ISANG napakatamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Chrislynn ng makitang maaliwalas ang kalangitan nang umagang iyon.
"Tamang-tama na maglaba ngayon," aniya bago kinuha ang tasa ng kape sa maliit niyang lamesa at dinala sa labas ng kanyang bahay.
Balak sana niyang maglakad-lakad habang umiinom ng kape. Maganda kasi sa balat ang sikat ng araw lalo na at hindi pa iyon masakit sa balat.
"Anong block ka, ate?"
Nilingon niya ang binatilyong nagtanong niyon sa kanya. "Bakit?"
"May tindahan sa amin. Kapag kailangan mong magpa-load o mamili ng stock mo ng pagkain ay doon ka na lang sa amin bumili."
"Sige," aniya bago ito nilampasan. Buti na lang at hindi ito nagpa-cute sa kanya dahil wala siyang panahon sa mga pa-cute na tao. Isa sa problema niya sa lugar na iyon ay ang pagiging malayo sa lahat. Palibhasa nasa ibaba lang ng bundok kaya malayo sa grocery at sa mismong National Highway. Mabuti na lang at may ilang tindahan na naroon lang din sa loob ng Le Moubreza.
Nagpatuloy siya sa paglalakad at tinahak ang paitaas na parte ng main road sa subdivision na iyon. Napakaganda talaga ng view ng Bundok ng Maria Makiling.
Lumanghap siya ng sariwang hangin at pinuno ang kanyang baga. Hindi rin naman siya nagtagal pa at ipinasya na ring umuwi sa kanyang bahay.
Naabutan pa niya ang ilang construction worker na nag-uusap sa may tapat ng bahay niya. Nang maalala ang flush sa banyo niya ay nilapitan niya ang mga ito.
"Excuse me," agaw niya sa atensiyon ng mga ito. Mga nagtinginan naman sa kanya ang mga ito maliban sa isang matangkad na lalaki na hindi siya nililingon. Nakasuot din iyon ng uniporme ng mga ito kaya alam niyang construction worker din iyon. Kapansin-pansin lang ito dahil sa tangkad nito at sa matikas nitong pangangatawan. Tumikhim siya at iniiwas na ang tingin sa lalaking nakaagaw sa atensiyon niya. "Sino po ang puwedeng pakisuyuan na ayusin 'yong flush sa banyo? Hindi kasi gumagana."
"Ako na ang bahala. Unahin niyo na 'yong dapat ninyong unahin," anang nakatalikod na lalaki sa mga kasama nito.
Haharap na sana siya sa may bahay niya nang harapin naman siya ng nakatalikod na lalaki kanina. Kung hindi niya nahawakan ng mahigpit ang dala niyang tasa ng kape ay malamang sa malamang na nabitiwan niya iyon. Nasurpresa siya sa hitsura ng lalaki. Not a typical construction worker or even a site engineer na madalas niyang makita sa block nila. Bagaman at suot nito ang uniporme ng mga manggagawa roon ay parang hindi pa rin niya ma-imagine na construction worker lang ito roon. He's like a God na bumaba sa langit. Masyado itong guwapo para sa trabahong bilad sa initan ng araw. Mas bagay rito ang maging isang modelo o artista.
Hindi niya mapigilan ang sarili na matulala rito. Parang ang sarap pisilin ng pisngi nito kung totoo ba itong talaga. Maging ito ay hindi rin naialis ang tingin sa kanya. Saglit na rumihistro sa mga mata nito ang tila amusement nang makita siya na mabilis ding nawala.
Bago pa nito mahalata na pinag-aaralan niya ang tindigan at hitsura nito ay mabilis na niyang pinablanko ang sariling anyo. Hindi niya ugali ang magpaka-obvious sa harapan ng isang lalaki. Lalo na kung talagang naagaw niyon ang kanyang atensiyon. Katulad na lang ng lalaki sa kanyang harapan. Tumikhim pa siya.
"Pakiayos na lang Kuya noong flush sa banyo," pakiusap niya rito bago ito tinalikuran.
Sandali pa siyang napapikit ng mariin at napangiti bago nagpatuloy sa paglalakad.
"Kukunin ko lang 'yong pang-ayos sa banyo mo," paalam muna nito.
Likod na lang nito ang nalingunan niya. Pati boses nito ay ang ganda sa kanyang pandinig. Ipinilig niya ang ulo dahil sa awareness na nararamdaman para sa lalaking ito. Napakalakas ng dating nito at hindi niya iyon kayang ikaila. Bagay na ngayon lang niya naramdaman sa isang lalaki. At sa isang construction worker pa.
Katatapos lang niyang hugasan ang tasa na ginamit nang makarinig ng tikhim. Napatingin siya sa may pintuan at nakita roon ang matikas na construction worker. Standing so cool, fresh and gorgeous…
Chrislynn, tama na ang pagpapantasya. Baka mahalata ka ni Kuyang guwapo, saway ng isip niya sa kanya.
"T-Tuloy ka," aniya na mabilis itong nilapitan sa may pintuan. Ngumiti pa siya para hindi ito mailang sa kanya.
Tinanggal muna ng lalaki ang suot na sapatos bago itinapak ang paa sa door mat. Pagkuwan ay sa linoleum na siyang tanging nakalatag sa pinaka-flooring ng bahay niya. Wala pa siyang budget para sa pang-tiles kaya linoleum o floor mat lang ang gamit niya. Muli niyang sinarili ang pagtataka nang makita ang maganda, malinis at maputi nitong paa. Saan nga kaya ito dating nagtatrabaho? Kuwestiyon pa rin iyon sa isip niya.
Kahit na alam niya na alam nito kung nasaan ang banyo ay itinuro pa rin niya iyon dito.
"Kalilipat mo lang ba rito, Miss?"
Hindi agad siya nakasagot sa tanong na iyon ng lalaki. Napaka-suwabe ng boses nito. "Last week lang," aniya nang makabawi.
"Ano'ng mga problema ang na-encounter mo rito?" He ask again while fixing her toilet flush.
"Marami. Isa na ‘yang flush at 'yong mga socket dito ng kuryente. Isang socket lang kasi ang gumana noong lumipat ako. Paano kasi ‘yong wiring ng kuryente sa socket ay putol kaya hindi umabot sa mismong socket. Pero naayos na naman ‘yon noong nagkabit ng kuryente dito sa bahay noong inireklamo ko. Tapos ‘yang alulod," itinuro pa niya ang tinutukoy na alulod sa banyo na may tumutulo. "Kapag umuulan ay tumutulo siya. Ilang beses ko ng sinabi sa engineer na nakikita kong padaan-daan sa labas ng bahay, hindi naman inaayos. Hindi kasi puwedeng ganyan ‘yan dahil once na magpakisame ako ay mabubulok lang ang kahoy na gagamitin ko kung hindi matatapalan ang butas diyan sa alulod. Dapat kasi inayos nilang mabuti ang paggawa dito sa mga bahay. Hindi ‘yong parang pinaglaruan lang nila por que hindi sila ang titira. Kawawa naman kaming maninirahan sa ginawa nilang bahay. Sayang naman ang ibinayad namin. Pinaghihirapan din naman namin ‘yon, eh. Pangmatagalan na bahay ang gusto naming mga buyer dito kaya sana naman dapat ay maayos lahat ng bahagi nito. Tapos 'yong ibang dingding dito ay puro bitak na. Baka kapag lumindol, eh, gumuho na lang itong bahay ko?" Mahaba niyang litanya. Sa haba ng sinabi niya ay hindi niya ito narinig na nagbigay ng komento. Mukhang busy na busy sa inaayos.
Inaksaya lang ang laway ko sa paglilitanya tapos mukha namang hindi nakikinig. Hay, reklamo niya sa isip. Nairapan tuloy niya ang lalaki. Kuuu, pasalamat ito at sobrang guwapo nito. Dahil kung hindi baka nai-flush na rin niya ito sa toilet bowl.
Bago pa mainis dito ay iniwan na niya ito sa banyo. Inayos na lang niya ang palanggana na pagbababaran niya ng mga damit.
"Okay na 'yong flush. 'Yong alulod ng banyo mo ay baka bukas ko na gawin. May gagawin pa kasi kami sa site."
Pagkapahid ng basang kamay sa gilid ng damit niya ay saka niya hinarap ang lalaking naghahatid sa kanya ng matinding pagkailang.
Tinanguan niya ito. "Sige, Kuya, salamat."
Bahagya pang kumunot ang noo nito. Dahil siguro sa pagtawag niya rito ng 'Kuya'. Sigurado naman siya na mas matanda ito sa kanya ng ilang taon. Lalo na at mas mukha siyang bata sa edad niyang bente otso.
Sa huli ay tumango ito bago hinayon ang palabas sa bahay niya. Napatingin pa ito sa helera ng mga pocketbook na naka-display sa kanyang munting shelves. Hindi pa nakuntento at nilapitan pa iyon.
"Collector ka rin ng mga gawa ni Steffi?"
Kilala rin nito si Steffi? Amuse na tumango siya nang lingunin siya nito. Napangiti pa siya. At hayon na naman ang tila sandaling pagkatulala nito sa kanya. Those pair of dark brown eyes, parang gusto siyang tunawin.
"Kilala mo siya?" aniya.
Napakurap ito ng marinig ang boses niya. "Ah... Paborito siya ng mama ko," kaswal nitong sagot. "Lahat ng mga novel na gawa niya ay meron si mama."
Natuwa siya sa sinabi nito. "Talaga?"
"Sa tingin ko nga ay may edad na rin ang author na iyon dahil maging si mama ay gustong-gusto ang mga gawa niya."
Wala pang nakakakilala kung sino nga ba si Steffi, ang sikat na sikat na manunulat ng mga Tagalog Romance na pocketbook. Hindi kasi ito uma-attend ng mga book signing or event na related sa trabaho nito bilang isang manunulat.
"Hindi naman siguro kasing tanda ng mama mo," sabi na lang niya.
Nagkibit balikat ito bago tuluyan ng nagpaalam.
Nang mawala sa paningin niya ang binata ay saka lang siya napairap.
"Wow, huh. Talagang iniisip niya na matanda na si Steffi? Tss."
Bago pa mawalan ng pasensiya ay inasikaso na niya ang kanyang lalabhang mga damit.