NAPAHINGA ng malalim si Almira sa magkahalong kaba, relief at pagkasabik habang naglalakad sa arrival area ng McCarran International Airport. Makalipas ang halos dalawang buwan na pagaasikaso ng tickets at visa, pagkatapos ng halos isang araw na travel at waiting time, ay sa wakas nakatapak na siya sa Las Vegas, Nevada. Isa iyong karanasan na sinukuan na niyang matutupad – ang makarating sa Amerika. Salamat kay Julian at sa employee’s priviledge nito. Kung hindi dahil doon ay malabong gumastos siya para magpunta doon ng tatlong araw lang. Limang araw lang kasi ang leave na nakuha niya sa trabaho at dalawa sa araw na iyon ay travel time lang niya papunta at pabalik ng Pilipinas.
Nakalabas na siya mula sa Immigration Area at nakuha na rin niya ang checked-in baggage niya. Iginagala niya ang tingin habang naglalakad. “Almira!” Napalingon siya sa pamilyar na tinig na tumawag sa pangalan niya. Matamis siyang napangiti at inayos ang salamin sa mga mata nang makita sa di kalayuan si Julian. Ngising ngiti din ito at masiglang kumakaway. Halos patakbong lumapit si Almira habang ang matalik niyang kaibigan ay naglakad din pasalubong sa kaniya.
“Julian!” masayang bulalas niya nang ilang hakbang na lamang ang layo nila sa isa’t isa. Pagkatapos ay namilog ang mga mata niya at napasinghap sa pagkamangha nang bigla siyang yakapin ng mahigpit ng lalaki. Muntik na nga mapipi ang salamin niya sa mga mata. At hindi pa natapos ang lahat dahil sa sumunod na sandali ay nakaangat na ang mga paa niya sa ere.
Napasigaw siya sa pagkagulat at napakapit sa mga balikat ng lalaking tumawa lang. “I miss you, Almira,” bulalas nito at malutong siyang hinalikan sa magkabilang pisngi.
Natameme siya at sandaling nablangko ang isip. Oo at sweet sila ni Julian sa isa’t isa pero iyon ang unang beses na niyakap at hinalikan siya nito ng ganoon. Sumikdo ang puso ni Almira. Saka lamang niya nahamig ang sarili nang lumapat na muli ang mga paa niya sa sahig. Tumikhim siya at ngumiti. “I missed you too, Julian. Ikaw kasi hindi ka na umuuwi sa atin.”
Natawa ang lalaki. “Malalaman mo bukas kung bakit hindi ako umuuwi,” sabi na lang nito. Kinuha nito mula sa pagkakahawak niya ang kanyang maleta at saka siya inakbayan. “Tara. May kinontrata na akong sasakyan na magdadala sa iyo sa flat ko. I’ll give you the key. Pasensya ka na ha? Naka-duty ako ngayon. Tumakas lang ako para sunduin ka dito. Pero bukas mamamasyal tayo sa Las Vegas Strip. Promise.”
“Okay lang ‘no. Ako na lang muna ang mamamasyal sa malapit sa flat mo. Nag-research ako,” sagot niya.
“Okay. But be careful. Huwag kang mag-relax dahil lang magaganda ang makikita mo. Huwag ka pa rin basta magtiwala sa kung sinong estranghero,” paalala ni Julian nang nasa tapat na sila ng taxi na kinontrata nito.
Natawa na si Almira. “Oo naman. Tigilan mo nga iyang tono na iyan na para akong bata. Magka-edad lang tayo. Magiging okay ako.”
“Well, fine,” pabuntong hiningang sagot ni Julian. Pagkatapos ay muli siya nitong niyakap at hinalikan sa pisngi. “See you later.”
Ngumiti siya at tumango. Pagkatapos ay sumakay na siya sa taxi at kumaway kay Julian bilang pamamaalam.
HALOS ala una na nang makarating sa flat ni Julian si Almira. Hindi naman kasi naging maaga ang lapag ng eroplano niya. Inilagay niya ang maleta niya sa silid na iniwan ng kaibigan niyang nakabukas para magamit niya. Dapat ay magpapahinga lang siya sandali at lalabas na rin. Lalo at namangha siya sa mga nakita niya kanina habang bumibiyahe ang taxi na sinasakyan niya at sabik siyang makita ng malapitan at mas matagal ang mga iyon. Pero nang mapahiga siya sa kama ay nakatulog siya. Nang magising ay alas siyete na ng gabi at kumakalam na ang sikmura niya.
Nagpalit ng damit si Almira at ipinusod pa-bun ang buhok na katulad ng ginagawa niya kapag pumapasok sa trabaho bago lumabas ng flat para mamasyal at humanap ng makakainan. Muli ay hindi niya naiwasan mamangha at parang bumalik siya sa pagkabata habang iginagala ang tingin sa paligid. Mas nagulat siya na kahit alas siyete na ng gabi ay tila papadilim pa lamang ang langit. Kung nasa Pilipinas siya ay siguradong madilim na. Pero okay lang dahil mas nakampante siyang mamasyal. Ang tagal niyang naglakad pero wala siyang nadamang pagod at parang lumipas pa nga ang gutom niya. Matataas ang mga gusali, malawak ang mga kalsada na puro taxi at kotse ang dumadaan at iba-ibang lahi ang mga taong naglalakad sa sidewalk. Iba ang simoy ng hangin, iba ang hitsura ng kalangitan at iba ang pakiramdam sa paligid. She’s really in a different country.
Lalo siyang namangha nang magtungo siya sa Fremont Street na siyang bahagi ng downtown na puntahan ng karamihan sa mga turista. Na-research iyon ni Almira bago pa man siya lumipad patungo roon pero iba pa rin pala kapag naroon ka na talaga ng personal. Madilim na talaga ang langit ng mga sandaling iyon pero hindi iyon alintana doon dahil sa makukulay at maliliwanag na ilaw mula sa mga establisyemento. Ang mga signage ay malalaki at kumukutitap. Ang mga tugtugin ay masisigla at naghahalo-halo pero sa kung anong dahilan ay hindi masakit sa tainga.
Katunayan ay naging dahilan iyon para sumikdo sa pagkasabik ang puso ni Almira at nabuhay ang kanyang adrenalin. Napahinga siya ng malalim at wala sa loob na naayos ang salamin sa mga mata. Mabilis ang t***k ng puso niya nang magsimulang humakbang. Pakiramdam niya ay para siyang pumasok sa ibang dimension. O kaya ay sa loob ng set ng isang lumang Hollywood film. O kaya ay isang giant amusement park na hindi pambata kung hindi pang adults.
Ang unang bumati sa kaniya ay ang napakaraming taong palakad-lakad. Kasunod ay tunog ng isang banda na tumutugtog sa isang malaking stage sa gilid ng establisyementong may malaking signage na ‘Las Vegas Club’. Mukhang may mag-pe-perform doon ano mang sandali. Sa paglingon naman niya sa kabilang bahagi ay napasinghap si Almira at hilakbot na napaatras nang makitang may mga babaeng nakatayo sa mahabang bar counter, sumasayaw sa saliw ng isang maharot na tugtog… na naka-bra at panty lang! May ilang lalaki na may hawak na beer ang nakasandig pa sa bar counter na iyon at nakatingala sa mga babae.
Para siyang napaso na binawi ang tingin at nagpatuloy sa paglalakad. Marami pa siyang mga kakaibang nakita sa mga sumunod na sandali. Mga babaeng ala victoria secrets angels ang ayos, may kasama pang pakpak; ilang street performers; may elvis impersonator, may mga magkasintahan pang naghahalikan kahit maraming tao sa paligid; at may tatlong lalaki na nakasuot ng maskara, knee high boots at… walang saplot maliban sa t-back briefs!
Uminit ang mukha ni Almira at agad iniwas ang tingin. Binilisan din niya ang paglalakad. Crazy. This place is full of crazy people! Pero maya-maya lang ay hindi niya naiwasang mapangiti. Na naging hagikhik. Naku, nadadala na yata siya ng ambiance ng Fremont Street. Nadadala siya ng kasiyahan sa paligid. It makes her want to lower her guard, mag-relax at i-enjoy ang bagong karanasan na iyon. Bagay na mula noon ay hindi niya nagawa dahil sa mga responsibilidad niya sa buhay.
