Pinili ng binata na paliparin ang kaniyang griping nagngangalang Milpin sa mga kakahuyan. Hindi na sa itaas ng mga ulap. Hindi ko makuhang magsalita sa pagbulusok ng lipad ni Milpin mula sa kalangitan papasok ng kakahuyan. Humihigpit ang kapit ni Barbara sa aking beywang kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkaasiwa.
Sinasabi ng naging hakbang ng binata na ligtas kami sa pagdaan namin doon. Malakas ang naging pagtama ng hangin sa aking mukha sa lalo naming paglapit sa tuktok ng mga puno. Napapapikit pa ako ng isang mata nang hindi tuluyang maluha. Ang binata naman ay wala namang naging problema na animo'y sanay na nga ito sa ganoon. Ang buong atensiyon niya ay sa paglipad upang walang makasunod kung mayroon mang magbalak.
Nang may isang dangkal na lang kami sa mga puno, tiniklop ni Milpin ang kaniyang dalawang pakpak sa paglusot nito sa pagitan ng malalaking puno.
Humugot ako nang malalim na hininga sa muling pagpagaspas ng gripin sa kaniyang pakpak sa panandalian naming pagtigil. Mahigit dalawampung dipa ang taas namin mula sa lupang hindi ko maaninag kung nababalot ba ng mga dahon o hindi. Sa pananatili namin roon, naisipan kong iikot ang aking paningin sa kadiliman ng kakahuyan. Naglalakihan ang mga tuwid na punong-kahoy. Ang mayayabong na mga dahon ay makikita lamang sa tuktok ng puno. Sa katawan ng mga puno'y ni walang sanga-sanga o dahon man lang.
Nararamdaman ko ang presensiya ng isa sa mga demonyong lumalapit sa akin.
"Ayos ka lang ba Kenyon?" ang tanong ng binata sa pananahimik ko. Ang gripin na si Milpin ay patuloy lang sa pagpagaspas ng kaniyang pakpak sa hindi namin pagkilos. Lumingon pa nga ang binata sa akin para malaman kung wala akong naging problema sa kaniyang likuran. Ang ginang naman ay napalingon din sa paligid.
"Oo naman," ang sabi ko sa muli kong pagbalik ng atensiyon sa kaniya. Nararamdaman ko ang kirot ng sa aking dibdib pati na rin ang pagdaloy ng dugong dito. Malapit lang sa amin ang demonyo. "Bakit dito pa tayo dumaan?" dagdag ko upang maiba ang usapan.
"Baka kasi may makasalubong tayo na iba pa. Mahirap na. Malaman pang marunong na akong magtawag ng gripin. Inililihim ko ito sa iba," ang sabi ng binata na may kasunod na tawa. Nakuha niya pa akong tapikin sa balikat. "Mabuti pa ay umalis na tayo. Hindi magandang tumagal tayo rito," dugtong niya sa pagbalik niya ng atensiyon sa harapan. Tinapik niya si Milpin sa leeg kaya mabilis naman itong lumipad sa pagitan ng mga naglalakihang puno.
Sa pagtingin ko sa dilim na sa malayo sa pagitan ng mga punong-kahoy, napansin ko ang mga kulay pulang pares na pinagpalagay kong mata sapagkat ganoon ang hugis na nakita ko. Tila sa amin nakatingin ang pulang mata kaya naitindihan ko kung ano ang ibig sabihin ng binata. Mahiwaga nga't puno ng kakaibang bagay at nilalang ang mundo ng Erda na maaring maglagay sa akin sa kapahamakan.
Ang isang pares ng mata'y nadagdagan hanggang sa hindi ko na mabilang.
Ang mga nagmamay-ari sa mga mata'y sumusunod sa tila nakabuntot din na dilim sa amin. Maya't mayang maglalaho kapagkuwan ay muling lalabas. Mabilis na umiiwas si Milpin sa mga nadadaanang punong-kahoy. Wala akong sinabi kay Nip baka ikatakot niya ang sumusunod sa amin na mga nilalang. Hindi rin ako sigurado kung natatakot siya kaya minabuti kong walang kibo sa pagpapatuloy namin sa lisanin ang kakahuyan. Ang ginang ay tahimik din naman, hindi ko alam kung ramdam niya ang mga sumusunod.
Tumigil lamang ang mga nilalang nang malapit na kami sa katapusan ng kakahuyan. Ang tanging nagawa na lang ng mga ito ay ang sundan kami ng tingin sa paglayo namin.
Hindi rin nagtagal nakalabas na rin kami sa katapusan ng kakahuyan. Naibuka ng gripin na si Milpin nang malapad ang kaniyang dalawang pakpak.
Sa ilalim ng liwanag ng buwan ay nakikita ko ang kapatagan kalapit ng ilog. Ang walang katapusang pinagkukunan ng tubig ay nagmumula sa pagitan ng dalawang bundok na nababalot ng mga kakahuyan.
Napahawak ako sa balikat ni Nip sa paglipad ni Milpin paibaba ng pahilig ng lupang kinatutubuan ng mga mababang punong kahoy patungo sa lambak. Hindi ko tuloy napagmasdan pa ang ibang bahagi ng kapatagan kundi ang bahay lamang na sa tabi ng ilog bandang gitna. Sa silangan ng bahay dikit sa ilog ay ang umiikot na rewedang nagdadala ng tubig sa loob ng bahay.
Umiyak si Milpin hudyat na paparating na kami. Nang isang dipa na lang kami palapit sa bahay, bumukas ang pinto.
Lumabas mula sa bahay ang ginoo at kumaway pa ito sa tuluyan naming paglapit. Binaba nito ang kaniyang kamay sa paglapag ni Milpin ng mga matutulis nitong paa sa lupa.
Sa pagtiklop ng pakpak ni Milpin, sabay kaming tumalon ni Nip mula sa likod nito't nakatayong lumapag, sumunod naman kaagad si Barbara. Nakasunod lang ng tingin sa amin ang ginoo na kunot ang noo, ni hindi ito nasorpresa pagbalik ko. Pakiramdam ko'y inaasahan niya na kasama ako ulit ni Nip.
"Maraming salamat Milpin. Sa susunod ulit," ang sabi pa ni Nip sa malahiganteng gripin. Hinaplos niya ang gilid ng pakpak nito. Pinagmasdan ko lang siya sa ginagawa niya.
"Walang anuman Nip," wika ni Milpin na isang gripin sa malalim na boses nito. Tumaas ang dalawang kilay ko nang marinig ang pagsalita nito.
Tinuka ni Milpin sa ulo si Nip bago ito lumipad paitaas. Naitabon ko sa aking mata ang kanang kamay upang makaiwas na mapuwing ng alikabok na dala ng bugso ng hangin na naiwan ng gripin. Pinagmasdan namin ang paglipad nito kasabay ng paglaho nito sa mumunting ilaw na asul. Nakuha ko pa ngang saluhin ng palad ang mumunting ilaw na nahuhulog habang si Nip ay minamasahe ang kaniyang natukang ulo. Pinakatitigan ko ang mumunting ilaw sa palad ko hanggang sa ito ay naglaho kasabay ng iba pa.
Nabaling ang atensiyon ko sa ginoo nang pagsalitaan nito ang anak na si Nip.
"Hindi ba sabi namin sa iyo! Huwag kang dumaan sa kakahuyan lalo na kapag gabi. Paano kung nakuha kayo ng mga tikling?" ang matigas na sabi ng ginoo. Pinagpalagay ko na ang sinasabi ng mga ito na tikling ay ang nilalang na may pulang mga mata. "
"Inisip ko na baka may sumunod sa amin. Mahirap na. Malaman pa na ako ang nagpapalipad ng espiritu sa kalagitnaan ng gabi," pagdadahilan ni Nip. Tiningnan niya ako bago niya dinagdag ang, "Saka mayroong nangyari kaya kailangang magtago. Umaaligid ang mga demonyo. Sinaniban pa nga si ginoong Rigo."
Pinaglipat-Iipat ng ginoo ang tingin niya sa amin ni Nip bago binaling kay Barbara na sinusuklay ang mahabang buhok na itim habang nakangiti sa ginoo. Lalo lang kumunot ang noo ng ginoo.
"Saan naman ba ang mga kabayo?" ang naitanong ng ginoo na binaling ang tingin kay Nip. "Pati ang mga gulay na tira."
"Iyon nga nawawala iyong mga kabayo. Pinakawalan na naman nina Hamish. Pagkatapos ay sinunog pa niya iyong mga patinda kaya binigay ko na lang sa nag-aalaga ng hayop," paliwanag ni Nip na ikinasama ng tingin ng ginoo. Sa pinapakita nito'y hindi lang isang beses nangyari ang ganoon.
Ang tingin ko ay hindi ko inalis sa mag-ama sapagkat kahit papaano'y natutuwa akong pagmasdan ang mga ito. Hindi nangyari sa akin ang ganoon ni minsan. Ang nanay ko'y hindi ako pinapagalitan kahit na gumawa ako ng mali.
Lumapit sa akin si Nip upang makatago sa mapanuring tingin ng kaniyang magulang. "Sabihin mo sa kaniya Kenyon. Ganiyan iyan kapag umaalis ako ng bahay at kapag nagtutungo ng kabisera. Tingin niya ay kasalanan ko't wala akong magagawang matino," ang sabi ni Nip sa akin. Naghintay naman ang tatay niya sa sasabihin ko.
Hindi na rin ako nakapagsalita nang ang ginoo ay pinansin na ang babaeng kasama namin.
"Sino naman itong babaeng kasama niyo." Tinuro ng ginoo ang babaeng mangkukulam. "Kung makatingin sa akin ay iba."
"Siya si Barbara 'tay," pagbibigay alam naman ni Nip. Pagkasabi niyon ng binata'y humakbang palapit ang babae sa ginoo.
"Henrik," ikinapit ng babae ang kaniyang kamay sa maskuladong braso ng ginoo. Lalo lang magsalubong ang kilay niya, nahihiwagaan sa kinikilos ng babae. "Kumusta ka na? Balita ko ay namatay ka sa digmaan sa pagitan ng mga ahas at oso. Kaya hindi na kita hinanap. Iyon pala'y buhay ka pa. Tingnan mo, matanda ka na rin."
Tumawa pa si Barbara na nakatingin sa ginoo. Dinikit niya ang malusog na hinaharap sa braso nito.
"Lumayo ka nga babae." Tinulak ng ginoo sa noo ang babae ngunit hindi naman ito kumakalas. "Hindi kita kilala."
"Ako ito ang matalik mong kaibigan. Si Letloy," anang babae na may malapad na ngiti.
"Nababaliw ka na babae. Huwag mong mababanggit sa harapan ko ang pangalan na iyan." Ang ginoo na mismo ang umalis sa nakakapit na kamay ng babae sa braso niya.
"Ako nga si Letloy. Bakit hindi ka naniniwala?" ani ng babae na animo'y nasasaktan dahil hindi siya matandaan ng ginoo. "Oo nga pala. Wala ako sa tunay kong anyo," dagdag niya nang mapagtanto ang isang bagay.
Nagulat na lamang kaming lahat nang mabilis na lumapit si Barbara sa ginoo. Hinawakan niya ito ito sa magkabilaang pisngi kapagkuwan ay dinampi ang labi sa nakatikom ng bibig kaharap. Sa ginawa niya'y nabalot ang buong katawan niya ng mumunting liwanag. Sinundan iyon ng pagbabago ng kaniyang pangangatawan. Ang malusog niyang harapan ay lumiit hanggang naging pantay ang kaniyang dibdib. Pati ang buhok niya ay umikli, napalitan ng manipis na tabas na gupit. Ang makurba niyang p********e ay napalitan ng matipunong pangangatawan ng isang lalaki. Doon ko nalaman na isang lalaki talaga si Barbara, iyon ang tunay niyang katauhan. Tumagal pa ang pagkalapat ng labi niya sa labi ng ginoo't tila wala siyang balak alisin.
Sa galit ng ginoo na makikita sa mukha niya'y malakas niyang tinulak si Barbara na mula nang oras na iyon ay matatawag ko ng lalaki. Letloy nga ang pangalan nito kagaya ng sabi nito kanina. Napaatras naman ng ilang hakbang ang lalaki na nakakatawang tingnan sapagkat ang suot ay blusang itim ng isang babae.
"Pumasok na kayo! Bayaan niyo siya sa labas! ang malakas na sabi ng ginoo. Iniwan kami niyang naghihintay na humupa ang pagkagulat. Pumasok na siya ng bahay kapagkuwan ay sinara ang pinto.
Si Nip ay napatingin sa lalaking nagngangalang Letloy. Wala siyang sinabi nang sumunod siya sa kaniyang ama.
Ang nahuling pumasok ng bahay ay ako dahil kinausap ko pa ang lalaki. Binaling ko ang tingin ko sa kaniya nang tingnan niya ang kaniyang mga kamay. Sa tagal niya sa katawan bilang babae'y nanabik siya sa pagbabalik ng tunay na kasarian.
"Pasensiya na ginoo. Nakikituloy lang din ako," ang sabi ko sa lalaki. Nang maalala kong napatitig ako sa malusog niyang dibdib nang una kaming magkaharap at ang pagkayakap niya sa beywang ko'y nagsitayuan ang balahibo ko sa katawan. Hindi ko pinahalatang naririndi ako. Hindi naman niya siguro sinasadya iyon kailangan lang ng pagkakataon.
Sinalubong ng lalaki ang aking tingin nang matapos niyang suruin ang sarili. "Huwag kang mag-aalala. Hindi rin niya ako matitiis. Pumasok ka na baka mamaya pati ikaw ay hindi na rin papasukin," saad ng lalaki.
Niyuko ko ang aking ulo sa lalaki't iniwan ko na nga ito. Nang isara ko nga ang pinto'y pinagmasdan ko pa siya. Isang ngiti pa ang gumuhit sa labi sa tuluyang pagdikit ng sara ng pinto sa hamba nito. Tinanong ko tuloy ang aking sarili kung ano bang naganap sa pagitan nila ng ginoo kaya ganoon na lamang ang galit nito at siya naman ay napilitang magpanggap ba babae.