Nanghihina ako nakabalik sa aking tinitirahan. Ang akala ko magandang paghiwalay ko sa kompanya at ang siyang pagsisimula ng panibagong yugto ng aking buhay ay nauwi sa isang masaklap na karanasan.
Hindi ko akalain na magagawa ni Vanessa na nakawin ang aking pinaghirapang isulat na istorya. Ang matindi ay wala kina boss ang naniwala na ako ang sumulat nito. At ako pa ang kanilang inakala na insecure na siyang gumagawa ng eksena para lang makaganti kay Vanessa.
Aaminin ko na may matindi akong galit kay Vanessa pero hindi ko naman ibaba ng ganoon ang aking sarili para lang makaganti sa kanya. Naniniwala ako na darating din ang karma sa kanya balang-araw.
"This is so unfair! Why is this happening to me?!" naiiyak kong sambit at hinagis kung saan ang dala kong bag, "Ano ba ang ginawa kong mali sa kanila para ganituhin nila ako?! Hindi pa ba sapat ang limang taon ko nagpaalila kay Vanessa? Hindi ba nila nakita ang labis na kagustuhan ko lang na makapagsulat?! Bakit ba hindi nila ako mabigyan ng kahit kaunting oportunidad?! Ano ba ang mali sa akin? Ano ba ang kulang sa akin na mayroon sila?!" pagwawala ko sa labis na galit.
Wala akong pakialam ng oras na ito kung marinig ako ng aking mga kapit-bahay. Dahil talagang hindi ko na kaya pa itago ang lahat ng hinanaing ko sa aking dibdib.
Sobra-sobra na...
Kaya sa buong magdamag na iyon ay umiyak lang ako nang umiyak. Nais ko mailabas ang lahat ng aking hinanakit na naipon sa loob ng limang taon na pagtra-trabaho ko kay Vanessa. Sa ganoong paraan mabawasan nito ang bigat sa aking dibdib.
Nang dumating ang kinabukasan ay medyo nahimasmasan na ako. Doon muli ko sinimulan na ibalik ang dati kong sigla. Kakalimutan ko na lang ang nangyari dahil mayroon pa naman akong pwede puntahan na ibang kompanya. Magsisimula muli ako mula sa simula.
Hindi naman sila kawalan sa akin.
Ano ngayon kung pilit na inayawan ako ng una kong kompanya?
Hindi lang naman sila ang publishing company sa buong mundo! Papatunayan ko sa kanila na may talento ako sa pagsusulat.
Sabi nga nina Joy ay may sapat na ako karanasan kaya marahil this time ay magagawa ko na makakuha ng job opportunity na ako na mismo ang writer at hindi personal assistant lang ng isang writer. Doon ay muling naramdaman ko ang kakaibang pag-asa sa aking puso.
"Madapa man ako, paulit-ulit ako na babangon muli," sambit ko na punung puno ng tiwala na mababago ko ang kapalaran ko ngayon.
Kaya agaran ako nag-update ng aking resume sa aking naipundar na laptop ay ipinasa iyon sa lahat ng publishing house na may vacant position. Malaking swerte na lang sa akin na maraming vacant ngayon sa ibang kompanya. Sa tingin ko ay magandang senyales na ito para sa akin.
"This will be the new start for me," umaasang sambit ko pa saka isinara ang aking laptop.
Subalit lumipas ang dalawang linggo na pag-aantay ko ay wala niisa ang kumokontak sa akin na siyang labis na pinagtataka ko. Medyo nakaramdam ako ng kaba sa nangyayari. Subalit agad ko rin iniling ang aking ulo at isinawalang bahala ito. Hindi ako maaaring maging negatibo dahil baka makakaapekto lang ito sa aking pagpla-plano.
"Hindi ako maaaring sumuko," pag-cheer ko pa sa sarili ko, "Baka hindi lang nila nakita ang email ng application ko dahil sa dami ng nag-aapply sa kanila. Kaya mas mabuti na mag-walk in ako sa mismong kompanya nila para mag-apply," pagpla-plano ko pa sa aking gagawin bukas na bukas, "Tama mas iyon ang magandang gawin kaysa magkulong lang ako rito sa aking bahay."
Katulad ng aking plano ay may sampung kopya ako ng aking resume at credentials na pina-print para sa gagawin kong pagtungo sa mga kompanya. Nagsuot ako ng pang-office attire. Iyon nga lang pagtingin ko sa aking wallet ay mga limang libo na lang ang natitira. Hindi naman kasi kalakihan ang pasweldo sa akin noon bilang personal assistant lang kaya hindi ko sigurado kung hanggang kailan aabutin ang natitirang pera kong ito.
"Sa oras na matanggap ako ay matatapos na rin ang problema kong ito," bulong ko sa aking sarili, "Kaya hindi ako kailangan na mangamba."
Doon, sinimulan ko na lakbayin ang siyudad para magpasa ng aking mga resume sa mga publishing company. Unang una ko na pinuntahan ang kompanya na pinakamalapit sa aking tinitirhan.
Pagdating ko roon ay agaran naman ako inasikaso ng mga receptionist. Ayon sa kanya ay talagang urgent ang vacant position nila kaya agad niyang tinawag ang kanilang HR na pag-aabutan ko ng aking resume.
"Good day!" masayang pagbati sa akin ng HR nang makita ako sa receiving area, "I heard na balak mo raw mag-aaply bilang writer. Tamang tama ang dating mo."
Tila pumalakpak sa tuwa ang tenga ko sa narinig ko. "T-Talaga po?" umaasang tanong ko.
Tumango ang HR at inilahad ang kamay. "So may I see you resume?" paghingi niya ng aking hawak hawak na papel.
Agad ko naman na inabot ang aking resume sa kanya. Nagkaroon ako ng pag-asa na ito na ang pinaka-iintay kong oportunidad.
Ngunit nang una ay masayang tinanggap iyon ng HR pero bigla siya natigilan habang binabasa ito. "Liezel Roxas?" pagbasa niya sa aking pangalan.
Tumango naman ako. "Opo, Liezel Roxas po ang pangalan ko," bibong sagot ko sa kanya at umaasa ang kadugtong na sasabihin niya na 'You're hired'.
Iyon nga lang ay kabaligtaran ang nangyari. Biglang nawala ang ngiti sa labi ng HR na aking kaharap. Nang muling hinarap niya ako ng tingin ay mahahalata na peke na ang kanyang ngiti kumpara kanina.
Napakunot naman ako ng noo sa pagbabago ng kanyang akto patungo sa akin. "I will hold your resume for now at tatawagan ka na lang namin kapag shorlisted ka," pilit na ngiti na sambit niya saka dali-dali na iniwan ako.
Pero akala ko ba urgent ang position?
Natameme na lang ako sa biglaang pagbabago ng kanyang pakikitungo sa akin. Naramdaman ko na naman ang kutob ko na tila may mali sa nangyayari pero katulad nang una ay binalewala ko lang iyon dahil baka napra-praning lang ako.
"Mas mabuti na magtungo ako sa next na kompanya na pupuntahan ko," muling pagpapasigla ko sa aking sarili, "Baka roon ay ma-hired na ako."
Ngunit katulad ng unang kompanya ay inasikaso naman ako ng mga tauhan doon nang una pero nang makita nila ang aking pangalan ay nagbabago ang kani-kanilang mga reaksyon at pakikitungo sa amin.
Hindi pa rin ako sumuko pagkatapos ng dalawang kompanyang iyon at sinubukan na magtungo sa iba pang kompanya. Iyon nga lang ay paulit ulit lang ang nangyayari. Lahat sila ay biglang umaayaw sa oras na malaman ang pangalan ko.
Kaya sa huli na pinuntahan kong kompanya ay hinawakan ko agad ang HR na kaharap ko bago niya magawang iwanan ako. Alam ko na hindi lang coincidence ang ginagawa nila. Tila may humaharang talaga sa mga application ko sa ibang kompanya.
"Wait lang po, Ma'am," nag-aalalang sambit ko, "Maaari po ba ako magtanong sa inyo?"
Halata naman na nag-aalangan siya na pagbigyan ako sa aking hiling na makapagtanong. "S-Sure Miss Roxas," pagbibigay permiso niya sa akin.
Humugot ako ng malalim na hininga saka tinitigan sa mata ang HR na iyon. "Napansin ko po kasi na tila may problema sa application ko," pagtatanong ko, "Maaari ko po ba malaman ang dahilan?"
Nanlaki ang mata ng HR at naging malikot ang mata. Halatang nag-iisip siya ng maaaring idadahilan sa akin.
"Please po sabihin niyo na sa akin," pagmamakaawa ko sa kanya, "Ito po ang ikasampung kompanya na pinuntahan ko ngayong araw at pare-pareho lang po kayo ng naging reaksyon tuwing malalaman ang aking pangalan."
Napatapal sa kanyang noo ang HR dahil sa sinabi ko. Pagkatapos ay naaawa siyang napatingin sa aking mga mata. Halata na nag-aalangan siya na aminin sa akin ang dahilan kaya nire-reject ng mga kompanya ang application ko.
"I really should not say this to you, Miss Roxas," namomoblema niyang sambit, "Pero kapag hindi ko sasabihin sa iyo ito ay masasayang lang ang oras at effort mo sa kaka-apply."
Napalunok ako. Tama ang aking hinala na may problema sa application ko.
"A-Ano po ang problema?" pagpupumilit kong malaman at hinanda ang sarili sa maaaring malaman mula sa kanya.
Hinawakan ng HR ang aking kamay na tila ba nakiki-simpatya sa aking sitwasyon. "Miss Roxas, naka-ban ang application mo sa lahat ng publishing company. Hindi ko alam ang dahilan pero pina-black list ang pangalan mo ng dati mong kompanya," pagbibigay alam niya sa akin
Napabitaw ako sa kanya. "W-W-What?" hindi ko makapaniwalang sambit, "G-Ginawa iyon ng dati kong kompanya?"
Dahan dahan na itinango ng HR ang kanyang ulo. Ibig sabihin kahit anong gawin kong mag-apply bilang writer ay hindi na ako matatanggap sa kahit anong kompanya na puntahan ko.
"I'm very sorry, Miss Roxas, but you should stop your passion to be a writer," pagbibigay payo niya, "Malaking kompanya ang nag-ban sa iyo kaya imposible ka na matanggap pa bilang isang writer. You better give up now."
Doon nagsimulang lumuha muli ang aking mga mata. Akala ko magkakaroon na ako ng bagong buhay at makukuha ko na rin ang aking dream job. Pero hanggang pangarap na lang pala talaga iyon.
Pero bakit naman ganito...
Bakit kailangan ko maranasan ito?
Hindi pa ba sapat na ninakaw sa akin ni Vanessa ang aking nobela? Bakit kailangan niya ako alisan ng karapatan na makapagsulat?
Naaawang iniwan na ako roon ng HR at hinayaan na umiyak. Akala ko nailabas ko na ang lahat ng hinanakit ko kay Vanessa ngunit lalo lang nadagdagan ito. Pakiramdam ko ay wala akong kakampi at mag-isa na lamang ako sa mundong ito.
"Bakit kailangan gawin nila sa akin ito?" pag-ngawa ko.
Hindi ko akalain na aabot sa ganitong kalala ang sitwasyon ko. Nang dahil lang sa isyu ng istoryang ninakaw sa akin ni Vanessa.
"Why?! Bakit sa akin kailangan na mangyari ito?!"
***
Pagkalipas ng ilang araw ay nagkulong lamang ako sa aking kwarto. Pakiramdam ko ay inalisan ako ng karapatan na mabuhay pa muli ni Vanessa. Masyado niyang ako inilaglag.
Muling pumatak ang luha sa aking mata ay galit na pinahid ko ito. "Kailan ka ba mauubos kang luha ka?" naiinis kong sambit, "Iyan lang ba ang kaya mong gawin, Liezel? Ang magmukmok at umiyak na lamang?!" panenermon ko pa sa aking sarili.
Narinig ko ang pagtunog ng phone ko ay napahalakhak ako na makita kung sino ang tumatawag. "Ano pa ba ang kailangan niya sa akin?" nagagalit kong tanong, "Hindi pa ba siya kontento na sinira na niya ang pangarap ko?"
Hindi ko sinagot ang tawag na iyo ni Vanessa. Paulit ulit man siya tumawag sa akin ay binalewala ko lang iyon. Hindi ko na papangarapin pa na makausap ang babaeng iyon.
Biglang tumunog ang doorbell. "Hoy Liezel! Alam ko nandiyan ka!" rinig kong pagsigaw ng may-ari ng apartment na tinutuluyan ko, "Aba! Matagal ng delay ang bayad mo sa renta! Kapag hindi ka pa nakabayad sa loob ng dalawang linggo ay papaalisin na kita rito!"
Mahigpit na niyakap ko ang aking tuhod. Dalawang libo na lang ang natitira sa pera ko at wala pa akong trabaho.
Narinig ko ang papaalis na yabag ng may-ari. Kailangan ko makaisip ng paraan para magkapera. Sa modernong panahon ngayon ay pera ang pumapaikot sa lahat. Wala kang pagkain at tirahan kung wala kang pera.
"I think I really should find another job. Kahit hindi na writer basta may mapagkukunan na lang ako ng aking panggastos," namomoblema kong sambit saka inabot ang aking phone para maghanap ng mga pwedeng apply-an na trabaho.