respeto," ang sabi ko sa kaniya na ikinatigil niya nang kuhain niya ang pantalon. Nagkakiskisan pa ang aming mga kamay dahil doon.
"Isa sa mga susunod na araw talaga," aniya na sinusuot ang pantalon, "sisiguraduhin ko na iyang bibig mo ay hindi na makakapagsalita."
Sinalubong ko ang kaniyang tingin nang ibutones niya ang pantalon. Wala na rin siyang sinabi nang maibalik sa katawan ang damit na pang-itaas na puti. Panghuli niyang ginawa'y ang ilagay sa mukha ang maskara. Doon ko na siya iniwan sabay binalikan ko ang pang-itaas ko na nasa bato. Isinusuot ko iyon nang balikan niya ang bota niya. Nang masiguradong maayos na ang paa niya sa loob niyon kaagad siyang tumakbo patungo sa kagubatan na hindi man lang kami hinihintay. Napasunod na lang ako habang sinusuot ang bota ko. Si Nip din ay tuluyan nang tumawid at sabay kaming pumasok sa kakahuyan. Naabutan naman namin si Hamish na naglalakad paitaas ng kagubatan na ilang metro ang layo sa dinaanan namin ni Nip patungo sa talon.
"Ikaw ba ang pinunta niyan rito?" ang nakuhang itanong ni Nip sa akin. Ang mga mata namin ay nakatutok sa likod ni Hamish na ilang hakbang lang ang layo mula sa amin.
"Sabi niya'y pumupunta siya rito kapag ganitong kinahapunan," ani ko sa aking paghakbang sa maputik na lupa.
"Marahil nga," ang nasabi ni Nip.
Sinundan iyon nang paglingon ni Hamish sa aming dalawa.
"Ilang ulit ko bang sasabihin sa inyo na hindi kayo maaring magsalita habang nasa likod ko!" bulyaw niya aming dalawa ni Nip.
Ako na ang sumagot, "Tatahimik na kami upang masunod lang ang gusto mo."
Kung nakakamatay lang ang tingin kanina pa ako nawalan ng buhay sa matalim na titig ni Hamish sa likod ng suot niyang maskara. Wala rin siyang sinabi sabay nagpatuloy sa pag-akyat. Hindi na rin kami nagsalita ni Nip hanggang makarating kaming tatlo sa pantay na lupa. Matapos niyon ay nakarating kami sa bahagi ng kagubatan kung saan sa tingin ni Hamish ay doon pumasok ang demonyo. Wala na kaming magawa't hindi makareklamo kundi ang sumunod na lang sa kaniya. Palibhasa'y isa siyang prinsipe. Pumailaim kami nang pumailalim.
Ang tanging naroon lang ay mga tuwid na puno; kung saan 'di gaanong nakakaabot ang sinag ng araw sa lupa dahil sa makakapal na dahon sa ibabaw. Tama lamang ang liwanag na nakakapasok doon upang makita namin ang lahat. Binalot ng mga tuyong dahon ang lupa't mayroong mangilan-ngilang kumpol ng batong itim na kinapitan ng lumot. Ako ay napatigil sa paghakbang kasabay ng paghinto ni Hamish sa aming unahan. Iniikot niya ang paningin sa paligid at pinakiramdaman ang demonyo ngunit hindi naman niya ito nakita.
"Maghiwahiwalay tayo," bigkas ni Hamish sa paglingon niya sa amin ni Nip. Kahit nababalot ang mukha niya'y alam naming hindi siya nagbibiro. "Ikaw," dagdag niya na nakaturo ang daliri kay Nip sabay turo sa aking kaliwa. "Doon ka." Binaling niya ang atensiyon sa akin matapos na maibaba ang kamay. "Ikaw naman," aniya na balak pa akong ituro kaya inunahan ko na siya.
"Dito na lang ako," ang sabi ko sabay hakbang pakanan. Naibaba na lang ni Hamish ang kaniyang kamay sa pagkadismaya sa akin kapagkuwan ay lumakad na ng diresto palayo kay Nip na dinig ko sa pagkatalikod ko.
Pinagpatuloy ko ang paglalakad na pinapalampas ang pag-uugali ni Hamish.
Ang mga dahon ay bumabaon sa malambot na lupa sa bawat hakbang ko. Narinig ko pang sumigaw si Nip sa paglalakad niya sa direksiyong tinuro ni Hamish kasalungat ko.
"Kenyon, tawagin mo ako kapag nakita mo!" Umalingaw-ngaw ang boses ni Nip sa paligid.
"Sige! Sisigaw ako para sa iyo!" ang sigaw ko naman pabalik sa kaniya. Hindi ko na rin siya narinig kung may iba pa siyang sinabi sa paglayo ko upang hanapin ang demonyo. Hindi ko rin alam ang gagawin ko kapag nakita ko na ito. Kausapin ko na rin siguro katulad kay Episo para umamo sa akin.
Sa paglayo ko'y sumuksok ulit sa aking tainga ang tunog na dulot ng kalikasan. Prominenteng maririnig sa dakong iyon ang huni ng mga mumunting ibon na sinasabayan ng pagsumyap ng mga kulisap. Kung hindi lang sa paghakbang ko'y walang makakabasag doon.
Ilang mga tuwid na puno pa ang aking nalampasan bago unti-unting dumidilim ang paligid dahil naman sa mga naglalakihan na punong naroong magkadikit-dikit. Ang naisip ko ay nag-aagawan ang mga puno sa lupang kinatutubuan ng mga ito. Sa pagdaan ko sa pagitan ng dalawang puno'y naitanong ko sa sarili ko kung natagpuan na nina Hamish at Nip ang demonyo.
Mayamaya'y narinig ko ang malakas na ungol ng isang tao sa labis na sakit ng katawan. Binilisan ko ang paghakbang sa direksiyong pinagmumulan ng ungol, hindi ako sigurado kung ang demonyo iyon sapagkat tunog tao. Nang makarating nga ako sa ibabaw ng pahilig na lupa matapos ng naglalakihang puno, nakita ko nga si ginoong Rigo. Nakaupo ito sa gitna sa ibaba ng umikot na pahilig na lupa. Nakatalikod ito sa akin ngunit kita ko ang paghawak nito sa ulo. Ang suot nitong pang-itaas na puti'y nabahiran ng mantsa ng dugo. Mapapansin din kaagad ang maputing mahabang buhol ng lalaki kaya roon ko rin nasabi na matanda na ito. Umungol na naman ito dahil sa sakit habang humigpit ang kapit ng mga kamay sa ulo.
Nag-aalala na ako baka nasaktan siya ng demonyo kung kaya't ang sabi ko'y, "Ginoo, ayos ka lang?"
Aakma akong hahakbang upang tulungan ang matandang lalaki ngunit hindi ko naituloy nang lumingon ito sa akin na matatalim ang tingin. Ang mga mata nito'y labis ang kaitiman, wala na ang puti. Sumigaw ito nang malakas sa direksiyon ko kasabay ng pagbalot sa kaniya ng demonyo na paunti-unting nagkahugis ang pisikal na katawan nitong kulay itim. Ang katawan ng matanda'y nagtago sa loob ng demonyong mahigit triple ng laki ko. Lumabas mula sa magkabilang gilid ang dalawang kamay nitong matutulis ang mga daliri na tig-apat magkabilaan. Sinundan ito ng paglutang nito mula sa lupa na may ilang dangkal kasabay ng paglabas ng ulo nitong may matatalim na sungay. Bumukas din kaagad ang namumuti nitong mata. Wala itong naging paa kaya makikita lamang sa ilalim nito ang dulo ng katawan nitong mistulang naging buntot na sumasayaw pa sa hangin. Ang demonyo'y umatungal pa sa akin. Pinakatitigan pa ako sa puti nitong mga mata habang inihahanda ang dalawang mga kamay.
Makalipas ang ilang segundo'y gumalaw ang kamay nito upang atakihin ako. Pinag-isipan ko kung paano ito kakalabanin. Sa paglapit ng kamay nitong mas malaki pa sa mukha ko, sinalubong ko ito ng suntok sa palad. Subalit lumusot lang ang kamao ko sa pisikal nitong anyo kahalintulad ng usok. Kaya nga ang nangyari'y nakalmot ako ng demonyo na ikinatalsik ko patungo sa ibaba ng pahilig na lupa.