“UGH! SAYANG! Muntik na eh. Isang object na lang jackpot na.”
Natawa si Brad. Katunayan ay hindi na niya alam kung ilang beses siya napahagalpak ng tawa sa gabing iyon. Mula pa nang matanawan niya sa gitna ng maraming tao si Almira habang hinihintay niyang matapos ang set up ng stage para sa performance ng banda na halos dalawang buwan niyang sinundan para sa feature film na ginagawa niya. Doon ang huling shooting day nila. Post-production stage na siya mula sa susunod na linggo kaya iniisip niya na magrelax pagkatapos ng shoot nila sa gabing iyon.
Iyon ang tumatakbo sa isip niya kanina nang makita si Almira. Malayo pa lang ay halatang out of place ito sa lugar na iyon kahit pa puno ng turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang Fremont Street. Marahil dahil hindi katulad ng lahat na natutuwa sa ilang mga street performer at gogo dancers, ang babae ay panghihilakbot ang ekspresyon. Mapapailing na si Brad kanina at babawiin na sana ang tingin nang makita niyang bumuntong hininga ang babae at biglang natawa na mag-isa. Sa isang iglap ay nabago ang ekspresyon sa mukha nito. Umaliwalas at naging interesante. It was as if a wall of reservation around her disappeared. At dahil napatagal ang pagsunod niya ng tingin sa babae ay nakita niya nang mag panic ito sa pangungulit ng isang street performer.
“Ayoko na nga,” sikmat ni Almira sa slot machine.Ang sama ng titig nito doon at kumilos na para bang balak pang sipain iyon sa inis.
“Okay, let’s go. You must not hit the machine. Baka mahuli tayo,” mabilis na sabi ni Brad. Natatawang hinawakan niya ito sa siko at hinigit palayo roon.
“Madaya iyon! Hindi ko maintindihan kung bakit marami ang nag-uubos ng pera doon. Hindi na ako uulit,” inis pa ring maktol ni Almira.
“Dalawa lang ang epekto ng slot machine sa isang tao. Kung hindi ka maiinis at hindi na uulit ay ma-ho-hook ka naman at maglalaro hanggang sa wala ka nang mailabas na pera. It’s a good think that you didn’t enjoy it.”
Umismid si Almira. Naramdaman ni Brad nang pasimple nitong bawiin ang braso at iginala ang tingin sa paligid. Siya naman ay namulsa at pinagmasdan ito. Maraming beses na siyang nakarating sa Las Vegas kaya hindi na siya nabibigla sa mga nakikita niya. Nakakaaliw na makita ang reaksiyon ng babae. Sa mga sumunod na sandali ay nagtuturo si Almira ng kung ano at magtatanong ng “Ano iyon?” Siya naman ay sinasagot lahat ng tanong nito. Minsan ay humihinto sila sa tapat ng street performers upang sandaling manood. Minsan ay tumitingin sa souvenir shops. Hanggang sa may mapansin si Brad.
“Para sa isang turista, wala kang dalang camera at hindi ka kumukuha ng pictures na gaya ng mga tao dito,” puna niya.
Napatingin sa kaniya si Almira at nagkibit balikat. “Mas gusto kong i-capture ng mga mata ko at ng memorya ko ang isang lugar. Mas feel ko. Besides, hindi ako mahilig sa picture dahil hindi ako photogenic. Naiinis lang ako kapag nakikita ko.”
Umangat ang mga kilay ni Brad. “I don’t think so.”
Napatingin ito sa kaniya. “Ang alin?”
“Ang tungkol sa hindi ka photogenic. Maniwala ka sa akin na ang facial features mo ay magandang kunan ng larawan. Hindi lang marunog ang mga kumukuha sa picture mo,” sagot ni Brad dahil iyon naman talaga ang totoo. Maganda ang hugis ng mukha ni Almira. Kapansin-pansin iyon dahil hindi iyon natatabingan ng buhok nitong banat na banat ang pagkakapusod. Sa likod din ng eyeglasses nito ay napagtanto niya sa malapitan na maganda ang mga mata ng babae. Matangos ang ilong. Hugis puso ang mga labi.
Umismid si Almira. “Huwag ka na mambola. Okay lang naman sa akin kung ano ang hitsura ko. Anyway, saan ba masarap kumain? Nagugutom na ako hindi pa ako kumakain mula pa kanina.”
“Mahilig ka ba sa burger? O sensitive ka sa kinakain mo?” tanong ni Brad.
Tiningnan siya ni Almira. “Kung tinatanong mo kung nag-da-diet ba ako o hindi ang sagot ay hindi. Gutom na gutom ako kaya gusto ko ay nakakabusog.”
Amused na napangiti si Brad. “I like that attitude.” Kaya dinala niya ito sa isang burger joint sa dulong bahagi ng Fremont Street na ang tawag ay Heart Attack Grill. Ang pangalan na iyon ay dahil sa specialty ng kainan na three hundred fifty pounds burger. Pero siyempre ay hindi iyon ang kinain nila. Subalit kahit ganoon ay naaliw pa rin siyang pagmasdan ang reaksiyon ni Almira nang matikman ang burger na inorder nito.
Pagkatapos nilang kumain ay naglakad-lakad pa sila. At nang oras na para sa light show na makikita sa glass roof ng Fremont Street ay magkatabi silang nanood. “Kapag pinalabas na iyan ay ibig sabihin mag-a-alas onse na ng gabi,” sabi niya.
Napasinghap si Almira at nanlalaki ang mga matang napalingon sa kaniya. “Alas onse na ng gabi?! Oh no. Kailangan ko na umalis. Baka kanina pa ako hinihintay ng kaibigan ko na bumalik,” tarantang bulalas nito.
May nakapang pagkadismaya si Brad na kailangan na nitong umalis pero hindi siya nagprotesta. Dahil umpisa pa lang nang sabihin niyang sasamahan niya itong mag-ikot ay alam na niyang hanggang doon lang naman ang magiging pagkakakilala. Marami nang katulad ni Almira ang dumaan sa buhay ni Brad. Mga taong nakilala niya sa mga lugar na napuntahan na niya pero hindi na nakita pang muli. Ang mahalaga ay pareho silang nag-enjoy sa gabing iyon. “Sige. Let me walk with you hanggang sa labas lang ng street na ito,” sabi na lang niya.
Hindi na nila tinapo ang light show. Pagkalabas nila sa Fremont Street ay tumawid sila dahil doon mag-aabang ng taxi si Almira. Hinarap siya ng babae, inayos ang salamin sa mga mata, huminga ng malalim at ngumiti. “Well, salamat sa pagsama sa akin ngayong gabi.”
“No problem,” nakangiti ring sagot ni Brad. Pagkatapos ay inilahad niya ang kamay. “It was nice meeting you, Almira.”
Sandaling tiningnan nito ang kamay niya bago nakangiting inabot iyon. They shook hands. “Salamat din. Nag-enjoy ako at mas naging komportable na may kasama akong nag-ikot.” Nang kapwa na nila nabawi ang mga kamay at sandaling nagkatitigan pa sila bago tumikhim ang babae at malawak na ngumiti. “Paalam na.”
“Bye,” sagot ni Brad.
Pumara ng taxi si Almira, sumakay doon at kinawayan siya sa huling pagkakataon bago umandar palayo ang taxi. Si Brad naman ay sumunod na pumara ng taxi para bumalik sa The Cosmopolitan Hotel kung saan siya naka-checked in. Alam niya na kanina pa nauna roon ang dalawa niyang assistant. Maging ang mga miyembro ng banda. Sagot ng music label ang gastos nila mula sa unang shooting day. Ganoon kalakas ang tiwala ng kompanya na sisikat at magdadala ng limpak na salapi ang banda na gagawan niya ng feature film. At naniniwala siya roon. Kaya nga niya tinanggap ang trabaho na iyon dahil hanga din siya sa banda.
