12

2083 Words
Nakakatulong talaga ang kalikasan sa kalooban ko upang maging kalmado. Noong sa kabilang kaharian hindi ko gaanong maramdaman ang kagaanan na binibigay nito dahil wala nang gaanong puno roon. Ngunit sa kaharian ng mga tigre tila nagbalik ako sa nakaraan kung saan sagana pa ang lahat. Ramdam ko ang lamig ng hangin sa aming paglalakad ni Nip paibaba ng bundok. Kahit sa bawat paghinga ko ay ramdam ko kung gaano iyon kalinis. Marahil dahil sa ilog na akin pang naririnig. Ang pagragasa ng tubig ay mistulang isang musika sa aking tainga na sinasabayan ng huni ng mga mumunting ibon mula sa ibabaw ng mga sanga; isang musikang ang kalikasan lang ang nakakagawa nang sandaling iyon. Bahagyang dumudulas ang aking suot na bota sa basang lupa, dumidikit sa suwelas nito ang naipong putik. Napatigil ako sa paghakbang nang maamoy ko ang masangsang na amoy, sinira ang malinis na hanging nakukuha ng aking baga. Napahawak ako sa katawan ng kahoy sa paghahanap ko kung saan nagmula ang mabahong amoy. Si Nip ay patuloy lang sa paglalakad sa aking likuran. Nababali ang mga maliliit na sangang kaniyang natatapakan. "Ba't ka napatigil?" ang naitanong niya sa paglapit niya sa akin. Siya ay napatayo rin sa aking tabi. Magsasalita na sana siya ulit nang sumuksok sa ilong niya ang masangsang na amoy. "Hanapin nga natin," suhestiyon niya pa na nakatakip ang kamay sa ilong. Sinundan ko na lamang siya sa kaniyang pagbaba na hindi tinatakpan ang sarilng ilong. Nahanap niya ang pinagmumulan ng masangsang na amoy sa likuran ng malaking ugat ng puno. Sa pagtigil niya upang tingnan ito mabilis akong lumapit sa kaniya. Pagtayo ko sa kaniyang tabi'y nakita ko na nga ang kalansay ng isang hayop. Nilalangaw pa ang naiiwang balat nito. Dahil sa wala naman akong alam gaano sa mga hayop. Napatanong ako sa kaniya, "Sa tingin mo anong hayop iyan?" "Usa. Tingnan mo ang ulo," ang sabi niya sa akin na nakaturo sa bungo ng usa na may sanga-sangang sungay, ilang hakbang mula sa kalansay nito. Binalik ko ang tingin sa kalansay. "Mukhang bago lang," ang nasabi ko pa sa pagtitig ko sa balat na naiwan. Napuna kong hindi pa natutuyo gaano ang dugo roon. "Ano namang hayop ang kumakain ng ganiyan ang iniiwan dito?" "Hindi ko alam. Unang beses pa lang nangyari ang ganito sa pagtungo ko rito," ang sabi ni Nip na napapaisip din. "'Di naman kasi maaring tikling ang gumawa niyan kasi nabubuhay ang mga ito sa takot ng tao. Baka may taong ginawan ng kalokohan ang kawawang usa. Kinuha lang ang karne tapos iniwan lang ng ganiyan." "Sino naman?" ang tanong ko sa paglayo ko ng tingin sa kalansay. Nagkibit-balikat na lamang siya kapagkuwan ay muling lumakad. "Hayaan mo na. Ipagdasal na lang natin na maging magiting na espiritu ang kaluluwa ng usa," aniya sa pagpatuloy niya sa pagbaba. Napasunod na rin ako na iniiwan ang kalansay ng usa. Ilang mga puno pa ang aming nalampasan bago ko natanaw ang tuktok ng talon. Mula sa kinatatayuan ko'y naririnig ko ang pagbagsak ng tubig. Nakatago ang ito sa likod ng mga puno kaya kinailangan pa naming maglakad makita lang ang kabuuan nito. Nang makarating sa gilid ng dalam-pasig kita ko na nga ang mahabang talon. Ang tubig na malinaw ay namumuti sa paglusot sa mga nakausling bato't tuluyang babagsak sa malapad na pul ng tubig sa ibaba. Sa gitna ito ng mga luntiang mga puno't halaman na namumula't naninilaw ang mga dahon. Ang pagragasa ng tubig mula rito ang prominenteng maririnig. Hinakbang namin ni Nip ang aming mga paa sa mga bato upang makalapit. Nakuha pa naming tumalon-talon sa mga batong malalaki na nasa tabi ng umaagos na ilog. Matapos ng malalaking bato'y nakapaglakad na kami sa pantay na lupang napalamutian ng mga maliliit na itim na bato. Nilakad naman ito hanggang makarating sa gilid ng malawak na pul ng tubig kung saan nagkatipon din ang may kalakihang bato. Dinala ako ni Nip doon upang magsanay, iyon ang sabi niya ngunit hindi ko alam kung anong pagsasanay ang gagawin ko. "Maghubad ka na ng damit," aniya sa akin pagtayo niya sa tabi ko. Ang mata ko ay sa talon nakapako. Napalingon ako sa kaniya nang ilabas niya ang isang parisukat na tela. "Bakit kailangan kong mag-alis ng damit?" ang tanong ko habang hinuhubad ang pang-itaas. Pinatong ko iyon sa kalapit na bato. Humakbang siya palapit sa akin. "Dahil lulusong ka sa tubig," aniya. Nang marinig ko iyon ay hinubad ko na ang bota kong suot. "Ilalagay ko ito sa mata mo." Tinaas niya ang hawak na parisukat na tela. "Mas mararamdaman mo't maririnig ang paligid dahil dito. Kung maririnig mo na ang lahat ni maliliit na kaluskos ibig sabihin ay bukas na ang lahat ng daluyan ng enerhiya sa katawan mo. Hindi mo lang alam kung paano mo maipapalabas ng naaayon sa gusto mo ang kakayahan mo. Kaya habang nasa tubig ka, isipin mo rin kung paano mo makokontrol ang kakayahan mo. Huwag kang mag-aalala, hindi mapapano ang tubig." "Sige. Ano naman ang gagawin mo?" ang sabi ko sa kaniya sa pagkatalikod ko sa kaniya. Itinali na nga niya ang tela sa akin upang mapiringan ako. Ngunit hindi mo na tinakpan ang mata ko, pinanatili na lang muna sa noo ko ang piring. "Babantayan ka siyempre," aniya nang matapos siya sa pagtali. Sabay kaming napatingin sa kagubatan sa kaliwa nang marinig namin ang isang pagpalahae ng kung anong hayop na sinundan ng iyak ng mga ibon. Nagkatinginan pa nga kami ni Nip. "Puntahan natin, baka iyan na iyang pumatay doon sa usa," ang sabi ko sa balak kong pagsuot sa bota. "Dito ka lang," pigil niya sa akin. "Baka mangangaso lang iyan. Hindi puwede ang pangangaso kalapit ng talon kaya ako na lang ang kakausap." Hinawakan pa niya ako sa dalawang balikat sabay tulak sa akin patungo sa malawak na pul ng tubig. Dumudulas pa ang paa ko sa basang mga bato sa ginagawa niyang pagtulak. "Mag-ingat ka," ang sabi ko nang makarating sa tubig. Nilingon ko siya. "Baka mamaya mabangis na hayop o kung anong nilalang." "Alalahanin mo isa akong trem Kenyon," ani Nip sabay tapik sa akin sa balikat. "Huwag kang mag-aalala. Kapag alam kong delikado hindi na ako lalapit para maging maayos ka rito." "Sigurado ka ba na hindi mo ako isasama?" ang tanong ko sa kaniya. Kumunot ang kaniyang noo sa akin. "Wala ka bang tiwala sa akin?" "Mayroon naman. O siya, alis na," pagtataboy ko sa kaniya. "Imbis na maabutan mo iyong gumugulo sa mga hayop, sa pagtagal mo rito'y hindi mo mahabol." "Huwag mong alisin ang piring. Para sa pagbalik ko'y masubukan kita kung mararamdaman mo ako." Ngumiti naman siya sa akin na itinaas ang kamay sabay tinalikuran na ako. Pinagmasdan ko pa ang kaniyang paglayo. Tumalon-talon siya sa mga bato upang makatawid sa ilog. Hindi talaga maganda ang pakiramdam ko kaya nais kong sumama ngunit gaya ng sabi ni Nip magtiwala ako sa kaniya. Siya rin naman kasi ang lumaki sa mundong iyon. Matapos siyang makatawid tumakbo na siya papasok ng kagubatan, hindi ko na nakita ang likod niya sa paglamon sa kaniya ng mga halaman. Napabuntong-hininga ako nang malalim sa pagbalik ko ng atensiyon sa malawak na pul. Mabuti pa nga talagang bigyan ko ng atensiyon ang pagpapalabas sa aking kakayahan upang makatulong kung sakaling maipit na naman ako. Dahan-dahan kong nilublob ang paa ko sa pag-aakalang manginginig ako sa lamig. Ngunit hindi naman nangyari kahit na sobrang lamig ang malinaw na tubig. Humakbang ako nang marahan hanggang unti-unting nababasa ang pang-ibaba kong katawan. Nanuot ang lamig sa aking balat. Hindi ako tumigil sa paghakbang hanggang 'di umaabot ang tubig sa aking dibdib. Nang maabot na nang tubig ang namumula kong korona sa dibdib, tumigil na ako sabay baba ng piring sa aking mga mata. Kagaya ng sabi ni Nip pinakinggan at pinakiramdaman ko ang lahat; ang pagbagsak ng tubig sa talampas; ang pag-agos ng ilog; mayroong ding huni ng ibon; ang pagsayaw ng mga sanga sa ihip ng hangin; ang pagtama ng hangin sa akin; ang kaluskos sa tabing-ilog. Ngunit may isa pa akong naririnig na kakaiba. Sapagkat tila may bumubulong sa akin, maraming tinig na naghalo-halo kaya hindi ko na maintindihan. Pinakinggan ko nang maigi ngunit hindi pa rin malinaw sa akin ang mga binubulong. Mayamaya'y mayroong humawak na kamay na mabigat sa aking kaliwang balikat na ikinatigil ko sa pakikinig at pakikiramdam. Nang maalala si Nip ang sabi ko'y, "Ang bilis mo naman." Imbis na sagutin ako ng humawak sa balikat ko, pinihit niya ang katawan ko paharap sa kaniya. Napagtanto ko na hindi iyon si Nip kaya hinawakan ko kaagad ang kamay niya na hindi naman niya inalis. Kaya nakuha kong kapain ang braso niyang ramdam kong banat. Pati matigas niyang dibdib ay nakapa ko. Iniisip ko pa rin na kalokohan iyon ni Nip baka binago niya ang katawan niya. Patuloy lang ako sa pagkapa paibaba ng malapandesal na laman sa kaniyang tiyan. Pagkatapos ay pinataas ko ang kamay ko na pinapasadahan parin ang dibdib hanggang makarating sa kaniyang leeg. Panghuli'y tinaas ko sa mukha kaya nakapa ko ang magaspang na balat. Bahagya akong nagulat kasi sumagi sa isip ko Hamish. Bigla nga siyang nagsalita, at si Hamish nga ang nakapa ko. "Ano bang ginagawa mo ha?!" ang matalim niyang sabi na hindi ko pa rin inaalis ang kamay sa mukha niya. Ramdam ko pa rin ang pilat niya na hindi naman pangit para sa akin. "Sinisigurado ko lang kung sino ka," ang sabi ko sabay alis ng kamay ko sa mukha niya baka mamaya masigawan na naman ako. "Sa pamamagitan ng pagkapa? Ba't hindi mo na lang alisin iyang piring mo ha?!" matigas niyang sabi sabay baba ng piring hanggang sa aking leeg. Sa ginawa niya'y napagmasdan ko tuloy nang mas malapitan ang hubad niyang pang-itaas na katawan. Sinalubong ko ang mga mata niyang matatalim ang tingin sa akin. Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung hindi ba siya naasiwa na nakikita ko ang pilat niya sa gitna ng araw sa kinahapunan. Pinakatitigan niya lang din ako na walang sinasabi kaya ako na lang ang nagsalita. "Anong gingawa mo rito?" ang tanong ko sa kaniya. Dinuro niya ako sa noo. "Ikaw ang dapat sumagot sa tanong na iyan, anong ginagawa mo rito?" balik niya sa akin. Nakatayo lang kaming magkaharap, hindi ko makuhang lumayo sa kaniya. "Nagsasanay. Hindi mo ba nakikita?" Tinaas ko pa ang palad ko sa kaniya upang matingnan niya ang tubig. Sumalubong ang kilay niya sa akin kaya binaba ko na ang kamay ko. "Wala ka talagang galang. Tawagin mo akong prinsipe," aniya sa akin. "Bakit ko gagawin iyon?" Wala naman siyang ibang ekspresiyon kaya nanahimik na lang ako't hindi binigyang halaga ang nasabi niya. Nang nakatayo lang ako sabi niya'y, "Umalis ka. Hindi ka dapat pumaparito. Ako lang dapat ang narito sa mga sandaling ito." Hindi ko tuloy maiwasang isipin kung siya ang gumawa nang ingay kanina para mapahiwalay si Nip sa akin. "Hindi naman ito sa iyo." Ang tubig na kinalulubluban namin ay saksi sa aming naging pag-uusap, ninamnam ang mga salitang inilalabas namin ni Hamish. "Pag-aari namin ito. Kinasasakupan pa rin ito ng kaharain namin," ang buong pagmamalaki niyang sabi. Hindi ko nagustuhan iyon kaya hindi ko mapigilang magreklamo. "Kahit na. Hindi pa----" Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang bigla niyang hawakan sa ulo sabay nilublob ako sa tubig. Sa nangyari'y nakita ko tuloy ang hindi ko dapat makita sa ilalim nang malinaw na tubig. Sa lapit ng mukha ko sa pang-ibaba niyang katawan, nanlaki ang mata ko sa karupukan niyang tila inaantay ako upang hawakan ko iyon. Mabuti naman kung maliit lang iyon kaya lamang masyadong malaki. Nang mga sandaling iyon, hindi iyon mahalaga sa akin kaya hindi ko hinawakan. Sa hita niya lang ako napahawak upang maitayo ko ulit ang sarili ko. Hindi naman niya ako pinigilan pa't nakatayo ako kaagad kasabay ng paghabol ng hininga. Inalis ko na rin ang kamay ko sa kaniya. "Ang dami mong sinasabi. Hindi ka nauubusan ng ipangdadahilan sa mga salita ko," ang simple niyang saad na hindi ko pinansin. Napagtuunan ko ng atensiyon ang ginawa niyang paglublob sa akin. "Gusto mo ba akong patayin ha?" paratang ko sa kaniya. Sinalubong niya ang tingin ko. "Sa tingin mo pinapatay ka sa ganoon?" Humakbang siya sa tubig at nilampasan ako. "Ganito kapag pinapatay ang isang tao." Matapos nang sinabi niya'y hinila niya ako sa nakataling piring sa aking leeg. Hinawakan ko ang kabilang dulo niyon upang hindi ako masakal. Hinila niya ako patungo sa malalim na parte na tubig sa mabilis na paghakbang. "Bitiwan mo ako! Mamamatay tao ka!' bulyaw ko sa kaniya. Hindi ko mapigilang pigilan ang paghila niya sa akin dahil nasa tubig kami. Wala akong mahawakan upang matigil siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD