Chapter 05

1990 Words
WALA sanang balak si Chrislynn na buksan ang pinto ng bahay niya. Dangan nga lamang at nakakarinig siya ng kung ano na nagmumula sa labas. Partikular sa tapat ng bahay niya. Maingat na binuksan ni Chrislynn ang pinto ng bahay niya at idinungaw roon ang ulo. Natigilan pa siya sa nakita ng mga mata. "A-Ano'ng ginagawa mo?" Nag-angat ng mukha ang pawisang si Kirst. Namumula na ang mukha nito dulot ng matinding sikat ng araw. "Hindi mo ba nakikita? Inaayos ko ang harapan ng bahay mo." Pinalampas niya ang pamimilosopo nito. Hinaharangan kasi nito ng hollow blocks ang harapan ng bahay niya. Kagaya ng harang sa magkabila niyang kapitbahay. Mukhang kanina pa nito ginagawa iyon dahil may munti na rin iyong hagdanan. "Pero hindi ko naman pinapagawa 'yan, eh." "Puwede mo naman itong i-request para hindi kumakalat ang lupa sa kalsada sa harap ng bahay mo kapag umuulan. At para hindi rin mukhang may bundok dito sa harapan," anito habang patuloy sa ginagawang pagsesemento sa hagdanan na dalawang baitang lang ang taas. Magkakaroon pa yata siya ng dagdag na utang na loob sa guwapong lalaki na ito. Iyon nga kaya ang dahilan nito o dahil tatanga-tanga siya noong minsan dahil muntikan na siyang madulas sa pagbaba sa may kalsada? At dahil nakakaawang tingnan ang harap ng bahay niya kaya nagmagandang loob itong gawin iyon? Wala rin siyang ideya sa tinatakbo ng isip nito. Napabuntong-hininga siya kapag kuwan. "Hindi ko naman alam na puwede pala ang mag-request ng ganyan." Ang alam kasi niya ay may construction ban kapag pinaayos ang harapan ng bahay. Limang libo iyon. At dahil mahal kaya hinahayaan lang niya na nakatiwangwang ang harapan niya. Kung alam lang niya na puwede ang mag-request ng ganoon ay noong isang linggo pa niya ginawa. Wala naman kasing nabanggit sa kanya si Maritoni nang makakuwentuhan niya ito noon tungkol sa mga bahay roon. Muli siyang pumasok sa loob ng bahay at minabuting ipagtimpla ng malamig na maiinom si Kirst. Para kahit paano ay maibsan ang init na nararamdaman nito dulot ng santing na sikat ng araw sa labas. Nilagyan pa niya ng cube ice ang tall glass bago iyon sinalinan ng malamig na orange juice. Dala ang tall glass at pitsel na lumabas siya ng bahay niya. Napatingin pa sa kanya si Kirst ng ilahad niya sa karapan nito ang isang baso ng juice. "Magpalamig ka muna," aniya na saglit lang sinalubong ang tingin nito. Ngayon niya napansin na maganda ang mga mata nitong matiim kung makatingin. Expressive eyes. "Salamat," anito na tinanggap ang juice at agad na ininom. Dala siguro ng uhaw kaya naubos nito iyon. Muli niya iyong sinalinan at naubos uli nito. "Gusto mo pa?" "Okay na. Salamat." Kinuha niya rito ang baso at ipinatong sa tabla na malapit dito kasama ang pitsel. "Masyadong mainit ang sikat ng araw at masakit sa balat. Bakit hindi mo na lang ipagpabukas ‘yan para nahaharangan ng bundok ang sikat ng araw? Hindi ka pa matututong diyan." Lubugan kasi ng araw ang harapan nila kaya direkta ditong tumatama ang sikat ng araw. Wala pa namang puno roon na maaaring pagkanlungan. "Kung hindi ka pa papasok sa loob ng bahay mo ay ikaw ang matututong diyan. Kaya nga construction worker ako, natural lang na sanay ako sa initan." Hindi nakaligtas sa kanyang pandinig ng pagdiinan pa nito ang salitang 'construction worker'. Hindi pa rin ba ito maka-move on sa sinabi niyang iyon kaninang umaga? Affected much? "Ubusin mo na lang 'yang juice," sabi na lang niya bago ito iniwan doon at pumasok sa loob ng bahay niya. "DINIDIBDIB mo masyado 'yong bahay sa may block fourteen, Sir." Nilingon ni Kirst si Allan na isa sa mga sinasamahan niyang construction worker. Mga tauhan ni Abling na siyang pumalit na contractor sa dating humahawak ng project na iyon na siyang dahilan ng sabotahe sa paggawa ng ilang bahay sa Le Moubreza. Maayos naman ang mga tauhan ni Abling at pulido ang mga bahay na ginagawa ngayon. Lima kasi ang contractor nila roon dahil ginagawa pa rin hanggang