Nasa biyahe na nang biglang tumunog ang isang cellphone niya. Iyong may roaming number. Agad na dinukot ni Brad ang gadget dahil ang kanyang ina lang naman ang tumatawag sa kaniya sa numero na iyon kapag nasa ibang bansa siya. Kaya naman nagtaka siya nang numero lang ang nakarehistro sa screen.
“Hello?” takang sagot niya sa tawag.
“Brad,” usal ng tinig ng isang babae. “This is Mathea.”
“Mathea. Paano mo nalaman ang numero na ito?” takang tanong niya at napaderetso ng upo sa likod ng taxi na sinasakyan niya.
“Kay tita Peachy. Matagal na niyang binigay ang number mo na ito, actually. Ngayon lang ako nagkalakas ng loob na tumawag.”
Napailing si Brad sa pakulo na naman ng kanyang ina. “Kasama mo ba si mom?” tanong na lang niya sa babae.
“Actually, si tita Peachy ang dahilan kung bakit ako tumatawag sa iyo ngayon,” usal ni Mathea na huminga pa ng malalim sa kabilang linya. Biglang kinabahan si Brad at hinintay ang susunod na sasabihin ng babae. “Alam ko na pilit niya tayong pinapareha sa isa’t isa. But you see, Brad, may dahilan kung bakit gusto na ni tita na lumagay ka sa tahimik. Ayaw niya ipasabi sa iyo hangga’t… well, hangga’t hindi ka pa daw pumapayag sa gusto niyang mangyari. But I think you have the right to know what’s going on before it’s too late.”
“Ano ba talaga ang nangyayari kay mommy, Mathea?” hindi na nakatiis na tanong ni Brad.
“Brad… tinakbo namin sa ospital si tita Peachy. May matagal na siyang iniinda na ayaw niyang ipasabi sa iyo. Sasabihin ko sa iyo pero please, huwag kang uuwi bigla kung hindi ka pa naka-schedule na uuwi ha? Ayaw niyang makita mo siyang ganito at gusto niyang siya ang magsasabi sa iyo. Please understand her. She… she has stomach cancer. Stage four.”
Parang may bombang sumabog sa mukha ni Brad at nanghihinang napasalampak ng upo. Kinapos siya ng paghinga at naibaba ang cellphone bago pa man makapagpaalam ng maayos kay Mathea. Napatitig siya sa labas ng bintana ng umaandar na taxi. Bigla ay parang lobo na nawalan ng hangin na napalis ang magandang mood niya. Bumalik sa isip niya ang mga naging kilos at pananalita ng kanyang ina sa nakaraang mga buwan. Ang madalas nitong pagnanais na makita siya at manatili ng permanente sa pilipinas kahit noon naman ay hinahayaan siya nitong gawin ang lahat ng gusto niya. Ang pangungulit nitong lumagay na siya sa tahimik.
“Iyon pala ang dahilan,” tila sinasakal na nausal niya. Nahigit niya ang hininga at marahas na nahilamos ang kamay sa kanyang mukha. May malalang sakit ang kanyang ina. Worst, hindi siya makalipad sa Pilipinas sa mismong sandaling iyon dahil ma-pride ang mommy niya at sasama ang loob nito kapag nalamang alam na niya ang tungkol doon bago pa ito maging handa na sabihin sa kaniya. Bukod sa may trabaho siyang hindi niya pwedeng iwan dahil masisira siya sa pinakamalaking kompanya na nagbibigay sa kaniya ng trabaho. Mas lalong hindi iyon magugustuhan ng kanyang ina.
“s**t, s**t, s**t,” frustrated na paulit-ulit niyang ungol.
Paanong ang perkpekto niyang buhay ay biglang gumuho ng ganoon na lang?