KINABUKASAN nakatanggap ng tawag si Almira mula kay Brad. Kauuwi lang niya sa bahay nila at ni hindi pa nga nakakarating sa silid niya. Gising na ang pamilya niya. Ang nanay at tatay niya ay kanina pa daw nagpunta sa palengke, sa pwesto nila doon. Ang mga hipag niya ay abala sa kusina, naghahanda ng kakainin at babaunin ng mga asawa at mga anak. Ang mga pamangkin naman niya ay nanonood ng pang-umagang cartoons sa telebisyon. Ang nangyari tuloy ay maingay na sa bahay nila dahil magkanugnog lang naman ang kusina at sala nila. Kaya nang walang ingat na sinagot niya ang cellphone niya at napa-“Hello, Brad?” siya ay narinig siya ng pamilya niya at napatingin sa kaniya lahat. Natigilan si Almira at nagtaka sa reaksiyon ng mga ito. Bakit parang manghang mangha ang pamilya niya? Kinunutan niya ng