PROLOGUE
“ANO sa tingin mo? Amazing right?”
“Yeah,” nakangiting sagot ni Brad sa komento na iyon ni Art Mendez habang iginagala ang tingin sa loob ng gusali na tinatawag nito at ng lalaking kasama nilang naglilibot sa loob na si Keith bilang Bachelor’s Pad.
Isang linggo na mula nang makabalik ng Pilipinas si Brad upang magbakasyon sandali. At walang sinayang na oras ang kanyang ina. Nakipagkita agad ito sa kaniya at kinukumbinsi siyang manatili na sa bansa.
Imposible iyon para sa kaniya dahil naka-base sa Europa at United States ang mga production company na nagbibigay sa kaniya ng proyekto. Isa siyang documentary at feature film director. Majority ng trabaho niya ay paggawa ng feature films na ang subject ay mga musician, theater actors, singers, public figures at kung sino-sino pang personalidad. Minsan naman ay documentary ng isang lugar o kultura. Minsan din ay tumatanggap siya ng trabaho bilang director para sa mga advertisement. Basta trabaho na interesante para sa kaniya at bibigyan siya ng kalayaang gamitin ang sarili niyang creativity ay tinatanggap niya. Mas in-demand ang isang tulad niya sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas. Bukod sa mas marami ang nakaka-appreciate ng mga gawa niya na foreigner.
Sa huli ay nagpalit ng taktika ang kaniyang ina. Kahit man lang daw manatili siya sa bansa minsan sa isang buwan. Buong buhay niya ay mag-isa siyang itinaguyod ng mama niya at mula noong bata pa siya ay binigyan siya nito ng kalayaang gawin ang lahat ng gusto niya. Kahit ang mag-aral ng film making sa Paris at mag-isang manirahan doon.
Ang buhay ng kanyang ina ay umiikot sa pagtatrabaho bilang isang executive director ng isang multi-million company para masigurong maalwan ang buhay na kalalakihan niya. Sa kaniya umikot ang mundo nito at hindi na nag-asawa matapos iwan ng biological father niya na hindi niya nakilala kahit kailan. Noon lang ito seryosong humiling sa kaniya na dalasan ang pananatili sa Pilipinas para daw nagkikita sila palagi. Marahil dahil nagkakaedad na ito at nagiging sentimental.
Sa huli ay nangako na lamang si Brad na hahanap ng matitirhan na maaari niyang uwian kapag nasa Pilipinas siya. Ayaw niyang tumira sa bahay ng ina dahil nasanay na siya na independent. Tiyempo naman na nagkita sila ni Art at nabanggit nito sa kaniya ang tungkol sa Bachelor’s Pad. Magkaibigan sila ng lalaki dahil pareho sila ng passion – film making. At kahit na magkaiba sila ng tema at genre na ginagawa ay palagi rin sila nagkikita sa mga international film festival. Dahil parehong Pilipino ay sila ang naging magkasundo kapag nasa kung saang bansa.
“As soon as you sign the leasing contract ay pwede ka na lumipat dito kung gusto mo. Nabanggit na kita kay Maki at aprubado niya ang pagtira mo rito,” paliwanag ni Keith. Nabanggit na nito kanina na si Maki Frias ang may-ari ng Bachelor’s Pad. Ngunit ang sabi ni Art ay hindi daw nakikipagkita sa mga residente o kahit kanino si Maki maliban kay Keith na tumatayong manager ng gusali. Ang alam lang daw nila ay sa penthouse sa pinakaitaas na palapag nakatira ang lalaki.
“Si Maki Frias… siya ang may-ari ng gusali na ito pero ang propesyon niya ay may kinalaman sa technology. Maybe something to do with computers or programming, tama ba ako?” komento ni Brad.
Napahinto si Keith at Art sa paglalakad at manghang napatingin sa kaniya. Ngumisi siya at sinalubong ang tingin ni Keith. “Ah. I’m right.”
Tumango si Keith, mukhang bilib pa rin habang nakatingin sa kaniya. Si Art naman ay nagtanong nang, “Paano mo nalaman?”
Muling humagod ang tingin ni Brad sa paligid. “Maraming hidden camera sa buong building. A lot of LCD screens too. Nakikinita ko si Maki sa penthouse, nakaharap sa napakaraming screens kung saan nakikita ang iba’t ibang panig ng Bachelor’s Pad.” Itinutok ni Brad ang tingin sa isang partikular na camera na kung hindi mag-oobserba ang isang tao ay hindi mapapansin. Ngumisi siya at sumaludo. “Playing Big Brother, huh?”
Tumawa si Keith. Dahilan kaya bumalik ang atensiyon niya rito. “No. Mas gusto lang niyang nag-o-obserba ng mga tao kaysa maging sentro ng atensiyon.” Tumatawa pa rin ito nang lumapit kay Brad at tapikin siya sa balikat. “But hey, I like you, man. Matalas ang pakiramdam mo at observant ka.”
Napangiti na rin si Art. “So, ano? Titira ka ba dito?”
Nagkibit balikat si Brad bago ngumisi. “Oo naman. I still want to uncover the secret behind this building. At gusto ko pang malaman kung sino si Maki Frias.”
Natawa si Keith. “Well, if you stay long enough, maybe you’ll get to know him.”
“Then I will stay long,” nakangising sagot ni Brad.
“Not if you get married soon,” singit ni Art.
Natawa siya. “Ah. Hindi para sa akin ang marriage. Hindi bagay sa trabaho ko ang may asawang naghihintay at magtatali sa akin sa isang lugar. Kaya magtatagal ako sa Bachelor’s Pad.”
“We’ll see, Brad. We’ll see,” sabi ni Keith.