Chapter 04

1102 Words
PAGKA-SAVE ni Chrislynn sa ginagawa sa kanyang laptop ay inatupag na naman niya ang muling pagkatulala sa kawalan. Malapit na siyang matapos sa ginagawa kaya kailangan niya iyong i-push this week. Mukhang kailangan niya ng sariwang hangin para bumalik ang sipag niya sa trabaho. Pagkalapag nang laptop sa kanyang kama ay minabuti muna niyang lumabas ng bahay. Baka sakaling bumalik ang nililipad niyang isipan. Pagkabukas niya sa pinto ng kanyang bahay ay muntik pang tumama sa kanyang mukha ang isang nakayukom na kamay. Maging ang construction worker na akmang kakatok sa pinto ay nagulat nang buksan niya ang pinto. "Whoa! Muntikan mo na akong mabukulan sa mukha, ha," napapatawa pa niyang sabi ng makabawi. Kung hindi siya magsasalita ay baka mahalata nito na muntikan na siyang matulala ng makita ang guwapo nitong mukha. Saang planeta ba kasi galing ang lalaking ito at napakaguwapo para maging isang construction worker lang sa lugar na iyon? Nakaka-distract masyado ang kaguwapuhan nito. Tumikhim ito. "I'm sorry. Pasensiya na," mabilis nitong bawi sa pagsasalita nito ng wikang Ingles. "Aayusin ko sana 'yong alulod sa banyo mo kaya kakatok ako sa pinto. Hindi ko naman inaasahan na palabas ka pala." Bahagyang tumaas ang kilay niya. Bagay kasi rito ang nagsasalita ng English. Parang normal na iyon dito. Naku-curious tuloy siyang lalo sa pagkatao nito kahit na kahapon lang niya ito nakita. Animo may misteryong bumabalot sa pagkatao nito. Gusto niyang magtanong tungkol sa pinanggalingan nito dangan nga lamang at may hiya pa rin naman siyang natitira sa katawan. Isa pa ay baka isipin nitong interesado siya rito. Hindi nga ba? epal ng isip niya. Kaya nga maghapon at magdamag mo siyang iniisip kahapon. Niluwagan niya ang pagkakabukas sa pinto. Iniiwas naman nito ang tingin sa kanya. Siya lang ba itong nagbibigay malisya sa klase ng tinging ipinupukol nito sa kanya? Assuming pa more ang peg niya kung ganoon. Lihim siyang napabuntong-hininga. Napatingin na naman siya sa paa nito nang hubarin nito ang sapatos nito. Sa pangalawang pagkakataon ay muli niyang nasilayan ang maganda at malinis nitong paa. Ipinasok na nito ang dalang hagdan sa loob. Sumunod na rin siya rito nang pumunta ito sa may banyo. "Wala ka na bang iba pang irereklamo?" Napakurap siya nang marinig itong magsalita. Tulala na naman siya rito. Sana lang ay hindi nito iyon halata. "Sa ngayon ay wala pa uli." Sinaway niya ang sarili at nakontento na lang sa panonood sa ginagawa nitong pagtatapal ng kung ano sa alulod na may tagas kapag umuulan. "Okay na ito," anito ng matapos ang ginagawa. "Salamat, Kuya," aniya na hinintay itong makalabas ng banyo. Napatingin na naman ito sa kanya dahil sa pagbanggit niya ng salitang "Kuya". Ayaw ba nito na tinatawag itong Kuya? Sa isip ay napangiti siya. "Bakit?" Kunway taka niyang tanong. "May bayad ba 'yong pinangtapal mo sa alulod?" Kunway tanong niya kahit na alam niyang dahil sa pagtawag niya rito ng Kuya kaya ito napatingin sa kanya. Umiling ito. Parang may gusto pang sabihin dangan nga lamang at may pumipigil dito. "Wala," imbis ay tipid nitong sabi bago ipinasya ng dumiretso sa labas ng bahay niya. Umupo pa ito sa may pinto at nagsuot ng sapatos. Bakit ganoon? Sobrang iba ang nararamdaman niya sa presensiya nito? Weird. Palibhasa ay iyon pa lamang ang unang pagkakataon na makaramdam ng ganoon sa lalaki kaya naguguluhan siya sa nararamdaman. Napalunok siya nang may maisip. Diyata't crush na niya ito? Sa isip ay humalakhak na siya. At sa edad na bente otso pa niya iyon naramdaman para sa isang lalaki. Napapailing tuloy siya habang nakatitig sa likod ng binatang hanggang ngayon ay hindi niya alam ang pangalan. Nang matapos ito sa pagsasapatos ay lumabas na rin siya sa bahay niya. Nakita pa niya ang kapitbahay niyang si Maritoni na nakatingin sa kanya bago inilipat ang tingin sa lalaking manggagawa. Tulad niya ay solo rin itong nakatira doon. "Hi, Kirst!" Napatingin siya sa lalaki nang lingunin nito si Maritoni. Kirst pala ang pangalan nito. At mukhang type ng kapitbahay niya. Maganda si Maritoni at sa isang linggo niyang pamamalagi roon ay talagang palaayos ito kapag nakikita niya. Samantalang siya ay basta na lang maipusod ang buhok na may ilang hibla pang nakalaglag. Iwinahi niya ang hiblang naligaw sa mukha niya at dinala iyon sa likod ng tainga niya. Tipid na ngiti lang ang ganting-bati ng lalaki kay Maritoni bago nagtuloy-tuloy sa pag-alis. "Type mo rin siya?" Mayamaya ay baling ni Maritoni sa kanya nang makaalis ang binata. Binalingan niya ito. "Hindi," sagot niya sa tanong ni Maritoni. Tumaas ang isang kilay nito. "Talaga lang, ha? Baka isang araw ay makita rin kitang nagpapa-cute sa kanya?" Pinilit niyang ngitian ito. "'Wag kang mag-alala kasi hindi ang kagaya niya ang type ko. Hindi ako pumapatol sa isang construction worker lang." Ang bad mo, Chrislynn Rose! "Ang hard mo naman, 'Te. O, Kirst, dinig mo naman ang sinabi nitong kapitbahay ko. Hindi niya raw type ang mga construction worker lang." Tila itinulos siya sa kinatatayuan nang malingunan si Kirst na bumalik para kunin ang naiwan nitong hagdanan. Napipilan tuloy siya. Para siyang nakagawa ng isang malaking kasalanan dahil guilty ang pakiramdam niya. Ang hard nga naman ng sinabi niya. Minsan talaga kung ano-ano ang nasasabi niya para lang makaiwas sa ganoong topic at depensahan ang sarili. Walang mababakas na kung ano mang emosyon sa mukha ni Kirst. Blanko iyon. Ngunit alam niya na nasagi niya ang p*********i nito. Inayos nito ang nirereklamo niya sa bahay niya tapos makakarinig pa ito ng masakit na salita mula sa kanya. Me and my big mouth... Patawad po. "Hindi ko rin naman siya type." Okay na sana, eh. Sa isip ay sobrang guilty siya sa nasabi. But hearing what he just said, bakit parang nakaramdam siya ng kurot sa dibdib niya? Siya pa yata ang mas apektado ngayon? Erase, erase, erase. Pero nandoon pa rin ang munting kirot. Huminga muna siya ng malalim bago pinilit na ngumiti. "See?" Baling niya kay Maritoni. "The feeling is mutual," aniya bago umalis sa harap ng bahay niya. Muntik pa siyang madulas sa pagbaba sa may semento dahil sa lupang tinatapakan. Mabuti na lang at nakabalanse agad siya. Alam niyang nakatingin sa kanya si Kirst dahil ramdam niya ang titig nito sa likuran niya. Siguro pinagtatawanan na siya nito ngayon at naisip na bakit hindi pa siya natuluyang madulas? Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad at hindi na nilingon pa ang mga ito. Nakaramdam man ng pagkapahiya ay pinilit niya iyong baliwalain. Nang makabalik naman siya sa bahay niya mula sa kalahating oras na paglalakad-lakad ay muli siyang nagkulong sa loob. Ayaw niyang makita kahit na anino ni Kirst at Maritoni. Nakaka-bad vibes lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD