CHAPTER 1

1692 Words
KUMUNOT na ang noo ni Almira at kanina pa inip na tinatapik ng daliri ang lamesa sa kanyang silid habang nakatutok ang tingin sa screen ng laptop niya. Nakabukas ang skype niya at kanina pa kino-kontak si Julian. Napatingin siya sa oras sa laptop niya. Bakit kaya ang tagal nito sumagot? Dati ay ganoong oras sila nag-uusap sa skype. Kahit kasi nasa magkabilang panig sila ng mundo ay nagkataong pareho nilang day-off. Araw nga lang sa Pilipinas habang sa Las Vegas kung nasaan ang lalaki ay gabi. Ilang minuto pa siya naghintay bago sa wakas ay kumonekta ang video call. Napaderetso ng upo si Almira nang makita na sa screen ang loob ng flat na tinitirhan ni Julian sa Las Vegas. Kasunod niyon ay umupo sa harap ng laptop nito ang lalaki at nakita na rin niya sa wakas ang mukha ng kanyang matalik na kaibigan mula pa noong high school siya. “Hey. Sorry, I’m late. Lumabas ako sandali eh,” sabi nito. Pagkatapos ay ngumiti. “Kamusta na ang maganda kong bestfriend? May boyfriend na?” Naitirik ni Almira ang mga mata pero hindi naman napigilan ang ngiti. Ganoon ang epekto ng ngiti ni Julian kahit kanino. Sa kasamaang palad, kahit ilang dekada na ang naging pagkakaibigan nila ay hindi pa rin siya immune sa charming at boyish smile ng matalik niyang kaibigan. Palibhasa ay guwapo ang loko. “Wala. Hindi na yata magkakaroon. Huwag na nga iyan ang una mong tinatanong tuwing mag-uusap tayo.” Natawa si Julian. “Alam mo, sa tingin ko talaga may problema ang taste ng mga lalaki diyan sa Pilipinas kung hindi ka nila nililigawan. Seriously, what’s wrong with them? Bakit hindi nila makita ang maganda, matalino at mabait na babaeng nakikita ko sa harap ko ngayon?” “Hay, Julian. Maboka ka pa rin. Sa tingin ko walang problema sa kanila. Ikaw lang talaga ang bilib na bilib sa akin,” sagot ni Almira. Dahil hindi siya naniniwalang kasing ganda siya na tulad ng palaging sinasabi ng mga magulang niya at ni Julian. Hindi siya pangit pero sa tingin niya ay average lang ang hitsura niya. Lalo at makapal ang grado ng salamin niya sa mga mata na palagi niyang suot. Bukod doon ay araw-araw siyang nakakakita ng mga guest na ubod talaga ng gaganda dahil sa hotel siya nagtatrabaho. Mukhang bobolahin pa siya ni Julian kaya agad na niyang iniba ang usapan. Kinamusta niya ang trabaho at buhay nito sa Las Vegas. Agad namang nagkwento ang lalaki. Isang dekada na mula nang magtungo doon ang matalik niyang kaibigan para magtrabaho sa isang airline company sa McCarran International Airport. Dati ay taon-taon itong umuuwi ng Pilipinas para magbakasyon sandali, lalo at bahagi ng benefits nito sa pagiging empleyado sa airline company ay ilang free trips o kaya ay discounted trips sa kung saang bansa nito maibigan kada taon. Pero nitong nakaraang tatlong taon ay hindi na ito umuuwi dahil abala daw. Ayaw naman sabihin kung ano ang pinagkakaabalahan. Tinanong niya ang mga magulang nito na kapitbahay lang nila pero hindi rin alam ng mga ito. Nagtatampo nga rin daw ang nanay ni Julian na hindi na umuuwi ang lalaki. “Sana makapunta ka rito sa susunod, Almira. I want to show you Las Vegas,” masiglang bulalas ni Julian makalipas ang halos kalahating oras na pag-uusap nila. “Hey! Tama. You should do it. Pumunta ka dito. Magbakasyon ka naman dahil mula noon ay puro trabaho na lang ang inatupag mo.” Napabuntong hininga siya at napailing. “Para namang ang dali lang magpunta diyan at afford ko, ‘no?” May pera man si Almira ay nasa savings account niya at ipon niya mula pa noong napatapos niya sa wakas ng pag-aaral ang bunso niyang kapatid. Siya kasi ang panganay sa tatlong magkakapatid at nag-iisang babae. Hindi sila mayaman at ang kabuhayan lamang ng mga magulang niya noon ay isang maliit na puwesto sa palengke kaya siya ang nagpaaral sa mga kapatid niya nang makapagtrabaho siya. Sa awa ng Diyos ay nairaos naman niya ang pag-aaral ng dalawa niyang kapatid. Pero ilang taon lang mula nang magsimulang magtrabaho ay hayun, nagsipag-asawa at ngayo’y may tig-isa nang anak. At dahil mga hindi pa kayang bumukod ay doon din sa bahay nila nakatira. Ang ginawa na lang ay nagpa-extend ng dalawang kuwarto sa magkabilang gilid ng bungalow type nilang bahay para may privacy ang dalawang pamilya. Si Almira ay gamit pa rin ang may kaluwagang silid na noong mga bata pa sila ay gamit nilang tatlong magkakapatid. Inalis na lang niya ang double deck na dati ay naroon. Katabi ng silid niya ay sa kanyang mga magulang. Kahit naman ganoon ay mas maayos na kaysa dati ang buhay nilang pamilya. Ang puwesto nila sa palengke ay nadagdagan ng mas malaki at ginawang bigasan. Maganda naman ang kita. May kaniya-kaniyang trabaho rin ang dalawa niyang kapatid na pambuhay ng mga ito sa mag-iina kahit pa minsan ay kailangan magsikip ng sinturon lalo na at nag-aaral na sa elementarya ang mga pamangkin niya.  Siya naman ay nagawa nang makapag-ipon paunti-unti dahil wala naman siyang ibang aasahan maliban sa kaniyang sarili. Lalo na at may palagay si Almira na talagang tatanda siyang mag-isa, walang asawa at walang anak. Trenta’y singko na siya. Kailangan na niyang maging realistic. Kailangan niya mag-ipon ng pantustos sa sarili niya sa hinaharap. “Hindi ko pwedeng ubusin ang ipon ko para lang magpunta sa Las Vegas, Julian,” sabi ni Almira. “Hindi ko naman sinabing gumastos ka ng husto,” sagot ng kanyang kaibigan at ngumisi. “Para saan pang kaibigan mo ako? Akong bahala sa airfare. Ikukuha kita ng malaking discount. Pagdating naman sa tirahan ay pwede ka naman sa flat ko. I have extra room. Come on, Almira. See the other side of the world kahit isang beses lang. Hindi ba pangarap natin ito? Kaya nga nagsikap ako na makuha ang trabaho ko at ikaw ay kaya kumuha ng HRM kasi ang pangarap natin ay makapunta sa ibang bansa. Akong bahala sa iyo.” Medyo may nakapang kudlit sa puso si Almira nang ipaalala ni Julian ang tungkol sa pangarap niyang iyon. Ang totoo ay magkasabay silang nag-apply ng lalaki noon. Pero ewan ba niya, hindi siya matanggap-tanggap sa trabahong pang-abroad. Blessing din naman kasi ilang buwan lamang matapos lumipad patungong Las Vegas si Julian maraming taon na ang nakararaan ay natanggap naman siya sa Visperas Hotel. At ngayon nga ay siya ang tumatayong Executive Housekeeper doon. “Almira, please? Visit me?” pakiusap ng matalik niyang kaibigan. Sandali siyang nag-isip. Tama naman ito. Pangarap niya dati ang makarating sa malayong bansa. Pagkakataon na niya iyon. Isa pa ay nami-miss na niya si Julian. Gusto na niya itong makita. “Sige na nga,” sa huli ay nakangiti nang sang-ayon niya. Natuwa ang matalik niyang kaibigan. “Great! Tamang tama. May sorpresa ako pagdating mo dito.” Sandali pa silang nag-usap tungkol sa mga dapat niyang gawin para makalipad sa Las Vegas. Ilang oras ang nakalilipas ay nagpaalam na sila sa isa’t isa matapos mapag-usapan kung kailan ulit sila mag-uusap. Hanggang sa mapatay ni Almira ang laptop ay ngiting ngiti pa rin siya. Pagkatapos ay masigla siyang tumayo, lumabas ng kanyang silid at sinabi sa pamilya niyang nagkukumpulan sa sala ang napag-usapan nila ni Julian. Sandaling napatitig lang sa kaniya ang mga ito bago biglang nagsipag-ngisihan at nagsimulang manudyo. “Ay, sus, kayo rin talaga ni Julian ang magkakatuluyan anak! Pareho pa kayong walang asawa sa edad niyong iyan, samantalahin mo ang pagkakataon at siguruhing masisilo mo na siya,” sabik na bulalas ng nanay niya. Namilog ang mga mata ni Almira sa pagkagulat sa sinabi nito. “‘Nay! H-hindi kami ganoon ni Julian –” “Naku ate, kunwari ka pa. Sige nga, sabihin mo sa amin kung ni minsan ba ay hindi mo naisip na baka kayo ni kuya Julian sa huli? Gwapings iyon, mabait, madatung, at ngayon ay tutulungan ka pa makarating ng Las Vegas? Iba na iyon! Huwag mo na pakawalan ate. Kung hindi, hindi ka na talaga makakapag-asawa. Baka hinihintay ka lang din niya,” buska ni MJ, ang kapatid niyang bunso. “Oo nga. May gusto kayo sa isa’t isa kayong dalawa lang ang hindi nakakapansin. Itanong mo pa sa nanay niya. Napag-uusapan namin araw-araw ang tungkol sa inyong dalawa eh,” sabi na naman ng nanay niya. Hindi nakapagsalita si Almira at napamaang na lamang sa kanyang pamilya. Pero hindi rin naman niya maitanggi na may mga pagkakataon na naiisip niyang baka kaya pareho pa silang single ni Julian ay dahil sila talaga ang para sa isa’t isa. Pareho silang laki sa hirap at nagsikap para magkaroon ng magandang buhay. Kilalang kilala nila ang isa’t isa at noon pa mang mga bata sila ay napagkakamalan silang magkasintahan dahil sweet sila sa isa’t isa. Aaminin din niya na maraming beses siyang nagkaroon ng crush sa lalaki pero napipigilan lang niya ang damdamin kasi nga matalik silang magkaibigan. Paano kung ganoon din pala si Julian? Paano kung ang sorpresang sinabi nito sa kaniya ay may kinalaman doon? “Uy, si tita, nagba-blush,” biglang sabi ng isa niyang pamangkin. Napakurap si Almira at uminit ng husto ang mukha nang magtawanan ang pamilya niya. Napailing na lang siya, tumalikod at mabilis na bumalik sa kanyang silid. Huminga siya ng malalim dahil bigla ay ang bilis ng t***k ng puso niya sa pagkasabik. Paano nga kung mas romantiko pala kaysa iniisip niya ang namamagitan sa kanila ni Julian? Nagkakahiyaan lang sila kaya nanatili sa pagiging matalik na magkaibigan. Paano kung talagang sila pala ang para sa isa’t isa? Hanap siya ng hanap ng taong mamahalin at makakasama niya sa buhay iyon pala malapit na sa kaniya ang taong hinahanap niya. Wala lang siyang lakas ng loob na aminin iyon sa kanyang sarili.   Lalong nasabik si Almira pumunta sa Las Vegas. Sabik na siyang makita si Julian. Mag-fa-file na siya ng leave bukas na bukas din. Para siguradong maaprubahan kaagad. Wala ng atrasan ang pag-alis niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD