“So, what’s your plan now?” nakangiwing tanong ni Lulu pagkatapos niyang i-kwento rito ang natuklasang ginawa ng Papa niya.
Sinundan niya ito nang tingin nang pumasok sa kusina pagkatapos ay agad din bumalik na may dalang dalawang baso ng juice.
Wala siyang ibang maisip puntahan pagkatapos nilang mag-usap ng Papa niya. Sakto naman na tinawagan siya ni Lulu at niyayang lumabas pero minabuti niya na sa condo na lang nito dumiretso.
Bumuntong hininga siya saka nagkibit ng balikat. Kinuha niya ang isang baso ng juice na iniabot sa kanya ni Lulu saka uminom doon bago sumagot, “I honestly don’t know. Masama ang loob ko kay Papa pero hindi ko kayang magalit sa kanya. Siya na lang ang pamilya ko.”
“So, babalik ka sa bahay niya?.. You know, I think mabait naman si Tito Vic...Hindi kaya nagawa iyon ng Papa mo dahil sa impluwensya ng stepmother mo?”
Napatigil siya at nakakunot ang noong napatingin sa kaibigan.
“Well, base na rin sa nai-kwento mo. Sabi mo, nag-iba ang treatment niya sa ‘yo when she learned that you divorced Duncan.” Tumigil ito sandali saka nakangiwing tumingin sa kanya. “Besh, feeling ko lang ha? Noon ko pa naman kasi napansin, the first time I met her sa hospital. Ayoko lang mag-conclude pero hindi maganda ang pakiramdam ko sa stepmom mo. I felt, she’s the typical kontra-bida stepmother. Alam mo ‘yon, parang kay Cinderella,” nakangusong sambit nito na bahagya pang itinaas ang kilay.
Ganoon din naman ang una niyang naramdaman nang makilala niya si Berna but she dismissed the idea that she could be the typical stepmom na karaniwang isinusumpa ng mga anak ng kinakasama.
Mabait naman ito sa kanya at walang ipinakitang hindi maganda noon except nitong mga nakaraang araw na nakasama na niya sa iisang bubong.
Pakiramdam pati niya ay mahal na mahal iyon ng Papa niya kaya hindi niya pinag-isipan nang masama.
“Hindi ko alam. Pero ang malinaw sa ‘kin ay ang kahihiyang nararamdaman ko ngayon. Kay Duncan at sa pamilya niya. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung saan nila ginamit ang pera. Sobrang laki ng halagang ibinigay ni Duncan kay Papa. Paano ko naman maibabalik sa kanya ‘yon?”
“But you don’t have to return that money…”
Napayuko siya nang tumunog ang cellphone niya. Kinuha niya iyon mula sa bulsa saka tiningnan kung sino ang tumatawag.
Ibinaba niya agad iyon at hinayaang tumunog nang makita ang pangalan ng Papa niya.
Tumahimik siya at tumingin sa kawalan.
Hindi naman nag-usisa pa si Lulu nang masilip ang patuloy na nagri-ring niyang telepono. Tumayo siya at ipinasyang iwan muna ito roon mag-isa.
“Gusto mo bang magpahinga muna sa kwarto? Pupunta lang ako sa supermarket para may mailuto tayo,” anito habang kinukuha ang bag at susi ng kotse. “Ok ka lang ba rito o gusto mong sumama?”
Tumingin siya rito sandali saka umiling. “Dito na lang muna ako, Lulu. Ako na lang ang magluluto pagdating mo.”
Tumango naman ito. Hinawakan pa siya nito sa balikat bago tuluyang lumabas.
Pagkaalis ng kaibigan ay muling tumunog ang cellphone niya.
Duncan is calling.
Tinitigan niya ang screen ng cellphone pero hindi niya iyon sinagot. Gusto muna niyang makapag-isip bago ito harapin.
At makapag-ipon ng sapat na lakas ng loob bago ito kausapin.
Muling tumunog ang cellphone niya pero sa pagkakataong ito ay hindi niya kilala ang numerong lumabas.
Hindi niya sana sasagutin iyon pero aksidenteng napindot niya ang answer button.
Wala siyang nagawa kundi pakinggan ang tumatawag pero napakunot ang noo niya nang magpakilala ang nasa kabilang linya.
“Henry?..”
“Nakaistorbo ba ako, Alena?” nag-aalalang boses ang narinig niya mula sa kabilang linya.
“May kailangan ka ba?” Sa halip ay balik tanong niya rito.
Sandaling dumaan ang katahimikan sa pagitan nila.
“Hindi ko sinasadyang marinig ang usapan nina Tita Bern at Mang Vic kanina tungkol sa ginawa nila.” Tumigil ito sandali saka narinig niya ang malalim nitong pagbuntonghininga. “Hindi ko akalain na magagawa iyon ni Mang Vic, kung alam ko lang…”
“A.. anong ibig mong sabihin?”
Pagkatapos niyang pakinggan ito ay sumang-ayon siya na makipagkita rito.
Pumasok siya sa isang hotel na sinabi nito kung saan ito nagta-trabaho ayon dito.
Pagdating sa lounge ay nakasalubong niya na si Henry. Nakasuot pa ito ng pang valet uniform nang nakangiting lumapit sa kanya.