ngayon ang mga town houses doon na nasa bungad ng Le Moubreza. Sa mga raw houses naman ay may ilang blocks pa rin ang itatayo at kasalukuyang ginagawa. "Hindi niyo kasi ginagawa 'yong harapan noong bahay sa lot sixteen. Dapat kapag may nakatira na ay nagkukusa na kayo." Napakamot ito sa ulo. "Hindi naman kasi inuutos sa amin ni boss Abling. Nakiusap lang din ang ibang home owners sa site engineer kaya inaayos 'yong harapan nila. Saka hindi naman daw iyon kasama sa gagawin namin at dapat ay ang mga home owners na raw ang magpapaayos niyon." "Kung pantay sa kalsada ang lupa ay kahit hindi niyo na harangan ng hollow blocks. Pero kapag ganoong mataas ang tambak ng lupa ay inaayos dapat kapag may lilipat na." Napabuga ng hangin si Kirst. Kailangang sabihin niya iyon sa pinaka-head engineer ng Le Moubreza. "Abling!" Napalingon siya sa pag-aakalang naroon ang contractor na si Abling. Napakunot-noo siya ng payapayan ni Allan ang isang aso na may lahing Labrador. "Abling din ang pangalan ng asong 'yan?" Iyon ang aso na palaging kasama ng ilang construction worker na umuuwi sa may Towns Ville kung saan may barracks ang mga ito. "Ah, opo." Tumawa pa ito ng tila may maalala. "May kuwento ang aso na ‘yan saka si boss Abling. Paano kasi itong aso na ito palibhasa karne ang kinakain kaya 'yong manok ng kapitbahay ay pinagdiskitahang kainin. Sa galit noong may ari ng manok ay nagsisigaw noong gabi. Sabi, eh, lumabas ka riyan, Abling! Babarilin kitang hayop ka!" Nahawakan pa nito ang tiyan dahil sa katatawa. "Akala ni boss Abling ay siya 'yong tinutukoy kaya halos tatlong araw na hindi siya naglabas sa bahay niya dahil sa takot na baka mabaril." Napangiti siya sa kuwento nitong iyon. "Bakit kasi Abling din ang pangalan niyang aso?" nangingiti pa rin niyang tanong. Nagkibit-balikat ito. "Ewan ko rin, Sir. Nadatnan ko na lang na ‘yon ang pangalan ng asong ‘yan ng magtrabaho akong helper ni boss Abling." "Ah," sabi na lang niya. Nang magpaling siya ng tingin sa bandang itaas, kung saan tanaw ang mga raw houses ay nagsalubong ang kilay niya. "Ano'ng ginagawa niya?" mahina niyang anas. PINALIS ni Chrislynn ang namuong pawis sa kanyang noo. Kailangan niyang mapatag ang lupa sa harap ng bahay niya para maganda-ganda na ring tingnan ang harapan niyon. Balak din niyang taniman ng bermuda grass ang bakanteng lupang iyon para maaari niyang tambayan pagdating ng panahon. Gamit ang nahiram na pala sa kapitbahay ay muli niyang pinala ang nakatambak na lupa. "Bakit ikaw ang gumagawa niyan?" Natigilan na naman siya ng malingunan si Kirst. Kailan kaya ito papangit sa paningin niya? Umayos siya ng tayo at hinarap ito. Napaatras pa siya ng lumapit ito sa kanya at ilahad ang kamay. Napatitig siya sa kamay nito na hindi rin basta-basta kung susuriin. "Ako na ang magpapatag. Akin na ‘yang pala." Napakurap siya ng muling marinig ang boses nito. Ibinalik niya ang tingin sa mukha nito bago umiling. "Hindi na. Kaya ko na naman, ikaw na nga ang gumawa nitong harang sa harapan ng bahay ko. Masyado ng abala kung pati pagpapantag dito sa lupa ay ikaw pa rin ang gagawa. Hindi naman kita pasuweldo kaya hindi mo na ito kailangang gawin. Magbilang ka na lang ng hollow blocks doon sa site niyo," pagtataboy pa niya rito. Masyado ng nakakahiya rito kung maaabala na naman niya ito. "Tinutulungan ka na nga ayaw mo pa?" anito na hindi pinansin ang huli niyang sinabi. Gusto niyang mapasimangot sa sinabi nito. Aminado naman siya sa sarili niya na mahirap din ang magpala ng lupa dahil may kabigatan din ang pala. Malapit na nga siyang magkalibtok sa kamay. "Kung mapilit ka, bahala ka," aniya na ibinigay na rito ang pala. Nakontento na lang siya na panoorin si Kirst ng magsimula itong magpala ng lupa. Pati paggalaw nito ay napakasuwabe. Iyong tipong masyadong hot ang dating na makokontento ka na lang na panoorin lang ito sa ginagawa nito. Simpleng gesture pero malakas ang dating. Kung totoong simpleng tao lang ito ay masyado itong masuwerte dahil sa pinagpala nitong anyo. Sigurado siya na kapag ninakawan niya ito ng picture at p-in-ost niya sa social media ay tiyak niyang magba-viral iyon at may chance na sumikat ito. Ipinilig niya ang ulo. Baka kasuhan pa siya nito kapag ginawa niya iyon. Halata naman sa hitsura nito na hindi ito iyong tipo na pasikat at attention seeker. Napabuntong-hininga siya pagkuwan. Nadagdagan na naman ang utang na loob niya rito dahil sa pagmamagandang loob nito na patagin ang harapan ng bahay niya. Habang pinapanood ito ay biglang may pumasok na ideya sa isip niya. Napangiti tuloy siya. Madadagdagan na naman ang tatrabahuhin niya. Ilang gabi lang niya iyong pagpupuyatan at sigurado siyang matatapos niya ang balak gawin. "May nakakatawa ba?" Napakurap siya nang mapatingin dito. "M-May sinasabi ka?" "Bigla ka na lang ngumingiti riyan." Ususero din ang lalaking ito, ha? "May naisip lang ako." "Kung pinagnanasahan mo na ako ngayon. Itigil mo na at wala kang mapapala," anito na nakatuon na ang atensiyon sa pagpapala. Ano raw? Hindi tuloy maiwasan ang pagtaas ng kilay niya. "Wow, huh. Hiyang-hiya naman ako sa iyo. Si Maritoni lang naman ang nagtitiis na pagnasahan ka rito sa Le Moubreza." "Sigurado ka?" Ngumisi pa ito nang mag-angat ng tingin sa kanya. Hindi niya napaghandaan ang ngisi nitong iyon. Ngisi pa lang iyon at hindi ngiti pero matindi ang dulot sa kanya. Napalunok siya bago tumango. "O-Oo." Maliban na lamang kung marami ring naaagaw pa ang atensiyon ng dahil dito. Hay, ito na talaga ang guwapo. Nagpalinga-linga siya. Lalagyan pa nga pala niya ng graba ang likod bahay niya para hindi nagpuputik kapag umuulan. May namataan siyang mala-bundok ng graba sa 'di kalayuan. "Sinisipag ka naman ngayong tumulong sa kapwa mo, 'di ba? Baka puwedeng pakihakutan na rin ng graba sa may kusina ko? Nagpuputik kasi sa likod kapag umuulan." "Hindi libre 'yong graba na tinitingnan mo." Naglapat ang labi niya sa sinabi nito. Samantalang ang ibang bahay, eh, wagas kung kumuha ng graba na ginagamit ng mga manggagawa para itambak sa bahay ng mga ito. Tapos sa kanya ay hindi libre? Puwes, uutay-utayin niyang hakutan ng graba ang kusina niya kapag nagsiuwian na ang mga construction worker para walang makakita sa pandarambong na gagawin niya. Napangisi siya ng nakakaloko. Wais ito, aniya sa isip. "Ganoon ba? Sige, pagtitiyagaan ko na lang 'yong mga basag na hollow blocks sa site niyo. Dudurugin ko na lang para may maitambak ako sa kusina ko. Para hindi na magputik. Siguro naman ay libre na 'yong mga durog na hollow blocks," pagpaparinig pa niya rito. Sinulyapan siya nito bago muling ipinagpatuloy ang pagpapala. Hindi man lang ito nagkomento kaya napabuga siya ng hangin. Hanggang sa matapos ito sa pagpapatag sa lupa ay wala itong komento sa sinabi niya kanina. "Malamig na tubig, gusto mo?" Alok niya rito sa hawak niyang baso. Tinanggap nito iyon. "Salamat." Nginitian niya ito ng ibalik sa kanya ang naubos na tubig sa baso. "Salamat din sa pagpapatag ng lupa." He just nod without any trace of smile on his firm lips. Kailan kaya niya ito makikitang ngumiti sa kanya? Pinaglihi siguro ito sa sama ng loob ng nanay nito. Dinala na lang niya sa kusina ang basong ginamit ni Kirst. Pagbalik niya sa labas ay wala na roon ang binata. Tanging pala na lang na nakasandal sa isang sulok ang naroon. Inilibot pa niya ang tingin sa paligid. Ngunit hindi na niya makita pa kahit dulo ng buhok nito sa ulo. "Para siyang kabuti na bigla na lang sumusulpot. At parang bula na bigla na lang nawawala." Naiiling na isinauli na lang niya sa kapitbahay ang palang hiniram niya. "Salamat po, Inang Inday." "Walang anuman. Ang sipag noong construction worker na gumawa ng harapan mo, ah." "Ah, nagmagandang loob po na tulungan ako sa pagpapatag ng lupa. Nakita po sigurong nahihirapan akong magpala," palusot niya. Nagpaalam na rin siya rito at baka kung saan pa humantong ang usapan.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD