Chapter 02

604 Words
"PAMBIHIRA talaga rito," nauubusan na ng pasensiyang wika ni Chrislynn habang pinagmamasdan ang tumutulong parte sa may banyo ng bahay niya. Ilang beses na ba niya iyong naireklamo sa admin ng subdivision nila? Marami na rin, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagawa. May leak kasi sa pinaka-alulod at kapag umuulan ay palaging tumutulo. Isang linggo pa lang siya sa tinitirhang bahay na hinuhulugan niya sa Pag-IBIG. At wala na yatang araw na hindi siya nabubwisit. Kagaya na lang noong unang beses na lumipat siya roon, ilang socket ng kuryente ang walang dumadaloy na kuryente. Isa lang, out of four, ang gumagana. At dahil wala pa siyang metro ng kuryente galing sa Meralco kaya may kahinaan ang daloy ng kuryente na galing mismo sa Le Moubreza.. At sa tuwing nakikita niya ang harapan ng bahay niya ay lalo siyang naiirita. Lupa lang kasi iyon na animo nakatambak pa. At dahil solo lang siya sa buhay at busy sa trabaho kaya hindi niya maasikaso. Samantalang ang bakuran ng kanyang kapitbahay ay maaliwalas tingnan dahil sa mga halamang nakatanim. Habang ang bahay niya ay mukhang out of place dahil sa nakatiwangwang na harapan. Wala pa rin siyang sapat na pera para ipaayos ang harapan at likuran ng kanyang bahay. Open kasi ang kusina niya sa likod bahay. Mag-isa lang siyang namumuhay. Ever since ay wala siyang nakagisnang mga magulang o kapatid dahil lumaki siya sa bahay ampunan. Nasa high school na siya noon ng ampunin siya ng isang Ginang. Akala niya ay magbabago na ang mundo na kinagisnan niya, pero minaltrato lang siya ng umampon sa kanya at inalila. Iyon ang nagbigay sa kanya ng dahilan para takasan ito. Hindi na rin siya bumalik sa bahay ampunan. Sa halip ay namasukan siya sa isang restaurant bilang waitress. Nang makaipon ay pinagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho para lang makatapos sa high school. Ilang trabaho rin ang pinasok niya noon bago siya nakatuntong sa koleheyo. Pangarap niyang makatapos kaya pinursige niya iyon. Sipag, pagtitiis at tiyaga lang ang ginawa niya. Higit sa lahat ay ang pananalig sa Diyos na malalampasan din niya iyon. Nang makapagtapos siya sa koleheyo ay limang taon din siyang nagtrabaho sa isang bigating kompanya. Malaki ang sinasahod niya lalo na ng ma-promote siya bilang manager sa trabaho. Last month lang nang maisipan niyang mag-resign na sa trabaho noong masigurong may sapat ng ipon sa banko. Gusto niyang pagtuunan ngayon ng panahon ang isa sa source of income niya. Ngayon sa awa naman ng Diyos, sa edad niyang bente otso ay nakapagpundar na siya ng sarili niyang bahay kahit na hulugan iyon sa Pag-IBIG. Iyon nga lang, mukhang palpak pa ang nakuha niyang bahay dahil wala na siyang nasabi pang maganda roon. Matapos maligo ay nagbihis na rin agad siya ng damit. Kailangan na niyang simulan ang trabaho dahil malaking halaga ang dapat niyang maipon para maipagawa ang buong bahay. Hindi pa kasi finished ang pader niyon. At balak din niyang palagyan ng second floor para magsilbi niyang silid. Ang kagandahan lang sa kanyang nakuhang bahay ay maaari mong pagawan ng second floor dahil may kataasan ang ceilings niyon. Bukas na lang siya maglalaba ng mga damit niya. Hiling lang niya na uminit kinabukasan. Palibhasa buwan ng August kaya madalas ang pag-uulan. Idagdag pa na nasa baba ng bundok ng Maria Makiling ang kinaroroonan niyang lugar. Ang naturang bundok ang isa sa dahilan kaya niya nagustuhang manirahan doon. Gumagaan kasi ang pakiramdam niya kapag nakikita niya ang Maria Makiling na kitang-kita sa likod ng bahay niya. Iyon na lang ang ginagawa niyang dahilan para ganahan sa pagtatrabaho. Sinuklay lang niya ang buhok bago hinarap ang kanyang laptop at pinagpatuloy ang gingawa roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD