Chapter 06

1478 Words
"KAMUSTA ka naman sa site ng Le Moubreza, anak?" "Okay naman, 'Pa. Tsini-check ko isa-isa ang bahay na hawak ng dating contractor doon. Inuuna ko ang block eighteen. So far, naaayos ko naman ang ilang problema ng mga residente regarding sa inirereklamo nilang kapalpakan sa unit ng bahay nila." Napatango-tango ito. "Salamat anak sa tulong mo. Alam kong busy ka rin sa negosyo natin sa Cebu." "Sino pa po ba ang magtutulungan? At isa pa ay puwede ko namang i-check online ang negosyo natin doon," aniya para hindi na ito mag-alala pa sa naiwan niya roong negosyo. Babalik lang siya sa Cebu for good kapag naayos na ang problema sa Le Moubreza. For now, kung ano'ng maaari niyang maitulong sa nasabing lugar ay gagawin niya. "Salamat, anak. Anyway, namumula na ang kutis mo," pansin pa nito sa kulay niya. Ipinagkibit-balikat lang niya ang sinabi ng ama. Isang beses lang naman siyang nababad sa arawan. Iyon ay noong ayusin niya ang harapan ng bahay sa may block fourteen. Napabuntong-hininga siya nang muling maalala ang babaeng nakatira doon. A simple girl with a simple life. Napag-alaman niya sa mga tauhan doon na solo lang na nakatira doon ang babae. Hindi lang niya alam kung ano ang pangalan nito. Napangiti siya ng bahagya nang maalala ang maamo at maganda nitong mukha. Mukhang unang kita pa lamang niya rito ay may kung ano ng impact sa pagkatao niya ang nabuhay bigla. Kahit pagmasdan niya ito ng matagal ay hindi rin niya pinagsasawaan. "May dinner nga pala tayong pupuntahan bukas. Gusto ka ring makilala ng amiga ng mama mo." Awtomatiko ang pagsasalubong ng kilay niya nang muling marinig ang boses ng ama. Para siyang nabalik sa realidad matapos agawin ng maamong mukha ng babae sa Le Moubreza ang kanyang isipan. He smell something fishy about that dinner thingy. "Baka hindi po ako makasama." Kilala niya ang kanyang ina. May binabalak na naman ito. Tinapik siya nito sa balikat. "Pagbigyan mo na ang mama mo." "Kailangan ko na rin po kasing bumalik sa Sto. Tomas bukas ng tanghali." "Sa isang araw na, hijo." Sandali pa siyang napapikit nang marinig ang boses ng kanyang ina. Kapag ito na ang nakiusap at nangulit, hindi na niya ito matanggihan. Pero sisiguraduhin niya na hanggang dinner lang ang mangyayari bukas. Ipinaskil niya ang isang ngiti nang lingunin ang kanyang ina. Naagaw agad ng hawak-hawak nito sa kamay ang kanyang atensiyon. It was a pocketbook na gawa ni Steffi. Naalala niya bigla ang babaeng kompleto rin sa collection ng mga akda ni Steffi kagaya ng kanyang ina. Sigurado siya na magkakasundo ang mga ito pagdating sa bagay na iyon. "Kirst?" untag ng kanyang mama. Napakurap siya bago nag-angat ng tingin dito. He sigh. "Just a dinner, 'Ma," pagpayag niya. IPINIKIT muli ni Chrislynn Rose ang kanyang mga mata nang maalimpungatan. Sinubukan niyang bumalik sa pag-idlip ngunit tuluyan ng nagising ang kanyang diwa. "Five minutes pa," anas niya. Nanatili lang siyang nakapikit. May ilang araw na rin niyang ginagawang umaga ang gabi dahil sa tinatapos niyang trabaho. Mayamaya rin ay ipinasya na niyang bumangon. Sinulyapan muna niya ang maliit niyang orasan sa ibabaw ng kanyang damitan bago ipinasyang maghilamos at magbanyo. Alas kuwatro na ng hapon ng mga sandaling iyon. Tulala pa siya matapos magtimpla ng kanyang paboritong kape. Malapit na ang kapaskuhan, ilang buwan na lang din ang palilipasin. At simula ng umalis siya sa bahay ampunan ay mag-isa na lang niyang idinaraos ang kapaskuhan. Mas madalas ay idinadaan na lang niya iyon sa pagtulog at hinahayaang lumipas ang naturang araw. Maybe, same with this year. Iwinaksi na ni Chrislynn ang bagay na iyon sa kanyang isip. Baka madala pa niya hanggang mamayang gabi at mawala pa siya sa pagko-concentrate sa tinatapos na trabaho. Dala ang kape na hinayon niya ang pintuan ng kanyang bahay. Pagkabukas niya sa pinto ay natigilan pa siya sa nabungaran ng kanyang mga mata. "Hala," bulalas niya na agad inilibot ang tingin sa espasyo sa harapan ng bahay niya. Ikinurap-kurap pa niya ang mga mata para masigurado ang nakikita. Totoong may nakalatag na roong bermuda grass at hiwa-hiwalay na square na may kalaparang bato na nakahanay mula sa tapat ng pinto papunta sa may dalawang baitang niyang hagdanan. Iyon ang magsisilbing tapakan ng dadaan doon. Sa pagkakatanda niya, bago siya matulog kaninang alas sinko ng umaga ay purong lupa pa ang makikita sa harapan ng bahay niya. Ngunit ngayon ay nalalatagan na iyon ng bermuda grass na balak rin niyang itanim doon kapag may nakuha siyang d**o. Isang tao lang ang bigla niyang naisip na posibleng gumawa ng bagay na iyon, si Kirst. Ganoon na lang ang pagsikdo ng puso niya. Napalunok siya bago mabilis na tinanaw niya ang site kung saan madalas niya itong makita. Hindi niya ito matanawan. Pero hindi siya puwedeng magkamali. Ito lang naman ang magtitiyagang ayusin ang harapan ng bahay niya without her consent. "Ibig sabihin ay bumalik na siya," anas pa niya. Ilang araw din kasing missing in action ang construction worker na si Kirst. Pansin niya iyon dahil hindi niya ito nakikitang nagpapagala-gala. Nakaramdam siya ng excitement sa kaalamang naroon na uli si Kirst. Impit na sumilay ang isang ngiti sa kanyang mga labi. Huminga muna siya ng malalim bago ipinasyang hanapin ito para kunwa'y komprontahin. Daig pa nito ang isang manliligaw na todo effort sa babaeng nililigawan nito. Pero dito na rin naman nanggaling na hindi siya nito type. Iwinaksi na niya iyon sa kanyang isipan. Pahigop-higop pa siya ng kape habang naglalakad. Sa block seventeen niya nakita ang kanyang pakay. Natigilan pa siya nang makita kung ano ang ginagawa ni Kirst. Kagaya sa harapan ng bahay niya ay nilalagyan din nito ng bermuda grass ang espasyo sa harapan ng bahay na kinaroroonan nito ngayon. Unti-unti tuloy napalis ang ngiti sa mukha niya. Partikular sa labi niya. "Assume pa more, Chrislynn Rose Dariosol," pang-aasar niya sa kanyang sarili. Naiiling na nag-about face siya at bumalik sa kanyang bahay. Hindi lang pala siya ang ginagawan nito ng pabor. Masyado lang siyang assuming. Matapos ubusin ang kanyang kape ay ipinasya niyang diligan ang bagong tanim na bermuda grass sa harap ng bahay niya. Kahit paano ay hindi na rin niya po-problemahin kung saan siya kukuha ng itatanim na d**o. Mga halaman na lang ang aayusin niya. Nang matanawan si Kirst ay inilapag muna niya sa may sementong hagdan ang maliit na timba. "Hey!" Tawag niya rito. Pinayapayan pa niya ito na lumapit sa kanya ng tingnan siya nito. Lumapit naman ito habang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Buong tatag naman niyang sinalubong ang tingin nito. Geez! Bakit pakiramdam niya ay sobrang na-miss niya ang binata? Ano ba’ng nangyayari sa kanya? Weird. "Bakit?" Tanong nito nang makalapit sa kanya. Bakas pa sa kamay nito ang bahagyang putik. Iminuwestra niya ang nakalatag na bermuda grass at mabilis na iwinaksi ang pagkatulala rito. "Ikaw ang gumawa nito, 'di ba?" Pinakatitigan pa niya ito. May munting ngiti sa mga mata nitong hindi nakaligtas sa kanyang matalas na paningin. Dahil ba nakita siya nito? O dahil amuse lang sa kanya? Mag-a-assume na naman ba siya? Tumango ito. "Maraming natirang bermuda grass na itinanim sa dalawang model house ng town house dito sa Le Moubreza. Kaysa itapon ay mas okay na rin na mapakinabangan ng iba." Napatango-tango siya. Galing pala iyon sa model house ng town house sa lugar nila. "Ganoon ba... Nakakagulat lang, kasi paglabas ko ng bahay ay 'yan ang makikita ko. Natulog lang ako tapos paggising ko, eh, hindi na mukhang ewan itong harapan ng bahay ko. Anyway, thank you sa effort," aniya na ipinamalas pa rito ang totoong ngiti niya. "Akala ko ba hindi ka magpapa-cute kay Kirst, Chrislynn?" Napalis ang ngiti niya nang malingunan si Maritoni na nakataas ang isang kilay sa kanya. "H-Hindi naman talaga ako nagpapa-cute sa kanya," mabilis niyang depensa. "Nagpapasalamat lang ako dahil sa nilagay niyang bermuda grass sa harapan ng bahay ko." "Sus, if I know sa pagpapa-cute mo rin pupunta ‘yang pagti-thank you mo sa kanya." Sarap irapan ng kapitbahay niyang ito. Bahagya niyang itinaas ang kamay. Ayaw na niyang makipagtalo pa ng dahil lang sa isang lalaki. Nginitian pa niya ito. "O siya, tama na dahil walang kuwenta itong pinagtatalunan natin. Hindi naman kita aagawan kay Kirst. Sayong-sayo na pati." Nang balingan niya si Kirst ay nakatingin lang ito sa kanya. Isa pa ang lalaking ito, nakakainis ang pagiging guwapo. Masyadong danger zone. Na kahit construction worker lang ito ay dinaig pa ang kakisigan ng prime minister ng Canada. Pati puso niyang nananahimik ay ginambala nito ng walang ka-effort-effort. "Salamat na lang uli," aniya na iniwan na ang mga ito. Pagkakuha sa timba ay pumasok na rin siya sa loob ng bahay niya. Nang maisara ang pinto ay napasandal pa doon si Chrislynn. Bakit ramdam niya na sobrang apektado siya sa presensiya ni Kirst? Nahawakan niya ang dibdib na animo may naghahabulang kabayo dahil sa bilis ng kabog niyon. Napabuntong-hininga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD