Matapos na maayos nila Raul at Nathan ang kanilang mga gamit sa loob ng kwarto ay lumabas na rin sila. Ipinapatawag na sila ni Mr. Yao kaya nagmadali na silang magtungo sa kwarto nito dahil kakauwi lang nito galing sa hospital.
“Nabalitaan ko ang nangyari kanina kay Sophia at ikaw daw ang nagligtas sa kanya maraming salamat Nathan.” Wika ni Mr. Yao. Nakaupo naman sa tabi nito si Sophia at nakangiti lamang na nakatingin kay Nathan.
“Wala pong anuman Mr. Yao.”
“Bueno, dahil tinangap niyo ang inaalok kong trabaho. Sana ay protektahan niyo ang pamilya namin lalo na ngayon hindi naming alam kung sino ang mga kaaway. Ipinahanap ko na rin si Armando ngunit wala pa rin akong balita sa kanya. Kaya kailangan naming magdagdag ng magagaling na tauhan para protektahan ang pamilya.” Seryosong wika ni Mr. Yao.
“Masusunod po Mr. Yao.” Sabay na sagot ni Nathan at Raul.
“Leandro nasan si Tamara? Gusto ko siyang maka-usap.” Baling niya sa kanyang anak.
“Okay pa, tata—“
Napalingon silang lahat nang magbukas ang pintuan at pumasok si Tamara na ang suot ay spaghetti dress na mahaba at bagsak ang tela nito na sumasayad na sa sahig. Humakbang ito papasok sa kwarto at lumilitaw ang maputing hita nito. Dahil may mahabang slit ito pababa sa kanan niyang hita.
“Agaw eksena!” Inis na umalis si Sophia sa tabi ng kanyang ama. Matapos niyang makitang napako ang tingin ni Nathan kay Tamara. Inirapan pa siya nito bago makalabas ng kwarto. Ngunit hindi siya pinansin ni Tamara.
“Pagpasensyahan mo na si Sophia, Tamara.” Wika ni Mr. Yao.
“Sanay na po ako kay Sophia, Mr. Yao” Sagot niya dito.
Simula nang mapunta siya sa pamilya Yao ay mainit na ang dugo sa kanya nito. Limang taon lang ang agwat nilang dalawa ngunit hindi sila magkasundo dahil magkaiba sila ng ugali. Gusto ni Sophia na nakakakuha ng atensyon sa iba ngunit si Tamara naman ay hindi na gumagawa ng effort para makuha ang atensyon ng iba dahil sa taglay niyang charisma.
“Mabuti kung ganon, alam ko hindi kayo magkasundo na dalawa pero wag sanang maubos ang pasensiya mo sa kanya.” Dagdag pa ni Mr. Yao.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Tamara. “Alam ko po ang ibig niyong sabihin. Hindi ko po magagawang saktan ang anak niyo. Kahit hindi tao ang turing niya sa akin ay parte pa rin siya ng pamilya na kailangan kong protektahan.” Nakangiting wika ni Tamara.
“Hindi talaga ako nagkamali sa pagpili sa’yo Hija. Ngunit sana bigyan mo ng pansin si Leandro.”
“Pa, hindi ito ang tamang oras para pag-usapan yan.” Sabat ni Leandro. Napabuntong hininga si Leandro. Dahil ayaw niya na pinapangunahan siya lalo na pagdating kay Tamara.
“Hindi ko po gusto si Sir Leandro.”
“Tamara! Tama na!” Galit na sigaw ni Leandro. Lumapit siya kay Tamara at mahigpit na hinawakan ang kamay nito.
“Wag mo akong ipahiya dito.” Matalim ang tingin na ipinukol niya kay Tamara ngunit malamig ang tingin na ibinalik niya dito.
“I’m just telling the truth.” Walang emosyon na sagot ni Tamara sa kanya.
“I said stop it!” Nangangalit na sigaw ni Leandro. Habang nasa likuran lang sila Nathan at Raul na kahit hindi nakatingin sa kanila ay mataman lang na nakikinig sa usapan nila.
“Tama na yan, Leandro.” Mahinahon na wika ni Mr. Yao.
Napasinghap si Leandro bago bitawan ang kamay ni Tamara. Napansin pa ni Nathan ang bakat ng kamay ni Leandro sa pulsuhan ni Tamara. Ngunit hindi man lang niya iniinda ito. Galit na lumabas si Leandro sa kwarto ng kanyang ama.
“Pagpasensyahan mo na din si Leandro, Tamara. Kaya ko kayo pinatawag dahil may iuutos ako sa iyo.” Panimula nito.
“Bakit nandito sila?” Wika ni Tamara na tinutukoy si Raul at Nathan.
“Alam kong kaya mo naman gawin mag-isa ngunit kailangan kong makasiguro na ligtas ka pagkatapos mong gawin ang mission kaya kailangan mo ng mga kasama.”
Nag-angat ng tingin si Tamara kay Mr. Yao dahil gusto niyang tumutol sa sinabi nito sa kanya. Iniisip din niya na baka wala ng tiwala si Mr. Yao sa kanya dahil sumablay siya nitong huling utos sa kanya.
“Alam kong ayaw mo ng ganito, hindi naman sila mangingi-alam sa’yo kailangan lang ay may titingin sa’yo mula sa malayo.”
Walang magawa si Tamara kundi sundin ang utos ni Mr. Yao dahil kahit minsan hindi naman siya nagreklamo dito.
“Sino po ang target?”
“Si Mr. Furukawa, kailangan na niyang mawala.”
Matapos magbigay ng utos ni Mr. Yao ay inabot na nito ang folder na naglalaman ng impormasyon ni Mr. Furukawa. Ibinilin din nito na wag aalisin kay Tamara ang kanilang paningin dahil masyadong delikado.
“Anong kasalanan ni Mr. Furukawa, bakit siya pinapaligpit ni Mr. Yao?” Kunot noo na tanong ni Nathan kay Tamara nang makalabas na sila sa kwarto nito.
“Hindi mo na kailangang malaman. Dahil ako ang gagawa noon sasama lang kayo sa akin upang matiyak niyo na makakauwi ako.”
“Pero Tama—“.
“Tama na.” Saway ni Raul sabay haklit sa braso niya.
Bago pumasok si Tamara ay nilingon niya muna ang dalawa.
“Magbihis na kayong dalawa. Kung ganyan ang itsura niyo na pupunta sa beach mapagkakamalang kayong myembro ng mafia.” Utos niya kina Nathan at Raul.
Pagkatapos ay pumasok na ito sa kwarto niya.
“Raul, masama ang kutob ko sa mangyayari ngayong gabi.”
“Ako din.” Segunda ni Raul.
“I’m serious!”
“Pwede ba, itigil mo na nga yang mga iniisip mo? Kung konektado siya kay Mr. Yao ibig sabihin masamang tao din ang Furukawang yun! At isa pa baka nakakalimutan mo kung anong trabaho ang pinasok natin dito. Kahit labag pa sa moral natin ito pikit mata natin tong tatangapin para sa misyon.” Mariing wika ni Raul.
Napabuntong hininga si Nathan. Alam niyang may point si Raul ngunit ang hindi niya matangap kung bakit si Tamara. Bakit siya pa ang kailangang pumatay kay Furukawa. Bakit malaki ang tiwala nito sa kanya. Maraming gumugulo sa utak niya hindi lang ang misyon ni Tamara kundi ang pagtingin ni Leandro sa kanya na pilit niyang tinatangihan kanina samantalang siya na hindi niya kilala ay nagpaubayang halikan niya.
“Hindi kaya tama si Raul?” Bulong ng isip ni Nathan.
“Ano tatanga ka na lang ba diyan o magbibihis ka na?” Salubong ang kilay na wika ni Raul sa kanya. Wala siyang magawa kundi sundin ito.
Ilang minuto pa ang nakalipas nang matapos na silang magbihis ng black maong short at puting t-shirt na pinatungan niya ng summer polo shirt na kulay blue at puting sapatos. Samantalang ang suot naman ni Raul ay summer short din na kulay itim at kulay itim na panloob saka jacket na may hood naka rubber shoes din ito. Pagkatapos ay isinukbit nila ang baril sa kanilang mga tagiliran.
Nagpasya silang sa labas na intayin si Tamara.
"Ang tagal naman niya." Kunot noo na wika ni Raul. Mag-a-alas singko na ng hapon at dapat ay naroon na sila sa beach ng alas-otso.
"Hi!" Sabay na napalingon si Nathan at Raul sa pagsulpot ni Sophia.
"Hi! Ma'am" Wika ni Raul. Tipid na ngumiti lang si Nathan
"May lakad kayo?" Usisa niya.
"Opo." Sabay nilang sagot.
"Ah ganun ba? Mag-iingat kayo, lalo ka na Nathan." Nakangiting wika ni Sophia. Halatang nagpapahiwatig ito ng pagkagusto sa kanya dahil sa matamis na ngiting pinapakita nito.
"Maraming salamat Ma'am." Sagot ni Nathan. Nararamdaman niyang tipo siya ni Sophia kaya mas lalo siyang naiilang dito sa mga tingin nito dahil hindi maganda ang pakay niya sa pamilya nila kaya ayaw niya itong bigyan ng pansin.
Napako ang tingin niya sa papalapit na si Tamara suot ang off shoulder maxi dress nito at naka messy bun ang buhok. Makapal din ang kulay pula nitong lipstick at ang pamilyar nitong oriental flower with vanilla scent na pabango.
"Let's go." Malamig na wika nito ngunit bago pa siya makalagpas ay nahawakan na ni Sophia ang braso niya.
"Saan kayo pupunta?" Kunot noo na tanong nito habang matalim ang tingin sa kanya.
"Ano ang gusto mong marinig Sophia?" Seryosong tanong niya dito. Kung masama ang pinapakita nitong ugali sa kanya ay malamig naman ang pakikitungo niya dito.
"Siguraduhin mo lang na utos ni papa ang gagawin niyo. I know you, inaakit mo ang mga kalalakihan kahit alam mong wala silang gusto sa'yo." Nakataas ang kilay na wika ni Sophia.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Tamara at mataman siyang tinignan "Sophia, bakit hindi pag-aaral na lang ang atupagin mo? Baka sakaling tumaas pa ang grade mo kaysa paki-alaman ang ginagawa ko?" Nang-iinis na wika niya dito. Namula sa galit si Sophia dahil pakiramdam niya ay napahiya siya sa sinabi nito. Akmang lalakad na si Tamara nang harangin niya ulit ito at malakas na sinampal. Nagulat si Nathan at Raul ngunit hindi nila alam kung pwede ba silang maki-alam sa dalawa.
Bumakat ang mga kamay ni Sophia sa mukha ni Tamara ngunit napasinghap lang siya upang pigilin ang itinatagong galit para sa kanya. Mas pinili niyang maging mahinahon kaysa ang patulan ito.
"How dare you! Wag mo akong insultuhin na parang magka-uri tayong dalawa Tamara! Baka nakakalimutan mo kung ano ka sa pamilya namin. Isa ka lang mamatay tao at utusan ni Papa tagaligpit ng mga taong sumasalungat sa kanya at alam ko kung paano mo sila pinapatay ginagamit mo ang katawan mo at nagpapakasarap ka muna bago mo sila patayin!"
Nabura ang ngiti sa labi ni Tamara at matalim na tumingin sa kanya. Kung pwede niya lang ibaon ang kutsilyo sa leeg nito upang tigilan na siya ay matagal na niyang ginawa. Magpasalamat siya at anak siya ng taong pinaglilikuran niya. Dahil kung nagkataon ay hindi niya ito hahayaang pagsalitaan siya ng masama lalo na kung hindi naman totoo.
"Tapos kana? Dahil sa katawan ko komportable ka parin sa buhay mo ngayon at dahil sa mga kalaban ng pamilya niyo na pinatay ko kaya tahimik pa rin kayo ngayon. Wag mong kalimutan na hindi lang ako aso na sunod-sunuran sa pamilya niyo dahil buong buhay, pagkatao at kabilang na ang mga sampal mo sa akin ang iniinda ko para lang manatili sa inyo. Kung tapos ka na kailangan na naming umalis." Inirapan niya ito bago tuluyang pumasok sa kotse.
Huling sumakay si Nathan at Raul sa unahan ng kotse. Hindi sila makapaniwala sa narinig mula kay Sophia. Hindi akalain ni Nathan na ganong klaseng babae si Tamara. Akala niya pumapatay lang ito ngunit hindi niya akalain na ginagamit nito ang alindog niya upang maisa-katuparan ang utos ni Mr. Yao. Naalala tuloy niya kung paano inakit ni Tamara si Aragon nong gabing yun at kinabukasan ay natangpuan ng bangkay.
Habang binabaybay nila ang beach na pupuntahan nila ay pasimpleng sumusulyap si Nathan sa review mirror. Gusto niyang kausapin ito kung totoo nga ang sinasabi ni Sophia ngunit wala naman siyang maisip na salita. Dahil kung hindi man ito totoo bakit hindi niya pinagtangol ang kanyang sarili. Ngunit nakapikit lang ito sa likuran na parang walang epekto sa kanya ang ginawa at sinabi ni Sophia kanina.
Ilang oras pa ang nakalipas nang marating nila ang Adriatico beach sa batangas. Kumuha sila ng cottage na pang pamilya nanatili pa rin silang tahimik ngunit paminsa-minsan ay sinusulyapan ni Nathan si Tamara umaasang kakausapin siya nito.
"Ang ganda sa lugar na ito. Sigurado ka bang naririto si Furukawa?" Tanong ni Raul. Nang makapasok na sila sa loob ng room na kinuha nila.
"Oo. Maging alisto kayo dahil kalat ang mga tauhan ni Furukawa sa lugar na ito." Sagot ni Tamara. Kinuha niya ang paper bag na dala niya at pumasok siya sa loob ng banyo. Maya-maya pa ay lumabas na ito suot ang kulay puti at maiksing damit na karaniwang sinusuot ng mga babaeng nagmamasahe sa salon.
"Anong plano? Wag mong sabihin na pupunta ka sa kwarto ni Furukawa suot ang damit na yan?" Salubong ang kilay na tanong ni Nathan sa kanya.
"Wala akong panahon para magpaliwanag sa'yo narito ka para masigurado na makaka-alis ako ng buhay dito matapos ko siyang patayin gawin niyo ang trabaho niyo." Walang emosyon na sagot nito sa kanya sabay labas sa cottage bitbit ang isang basket na puno ng scented oil massage na gagamitin niya mamaya para makapasok sa kwarto ni Furukawa.
"Tama si Sophia, Nathan kaya kung ako sa'yo pag-isipan mo muna ang mga bagay-bagay at wag kang magpadala sa damdamin mo." Wika ni Raul sa kanya. Ikinasa nito ang baril at isinukbit sa tagiliran niya bago lumabas ng kwarto.
"Damn it!"