Sa pagpihit ko ng katawan ay sa mag-amang nakaupo sa bilohabang mesa, doon ko lang nabigyan ng atensiyon ang ayos ng bahay. Ang unang palapag ng bahay ay nahahati ng kusina at ng silid na marahil ay para sa ginoo. Napapagitnaan ang mga ito ng dingding na purong tabla. Ang pinto papasok ng silid ay kalapit ng hagdanang paikot patungo sa ikalawang palapag. Sa gitna ng pinto at ng hagdan ay ang sabitang patayong kahoy.
Nakapatong sa gitna ng bilohabang mesa ang isang garapon na nalaman ko kung ano ang laman nang tapikin nang makailang ulit ni Nip. Nagising ang mga malalaking alitaptap sa loob na nagbigay ng liwanag sa kabuuan ng kusina.
"Maupo ka," ang sabi ng ginoo. Sumunod na lang din ako dahil hindi ko alam kung saan aabot ang galit niya sa lalaki sa labas.
Naupo ako sa silya sa kanan ni Nip paharap sa ginoo. "Ano ho iyon?" tanong ko naman sa pag-aakalang ang aalamin niya ang tungkol kay Letloy na hindi ko naman kilala ang buong pagkatao. Ngunit nagkamali ako sapagkat tungkol sa akin ang pag-uusapan namin.
"Bakit hindi ka tumagal rito, Kenyon. Dito ka sa amin tumira. Sa tingin ko ay wala ka namang babalikan sa inyo," sabi ng ginoo sa malumanay na tinig. Nakahinga ako nang malalim dahil doon.
"Paano niyo nalaman?" pag-usisa ko.
"Hindi ka babalik dito kung mayroon." Sinamahan niya iyon nang manipis na ngiti. Samantalang si Nip ay pinaglalaro ang daliri sa katawan ng garapon, ginugulo ang mga aliptaptap.
"Wala nga ho. Patay na ho ang mga magulang ko. Wala rin akong ibang pamilya," sabi ko na lamang.
Pinagpalagay ko na lang na patay na rin ang ama ko dahil hindi ko naman ito nakilala. At wala rin itong nagawa para sa amin ni ina. Hindi ko na rin tinago iyon sa ginoo sapagkat mukhang naman talagang mabuti silang tao. Wala akong nararamdamang hindi maganda sa kanila ni Nip. Malayo kapag kaharap ko si Hamish.
"Samahan mo na kami rito. Maayos naman ang pamumuhay rito liban sa hindi magandang pamamalakad ng ilang mga maharlika tulad ni Hamish," dagdag ni Nip na hindi man lang makuhang tumingin sa akin sa kaniyang paglalaro.
"Tama ang anak ko Kenyon. Para matulungan na rin kita sa kalagayan mo. Maaar akong lumapit sa mga kakilala ko sa ibang kaharian. Pagpapalago sa sarili mo ang dapat mong bigyan ng atensiyon dahil bata ka pa nang maging mahusay ka na trem. Kung ako sa sitwasyon mo iyon ang gagawin ko. Kaya lamang bata pa ako ay alam kong wala akong kakayahan. Hindi gising ang espirituwal at mahikong enerhiya," ang mahabang sabi ng ginoo. Hindi ko naman nabanaagan ng pait ang boses niya.
"Hindi nga ho?" marahan kong tanong.
"Oo pero kaya ko namang gawin ang mga bagay-bagay na hindi kailangan ng kapangyarihan. Pag-isipan mo ang alok namin sa iyo." Tinugon ko siya ng isang tango. "Ano bang naging kalagayan mo nang maunawaan ko?"
Huminga ako nang malalim habang nakatitig sa ginoo. Inilapat ko na rin ang tingin kay Nip na ang atensiyon na ay sa akin. Dapat nga sigurong matulungan ako ng iba.
"Kung ang iba ay kayang kumontrol ng mga elemento sa paligid," pagsisimula ko. Itinaas ko ang palad ko sa mesa. "Sa aklat ng mga magigiting na trem, ang alin mang kakayahang itim ay isang sumpa. Hindi dapat ito mailabas dahil ayon sa kasaysayan ang sinomang nagkaroon nito ay supling ni Homobono, ang taong naghariharian sa nakaraang siglo." Naglabas ako ng kaunting mahikong enerhiya kaya nagkaroon ng awrang mala-usok na walang hugis sa aking pulsuhan. Sumisilip iyon sa manggas ng suot kong pang-itaas.
Napatitig ang mag-ama sa kamay ko. Nang mapuna kong nabubulok ang ibabaw ng mesa, itinigil ko na bago pa mahuli ang lahat at hindi ko makontrol. Ibinalik ko sa ilalim ng mesa ang aking kamay matapos niyon.
"Nakasulat iyon sa kasaysayan?" ang tanong ng ginoo kay Nip na ginantihan nito ng tango. Sumanding ang ginoo sa upuan. "Hindi dapat ganoon. Ano bang sinabi sa iyo ng nasa labas nang humingi ka ng tulong sa kaniya?"
Hindi niya man lang mabanggit ang pangalan ni Letloy. "Sabi niya isipin ko na lang na biyaya talaga ito katulad ng tingin ni ina," simple kong saad.
"Bakit hindi mo nga gawin?" wika ng ginoo.
"Dahil hindi ko siya makontrol kapag pinakawalan ko nang sobra," paliwanag ko.
"Pag-aralan mong kontrolin. Nasubukan mo na ba?" sumunod niyang tanong.
"Oo ilang beses na."
"Iyan ang pagtuunan mo nga pansin. Kung kakayahan iyan, mahirap hanapan iyan ng lunas. Mainam na gamitin mo sa ikabubuti ng pamumuhay mo," sabi ng ginoo. Hindi na rin ako nagsalita pati na rin ang ginoo kahit si Nip ay ganoon din. Namagitan sa amin ang katahimikan sa loob ng ilang sandali hanggang sa mayroong naamoy si Nip.
"Kanina pa ako may naamoy na mabaho. Sino ba ang nakatapak ng dumi sa ating dalawa," ani Nip kaya nagkatinginan kaming dalawa. Imposible naman kasing makatapak kami ng dumi. Suminghot-singhot pa siya. "Pero parang 'di siya dumi. Mukhang binuro."
Sa sinabi niya'y inaangat ko ang kuwilyo ng suot ko sabay amoy sa aking sarili. Napangiwi ako nang masinghot ko ang mabahong amoy na naipon sa katawan ko. Naitaas ko ang kamay ko sa labis na kahihiyan. "Ako ata. Nakuha ko sa demonyo," ang sabi ko ikinatingin nila sa akin. "Pasensiya na ho," dagdag ko sa pagbaba ko ng kamay. Tinawanan ako ni Nip samantalang ang ginoo ay napangiti sa akin.
"Samahan mo na siya Nip para maligo. Lalabas lang ako," utos ng ginoo sa pagkatok ni Letloy sa pinto nang makailang ulit na kinatigil ni Nip sa pagtawa.
Tumayo si Nip sabay senyas sa akin na sumunod na may ngiti sa labi. Kaagad akong tumayo na nakayuko ang ulo, bigla akong nahiya. Bumuntot lang ako kay Nip sa pagdala niya sa akin sa likod ng hagdanan. Dito ay nakatayo ang pintong kahoy na pinasok namin, pagkatapos nito'y binati ako ng maikling pasiyo. Sa dulo ng pasilyo ay naroon ang isa pang pinto at may isa pang pinto sa gilid ng pasilyo.
"Anong gusto mo? Magbabad o maligo lang ng mabilis?" ani Nip na magkasunod na tinuro ang dalawang pinto.
"Kailangan kong magkuskos," ang sabi ko sa kaniya.
"Dito tayo kung pagkagayon," aniya na tumuloy ng lakad patungo sa pinto sa dulo ng pasilyo at atubili akong sumunod. Binuksan niya ang pinto para sa akin kaya nilampasan ko siya. "Puwede kang maghubad ng buong damit dito. Walang sisilip sa iyo. Huwag kang mag-aalala hindi malamig ang tubig dahil pinapaiinit ang tubig mula loob ng bahay bago ilabas," ang mabilis niyang dagdag na tila eksayted siya na makita ko ang nasa labas.
Pagkalabas ko ng pinto'y bumungad sa akin ang parisukat na pul na ginawa lang. Ang gilid nito'y pinagpatong-patong na mga bato. Malinaw ang tubig kaya makikita ang ilalim na mabato na kumikinang sa ilalim ng liwanag ng buwan. Walang bubongan ang paliguan kundi nakapaikot lang na dingding na gawa sa tabla. Mahigit anim na talampakan ang taas ng dingding sa tantiya ko.
"Ayos ito a, Nip," ang sabi ko sa paghakbang ko palapit ng pul.
"Siyempre naman," ang sabi ni Nip na ikinalingon ko sa kaniya. "Pinagawa ko kay tatay." Ginising niya ang mga alitaptap sa garapong nakasabit sa tabi ng pinto. "Tawagin mo lang ako kapag may kailangan ka. Maglinis ka na ng katawan," ang huli niyang sinabi na nakangiti para ako ay asarin.
"Salamat," ang nasabi ko bago siya bumalik sa loob ng bahay.
Sa pagsara ng pinto ng kaniya lang, naghubad na ako ng aking suot. Inalis ko muna ang balabal. Ang inuna kong hubarin ay ang pang-itaas kasunod ng pantalon at pangloob na salwal. Inalis ko na rin ang bota kong suot. Isinabit ko ang mga damit na hinubad sa sabitan na nahanap ko kasunod ng pinto kasama na ang sisidlan at supot ng ginto.
Itinabi ko na rin ang bota kapagkuwan ay humakbang na ako palapit sa pul. Dinampi ko muna ang paa ko't nang malamang mainit nga lumusong na ako sa tubig na lampas sa tuhod ko ang lalim. Bahagya akong nanginig sa pag-upo ko kaya umabot ang tubig sa aking balikat. Nawala rin naman kaagad ang panginginig ko nang alamin ko kung paano umiinit ang pul. Nakita ko ang kawayan na nakabaon sa lupa mula sa bahay, dito lumalabas ang mainit na tubig.
Nilublob ko na lang ang buo kong katawan kasama na ang ulo ko. Lumutang lang sa tubig ang aking makapal at mahabang buhok. Nang maalala na may sugat ako sa noo, naupo ko upang linisin iyon. Sumama sa tubig ang nahugasan na dugo. Ang sumunod kong ginawa'y naghanap ako ng batong paghilod na siyang pinangkuskos ko sa buong katawan kahit sa kasingit-singitan. Nang masiguradong kong nakuskos ko na lahat, nilapitan ko ang lagayan na biniyak na kawayan sa tabi kadikit ng dingding. Nang buksan ko'y nalaman kong katas ng bulaklak. Nanunuot sa ilong ko ang taglay nitong bango. Ginamit ko iyon upang masabunan ko ang aking sarili kasama na ang aking buhok. Nag-anlaw ako sa paglublob ko ulit. Habang nag-aantay sa pagbalik ni Nip naisipan kong ipatong ang aking ulo sa tabi ng pul, talikod sa dingding at paharap naman sa bahay. Tiningnan ko ang mga tala sa kalangitan, hindi ko makita ang buwan dahil sa puwesto ko.
Sa pagpikit ko ng aking mga mata'y naisip ko na naman kung magiging ano ang buhay ko sa mundo na iyon. Sumagi pa nga sa isipan ko si Hamish. Tinanong ko ang sarili ko kung anong ginagawa niya nang mga oras na iyon. Pati na rin kung paano nasunog ang mukha niya.
Naimulat ko lang ang aking mata nang maramdaman ko na may nakatingin sa akin. Nanlaki ang mata ko nang makita ang isang nilalang na sumisilip sa likuran ng dingding. Ang nilalang na ito ay kulay itim na hugis bigas ang mukha. Ang mga mahahaba nitong daliri'y nakakapit sa dingding upang matingnan ako nang maayos. Ang mga mata pa nito'y puting-puti, wala akong makitang ilong o bibig dahil maging iyon ay purong itim. Sa paggalaw ng antena sa ulo nito'y nakita ko ang dulo niyon na pulang hugis mata. Doon ko nalaman na ang sumisilip sa akin ay isang tikling.
Hindi ako nakagalaw kaagad sa pagpahinga dulot ng pagkabigla. Mayroon pa itong sinabi sa akin na hindi ko inasahan.
"Kailangan nating mag-usap," ani ng tikling sa malalim at malamig na boses nito. Kahit sa pagsasalita nito'y hindi ko makita ang bibig niya. "Kailangan mong tanggapin ang---"
Kilala ko ang boses nito.
Natigil ito sa pagsasalita dahil sa ingay mula sa loob ng bahay, tahimik na umalis ang tikling. Napatayo na lang ako sa pul pagkawala nito na siya ring paglabas ni Nip dala ang bihisan ko na sinabit niya sa sabitan katabi ng marumi kong damit.
"Bakit ka nakatayo lang diyan?" ang sabi ni Nip sa akin. Ang mga mata niya'y nasa masilan kong bahagi kaya sinamaan ko siya ng tingin. Nginitian naman niya ako sa paghubad niya ng suot niyang pangitaas na puti at maikling salwal na kayumanggi. "Maliligo rin ako."
Humawak pa siya sa beywang upang ipakita sa akin ang masilan niyang bahagi na pinagmamalaki niya kahit katamtaman lang naman ang sukat ng haba at laki. Hindi roon napunta ang atensiyon ko kundi sa sumilip na tikling sa akin.
"Nalapitan ka na ba ng tikling?" ang tanong ko. Bahagyang kumunot ang noo niya sa paglapit niya sa pul. Nang maalalang binanggit niya iyon kanina inalis niya ang kunot.
"Hindi pa. Sa kakahuyan lang sila naglalagi." Lumusong siya sa pul sabay upo rito. Naupo na rin ako. "Bihira rin iyon dumikit sa mga bahay.
"E bakit iyong tikling, sinilip pa ako," ang sabi ko sa kaniya na muli niyang ikinatayo. Tinuro ko pa ang likuran ko kung saan sumilip ang tikling. Tumalsik ang tubig sa mukha ko sa ginawa niya.
"Sigurado ka?" sabi niya't umalis ng tubig. Lumapit siya sa dingding, tumungtong sa mga malalaking batong naroon upang sumilip. Sinundan ko rin siya at tinabihan. Ang nakita ko lang naman ay ang taniman nila, ang kamalig na purong kahoy din ang pagkagawa sa tabi ng taniman at ang mga punong kalapit ng kamalig. Nilingon ko si Nip sa sumunod niyang sinabi. "Nilapitan ka lang siguro dahil bago ka lang dito. Pasok na lang tayo. Natakot roon."
Siya'y lumakad na lang pabalik sa sabitan ng damit upang magbihis. Ganoon na lang din ang ginawa ko kahit hindi sanay sa pang-itaas na may mahabang manggas.
Dala ko ang hinubad kong damit at gamit sa pagpasok namin na nagmamadali si Nip. Nailing na lang ako na walang sinasabi. Hindi na rin ako lumingon sa labas sa pagsara ko sa pinto. Nauna si Nip sa akin sa pagbalik namin sa kusina. Nasa labas pa rin ang ginoo. Narinig ko na lang ang mahinang pag-uusap nila ni Letloy sa bakuran.
Umakyat na rin ako sa itaas.
Laman ng isipan ko ang sinabi ng tikling sa paglapit ko sa kama upang maupo.
"Tulungan na lang kita para matutunan mong nakontrol ang kakayahan mo," sa sinabi ni Nip nabaling sa kaniyang atensiyon ko. Tumango ako sa kaniyang pag-upo rin sa kama.