The festivity around her makes her want to let her hair down. Ang ilabas ang natatago niyang kabaliwan dahil parang ang saya-sayang gawin iyon ngayon sa lugar na iyon. It makes her want to do crazy and new things too. Para kasing kahit anong gawin mo doon ay walang pakielam ang ibang tao. Hindi ka huhusgahan. Baka nga udyukan ka pa ng mga tao doon.
Kaya yata Sin City ang tawag sa Las Vegas. Isa iyong siyudad na pinapakitaan ka ng magagarang bagay, ng mga kasiyahan at ng mga pang-aliw. Tinutukso kang gumawa ng bagay na hindi mo normal na gagawin kung nasa sariling bayan ka.
Napailing si Almira pero nakangiti pa rin. Kapag narinig ng mga tao sa Visperas Hotel kung saan siya executive housekeeper ang nasa isip niya ay tiyak na mamamangha ang mga ito. Mahigpit kasi siya, konserbatibo, straight-laced at minsan ay suplada sa trabaho. Pero ang totoo ay hindi naman siya ganoon palagi. Lalo na kapag nasa bahay na siya at relaxed na. Kailangan lang talaga niyang maging ganoon sa trabaho para igalang at irespeto siya ng subordinates niya.
Huminga ng malalim si Almira at nagpatuloy sa paglalakad. Sa pagkakataong iyon ay napatingala siya at namilog ang mga mata sa pagkamangha nang makitang hindi rin pala basta-basta ang makikita sa itaas ng Fremont Street. May glass na tila gazebo sa taas at may mga naglalarong ilaw at hugis doon. Mangha pa ring nakatingala siya roon habang naglalakad kaya nagitla siya nang mabangga siya sa isang katawan. “I’m sorry,” agad na bulalas niya at inalis ang tingin sa itaas upang tingnan ang nabangga niya. Namilog ang kanyang mga mata nang bumungad sa kaniya ang isang weird na maskara at hubad na katawan ng isa sa mga lalaking nakita niya kanina. Napaatras siya. “S-sorry,” ulit niya at akmang lalayo nang biglang hawakan ng lalaki ang braso niya. Napasinghap siya.
“Hey, why don’t you take a picture with us?” alok nito at may itinuro ang isang kumukuti-kutitap na shop na mukhang club at may ilang mga lalaking nakaayos rin na tulad nito sa labas.
Oh, my God, mga stripper ba ang nandoon? Hindi ko pa keri ‘to! sigaw ni Almira sa isip. “N-no, thank you,” natatarantang tanggi niya at hinahatak ang braso pero mapilit ang lalaking walang saplot. Nanlalamig na siya at iginala ang tingin upang humanap ng mahihingan ng tulong pero walang pumapansin sa kanila. Huminga siya ng malalim at muling hinarap ang lalaki. Pilit pa siyang ngumiti pero marahas na umiiling.
“Hey, dude, just let her be,” biglang sabi ng isang tinig ng lalaki sa kanyang likuran nang akala ni Almira ay wala nang lalapit para tulungan siya. Hindi naman galit ang tinig ng lalaki, medyo palakaibigan pa nga, pero nakinig dito ang stripper at binitawan ang braso niya.
Itinaas pa ang dalawang kamay. “Just having fun,” sagot ng stripper.
Tumawa ang lalaki sa likuran ni Almira. “I know, dude. This is Vegas. But let her be.”
“Oh, fine.”
Iyon lang at tumalikod na ang stripper at naglakad patungo sa grupo nito. Saka lang nakahinga ng maluwag si Almira. Napaderetso siya ng tayo, inayos ang salamin sa mga mata at kumilos upang lingunin ang lalaking nagligtas sa kaniya. “Thank you so mu –” Hindi niya natapos ang sasabihin nang mapatingala at makita ang mukha nito. Napakurap siya at nabigla na ubod pala ng guwapo ang lalaki. Makapal ang itim at maiksi nitong buhok. Makapal din ang mga kilay na ipinares sa magandang mga mata na may pagkasingkit, matangos ang ilong, mapula ang mga labi. Maamo ang mukha nito na nagmukhang rugged at manly dahil sa stubbles sa mga panga at baba. Pero hindi lamang ang katotohanang guwapo ito kaya siya napatitig sa lalaki. Sa kung anong dahilan din ay pamilyar ang mukha nito.