NAGISING si Almira kinabukasan na maganda ang pakiramdam. Nang imulat niya ang mga mata at marinig mula sa labas ng silid na inookupa niya na gising na si Julian at mukhang abala sa kung ano ay napangiti siya.
Bigla niyang naalala ang nangyari kagabi noong makababa siya ng taxi sa tapat ng gusali kung nasaan ang flat ng lalaki. Naabutan niya itong tila tarantang nakaabang sa labas at nang makita siya ay tumakbo palapit sa kaniya. Iyon pala’y labis itong nagalala na umuwing wala siya. Niyakap pa nga siya nito ng mahigpit nang sabihin niyang okay lang siya at namasyal lang. Pagkatapos ay umakyat na sila sa flat nito.
Sa totoo lang ay naninibago si Almira sa pagiging touchy ni Julian. Hindi naman kasi ganoon dati ang bestfriend niya. Naisip niya tuloy na dahil ba masyado siya nitong namiss ay hindi na nito napigilan ang sariling ipakita sa kaniya ang nadarama nito? Baka tama ang mga pamilya nila na talagang may pagtingin ito sa kaniya.
E ikaw ba ganoong lebel ang nararamdaman para kay Julian? Kapag nagtapat siya ng pag-ibig sa iyo, anong gagawin mo? Iyon ang kagabi pa iniisip ni Almira na nakatulugan na niya. Hindi pa niya alam ang sagot. Siguro ay saka lamang niya malalaman kapag nasa mismong sitwasyon na sila.
Bumangon na siya, naligo at saka nagbihis. Nakapagpaalam daw si Julian sa boss nito na hindi muna papasok sa araw na iyon at kahit pahirapan ay pinayagan naman daw ito. Kaya sa araw na iyon ay mamamasyal silang dalawa. Tanghali na siya nagising pero sabi naman ni Julian sa kaniya kagabi na okay lang daw iyon. Alas sais pa daw kasi ng gabi sila lalakad. Masyado daw mainit sa labas kung mas maaga pa sa oras na iyon. Muntik nang makalimutan ni Almira na disyerto nga pala ang Las Vegas.
Pagkalabas niya ng kanyang silid ay wala naman sa living room si Julian. Pero may naririnig siyang kaluskos mula sa kusina. Napangiti si Almira at dahan-dahang naglakad palapit doon upang gulatin ang lalaki. Pero nang makarating siya sa entrada ng kusina ay siya ang nagulat. Dahil hindi nag-iisa si Julian. May kasama itong amerikana na nakakandong sa lalaking nakaupo sa isang silya. Napasinghap siya at napaatras. Napalingon naman sa kaniya ang dalawa na mukhang naglalambingan dahil magkalapit ang mga mukha.
“Almira! Gising ka na pala,” bulalas ni Julian at ngumiti pa. Parang hindi man lang nahiya na naabutan niya ito sa ganoong posisyon.
“Oh, this is Almira. I’m so happy to finally meet you,” bulalas naman ng amerikana na tumayo na mula sa pagkakakandong kay Julian. Ngiting ngiti itong lumapit sa kaniya na tila ba tuwang tuwa talaga ito. “I’m Sophie,” pakilala pa ng babae na niyakap siya at bineso.
Nanigas siya sa kinatatayuan at nanlalaki pa rin ang mga matang tiningnan ang kaibigan niya. “Almira, hindi ba sinabi ko sa iyo na may sorpresa ako? She’s my surprise. Sophie, my fiancée.”
Napamulagat siya. “Fiancée?”
Nginitian siya ni Sophie na tumabi na uli kay Julian na agad na pumaikot ang braso sa baywang ng babae. “Yep. Fiancee ko siya.”
Umawang lang ang labi ni Almira at kahit alam niyang mukha siyang tanga sa hitsura niya sa mga sandaling iyon ay hindi niya magawang hamigin agad ang sarili. “P-pero hindi sinasabi sa akin ni tita na magpapakasal ka na? Ni hindi nga niya nabanggit na may girlfriend ka.”
“What did she say?” nakangiting tanong ni Sophie kay Julian na kahit nakangiti ay naktia niya ang panic sa mga mata. Nagpaalam ito sa fiancée na mag-uusap lang sila sandali. Pagkatapos ay hinatak siya nito patungo sa living room.
“Hindi pa alam nila mama na may fiancée na ako,” amin ni Julian.
“Pero bakit?” kunot noong tanong ni Almira.
Ilang segundong hindi nagsalita ang lalaki bago napabuntong hininga. “Dahil alam ko na kahit sino ang ipakilala ko ay hindi niya magugustuhan lalo na at ibang lahi. Kasi ikaw ang gusto niyang maging manugang. Pero hindi tayo ganoon, hindi ba? We are best friends. Imposible ang gusto niyang magkatuluyan tayo. At mahal na mahal ko talaga si Sophie.”
Hindi nakahuma si Almira. Para lang naman kasi siyang sinampal sa mga sinabi ni Julian. Para siyang mahimbing na natutulog at nasa kalagitaan ng magandang panaginip nang biglang may bumuhos ng nagyeyelong tubig sa mukha niya kaya siya nagising.
“So, naisip ko na kung ikaw ang unang makakaalam ng tungkol kay Sophie at masabi mo sa pamilya ko na boto ka sa kaniya ay tiyak na tatanggapin nila ang desisyon ko,” patuloy pa rin ni Julian.
Napatikhim si Almira at manhid na napatango. “Naiintindihan ko,” sabi na lang niya.
Mukhang nakahinga ng maluwag si Julian at masayang ngumiti. “Salamat! Matalik talaga kitang kaibigan.” Mahigpit na naman siya nitong niyakap. Pagkatapos ay hinatak na siya nito pabalik sa kusina kung nasaan si Sophie.
Halos wala na ang isip ni Almira sa mga sumunod na nangyari. Mula sa tanghalian na si Sophie ang nagluto dahil isa pa lang chef ang babae, hanggang sa oras na nang pagbibihis nila pagsapit ng alas singko y’media ng hapon. Mabigat ang pakiramdam niya at nawala sa mood kaya ang unang jeans at blouse na nahatak niya ang sinuot niya. Nang lumabas siya ay kalalabas lang din ni Julian at Sophie mula sa silid ng lalaki at nakabihis na rin. Natigilan siya nang makitang pormang porma ang dalawa. Mukhang nagulat din ang mga ito nang makita naman ang ayos niya.
“Almira, why are you dressed like that?” manghang bulalas ni Sophie sa paraang mas concerned kaysa nangiinsulto. Kanina pa naobserbahan ni Almira na mabait ang babae.
“Kayo ang bakit ganiyan ang ayos? I think my outfit is fine for a long walk through Las Vegas. It’s comfortable,” sagot niya.
“Almira, hindi tayo maglalakad na literal. We are going for a drive paikot sa Strip. Hindi namin maipapakita sa iyo lahat kung maglalakad tayo. And then after that we are going to Chandelier Lounge. Because you will never really feel like you’re in Vegas if you don’t experience the night life here,” sabi naman ni Julian.
“I know. I’ll help you. I think I have a dress that will look gorgeous on you. And I’ll do your hair and make-up. Come on,” sabik na sabi ni Sophie. Kumapit pa ito sa braso niya at saka bumaling kay Julian. “Give us thirty minutes, okay?”
Ngumiti ang lalaki na parang tuwang tuwa na makitang ‘magkasundo’ sila ng fiancée nito. “Sure. I’ll be waiting here.”
Iyon lang at hinatak na siya ni Sophie sa loob ng silid ni Julian. Binuksan ng babae ang pinto ng dressing room at parang may lumamutak sa sikmura niya nang makitang maraming damit doon ang babae. “You’re… living together?” lakas loob na tanong ni Almira.
Tiningnan siya ni Sophie at masayang ngumiti. “Yes.” Pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa mga dress at nagsimulang magsalita tungkol sa kung ano ang pwedeng bumabagay sa kaniya.
Palagi silang magkausap sa skype ni Julian. Palagi niyang nakikita ang silid nito. Pero ni minsan ay hindi nito ipinakilala si Sophie.
May napili nang bestida ang babae para sa kaniya. Isang maiksing itim na damit na spaghetti strapped. Simple iyon pero maganda tingnan dahil sa frills sa laylayan. Hanggang kalahati ng hita lang iyon ni Sophie pero nang isuot ni Almira ay hanggang tuhod niya. Parang puputok din ang dibdib niya sa damit na iyon dahil mas malaman siya kaysa sa babae. Pinaupo siya nito sa isang silya doon at sinimulan namang ayusin ang buhok niya. Tinanggal sa pagkakapusod, nilagyan ng kung anong pang-style at sa pagkamangha ni Almira ay ginulo-gulo. “What are you doing?” bulalas niya at tinangkang plantsahin uli iyon gamit ang kanyang mga palad.
Tumawa si Sophie at pinigilan ang mga kamay niya. “Don’t! I’m making you look sexy. You have a pretty face and you’re eyes are sexy. You should just partner it with a proper hair-do and make up. And don’t wear your eyeglasses today okay?”
“I can’t see properly without them,” reklamo ni Almira.
“Then we’ll get you contact lenses. Come on, have fun tonight, Almira. Maybe you will meet someone you will like tonight. You must look your best.”
Napabuntong hininga na lamang siya at hinayaan itong gawin ang gusto sa buhok at mukha niya. Makalipas ng tatlumpung minuto ay lumabas na sila ng silid. Manghang napatitig sa kaniya si Julian. “Wow. My bestfriend is so gorgeous!” Pagkatapos ay ngising ngisi na bumaling ito kay Sophie. “And my fiancée did a wonderful job.”
“Thank you,” hagikhik ni Sophie. Pagkatapos ay hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at dinala sa bahagi ng living room kung saan ang pader ay salamin. “Look at yourself Almira.”
Tama ang dalawa. Ang babaeng nakita niya sa repleksyon niya sa salamin ay isang magandang babae. Ang buhok niyang ginulo-gulo ni Sophie ay hindi mukhang nilipad ng hangin kung hindi para bang kababangon lang niya sa kama. Ang make-up niya ay maganda din kahit pa sa mga sandaling iyon ay suot pa niya ang kanyang eyeglasses.
Sa kasamaang palad ay hindi siya tunay na maligaya sa naging pagbabago niya. Ni hindi siya natuwa sa papuri ni Julian. Hindi siya masaya. Lalo na nang mapunta ang tingin niya sa repleksyon ng matalik niyang kaibigan at nakita niyang inakbayan nito si Sophie at buong pagmamahal na hinalikan sa gilid ng mga labi. Parang may lumalamutak sa puso niya.
Sa mga sandaling iyon ay may napagtanto si Almira. Saka mo nga lang talaga maiintindihan ang importansiya ng isang espesyal na tao sa buhay mo kapag pag-aari na ito ng iba. At na tama ang pamilya niya. Na all these years ay in denial siya at pilit pinapalis sa sistema ang tunay niyang nadarama para protektahan ang ilang dekada na nilang pagkakaibigan.
Dahil ang totoo ay in love siya kay Julian. At ngayon ay in love na in love ito sa iba at magpapakasal na.