Tahimik niyang pinapanood ang Papa niya habang nakahiga ito sa sahig paharap sa ilalim ng isang pulang kotse.
Abala ito sa pagkukumpuni sa ilalim ng sasakyan kaya hindi namalayan ang pagdating niya at paglapit dito.
Lumapit sa kanya ang gwardiya at nag-alok na tatawagin si Mang Vic pero tumanggi siya.
Gusto niya lang itong makita pero hindi niya alam kung kaya niyang kausapin.
Masamang masama ang loob niya sa ginawa nitong pagsisinungaling sa kanya at kung maaari lang sana ay ayaw niya itong makita pero gusto niyang malaman mula rito kung bakit niya iyon nagawa sa kanya.
Wala naman siyang ibang ginusto kundi ang makilala ang mga magulang niya. Kung buhay pa ba ang mga ito at kung hinanap ba siya?
Ni hindi nga niya inisip na sumbatan ang mga ito. At kung anuman ang dahilan nila kung bakit ayaw sa kanya at basta na lang iniwan sa bahay ampunan ay handa niyang tanggapin.
Kaya naman sobra sobra ang pasasalamat niya nang dumating ang Papa niya at ipinaramdam sa kanya ang halaga niya at pagmamahal na matagal niyang inasam.
Para sa kanya ay kalabisan na iyon sa hiniling niya kaya naman handa siyang gawin ang lahat para sa kapakanan nito.
Pero ang lahat pala ng iyon ay may kaakibat na kapalit.
Akala niya noon ay wala ng mas sasakit pa sa paghihiwalay nila ni Duncan. Pero ngayon ay mas dobleng sakit ang nararamdaman niya dahil sa natuklasan at sa mga nangyayari sa buhay niya.
Bakit ba ang hirap makatagpo ng totoong pagmamahal? Paano siya makakayang mahalin ng ibang tao kung sarili niyang magulang ay isang kagamitan lang ang turing sa kanya?
Siguro ay ganoon talaga ang nakatakda sa mga katulad niyang sa simula pa lang na ilabas sa mundo ay hindi na buo ang pagkatao.
Ilang sandali pa niyang pinagmasdan ang Papa niya saka nagpasyang umalis. Pero nakakailang hakbang pa lang siya ay narinig niya ang boses nito na tinatawag ang pangalan niya.
Tumigil siya saka atubiling nilingon ito. Nakaupo pa ito sa sahig saka tumayo habang inilalapag ang mga tools na hawak nito.
Ngumiti ito at tila nahihiyang lumapit sa kanya habang pinupunasan ng towel ang pawis sa noo pababa sa braso nito na puno ng grasa.
“Alena? Anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman na nandito ako? Pasensya ka na, amoy pawis ang Papa mo,” nahihiyang sambit nito.
Kung hindi niya pa nalaman ang kasinungalingan nito ay iisipin niyang ma-swerte na rin sana niya sa ama. Maalaga naman ito at malambing pero hindi niya sigurado kung pati ba iyon ay kasama sa pagpapanggap nito.
Walang ngiting tiningnan niya lang ang Papa niya at pinagmasdang mabuti ang itsura nito.
He looks younger than his age of forty five. Ngayon niya lang napansin na matikas ang pangangatawan nito at hindi mababanaag ang anumang sakit sa pangangatawan nito.
Napapikit siya at umiling.
Tila naman nakaramdam ng kakaiba ang kanyang Papa sa paraan ng pagmamasid niya rito.
Mabilis itong nagpaalam sa manager at nagpalit ng damit pagkatapos ay iginiya siya palabas.
Tahimik lang siyang sumunod dito hanggang sa pumasok sila sa isang maliit na restaurant na malapit sa pinagta-trabahuhan nito.
Umupo ito sa katapat niyang upuan habang parehong nagpapakiramdaman.
Hindi naman nakatiis ang Papa niya na unang bumasag sa katahimikan.
Tumikhim ito habang nakayuko saka naninimbang na tumingin sa kanya. “Anong gusto mong kainin? Masasarap ang mga pagkain dito. Sandali, tatawag lang ako ng—”
“Hindi ako nagugutom, Pa.” Mababa ang boses na pigil niya rito.
Tiningnan niya itong mabuti saka pilit pinipigilan ang sarili na umiyak. Mas nasasaktan siya sa ipinapakita nitong kabaitan sa kanya na alam niyang parte lang ng pagpapanggap nito.
Unti-unting nawala ang mga ngiti nito at pinagmasdan siya sandali. Tumuwid ito ng upo saka napapakurap na tumingin sa kanya. “M.. may problema ba?”
“Hindi mo na kailangang magpanggap na mabuting ama sa ‘kin. Hiwalay na kami ni Duncan at alam mo naman na wala akong kinuha na kahit ano mula sa kanya. Kaya wala na rin akong maibibigay sa ‘yo.”
Napatigil ito sandali saka malungkot na tumingin sa kanya. “Anong ibig mong sabihin?”
Alam niya kung ano ang pinupunto ni Alena at sigurado siya na ito na ang oras na kinatatakutan niya. Ang oras na malaman nito ang malaking kasalanang ginawa niya at pagkatapos ay ang posibleng tuluyang pagkamuhi nito sa kanya.
Mariin niyang kinagat ang labi saka umiling. “Alam ko na ang lahat, Pa… Nakausap ko na ang doctor mo.” Umpisa niya.
Pinagmasdan niyang maigi ang ama na tila hindi nagulat sa sinabi niya. Tila ba inaasahan na nito ang sandaling kumprontahin niya ito.
“Mycoplasma pneumonia,” umiiling na patuloy niya habang hindi inaalis ang mga mata sa kausap. “Pero noong dumating ka.. nang nagpakilala ka sa akin ay halos nag-aagaw buhay ka na.”
“Anak…”
Tinangka nitong hawakan ang kamay niya pero mabilis niyang inilayo iyon.
“Alam mo ba ang pakiramdam ko noon nang makilala ka? Sobra-sobrang saya ko at pasasalamat na binalikan mo ‘ko. ‘Yong lahat ng sama ng loob ko sa ‘yo, sa inyo ng babaeng nagluwal sa akin ay biglang naglaho... Sa isang iglap ay napawi ang lahat ng lungkot at pangungulila ko sa inyo. Na ang dumating ka lang at malaman na may halaga ako sa ‘yo ay sapat na para kalimutan ko ang lahat ng hirap at pagdurusa na naranasan ko kung saan mo ‘ko iniwan,” aniya habang pilit na pinatatag ang boses. “Pero ngayon ay malinaw na sa ‘kin na binalikan mo lang pala ako dahil may iba kang pakay. Dahil nalaman mo na mayaman ang nobyo ko kaya hiniling mo na magpakasal kami bago ka mamatay…” Punong puno ng sama ng loob na pahayag niya.
Tahimik lang itong nakikinig sa kanya habang nananatiling nakayuko. Lalo naman bumigat ang dibdib niya dahil wala yata itong balak kontrahin ang mga paratang niya.
Ang pananahimik nito ay tanda lang na inaamin nito at pinapatunayan na tama lahat ang konklusyon niya.
Hindi na niya napigilan ang sarili at tuloy tuloy na pumatak ang mga luha niya. “Paano mo nagagawa ‘yan, Pa? Sana hindi mo na lang ako binalikan. Alam mo ba na dahil sa ginawa mo kaya kami naghiwalay ni Duncan? Matagal na niyang alam na nagsisinungaling ka pero sinakyan niya ang panghuhuthot mo ng pera. Pinagbigyan ka niya. Pero lahat ng bagay ay may katapusan… Pero alam mo kung anong mas masakit do’n? Ikaw na akala ko ay bubuo sa pagkatao ko pagkatapos ng napakahabang panahon ang siya pa rin palang sisira sa buhay ko at tatapos sa kaligayahan ko.”
Marahan niyang pinunasan ang basang pisngi. Gusto niyang sumbatan ito at ipaalam kung gaano kabigat ang nararamdaman niya.
Nanatiling nakayuko ang Papa niya. Pero hindi nakaligtas sa kanya ang palihim nitong pagpunas ng mga mata at pagtiim ng mga labi.
Nang iniangat nito ang tingin sa kanya ay bahagya ng namumula ang mga mata nito. “Hindi ko alam kung paano ako magpapaliwanag, anak… Napakalaki ng kasalanan ko sa ‘yo… Alam kong mahirap paniwalaan ang sasabihin ko dahil sa mga kagaguhang nagawa ko pero pinagsisihan ko ang lahat ng iyon.. Sinusubukan kong magbago at ituwid ang buhay ko.. Maniwala ka, humahanap lang ako ng tamang pagkakataon para ipagtapat sa ‘yo ang lahat..”
Hindi siya sumagot. Nakatingin lang siya sa mga mata nito. Hindi na niya alam kung dapat pa siyang maniwala rito. She’s been hurt and totally broken.
Kipkip ang sama ng loob ay tumayo siya at iniwan itong nakasunod lang ang tingin sa kanya.
Iwinaksi niya ang kanang braso nang subukan nitong hawakan iyon upang pigilan siya.
Hindi na niya kailangang marinig pa kung anuman ang maaari pa nitong sabihin o i-katwiran sa ginawang panloloko sa kanila.
Sapat na inamin nito ang ginawang kasalanan. Pero kung kailan niya matatanggap at mapapatawad ang ginawa nito ay hindi niya alam.