Niyaya siya nitong kumain pero tumanggi siya. Sumunod naman siya rito nang ayain siya nito sa backyard garden ng hotel.
Ipinaghila siya nito ng upuan mula sa isang four seater wooden table under the white big umbrella.
May ilan din mga umuokupa sa mga katabing mesa na tingin niya ay parang mga guest sa hotel na iyon.
Umupo siya pagkatapos ay sa katapat na upuan naman niya naupo si Henry.
Seryoso ang mukhang tiningnan niya ito. Hindi niya alam kung bakit sumang-ayon siya na makipagkita rito.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin buo ang tiwala niya rito. May iba siyang pakiramdam dito na hindi niya matukoy.
Pero sa loob ng maikling panahon na pananatili niya sa bahay ng Papa niya na madalas niya itong makita ay wala naman itong ipinakita sa kanya na hindi maganda.
“Nalaman mo na pala ang totoong kalagayan ni Mang Vic.” Umpisa nito. “Nakakalungkot lang na kailangan pa niyang magsinungaling at gamitin ka…”
“Anong alam mo tungkol kay Papa?”
Sumulyap ito sa kanya saka iniwas ang tingin. Umiling-iling ito saka nagpatuloy, “Ayoko sana sa akin manggaling pero noon ko pa gustong sabihin sa ‘yo ang totoo lalo na’t nahihirapan ka nang tustusan ang inaakala mong sakit ni Mang Vic.”
Nanatili siyang walang imik habang mataman lang na nakikinig dito.
“Hindi sang-ayon si Tita Bern sa ginagawa ni Mang Vic pero wala naman siyang magawa dahil masasaktan lang siya kapag hindi siya sumunod.”
Napansin niya ang pagtalim ng mga mata nito habang sinasabi iyon.
“Lulong sa drugs ang Papa mo…” nag-aalinlangang usal nito.
Napaawang ang labi niya at gulat na tinitigan itong mabuti.
Kailan pa?
“Bukod doon ay nalulong din siya sa pagka-casino kaya marami siyang pinagkakautangan at may mga kaso ng estafa… Kaya ang tanging nakita niyang solusyon para makabayad sa mga utang, malusutan ang mga kaso niya at maipagpatuloy ang mga bisyo niya ay ikaw. Sa pamamagitan ng pera ng dati mong asawa,” anito na hindi inaalis ang mga mata sa kanya.
Napalunok siya at hindi makapaniwalang ipinilig ang ulo. Totoo ba ang lahat ng sinasabi nito sa kanya? Halos hindi ma-proseso ng utak niya ang mga nalaman.
Bakit hindi niya nalaman agad iyon? Bakit hindi man lang niya nahalata ang ganoong klase ng pagkatao sa sarili niyang ama? Ibig sabihin lang ba noon ay pinagplanuhan talaga nitong mabuti ang paglapit at pakikitungo sa kanya para mapasunod siya?
Yumuko siya at ikinurap kurap ang kanyang mga mata pagkatapos ay mariing pumikit saka umiling.
Hindi man niya nakasama nang matagal ang ama pero tumatanggi ang isip niya na ganoong klase ng tao ang Papa niya tulad ng naririnig niya ngayon.
Naramdaman niya ang paggagap sa kamay niya kaya agad siyang napatingin sa kaharap.
Nasalubong niya ang malamlam na mga mata ni Henry na tila nakiki-simpatya sa kanya.
Pero sa halip na gumaan ang loob niya ay nakaramdam siya ng pagkailang sa paghawak nito sa kamay niya kaya umiwas siya ng tingin dito.
Pero bago pa niya mabawi ang kamay niya na hawak ni Henry ay may humablot na sa braso niya.
Napaangat siya ng tingin at sinundan ang may ari ng kamay na mahigpit na nakahawak sa palapulsuhan niya.
Napalunok siya nang makita si Duncan na halos magdikit na ang mga kilay na nakatingin sa kanya pagkatapos ay matalim ang mga matang ibinaling sa kaharap niya.
Sinalubong ni Henry ang masamang tingin ni Duncan. Gumalaw ang panga nito at ikinuyom ang mga kamay.
Napansin iyon ni Alena kaya nagtatakang iniangat niya ang mga mata rito. Tumingin naman sa kanya si Henry na biglang nagbago ang ekpresyon ng mukha.
Bahagya itong huminga nang malalim habang nakangiti sa kanya pagkatapos ay tumayo ito saka nagpaalam sa kanya na mauuna na itong umalis.
“What are you doing here? At bakit mo kasama ang lalaking ‘yon?” galit na tanong ni Duncan hindi pa man nakakalayo nang husto si Henry. “I called you many times pero hindi mo sinasagot and yet, here you are, flirting with that assh*le.”
Napaawang ang labi niya saka masama ang tinging ipinukol dito.
Iwinaksi niya ang kamay na mahigpit pa rin nitong hawak. She smirked and shook her head while staring at him as if she was looking at the most unbelievable person.
Marami na siyang problema at iniisip. Kaya imbes na patulan ito ay minabuti niyang iwan na lang ito.
Mabilis siyang lumabas ng hotel pero sumunod sa kanya si Duncan.