CHAPTER 3

1650 Words
Pinagmamasdan din ng lalaki ang mukha ni Almira. Pagkatapos ay naningkit ang mga mata, naunang ngumiti kaysa sa mga labi nito, at umaliwalas ang mukha na parang nakakita ng matagal nang kakilala. “Ah. Pilipina ka.” Napamulagat si Almira nang magtagalog ang lalaki. “At Pilipino ka!” bulalas niya. Natawa ito. “Yeah. So, ito ba ang unang punta mo sa Las Vegas? Mukhang nag panic ka kanina. Kaya lalo kang ayaw iwan. Street performer iyon at alam nila kung sino ang madaling mapapayag.” “Street performer iyon? Akala ko stripper!” nabulalas niya. Napahagalpak ng tawa ang lalaki. “No. Not a stripper. Anyway, may mga street performer na alam kung sino ang hahatakin nila para magpakuha ng larawan. Pagkatapos sinisingil nila kahit ang totoo ay bawal iyon. It’s free to take a picture of anything you want here.” Uminit ang mukha ni Almira sa pagkapahiya. “Paano naman ako nagmukhang bagong salta?” hindi niya naiwasang pataray na itanong. Kahit ang totoo ay medyo nakahinga siya ng maluwag na hindi natuloy ang panggagantso sa kaniya ng street performer na mukhang stripper. Lumawak ang ngiti ng lalaki. Lalo tuloy naningkit ang mga mata habang pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. “You still look awkward and out of place. Halata sa body language mo. Anyway, mag-isa ka lang ba? Dahil siguradong hindi iyon ang una at huling may lalapit sa iyo kung mananatili ka pa sa pag-iikot sa downtown ng mag-isa.” Natigilan si Almira at sandaling nag alangan. Pero nang maalala ang pakiramdam niya kanina, noong malakas ang loob niyang kaya niyang gawin ang lahat habang naroon siya ay napalis ang alinlangan niya. Isa pa ay trenta’y singko anyos na siya. Hindi ba dapat mas malakas na ang loob niyang sumubok ng mga bagay ngayon? Itinaas na niya ang noo. “Magiging okay ako,” sabi niya sa lalaki. “Besides sa pag-iikot lang naman ngayong gabi ako mag-isa. May kaibigan ako na dito sa Las Vegas nakatira. Bukas may kasama na ako mamamasyal.” “Hmm,” nausal ng lalaki habang nakamasid pa rin sa kanyang mukha. Pagkatapos ay ngumiti at tinapik pa siya sa braso na para talagang magkakilala sila. “Well, that’s good then. Pinagmamalaki ng mga opisyales dito na ligtas sa Las Vegas. At sa tingin ko naman ay tama sila. Tourist friendly ang lugar na ito. But still, the Sin City is not a good place to travel alone.” “Brad! It’s about time!” malakas na sigaw ng isang amerikano ilang metro mula sa isa pang stage na katulad ng nakita niya kanina sa gilid ng Las Vegas Club. Iyon lang ay wala pang tumutugtog na banda sa stage na iyon at mukhang inaayos pa lang ang sound system. Sa lalaking katabi niya nakatutok ang atensiyon ng amerikano. “I got it!” ganting sigaw ng lalaking katabi niya na ngayon ay alam na niyang Brad ang pangalan. Ibinalik nito ang atensiyon sa kaniya. “Well, I have to go –” Natigilan ito na parang may naisip. Bigla ay nag-iba ang paraan ng tingin sa kaniya ni Brad at may kumislap na kapilyuhan sa mga mata. “No, wait. May naisip akong mas magandang ideya. Come.” Pagkatapos ay hinawakan nito ang siko niya at hinatak siya patungo sa amerikanong tumawag dito. Nagulat si Almira pero hindi na nagkaroon ng pagkakataong magprotesta. Saglit lang kasi ay nakalapit na sila sa amerikano na bumakas ang pagtataka sa mukha nang mapatingin sa kaniya. “Are they all ready?” tanong ni Brad. “Yes. And our equipment and your camera are on the side of the stage. But Brad, who is she?” tanong na ng amerikano na itinuro pa siya. “Ah, she’s from my country. She’s…” Niyuko siya ni Brad. “Anong pangalan mo, miss?” “Almira,” sagot niya. Napangiti si Brad. “That’s a nice name.” Saka bumaling uli sa amerikano. “She’s Almira. She’s my guest.” “Oh, fine. You’re the director, you do what you want.” Natawa si Brad at tinapik ang amerikano. “Let’s get started then.” Walang ideya si Almira kung ano ang pinag-uusapan ng dalawang lalaki. Magpapaalam na sana siya pero inaya na naman siya ni Brad patungo sa gilid ng stage at pinatayo doon. “Pwede ka manood dito. Huwag kang aalis kahit anong mangyari okay? Kapag natapos ang trabaho ko dito, sasamahan kita mag-ikot.” Pagkatapos ay niyuko nito ang mga itim at malalaking mga bag sa paanan nila at naghalungkat doon. “Hindi mo na ako kailangan samahan. Hindi mo ako kargo.” Natigilan siya nang makitang video camera na katulad sa mga ginagamit sa pelikula ang inilabas ni Brad sa malaking bag at sinimulang i-set up. Lumapit ang amerikano at isa pang lalaki na mukhang may lahing pinoy at nagsimulang kumuha ng mga gamit doon. Bahagya pa nga siyang umatras para hindi makaabala at manghang pinanood lamang ang mga ito.  “Ano bang trabaho ang sinasabi mo?” takang tanong ni Almira. Tiningala siya ni Brad at ngumisi. “We are going to shoot a performance.” Pagkatapos ay tumayo ito at bitbit na ang malaking camera. “Diyan ka lang at manood. This band is great.” Iyon lang at umalis na ito kasama ang dalawang lalaki. Napasunod na lang ng tingin si Almira. Hanggang sa may may umakyat na sa stage at nagsimulang tumugtog. Nagitla siya at napatakip sa magkabilang tainga dahil malakas ang tunog sa pwesto niya lalo at rock song ang musika. Agad na nakuha ang atensiyon ng maraming tao sa paligid. Lalo na at may isang teenager sa di kalayuan na nanlalaki ang mga mata at isinigaw ang pangalan ng banda sabay tili. Maya-maya pa ay dumadami na ang mga taong lumalapit para makinig at umindak sa tugtog. Maging si Almira ay napanood na rin dahil in fairness, magaling ang banda at maganda ang kanta. Hanggang sa natagpuan niya ang sarili na nag-e-enjoy kahit hindi naman talaga siya mahilig sa ganoong klase ng tugtugin. Nawala na sa isip niya na hindi niya kailangan manatili doon para hintayin si Brad. Naalala lang niya ang tungkol doon nang matapos ang performance ng banda, nagpasalamat at saka umalis na sa stage. Ang mga nanood ay unti-unting umalis. At si Brad ay bumalik na sa kung saan siya nakapwesto, pawis pero parang ang bango pa rin tingnan. Bakit nga kaya may mga ganoong tao? Iyong hindi nagmumukhang madungis at mabaho kahit pawis na pawis. Siya ay bumiyahe lang sandali ay na-ha-haggard na. Kaya nga nakasanayan niyang ipusod ng mahigpit ang buhok niya para kahit mahangin sa labas ay hindi nagugulo ang buhok niya. Matapos iligpit ang camera ay hinarap siya ni Brad, nagpupunas pa ng pawis gamit ang isang towel at nakangiti siyang tiningnan. “Did you enjoy the music? Magaling sila hindi ba?” “Oo. So ang trabaho mo ay kunan sila ng video?” “Yes. Parang ganoon. So, tamang-tama, alas diyes na. Mas marami kang makikita sa Fremont Street nang ganitong oras. Tara.”  Hindi kumilos sa kinatatayuan si Almira. Noon kasi tumimo sa isip niya na kahit Pilipino ay isa pa rin estranghero si Brad. At hindi ba bilin sa kaniya ni Julian na huwag siyang basta makikipag-usap sa estranghero? Lalo na siguro ang sumama dito. Mukhang nabasa nito sa mukha niya ang iniisip niya dahil umangat ang mga kilay nito. “Wala akong masamang intensyon. Sabihin na nating isa akong kababayan na nagmamagandang loob. I swear.” Itinaas pa nito ang isang kamay na tila mamamanatang makabayan. Umangat ang gilid ng mga labi ni Almira. Hindi niya mapigilan. Pagkatapos ay pabuntong hininga na lang siyang nagkibit balikat. “Okay. Fine. Tara na nga. Tamang tama at may gusto akong subukan. Balak ko sanang ituloy kapag kasama ko na ang kaibigan ko dahil ayokong gawin na nag-iisa ako.” “Ano ang gusto mong subukan?” usisa ni Brad na nakaangat ang mga kilay at bahagya na ring nakaangat ang gilid ng mga labi. Tumikhim si Almira at nagpatiuna na sa paglalakad. Sobrang ingay pa rin sa paligid pero dahil agad na umagapay sa kaniya ang lalaki dahilan kaya magkalapit sila sa isa’t isa ay alam niyang magkakarinigan sila. “Slot machine,” sagot niya. “Slot machine?” “Oo. Hindi ba ang Las Vegas ay about gambling? Hindi ko kaya pumasok sa casino at maglaro talaga. Kaya at least gusto kong subukan ang slot machine para lang masabi ko naman na talagang nagpunta at na-experience ko ang Sin City,” paliwanag ni Almira. Napahagalpak ng tawa si Brad kaya napalingon siya rito. “Hindi lang slot machine ang pwede mong gawin para ma-experience ang Sin City. But well, sige. Kung iyan ang gusto mo sasamahan kita maglaro. Dahil kailangan mo talaga ng kasama para may pipigil sa iyo kapag na-hooked ka. Slot machines are casinos’ way to make their customers lose lots of money, after all.” Kumunot ang noo ni Almira at napatitig sa lalaki na ngiting ngiti pa rin. Bakit ba pakiramdam niya ay nakakatawa siya para kay Brad kaya siya nito sasamahan? Hindi niya maintindihan kung bakit handa itong umaktong tour guide dahil lang magkababayan sila. Naalis ang tingin nito sa kaniya at parang may nakitang kung ano sa isang bahagi. “There! A slot machine. Tara,” aya na nito. Muli ay napabuntong hininga na lang si Almira at sa huli ay napakibit balikat na lang. Pagkatapos ay naglakad na siya patungo sa itinuro ni Brad. Hahayaan na lang niyang samahan siya nito. Ngayong gabi lang naman. Mula bukas ay hindi naman na sila magkikita pa kahit kailan. I-e-enjoy na lang niya ang unang gabi niya sa Las Vegas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD