CHAPTER 6

1097 Words
PILIT pinasigla ni Almira ang sarili habang iniikot siya nila Julian at Sophie sa Las Vegas Strip – ang sentro ng mga nagtatayugang hotel resorts, casinos at shopping malls sa siyudad na iyon. Kain nang kumain sila sa isang kainan na masarap daw ang mga pagkain ay parang sumayad lang sa lalamunan niya pero hindi niya nalasahan ang kinain niya. Maraming beses na may bumibikig sa lalamunan niya sa tuwing nakikita niyang sweet sa isa’t isa sila Julian at Sophie. Kapag isinasama siya ng dalawa sa usapan ay pilit niyang pinapasigla ang tinig at pilit na ngumingiti. Dahil ayaw niyang malaman ng mga ito ang lungkot at sakit na nadarama niya. Mabait si Sophie at kahit na nakatalikod si Julian ay nakikita niya sa tingin, ngiti at pakikipag-usap nito sa kaniya na hindi lang ito nagkukunwaring gusto siya. Kaya pala’y palagi daw siyang kinukwento ni Julian at pakiramdam nito ay matagal na silang magkakilala. Kung sana lang ay noon pa rin sinabi ng lalaki kay Almira ang tungkol kay Sophie. Napaghandaan sana niya ang paghaharap nila ng babae. Pagsapit ng alas nuwebe ng gabi ay nagtungo na sila sa Chandelier Lounge. Isa iyong tatlong palapag na bar na matatagpuan sa The Cosmopolitan of Las Vegas Hotel o ayon kay Julian ay mas kilala lang sa tawag na The Cosmopolitan. Sa kabila ng nagkakagulong mga damdamin ni Almira ay hindi niya naiwasang mamangha habang iginagala ang tingin sa loob ng Chandelier Lounge. Napaka-elegante ng interior niyon. Puro kumikinang na crystals ang design pieces na mas pinagaganda ng mellow lighting. Nang tumingala siya ay napasinghap pa siya dahil puro bahagi ng chandelier ang nakikita niya himbis na kisame. Mabuti na lang pala ay hindi siya napilit ng mga ito na tanggalin ang eyeglasses niya. Kung hindi ay hindi niya maayos na matitingnan ang lugar na iyon. “This bar is under a very huge chandelier. Cool right?” nakangiting tanong ni Sophie. Napatango na lamang si Almira. Kahit na mas matatawag niyang classy ang lugar na iyon kaysa cool. “Akala ko ang bar ay maingay ang tugtog at may mga nagsasayaw. Pero dito, hindi,” nasabi niya. Tumawa si Julian. “This is the third floor. Kalahati nito ay mga botiques kaya mas madalas ay shopping ang ginagawa dito. Ang lounge at bar area sa floor na ito ay para sa mga taong mas gusto ng intimate moment para mag chill out. Sa second floor tayo pupunta dahil nandoon ang specialty craft cocktails dito at gusto naming ipatikim sa iyo. Sa first floor naroon ang maingay na tugtog na sinasabi mo,” paliwanag nito. Dinala nga siya ng dalawa sa ikalawang palapag. Walang pasakalye sila Julian at Sophie. Umupo agad silang tatlo sa harap ng bar counter at nagsimulang umorder ng kung anu-anong cocktails. Sagot daw nila ang drinks niya kaya huwag daw siyang mahiya at tikman lahat. Ganoon nga ang ginawa ni Almira. In fairness, masarap ang lahat ng inilalapag ng bartender sa harapan niya. At dahil nagsimula nang maglambingan sila Julian at Sophie ay napabilis tuloy ang inom niya. Wala pa silang tatlumpung minuto doon ay biglang tumayo si Sophie. “You know, let’s go dancing. Let’s continue our drinks at the Marquee Nightclub.” Natigilan si Julian at biglang nag-alangan na sumulyap sa kaniya. “Sophie, hon, I don’t think Almira will enjoy Marquee.” Biglang kinabahan si Almira. Dahil kung sa tingin ni Julian ay hindi siya mag-e-enjoy ay siguradong tama ito. Pero ayaw magpapigil si Sophie at hinawakan pa ang tig-isa nilang braso ni Julian at hinigit sila patayo. “Oh come on, she needs to enjoy life and let loose once in a while. Let’s go,” pakanta pang bulalas ng babae. Mukhang tipsy na ito. At ang matindi? Hindi matiis ni Julian ang fiancée at sa huli ay pumayag din kahit na pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Magiging okay ang lahat, Almira. Nandito lang din sa hotel na ito ang Marquee.” Na para namang gumaan ang pakiramdam niya sa sinabi nito. Napabuntong hininga na lang si Almira at laglag ang mga balikat na hinayaan si Sophie na higitin siya.   NAKAKABINGI ang tugtog at nagkakagitgitan na ang mga katawan sa loob ng Marquee Nightclub. Lahat ng tao roon ay naka-party mode. Maging ang grupo na kinabibilangan ni Brad. Lahat ng bad members ay may mga kasayaw na mga babaeng doon lamang nakilala ng mga ito. Maging ang dalawang assistant niya ay parang mga nakawala sa hawla at nagwawala sa dance floor kasama ang isang grupo ng mga babae. Maging si Brad ay kanina pa nilalapitan ng kung sino-sino. Ilang beses pa nga siyang may nakitang kakilala, ilang singers at personalidad na dati niyang nakatrabaho. May iba naman na nakilala siya dahil naka-plaster lang naman ang higanteng billboard niya sa isang mall sa Las Vegas na ginawa niya para sa isang sikat na electronic company. Pero wala siya sa mood mag-party kaya nanatili lamang siya sa tabi ng bar counter at hindi na mabilang kung nakailang baso na siya ng alak. Sa tuwing may lumalapit sa kaniya ay tipid lang siyang ngingiti at magalang na tatanggi. Sa utak niya ay nananaig ang nalaman niya tungkol sa kanyang ina. Kanina ay tinawagan niya ito pero umaktong masigla ang mommy niya na para bang walang problema. Para siyang sinasaksak sa isiping hindi pa ito handang sabihin sa kaniya ang totoo. Katunayan ay ang naging bukambibig ng kanyang ina habang magkausap sila ay si Mathea at kung gaano ito matutuwa kung sa susunod niyang pag-uwi ay mananatili na talaga siya sa Pilipinas. At sa totoo lang ay pinag-iisipan ni Brad ang tungkol kay Mathea at sa hiling ng kanyang ina. Kung noon ay matindi at pinal na hindi ang gusto niyang isagot sa lahat ng hiling ng mommy niya, ngayon ay nagbabago na ang kanyang isip. Dahil buong buhay niya ay ibinigay ng kanyang ina ang lahat sa kaniya. Ngayon ba’y ipagkakait pa niya rito ang gusto nito? Kung ang gusto nito ay pakasalan niya si Mathea dapat nga yatang iyon ang gawin niya kung iyon ang makakapagpasaya sa mommy niya.   Marahas na napabuga ng hangin si Brad at sinaid ang laman ng hawak niyang kopita. Sandali niyang iginala ang tingin sa paligid. Para siyang nasasakal sa nakikita niyang kasiyahan ng mga tao sa paligid niya habang siya ay miserable ang pakiramdam. Kaya dumeretso siya ng tayo at binayaran ang kanyang nainom bago tumalikod at nagsimulang maglakad patungo sa entrada ng nightclub upang lumabas. Kailangan niya ng sariwang hangin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD